Isang Pambihirang Pagbabago sa Ikabubuti
“Ang daigdig noong 1900 ay papasók na sa isa sa pinakapambihirang yugto ng pagbabago sa kasaysayan ng tao. Isang matandang kaayusan ang nagbibigay-daan sa bago.”—The Times Atlas of the 20th Century.
MAAGA noong ika-20 siglo, “ang daigdig ay pumasok sa isang panahon ng di-pangkaraniwang kaguluhan at karahasan,” sabi ng atlas na sinipi sa itaas. Makikita ng siglong ito ang higit pang mga digmaan kaysa alinmang siglo, na mahigit sa 100 milyon ang nasawi.
Sa panahong ito, ang mga digmaan ay pumatay ng mas maraming sibilyan higit kailanman. Noong Digmaang Pandaigdig I, 15 porsiyento ng mga namatay ay mga sibilyan. Subalit noong Digmaang Pandaigdig II, nahigitan ng mga namatay na sibilyan ang mga namatay na militar sa ilang bansa. Sa milyun-milyong namatay sa mga digmaan mula noon, karamihan ay mga sibilyan. Tinupad ng lahat ng karahasang ito ang hula sa Bibliya tungkol sa nakasakay sa “isang kabayong kulay-apoy,” na “pinagkaloobang mag-alis ng kapayapaan mula sa lupa.”—Apocalipsis 6:3, 4; Mateo 24:3-7.
Pagbabago ng mga Pamantayan
Tinupad ng ika-20 siglo ang hula sa 2 Timoteo 3:1-5, na nagsasabi: “Sa mga huling araw ay darating ang mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan. Sapagkat ang mga tao ay magiging mga maibigin sa kanilang sarili, mga maibigin sa salapi, mga mapagmapuri-sa-sarili, mga palalo, mga mamumusong, mga masuwayin sa mga magulang, mga walang utang-na-loob, mga di-matapat, mga walang likas na pagmamahal, mga hindi bukás sa anumang kasunduan, mga maninirang-puri, mga walang pagpipigil-sa-sarili, mga mabangis, mga walang pag-ibig sa kabutihan, mga mapagkanulo, mga matigas ang ulo, mga mapagmalaki sa pagmamapuri, mga maibigin sa mga kaluguran kaysa maibigin sa Diyos, na may anyo ng maka-Diyos na debosyon ngunit nagbubulaan sa kapangyarihan nito.”
Sa isang antas, ang di-sakdal na mga tao ay laging nagpapakita ng mga katangiang ito. Sa ika-20 siglo, tumindi pa at lumaganap ang gayong mga saloobin. Ang mga taong gumagawi sa paraang inilarawan sa itaas ay dating itinuturing na antisosyal—kung hindi man talagang balakyot. Ngayon ay minamalas maging ng mga taong “may anyo ng maka-Diyos na debosyon” na normal ang gayong paggawi.
Wala man sa hinagap ng mga taong relihiyoso noon ang pagsasama ng lalaki’t babae nang di-kasal. Ang pagiging dalagang-ina ay itinuturing na kahiya-hiya, gayundin ang mga ugnayang homoseksuwal. Para sa karamihan ng mga tao ang mga aborsiyon ay hindi katanggap-tanggap, at gayundin ang diborsiyo. Ang kawalan ng katapatan sa negosyo ay napakasamâ. Subalit sa ngayon, gaya ng binabanggit ng isang aklat, “kahit ano puwede.” Bakit? Ang isang dahilan ay, “binibigyang-kasiyahan nito ang pansariling-kapakanan niyaong mga ayaw na sinasaway ng iba.”
