Paghahanap ng Magandang Buhay
“Habang nagpapatuloy ang ikadalawampung siglo, ang pang-araw-araw na buhay para sa maraming tao . . . ay binago ng pagsulong sa siyensiya at teknolohiya.”—The Oxford History of the Twentieth Century.
ANG isa sa malaking pagbabago sa panahong ito ay may kinalaman sa populasyon. Walang ibang siglo ang nagkaroon ng gayong kabilis na pagdami ng populasyon sa daigdig. Naabot nito ang halos isang bilyon noong mga unang taon ng dekada ng 1800 at halos 1.6 bilyon noong 1900. Sa taóng 1999, ang populasyon ng daigdig ay umabot sa anim na bilyon! At gusto ng nakararami sa lumalaking populasyon na ito ang tinatawag na mabubuting bagay sa buhay.
Ang pagsulong sa medisina at ang mas madaling makuhang pangangalagang pangkalusugan ay nakatulong sa pagdaming ito ng populasyon. Ang katamtamang inaasahang haba ng buhay ay tumaas sa mga lugar na gaya ng Australia, Alemanya, Hapón, at Estados Unidos—mula sa wala pang 50 taon sa pasimula ng siglo tungo sa mahigit na 70 taon ngayon. Gayunman, ang positibong kalakarang ito ay hindi gaanong nakikita sa ibang lugar. Nanatili pa ring 50 taon o kulang pa rito ang inaasahang haba ng buhay ng mga taong nakatira sa di-kukulanging 25 bansa.
‘Ano ang Ginawa Mo Noon . . . ?’
Kung minsan ay hindi maunawaan ng mga kabataan kung ano ang ginawa ng kanilang mga ninuno noong wala pang mga eroplano, computer, telebisyon—mga bagay na itinuturing na ordinaryo sa ngayon at ipinalalagay pa nga bilang mga pangangailangan ng mga tao sa mas mayayamang lupain. Halimbawa, isaalang-alang kung paano binago ng kotse ang ating buhay. Ito’y naimbento sa pagtatapos ng ika-19 na siglo, subalit ganito ang sinabi ng Time kamakailan: “Ang kotse ay isa sa mga imbensiyon na naglalarawan sa ika-20 siglo mula sa pasimula hanggang sa katapusan.”
Tinataya na noong 1975, bawat ikasampung tao na mga manggagawa sa Europa ay mawawalan ng trabaho kung biglang maglalaho ang mga sasakyan. Bukod sa maliwanag na epekto sa industriya mismo ng mga sasakyan, magsasara ang mga bangko, shopping mall, drive-in na restawran, at iba pang bahay kalakal na umaasa sa mga parokyanong may sasakyan. Palibhasa’y walang paraan upang dalhin ng mga magsasaka ang kanilang mga paninda sa pamilihan, unti-unting hihinto ang sistema ng pamamahagi ng pagkain. Ang mga manggagawang nakatira sa labas ng siyudad ay mahihiwalay sa kanilang mga trabaho. Hindi na magagamit ang mga superhaywey na nagsasangang-daan sa tanawin.
Upang madagdagan ang produksiyon ng kotse at mapababa ang halaga, ipinakilala sa pasimula ng siglong ito ang mga assembly line, na karaniwan ngayon sa karamihan ng mga industriya. (Dahil sa mga assembly line, maaaring gumawa nang maramihan ng iba pang produkto, gaya ng mga kagamitan sa kusina.) Sa pagsisimula ng siglo, ang kotse ay isang laruan ng mayayaman sa ilan lamang lupain, subalit ito ngayon ang sasakyan ng karaniwang tao sa maraming dako ng daigdig. Gaya ng pagkasabi rito ng isang awtor, “ang buhay sa mga huling taon ng ika-20 siglo ay halos mahirap isipin kung walang mga sasakyan.”
Paghahanap ng Kaluguran
Ang paglalakbay ay nangangahulugan noon ng pagtungo kung saan kailangan mong magtungo. Subalit sa ika-20 siglo, nagbago ang mga bagay-bagay—lalo na sa maunlad na mga lupain. Palibhasa’y mas madaling makakuha ng mga trabahong may malaking kita at habang umuunti naman ang pagtatrabaho sa sanlinggo tungo sa 40 oras o wala pa, ang mga tao’y may pera at panahon upang maglakbay. Ang paglalakbay ngayon ay nangangahulugan ng pagpunta kung saan mo gustong magtungo. Pinadali ng mga kotse, bus, at eroplano ang pagtataguyod ng libangan sa malalayong lugar. Naging malaking negosyo ang pagdagsa ng mga turista.
