Mga Guwardiyang Nagsasanggalang sa Iyong Kalusugan
“MAM,” sabi ng doktor habang tinitingnan niya ang mga resulta ng mga pagsusuri sa dugo, “lubhang mahina ang inyong sistema ng imyunidad.” Medyo matagal na ring masama ang pakiramdam ni Veronica. Ang paulit-ulit na pakikipaglaban sa brongkitis ay nagpahina sa kaniya, at kamakailan lamang ay nagkaroon na rin siya ng impeksiyon sa tainga at ng isang nakayayamot na problema sa sinus.
Ano ba ang sistema ng imyunidad at bakit ito napakahalaga? Paano ba ito gumagana?
Ipinagsasanggalang Mula sa Pagsalakay
Ang sistema ng imyunidad ay binubuo ng isang masalimuot na ugnayan ng mga molekula at pantanging mga selula na nagtutulungan upang mapaglabanan ang impeksiyon. Umaasa tayo sa ating sistema ng imyunidad upang maipagsanggalang tayo mula sa pagsalakay ng mga manlulusob na hindi bahagi ng katawan, tulad ng mga baktirya o mga virus.
Upang ilarawan ito, maaari nating ihambing ang katawan sa isang sinaunang lunsod. Ang isang karaniwang lunsod ay maaaring nasa mataas na lugar upang makita sa malayo ang anumang kalabang mga hukbo. At ang lunsod ay ipinagsasanggalang ng maraming pader at pintuang-daan, na doo’y may nakatalagang mga bantay at mga guwardiya. Dahil sa may gayong mga depensa, ang lunsod ay nananatiling isang ligtas na lugar na matitirhan. Kung ihahambing natin ang ating katawan sa gayong lunsod, mas mauunawaan natin kung ano ang kailangan upang maipagsanggalang ito laban sa pagsalakay.
Para sa ating katawan, ang unang hanay ng depensa laban sa paglusob ng mga mikrobyo ay binubuo ng balat at ng mga mucous membrane (halimbawa, yaong pinakadingding sa loob ng ilong at lalamunan). Nagsisilbing isang mahalagang pisikal na pananggalang ang ating balat. Marami sa bilyun-bilyong mikrobyo na nasa ibabaw ng ating balat ang naaalis kapag nagpapalit ang panlabas na mga suson nito.
Ang mga mucous membrane ay hindi kasintibay ng balat at mas mahina. Gayunman, nagtataglay ang mga ito ng maraming likas na sangkap na lumalaban sa mikrobyo. Ang isa sa gayong sangkap, na tinatawag na lysozyme, ay matatagpuan sa luha, laway, at pawis. Bagaman kahit ang pagiging maasido lamang ng pawis ay sapat na upang mapigilan ang pagdami ng maraming mikrobyo, pinapatay ng lysozyme ang mga ito sa pamamagitan ng pagsira sa mga cell wall ng mga ito. Sa dahilang iyan, maaaring pabilisin ng isang hayop ang paggaling ng mga sugat nito sa pamamagitan ng basta paghimod lamang sa mga ito.
Mga Pangunahing Guwardiya—Mga Puting Selula ng Dugo
Gunigunihin natin na ang mga baktiryang may-kakayahang magdulot ng sakit ay nakapasok sa ating “lunsod” sa pamamagitan ng isang sugat o nakahahawang sakit. Kaagad-agad na naghahanda sa pakikipagbaka ang hukbo ng mga selula nang may iisang layunin—patayin ang lumulusob na mikrobyo at magpagaling mula sa pagkakasakit. Ang mga selula na nakikipaglaban upang ipagsanggalang ang katawan ay tinatawag na mga leukocyte, o mga puting selula ng dugo. Ang tatlong mahahalagang uri ng puting selula ng dugo sa yugtong ito ng pakikipagbaka ay ang mga monocyte, mga neutrophil, at mga lymphocyte.
Kapag “narinig” ng mga monocyte ang mga kemikal na senyales na nagpapahiwatig ng pamamaga sa isang partikular na bahagi ng katawan, nililisan nila ang dugong dumadaloy at pinapasok ang apektadong himaymay, kung saan sila ay nagiging mga macrophage, na ang ibig sabihin ay “malalakas kumain.” Doon ay nilalamon nila ang lahat ng bagay na hindi bahagi ng organismo. Karagdagan pa, inilalabas nila ang mahahalagang sangkap na tinatawag na mga cytokine, na naghahanda sa katawan upang mapaglabanan nito ang impeksiyon. Kabilang sa mga gawain ng mga cytokine ay ang pagdudulot ng lagnat. Ang lagnat ay isang kapaki-pakinabang na pangyayari yamang palatandaan ito na kumikilos na ang mga mekanismong pandepensa. Maaaring pabilisin nito ang paggaling at kapaki-pakinabang din ito sa pagsusuri sa sakit.
