Mula sa Aming mga Mambabasa
Hindi Anti-Semitiko Salamat at hindi ninyo itinatago ang mga bagay na ikinalulungkot ninyong sinabi ninyo. Bagaman gusto ko sanang makabasa ng paghingi ng paumanhin dahil sa pananalitang ito, ang inyong paliwanag tungkol sa konteksto ay sapat na. Pakisuyong ituloy ninyo ang inyong mainam na gawain, sa pagkaalam na pinahahalagahan ng inyong mga mambabasa ang pagiging kumpleto at katapatan ng Gumising!
W. H., Estados Unidos
Tinutukoy ng mambabasa ang mga pangungusap sa “Deklarasyon ng mga Katotohanan,” isang resolusyon na pinagtibay noong 1933 sa isang kombensiyon sa Berlin, Alemanya. (Tingnan ang “Mga Saksi ni Jehova—May Lakas ng Loob sa Harap ng Banta ng Nazi,” sa Hulyo 8, 1998 na isyu ng “Gumising!”) Gaya ng binanggit ng artikulo, walang anumang nakasaad sa deklarasyon noong 1933 na nilayong magpahayag o magbigay-katuwiran sa pagkapoot sa mga Judio, at ikinalulungkot namin kung ang ilang pangungusap ay nagbigay ng ganiyang impresyon sa ngayon. Kung mayroong sinuman noong mga taon ng 1930 ang may pagkaunawa na ang “Deklarasyon ng mga Katotohanan” ay nangangahulugang anti-Semitiko ang mga Saksi ni Jehova, ang ganitong maling impresyon ay madaling maitutuwid kung makikita ang lakas ng loob at pagkamadamayin ng indibiduwal na mga Saksi alang-alang sa mga Judio. Bukod dito, ang mga publikasyon ng Samahang Watch Tower ay kabilang sa mga unang naglantad at nagpahayag ng pagkagalit sa naging pagtrato sa mga Judio sa Europa.—ED.
Pagpapalaki sa Pitong Anak na Lalaki Hindi ko maaaring palampasin ang pagkakataong ito na pasalamatan kayo para sa artikulong “Ang mga Hamon at Pagpapala sa Pagpapalaki ng Pitong Anak na Lalaki.” (Enero 8, 1999) Natuklasan ko na ang pagpapalaki ng isang tin-edyer ay isang totoong hamon, lalo na para sa isang biyuda. Saka ko lamang natanto na posibleng malampasan ko ang yugtong ito sa buhay ng aking mga anak nang mabasa ko ang artikulong ito.
A. R., Estados Unidos
Ako ay galing din sa isang pamilya na may pitong anak. Hanggang kamakailan, nagkakaisa kami sa paglilingkod kay Jehova. Subalit mga anim na buwan ang nakalipas, natiwalag ang isa sa aking nakababatang kapatid na babae. Nang una kong makita ang artikulo, ayaw kong basahin ang kuwento tungkol sa isang matagumpay na pamilya. Nanalangin ako na sana’y maaari akong makinabang sa artikulo nang hindi nakadarama ng pagkainggit. Ako’y lubhang napatibay-loob na malaman na may isang pamilya na may karanasang tulad ng sa amin at na si Jehova ay nababahala sa aming situwasyon. Nais kong pasalamatan ang mga Dickman sa pagkukuwento ng kanilang kasaysayan. Natitiyak kong lalong napatibay at naaliw sa artikulong ito ang aking mga magulang at nakababatang mga kapatid.
W. Y., Hapon
Mga Marka sa Mukha Taos-pusong pasasalamat sa artikulong “Mga Marka sa Mukha—Naglalahong ‘Pagkakakilanlang Kard’ ng Nigeria.” (Enero 8, 1999) Kaming mag-asawa ay may mga kaibigan mula sa Aprika na may mga marka sa mukha, at tinatanong namin kung ano ang mga ito. Nasagot ang aming tanong sa pamamagitan ng inyong artikulo.
M. V., Italya
Mga Leon Salamat sa artikulong “Mga Leon—Ang Mariringal na Pusang May Kilíng Mula sa Aprika.” (Enero 22, 1999) Napakahalaga sa akin ng artikulong ito, yamang matagal na akong mahilig sa mga leon. Hinahangaan ko sila nang husto dahil sila’y magaganda at matatapang. Balang araw ay nais kong makasama “ang may-kilíng na batang leon.”—Isaias 11:6, 9.
E. A. S., Brazil
Mga Halaman Laban sa Polusyon Ang maikling artikulo na “Mga Halaman Laban sa Polusyon” (Enero 22, 1999) ay talagang namumukod-tangi. Walang-alinlangang pinatunayan ng impormasyon na kinakailangang may isang maibigin, mapagmalasakit at matalinong Maylalang. Ipinakita nito kung paano nilalang ni Jehova ang lupa upang pangalagaan ang sarili nito, kahit na nanganganib ito dahil sa mga pagsisikap ng tao na sirain ang lupa. Pinatibay rin ng artikulo ang aking pag-asang mabuhay sa Paraiso na ipinangako ni Jesus sa Lucas 23:43.
R. J., Estados Unidos