Ayon sa The Times Atlas of the 20th Century, ang turismo ay “may malaking epekto, kapuwa sa mga bansang tumatanggap ng mga turista at sa kanilang mga katutubong bansa.” Ang ilang epekto ay negatibo. Kadalasang ang mga turista ang dahilan ng pagkasira ng mismong mga bagay na nakaakit sa kanila.
Ang mga tao rin ngayon ay may higit na panahon upang itaguyod ang isports. Marami ang naging mga kalahok; ang iba naman ay kontento na sa pagiging masugid, at kung minsan ay magulo, na mga tagahanga ng kanilang paboritong mga koponan o manlalaro. Sa pagdating ng telebisyon, ang mga laro sa palakasan ay napapanood halos ng lahat. Ang mga laro sa palakasan sa loob ng bansa at gayundin sa ibang bansa ay pinanonood ng milyun-milyong tuwang-tuwang manonood ng telebisyon.
“Ang isport at pelikula ang nagtatag ng katangian ng industriya sa paglilibang ng nakararami, na isa ngayon sa nag-eempleo ng pinakamaraming tao at pinakamalaking kumita sa daigdig,” sabi ng The Times Atlas of the 20th Century. Taun-taon ang mga tao’y gumugugol ng bilyun-bilyong dolyar sa paglilibang, kasama na ang pagsusugal, isang paboritong anyo ng paglilibang para sa marami. Halimbawa, itinala ng isang pag-aaral noong 1991 ang pagsusugal bilang ang ika-12 pinakamalaking industriya sa European Community, na may taunang kita na di-kukulangin sa $57 bilyon.
Habang nagiging pangkaraniwan ang gayong paglilibang, ang mga tao’y nagsimulang humanap ng mga bagong bagay na nagdudulot ng labis na katuwaan. Halimbawa, ang kanilang pag-eeksperimento sa droga ay napakalaganap anupat noong kalagitnaan ng dekada ng 1990, ang ipinagbabawal na kalakalan ng droga ay nagkakahalaga ng tinatayang $500 bilyon bawat taon, anupat ginagawa itong, gaya ng sabi ng isang akda, “ang iisang negosyo na may pinakamalaking kita sa daigdig.”
“Nililibang ang Aming Sarili Nang Labis-labis”
Ang teknolohiya ay nakatulong upang gawing isang pangglobong nayon ang daigdig. Ang mga pagbabago sa pulitika, ekonomiya, at kultura ay nakaimpluwensiya ngayon sa mga tao sa buong daigdig nang halos biglang-bigla. “Maliwanag, may iba pang mga panahon kung kailan nangyari ang panahon ng mga kaguluhan,” ang sabi ni Propesor Alvin Toffler, awtor ng Future Shock, noong 1970. Sinabi pa niya: “Subalit ang mga pagkasindak at pagkakagulong ito ay nasa loob ng mga hangganan ng isa o isang grupo ng kalapit na mga lipunan. Lumipas ang mga salinlahi, mga dantaon pa nga, upang lumaganap ang kanilang impluwensiya sa labas ng mga hangganang ito. . . . Ngayon ang magkakaugnay na kawing sa lipunan ay matindi ang pagkakaikid anupat ang mga resulta ng kasalukuyang mga pangyayari ay agad na kumakalat sa buong daigdig.” Ang satelayt na telebisyon at ang Internet ay gumanap din ng bahagi upang maimpluwensiyahan ang mga tao sa buong daigdig.
Sinasabi ng ilan na ang telebisyon ang pinakamaimpluwensiyang media ng ika-20 siglo. Isang manunulat ang nagkomento: “Bagaman pinupuna ng ilang tao ang nilalaman nito, walang sinuman ang nakikipagtalo tungkol sa kapangyarihan ng telebisyon.” Subalit ang telebisyon ay katulad lamang ng mga taong gumagawa ng mga programa nito. Kaya taglay ang kapangyarihan nito upang makaimpluwensiya sa ikabubuti, may kapangyarihan din itong makaimpluwensiya sa ikasasamâ. Bagaman naibigay ng mga programa na mababaw ang nilalaman, na punô ng karahasan at imoralidad, sa ilang tao kung ano ang gusto nilang makita, hindi napabuti ng mga programang ito ang mga kaugnayang pantao at kadalasan ay napalulubha pa nga ang mga ito.