Ang pagtalikod sa mataas na mga pamantayan sa kagandahang-asal sa siglong ito ay bumago sa mga priyoridad. Ganito ang paliwanag ng The Times Atlas of the 20th Century: “Noong 1900 ang mga bansa at ang mga indibiduwal ay hindi matatawaran ng salapi ang halaga. . . . Sa pagtatapos ng siglo, sinusukat ng mga bansa ang kanilang tagumpay sa halos lahat ng paraang pang-ekonomiya. . . . Gayunding pagbabago ang nangyari sa paraan ng pag-iisip ng mga tao tungkol sa kayamanan.” Pinasisidhi ng malaganap na pagsusugal sa ngayon ang pag-ibig sa salapi, samantalang hinihimok naman ng radyo, telebisyon, mga pelikula, at mga video ang paghahangad ng materyal. Kahit na ang mga game show at ang mga paligsahan sa pag-aanunsiyo ay naghahatid ng mensahe na ang salapi ay, kung hindi man ang pinakamahalagang bagay, sa paano man ay halos siyang pinakamahalagang bagay.
Magkasama Subalit Magkalayo
Sa pasimula ng ika-20 siglo, karamihan ng mga tao ay nakatira sa mga lalawigan. Sinasabing sa pasimula ng ika-21 siglo, mahigit sa kalahati ng populasyon ay maninirahan sa mga lunsod. Ganito ang sabi ng aklat na 5000 Days to Save the Planet: “Ang atas na maglaan ng isang disenteng pamantayan ng pamumuhay para sa mga nakatira sa lunsod ngayon, huwag nang banggitin pa yaong sa mga hinaharap na salinlahi, ay lumilikha ng tila di-malulutas na mga problema.” Ganito ang sabi ng magasin ng United Nations na World Health: “Ang proporsiyon ng mga tao sa daigdig na tumitira sa mga lunsod ay tumataas. . . . Daan-daang milyon . . . ang namumuhay ngayon sa mga kalagayan na nakasasamâ sa kanilang kalusugan at nagsasapanganib pa nga sa kanilang mga buhay.”
Anong kabalintunaan nga na bagaman lumilipat nang mas malapit sa isa’t isa sa mga lunsod, ang mga tao ay nagiging mas malayo! Ang telebisyon, mga telepono, at ang Internet, pati na ang pamimili sa pamamagitan ng computer, bagaman nakatutulong, ay umiiwas sa mukhaang mga kaugnayan. Kaya naman ang pahayagang Aleman na Berliner Zeitung ay naghinuha: “Ang ika-20 siglo ay hindi lamang ang siglo ng sobrang populasyon. Ito rin ang siglo ng kalungkutan.”
Humantong ito sa mga kalunus-lunos na pangyayari na gaya niyaong isa sa Hamburg, Alemanya, kung saan ang bangkay ng isang lalaki ang nasumpungan sa kaniyang apartment limang taon pagkamatay niya! “Walang sinuman ang humanap sa kaniya, wala ni mga kamag-anak ni mga kapitbahay ni ang mga awtoridad,” sabi ng Der Spiegel, idinagdag pa: “Para sa maraming mamamayan ito ay sumasagisag sa nakatatakot na lawak ng araw-araw na pagkadi-nakikilala at kawalan ng pakikipag-ugnayan ng mga tao sa malaking lunsod.”
Ang pagkakamali sa gayong nakalulungkot na mga kalagayan ay hindi lamang maisisisi sa siyensiya at teknolohiya. Ito’y pangunahin nang maisisisi sa mga tao. Ang siglong ito ay nakagawa ng mas maraming tao higit kailanman na “mga maibigin sa kanilang sarili, mga maibigin sa salapi, . . . mga walang utang-na-loob, . . . mga walang likas na pagmamahal, mga hindi bukás sa anumang kasunduan, . . . mga walang pag-ibig sa kabutihan, . . . mga maibigin sa kaluguran kaysa maibigin sa Diyos.”—2 Timoteo 3:1-5.
1914, Isang Natatanging Taon
Ayon kay Winston Churchill, “ang pasimula ng ikadalawampung siglo ay waring maaliwalas at tahimik.” Inakala ng marami na ito’y magdadala ng isang panahon ng walang-katulad na kapayapaan at kasaganaan. Subalit, noong 1905 ay nagbabala ang Watch Tower ng Setyembre 1: “Magkakaroon ng higit pang digmaan sa malapit na hinaharap,” binabanggit din nito na isang “malaking kasakunaan” ang magsisimula sa 1914.
