Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g99 11/8 p. 24-25
  • Ang Nuwes ng Tagua—Makapagliligtas ba Ito ng mga Elepante?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Nuwes ng Tagua—Makapagliligtas ba Ito ng mga Elepante?
  • Gumising!—1999
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Kakaibang Puno ng Palma
  • Kung Bakit Kaibigan ng Elepante
  • Maraming Gamit ang Tagua
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1992
  • Mula sa Aming mga Mambabasa
    Gumising!—2000
  • Pagmamasid sa Daigdig
    Gumising!—1991
  • Garing—Gaano Kahalaga Ito?
    Gumising!—1998
Iba Pa
Gumising!—1999
g99 11/8 p. 24-25

Ang Nuwes ng Tagua​—Makapagliligtas ba Ito ng mga Elepante?

NG KABALITAAN NG GUMISING! SA ECUADOR

HINDI mo aakalain na magkaibigan sila. Ang isa’y tumitimbang ng ilang gramo; ang isa naman, ay ilang tonelada. Ang isa ay halaman; ang isa naman ay hayop. Nabubuhay sila sa magkahiwalay na kontinente. Gayunman, ang maliit na nuwes ng tagua ng Timog Amerika ay makapagliligtas sa malakas na elepante ng Aprika mula sa walang-patumanggang pagpatay sa mga ito. Ano ba ang nuwes ng tagua, at paano ito naging kaibigan ng elepante?

Isang Kakaibang Puno ng Palma

Ang nuwes ng tagua ay buto ng isang partikular na uri ng puno ng palma na pangunahin nang matatagpuan sa hilagang Timog Amerika. Ang mabagal-lumaking mga punong ito ay kakikitaan ng magagandang palapa na tumutubo mula sa lupa. Sa loob ng maraming taon ay walang makikitang puno. Ang isang palma ng tagua na ang puno ay umabot sa taas na dalawang metro ay di-kukulangin sa 35 hanggang 40 taong gulang na. Ang malalaki’t mahihiblang kumpol ay tumutubo mismo sa ilalim ng mga palapa. Ang kumpol, na kadalasang tumitimbang nang mga 10 kilo, ay binubuo ng tila-kahoy na masisinsing bunga. Ang bawat bunga ay karaniwan nang naglalaman ng mula apat hanggang siyam na buto, na halos kasinlaki at kasinghugis ng itlog ng manok. Sa unang yugto, ang mga butas sa buto ay naglalaman ng nakapapatid-uhaw na likido na katulad ng sabaw ng niyog. Sa ikalawang yugto, ang likido ay namumuo at nagiging matamis na gulaman na nakakain. Sa ikatlo at panghuling bahagi, ang gulaman ay gumugulang at nagiging matigas at maputing sangkap na kapansin-pansing nakakatulad ng garing mula sa hayop.

Kung Bakit Kaibigan ng Elepante

Bilang kapalit ng garing, ang nuwes ng tagua ay tunay na masasabing kaibigan ng elepante. Ang walang-awa at ilegal na pangunguha ng garing mula sa hayop ay nagsasapanganib sa kaligtasan ng elepante ng Aprika. Gayunman, ang nuwes ng tagua ay naging praktikal na pamalit, yamang ang garing mula sa halaman ay nakakahawig ng katumbas nito mula sa hayop, na napakatigas, anupat napapakintab na mabuti, at madaling tinaan. Napakalaki ng pagkakatulad ng garing mula sa tagua at mula sa hayop anupat ang mga artisano ay kadalasang nag-iiwan sa produkto nila ng kapirasong kulay-kapeng bao nito upang patunayan na hindi sila gumagamit ng garing mula sa elepante​—isang materyales na ipinagbabawal sa buong daigdig.

Ang garing mula sa halaman ay hindi isang bagong tuklas. Noon pa mang 1750, ang prayle sa Timog Amerika na si Juan de Santa Gertrudis ay bumanggit na hinggil sa mga nuwes ng tagua sa kaniyang mga ulat, anupat inihahambing ang mga ito sa “mga bola ng marmol” na inuukit upang gawing mga pigurin. Sa pagsisimula ng dekada 1900, ang Ecuador, na pangunahing pinagmumulan ng tagua, ay nagluluwas ng libu-libong tonelada ng mga nuwes taun-taon, pangunahin na para sa paggawa ng butones. Pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig II, ang pagdating ng bago at murang mga plastik ang tuluyang nagpahinto sa kalakalan ng tagua. Bilang palatandaan ng kasalukuyang pagpapanumbalik ng garing na mula sa halaman, sa loob lamang ng nakalipas na 18 buwan, 1,650 tonelada ang iniluwas mula sa Ecuador patungong Alemanya, Italya, Hapon, Estados Unidos, at 18 iba pang mga bansa.a Paano ba pinoproseso at ginagamit ang tagua ngayon?

Maraming Gamit ang Tagua

Ang mga buto ay pinatutuyo sa mainit na araw sa loob ng isa hanggang tatlong buwan, depende sa laman nitong tubig. Pagkatapos, binabalatan ang mga ito ng makina, inuuri ayon sa laki, at pinuputol ng pira-piraso para gamitin sa paggawa ng butones. Sa katunayan, napapalamutian ng “garing” na mga butones na gawa sa tagua ang ilan sa de-kalidad na pananamit sa buong daigdig. Gayunman, ang tagua ay hindi lamang ginagamit na butones. Ang alahas, piyon ng chess, mga reed para sa mga instrumentong hinihipan, teklado ng piyano, at tatangnan ng payong ay ilan lamang sa sari-saring produkto na gawa mula sa tagua.

Ngunit higit pa ang mapaggagamitan sa palma ng tagua! Ang pinong pulbos na naiwan pagkatapos ng paggawa ay ginagamit na pataba sa mga pagkain ng hayop. Nagsisilbi rin itong pamparikit ng apoy para sa paggawa ng uling. Ang mga dahon ng palma ay nagagamit na pambubong na matibay sa tubig. Karagdagan pa, ang pag-aani at pagpoproseso at gayundin ang pagluluwas ng tagua ay naglalaan ng hanapbuhay para sa marami.

Higit sa lahat, malaki ang maitutulong ng garing mula sa halaman upang maingatan ang elepante ng Aprika. Kaya kung maluho ka sa garing, hindi ka na kailangang maghanap pa sa kaparangan ng Aprika. Isaisip mo ang mauulang gubat ng Timog Amerika, kung saan napakaraming garing anupat tumutubo ito sa mga puno! Oo, isaisip ang nuwes ng tagua, ang kaibigan ng elepante.

[Talababa]

a Sa pagitan ng Enero 1, 1994, at Hunyo 15, 1995.

[Mga larawan sa pahina 24, 25]

1. Palma ng tagua

2. Mga kumpol ng bunga ng tagua

3. Pagkakahati na nagpapakita sa mga buto ng tagua

4. Ang mga natuyong buto ng tagua ay nagiging matigas na nuwes

5. Mga butones na tagua

6. Alahas na tagua na may kalupkop na nakar

7. Mga piguring tagua

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share