Kapag ang mga Kahel ay Hindi Kahel
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA ITALYA
KAILAN hindi kahel ang mga kahel? Sa Tagalog, iyan ay para bang paglalaro sa mga salita, ngunit hindi naman kailangang maging gayon. Sa pulo ng Sicily sa Italya, ang maliwanag na sagot ay, “Kapag pula ang mga ito!”
Ang pinag-uusapan natin ay ang mga blood orange sa Sicily, na binansagan ng gayon dahil sa kapansin-pansing kulay ng laman ng mga ito, na maaaring mula sa kahel na may ugat-ugat na mapula hanggang sa pulang-pula at mula sa matingkad na pula hanggang sa halos itim. Ang balat ng mga ito ay kahel na may bahid na pula o purpurang mamula-mula at ang masarap na sariwang amoy ng mga ito ay nakapagpapatulo ng laway. Malasa ang mga ito at maasim na matamis, at sinasabi ng ilan na ito’y “may lasang raspberry.”
Ang mga prutas na sitrus ay itinatanim na sa Italya mula pa noong sinaunang panahon. Malamang na nakarating ang mga kahel sa Sicily mula sa Asia noong ikaapat na siglo C.E., ngunit ang mga ito ay maputla (di-mapula) at maasim na mga kahel. Ang matamis na kahel ay dinala sa Europa ng mga Portuges noong ika-14 at ika-15 siglo at mula roon ay dinala ito sa Amerika kasama ng iba pang mga uri ng sitrus. Gayunman, noon lamang pasimula ng ika-20 siglo unang aktuwal na inuri ang mga blood orange sa Sicily.
Bakit Pula?
Lahat ng kahel ay may carotene, ang manilaw-nilaw na kahel na kulay na siya ring nagbibigay ng kulay sa pula ng itlog at sa mga karot. Ang kakaiba sa mga blood orange ng Sicily na mga uring Moro, Tarocco, at Sanguinello ay ang pagkakaroon ng mga ito ng pulang kulay na tinatawag na anthocyanin, na nagbibigay ng karaniwang mapulang kulay sa mga hinog na prutas.a Ngunit kapag inilipat ang isang puno ng blood orange mula rito—na isang limitadong lugar na nasa mga probinsiya ng Catania, Syracuse, at Enna—at itinanim ito sa ibang lugar, ang magiging bunga nito ay hindi laging pula. Bakit? Ano ba ang natatangi sa bahaging ito ng silangang Sicily?
Hindi lahat ng salik na kaugnay sa pagkakaroon ng anthocyanin sa mga blood orange ng Sicily ay malinaw. Kailangan pang tiyakin kung anong epekto, kung mayroon man, ang idinudulot ng lupa sa pagkakaroon ng kulay ng prutas. May iba pang mga bagay na maaaring tumulong o pumigil sa paglakip ng kulay na pula sa bunga habang ito’y nahihinog. Halimbawa, napansin na ang pagpula ay nagsisimula kapag ang mga temperatura sa gabi ay napakalamig at napakatindi naman ng sikat ng araw sa umaga. Kung tungkol naman sa lasa ng prutas, ang saganang sikat ng araw ay tumitiyak sa tamang dami ng taglay nitong mga simpleng anyo ng asukal, samantalang ang banayad na ulan ay tumitiyak na ang bunga ay may matapang at purong lasa.
Ang natatanging kombinasyon na ito ng mga salik ang inaakalang dahilan sa pagiging kakaiba ng mga blood orange ng Sicily. Ganitong mga prutas din ang itinanim sa ibang bahagi ng timugang Italya at gayundin sa Espanya, Morocco, Florida, at California, ngunit sinasabing wala pang sinumang nagtagumpay na makagaya sa lahat ng katangian ng blood orange ng Sicily.
Isang Prutas na Dapat Pahalagahan
Maliban sa kakaibang kulay ng mga ito, ang mga prutas na ito ay lubhang masustansiya rin. Ang mga kahel na Tarocco ang may pinakamataas na bitamina-C sa lahat ng mga prutas na sitrus. Ang isang kahel lamang na may katamtamang laki ay sapat na upang magtustos ng iminumungkahing pang-araw-araw na dami ng bitaminang ito. Sinasabi na marami ang pakinabang na makukuha sa mga blood orange. Bilang pagbanggit sa ilan lamang sa mga ito, ang isang baso ng kapipigang purong katas ay isang masarap at masustansiyang pinagmumulan ng madaling-masipsip, naglalabas-ng-enerhiyang simpleng mga carbohydrate, mineral, at hibla. May mabuting dahilan nga kung bakit nagsisikap ang mga tagapagtanim ng mga sitrus sa Sicily na ipagsanggalang ang kanilang natatanging produkto at pasiglahin ang pagpapahalaga rito.
Naniniwala ang mga dalubhasa na ang mga prutas na ito ng Sicily ay “kabilang sa pinakamaiinam na mga kahel na panghimagas dahil sa ang mga ito ay malasa, tamang-tama ang asim at tamis, at may kakaibang lasa na naiiwan sa bibig.” Balang araw ay maaari kang magkaroon ng pagkakataong magpasiya kung sang-ayon ka rito.
Bagaman ito’y lumitaw kamakailan lamang, ang blood orange ay isa lamang sa napakaraming uri ng nakasisiyang pagkain na pinangyari ng mga gawang paglalang ni Jehova para sa ikasisiya ng tao. Kaya, para sa sinumang mapagpahalaga sa pagkabukas-palad ng Diyos, maging ang ‘mga namumungang punungkahoy . . . ay pumupuri sa pangalan ni Jehova.’—Awit 148:9, 13; Genesis 1:29.
[Talababa]
a Ang carotene at anthocyanin ang siyang nagbibigay rin ng kulay na dilaw, kahel at pula sa mga dahon kapag taglagas.—Tingnan ang Gumising!, Setyembre 22, 1987, pahina 16-18.