Kasunod nito, “naririnig” ng mga neutrophil ang kemikal na senyales mula sa namamagang bahagi ng katawan at ang mga ito ay mabilis na dumaragsa upang tulungan ang mga macrophage. Sila rin ay lumalamon, o lumululon, ng mga baktirya. Kapag namatay ang mga neutrophil na ito, inilalabas ito sa katawan bilang nana. Kaya, ang pamumuo ng nana ay isa pa ring uri ng depensa. Sa kasong ito kakapit ang pananalita sa Latin na ginagamit ng mga doktor sa loob ng mga siglo: pus bonum et laudabile. Ang ibig sabihin nito ay “mabuti at kapuri-puring nana.” Ang pamumuo nito ay tumutulong sa pagpigil sa impeksiyon. Pagkatapos tunawin ang mga mikrobyo, ang ating mga kaibigan, ang mga macrophage, ay “nagpapakita,” o nagtatanghal, ng mga piraso ng mikrobyo sa mga lymphocyte upang babalaan sila hinggil sa manlulusob.
Ang mga lymphocyte ay binubuo ng napakabisang pangkat ng mga selula sa pakikipaglaban sa impeksiyon. Gumagawa ang mga ito ng mga sangkap na tinatawag na mga antibody, na espesipikong kumakapit sa isang partikular na bahagi ng mikrobyo. May dalawang pangunahing pangkat ng mga lymphocyte na may magkakaibang kakayahan. Una ay ang mga B cell, na naglalabas ng mga antibody na kanilang ginagawa sa dugong dumadaloy. Tinawag ang mga B cell na mga armadong sundalo ng sistema ng imyunidad, at lubhang asintado sila sa pagtudla ng kanilang mga palaso, ang mga antibody. Ang mga antibody na ito ay “maghahanap” ng mikrobyo na nakikilala nila at tutudlain ng mga ito ang isang delikadong bahagi ng mikrobyo. Ang isa pang pangunahing pangkat ng mga lymphocyte, ang mga T cell, ay nagpapanatili sa mga antibody na kanilang nakikilala na nakakabit mismo sa mga ito. Ginagamit ng mga ito ang mga antibody upang patayin ang kaaway—anupat nakikipaglaban nang manu-mano, wika nga.
Nagiging mas masalimuot pa ang salaysay. Isang pangalawahing grupo ng mga T cell, na tinatawag na helper T cell, ang tumutulong sa kanilang mga kasamahan, ang mga B cell, na maglabas ng napakaraming antibody. Bago sumalakay, nakikipagtalastasan ang mga helper T cell sa isa’t isa. Ipinakikita ng pagsasaliksik kamakailan na sa pamamagitan ng mga kemikal na senyales, ang mga selulang ito ay sabik na “nakikipagtalastasan” sa isa’t isa sa paraang matatawag na masiglang pag-uusap, anupat nagpapalitan ng impormasyon hinggil sa bagay na nakapasok sa katawan.
Naglalaan din ng tulong ang isa pang importanteng grupo, ang mga selulang likas na pumapatay. Ang mga ito ay hindi gumagawa ng mga antibody, ngunit handa silang pumatay ng mga selulang naging “dayuhan” dahil sa nahawahan na ang mga ito. Kaya ang mga selulang likas na pumapatay ay tumutulong din sa pagsasanggalang sa kalusugan ng katawan.
Sa wakas, dahil sa may memorya sa imyunidad ang mga ito, may kakayahan ang mga lymphocyte na matandaan ang mga katangian ng isang mikrobyo, na para bang may rekord sila nito sa isang salansan. Kaya kung ang gayong uri ng mikrobyo ay muling lumitaw, ang mga lymphocyte na ito ay mayroon nang espesipikong antibody upang lipulin ito kaagad-agad.
Ang mga macrophage, mga selula na nagpapakilos sa sistema ng imyunidad, ay tumutulong din na matapos ang trabaho sa pamamagitan ng pananatili sa lugar ng impeksiyon upang tumulong sa pagsugpo ng pamamaga. Inaalis nila sa naapektuhang lugar ang lahat ng patay na selula, bahagi ng selula, o dumi na naiwan sa “lugar ng digmaan” pagkatapos ng labanan, anupat isinasauli ang katahimikan at kaayusan sa “lunsod.”