Sa katunayan, kasing-aga ng 1879, itinuro rin ng publikasyong ito ang 1914 bilang isang mahalagang petsa. Nang sumunod na mga taon ay binanggit nito na ang mga hula ng Bibliya sa aklat ng Daniel ay tuwirang tumukoy sa petsang iyon bilang ang panahon nang itatag ang Kaharian ng Diyos sa langit. (Mateo 6:10) Bagaman ang 1914 ay hindi siyang panahon upang lubusang pamahalaan ng Kaharian ang mga bagay sa lupa, panahon na ito upang simulan nito ang pamamahala.
Inihula sa Bibliya: “Sa mga araw ng mga haring iyon [na umiiral sa ating panahon] ay magtatatag ang Diyos sa langit ng isang kaharian [sa langit] na hindi magigiba kailanman.” (Daniel 2:44) Sinimulang tipunin dito sa lupa ng Kahariang ito, na si Kristo ang Hari, ang mga taong may-takot sa Diyos na nagnanais na maging mga sakop nito.—Isaias 2:2-4; Mateo 24:14; Apocalipsis 7:9-15.
Kasabay nang nangyari sa langit, nakita noong 1914 ang pasimula ng “mga huling araw,” ang pasimula ng isang yugto ng panahon na magwawakas sa pagkapuksa ng sistema ng mga bagay na umiiral ngayon. Inihula ni Jesus na ang pasimula ng panahong ito ay kakikitaan ng mga digmaang pandaigdig, mga kakapusan sa pagkain, mga epidemya ng sakit, mapangwasak na mga lindol, at paglago ng katampalasanan gayundin ang paglamig ng pag-ibig ng mga tao sa Diyos at sa tao. Lahat ng mga bagay na ito, aniya, ang magiging tanda ng “pasimula ng mga hapdi ng kabagabagan.”—Mateo 24:3-12.
Malapit Na ang Isang Ganap na Bagong Sanlibutan
Nasa 85 taon na tayo ngayon ng “mga huling araw,” at tayo’y mabilis na napapalapit sa wakas ng kasalukuyang di-kanais-nais na sistema ng mga bagay. Malapit nang ‘durugin at wakasan [ng Kaharian ng Diyos, sa ilalim ni Kristo,] ang lahat ng mga kahariang ito [na umiiral ngayon], at iyon nga ay mananatili hanggang sa mga panahong walang takda.’—Daniel 2:44; 2 Pedro 3:10-13.
Oo, papalisin ng Diyos ang kabalakyutan sa lupa at dadalhin ang tapat-pusong mga tao sa isang ganap na bagong sanlibutan. “Ang mga matuwid ang siyang tatahan sa lupa, at ang mga walang kapintasan ang siyang maiiwan dito. Kung tungkol sa mga balakyot, lilipulin sila mula sa mismong lupa.”—Kawikaan 2:21, 22.
Tunay na isang nakagagalak na mensahe—tiyak na isa na nararapat ipahayag sa lahat ng dako! Malapit nang lutasin ng Kaharian ng Diyos ang mga problema na pinalubha lamang ng ika-20 siglo: digmaan, karalitaan, sakit, kawalang-katarungan, pagkapoot, kawalang-pagpaparaya, kawalan ng trabaho, krimen, kalungkutan, kamatayan.—Tingnan ang Awit 37:10, 11; 46:8, 9; 72:12-14, 16; Isaias 2:4; 11:3-5; 25:6, 8; 33:24; 65:21-23; Juan 5:28, 29; Apocalipsis 21:3, 4.
Kaakit-akit ba sa iyo ang pag-asang mabuhay magpakailanman sa isang matuwid na sanlibutan ng di-mailarawang kaligayahan? Humingi ng higit pang impormasyon sa mga Saksi ni Jehova. Ipakikita nila sa iyo mula sa iyong sariling kopya ng Bibliya na ang mga taon ng malalaking pagbabago na gumagawa sa ika-20 siglo na natatangi ay malapit nang magwakas at na pagkatapos nito’y matatamasa mo ang walang-katapusang mga pagpapala!
[Larawan sa pahina 10]
Malapit na ang isang ganap na bagong sanlibutan