Si Neil Postman, sa kaniyang aklat na Amusing Ourselves to Death, ay bumabanggit ng isa pang panganib, sa pagsasabing: “Ang problema ay hindi na ang telebisyon ay naghaharap sa atin ng nakalilibang na paksa kundi ang lahat ng paksa ay inihaharap na nakalilibang . . . Anuman ang inilalarawan o anuman ang pangmalas, ang nangingibabaw na palagay ay na naroroon ito para sa ating ikalilibang at ikalulugod.”
Habang mas inuuna ng mga tao ang kaluguran, bumababa naman ang espirituwal na mga pamantayan at moral. “Sa maraming bahagi ng daigdig, ang organisadong relihiyon ay nawalan na ng kapangyarihan sa ika-20 siglo,” ang sabi ng The Times Atlas of the 20th Century. Habang humihina ang espirituwalidad, nahigitan pa ng paghahanap ng kaluguran ang tunay na kahalagahan nito.
“Lahat ng Kumikinang . . .”
Maraming positibong pagbabago ang naglalarawan sa ika-20 siglo, subalit, gaya ng sinasabi ng isang kasabihan, “Hindi lahat ng kumikinang ay ginto.” Bagaman nakinabang ang mga indibiduwal sa mas mahabang buhay, ang pagdami sa populasyon ng daigdig ay nakagawa ng napakalaking bagong mga problema. Iniulat kamakailan ng magasing National Geographic: “Ang pagdami ng populasyon ay maaaring siyang pinakamalaking suliranin na napapaharap sa atin habang pumapasok tayo sa bagong milenyo.”
Ang mga kotse ay kapaki-pakinabang at nakasisiya subalit nakamamatay rin, gaya ng pinatunayan ng tinatayang sangkapat ng isang milyon na namamatay taun-taon mula sa mga aksidente sa trapiko sa buong daigdig. At ang mga kotse ay isang pangunahing gumagawa ng polusyon. Ang mga awtor ng 5000 Days to Save the Planet ay nagsabing ang polusyon “ay pangglobo na ngayon, sinisira o pinahihina ang posibilidad na maaaring bumuti ang sistema ng ekolohiya sa mga polo.” Ganito ang paliwanag nila: “Lumampas na tayo sa basta pagsira sa ekosistema at ginugulo na natin ngayon ang mismong mga proseso na nagpapanatili sa Lupa na isang angkop na dako para sa mas masasalimuot na anyo ng buhay.”
Sa ika-20 siglo, ang polusyon ay naging problema na hindi gaanong nalalaman noong unang mga siglo. “Hindi pa natatagalan, walang nag-akala na ang mga paggawi ng tao ay makaaapekto sa daigdig sa pangglobong lawak,” ang sabi ng National Geographic. “Ngayon ay naniniwala ang ilang siyentipiko na sa kauna-unahang pagkakataon sa nakaulat na kasaysayan, nangyayari na ang gayong mga pagbabago.” Pagkatapos ito’y nagbabala: “Ang sama-samang epekto ng sangkatauhan ay na maaaring mangyari ang gayong maramihang paglipol sa loob ng isang salinlahi ng tao.”
Tunay, natatangi ang ika-20 siglo. Ang mga tao, na pinagpala ng walang katulad na mga pagkakataon upang magtamasa ng magandang buhay, ay nakasusumpong ngayon na nanganganib mismo ang buhay!
[Tsart/Mga Larawan sa pahina 8, 9]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
1901
Si Marconi ay nagpadala ng unang transatlantikong hudyat sa radyo
1905
Inilathala ni Einstein ang kaniyang pantanging teoriya ng “relativity”
1913
Binuksan ni Ford ang kaniyang Model-T na assembly line ng kotse
1941
Nagsimula ang komersiyal na TV
1969
Lumakad ang tao sa buwan
Naging malaking negosyo ang pagdagsa ng mga turista
Naging popular ang Internet
1999
Umabot sa anim na bilyon ang populasyon ng daigdig