Kapag Mahina ang mga Depensa
Ang nabanggit ay isa lamang saligang balangkas kung paano pinaniniwalaang kumikilos ang sistema ng imyunidad. Ngunit maaaring humina ang mga depensa sa ilang kadahilanan: Maaaring may likas na mga depekto sa sistema ng imyunidad at may mga depektong nakuha sa pamumuhay ng isa dahil sa pagkahawa sa mga sakit.
Ang isa sa pinakamalubha sa mga sakit na ito ay ang AIDS, ang nakatatakot na salot na biglaan at mabilis na kumalat noong dekada ng 1980. Ito ay dulot ng human immunodeficiency virus (HIV), na kayang salakayin ang pinakamahalagang bahagi ng sistema ng imyunidad, anupat unti-unting sinisira ang isang pantanging uri ng lymphocyte. Kaya ang isang napakahalagang bahagi ng pandepensa ng isang indibiduwal ay nawawala. Pagkatapos niyan, muling bumabalik ang mga impeksiyon at hindi na kailanman lubos na naaalis ang mga ito. Sa katunayan, lumalala ang mga ito, at naiiwan ang katawan na walang pananggalang. Tulad ito ng isang lunsod na wasak at walang mga pader na maaaring lupigin ng sinuman.
Buti na lamang, hindi lahat ng kahinaan sa sistema ng imyunidad ay gayon kalubha. Si Veronica, na binanggit sa pasimula, ay bahagyang may depekto sa paggawa ng isang uri ng antibody na karaniwan nang nasa mga mucous membrane, partikular na yaong nasa daanan ng hininga. Iyan ang dahilan ng paulit-ulit at patuloy na impeksiyon na kaniyang dinaranas.
Bumuti ang kalusugan ni Veronica. Pagkatapos makinig sa paliwanag ng kaniyang doktor, nagpasiya siya na buong-ingat niyang susundin ang paggamot na inireseta ng doktor. Nang gumaling na siya mula sa kaniyang sinusitis, pumayag siya sa isang serye ng iniksiyon na magpapasigla sa paggawa ng mga antibody.a Huminto na rin siya sa paninigarilyo at naglaan ng higit na panahon sa pamamahinga. Di-nagtagal pagkatapos nito, malaki ang ibinuti ng kaniyang kalusugan.
Oo, dinisenyo tayo na masiyahan sa buhay, taglay ang mabuting kalusugan. Kapag pinag-iisipan natin ang kamangha-manghang kasalimuutan ng ating sistema ng imyunidad at ang iba pang masasalimuot na mekanismo ng katawan ng tao, napakikilos tayo na humanga at magpasalamat sa karunungan ng ating Maylalang. (Awit 139:14; Apocalipsis 15:3) At bagaman sa panahong ito, dahil sa di-kasakdalan ng tao, ay hindi natin laging tinatamasa ang mabuting kalusugan, tinitiyak sa atin ng kinasihang Salita ng Diyos na sa bagong sanlibutan na malapit nang dumating, isasauli sa mga tao ang kasakdalan ng isip at katawan, upang “walang sinumang tumatahan ang magsasabi: ‘Ako ay may sakit.’”—Isaias 33:24.
[Talababa]
a Hindi inirerekomenda ng Gumising! ang anumang partikular na uri ng paggagamot, anupat kinikilala na ang bagay na ito ay personal na pinagpapasiyahan.
[Kahon sa pahina 13]
MGA HANAY NG DEPENSA:
• BALAT AT MGA MUCOUS MEMBRANE
• MGA LEUKOCYTE, O MGA PUTING SELULA NG DUGO
Ang mga monocyte ay pumapasok sa apektadong himaymay at nilalamon ang lumulusob na baktirya
Ang mga neutrophil ay tumutulong sa paglulon sa baktirya at inilalabas ang mga ito sa katawan bilang nana
Ang mga lymphocyte ay may memorya sa imyunidad; kapag ang gayunding uri ng mikrobyo ay muling lumitaw, kaagad-agad itong lilipulin ng mga antibody
• Inilalabas ng mga B cell ang mga antibody tulad ng mga palasong mahusay ang pagkaasinta; “hinahanap” ng mga ito ang mga mikrobyo at sinasalakay ang mga iyon
• Tumutulong ang mga T cell sa paggawa ng mga antibody na nakikipaglaban nang “manu-mano” sa mga mikrobyo
—Ang mga helper T cell ay tumutulong sa mga B cell na maglabas ng napakaraming antibody
—Ang mga selulang likas na pumapatay ay tuwirang pumapatay sa nahawahang mga selula, bagaman ang mga ito ay hindi gumagawa ng mga antibody
[Larawan sa pahina 15]
Sinasalakay ng mga puting selula ng dugo ang mga baktirya
[Credit Line]
Lennart Nilsson