Ano ba ang Matututuhan Natin sa Nakalipas?
“nang mas mahalaga pa sa mga istoryador kaysa sa pagtatala ng sanhi at epekto.”—GERALD SCHLABACH, ASSISTANT PROFESSOR NG KASAYSAYAN.
MADALAS na itinatanong ng mga istoryador, Paano at bakit naganap ang ilang mga pangyayari? Halimbawa, sinasabi sa atin ng kasaysayan na ang Imperyong Romano ay bumagsak. Ngunit bakit ito bumagsak? Ito ba ay dahil sa katiwalian o sa paghahangad ng kaluguran? Naging labis bang mahirap pangasiwaan ang imperyo at naging masyadong magastos ang mga hukbo nito? Talaga lamang bang lubhang dumami at naging napakamakapangyarihan ang mga kalaban ng Roma?
Nitong kamakailan lamang, ang komunismo sa Silangang Europa, na dating itinuturing na isang banta sa Kanluran, ay gumuho nang waring magdamagan lamang sa iba’t ibang mga bansa. Ngunit bakit? At anong mga aral ang matututuhan? Ganito ang mga uri ng mga katanungan na sinisikap na sagutin ng mga istoryador. Ngunit sa pagbibigay ng mga kasagutan, hanggang sa anong antas naaapektuhan ng personal na pagkiling ang kanilang pagpapasiya?
Mapagkakatiwalaan ba ang Kasaysayan?
Ang mga istoryador ay mas katulad ng mga detektib kaysa sa mga siyentipiko. Sila ay nag-iimbestiga, nagtatanong, at naglalagay sa pagsubok sa mga rekord mula sa nakalipas. Hinahangad nila ang katotohanan, ngunit ang kanilang tunguhin ay kadalasang walang katiyakan. Bahagi ng dahilan ay sapagkat ang kanilang gawain ay karaniwan nang tungkol sa mga tao, at ang mga istoryador ay hindi nakababasa ng isip—lalo na ng isip ng mga patay. Maaari rin na ang mga istoryador ay mayroon nang patiunang mga ideya at mga pagtatangi. Kaya naman kung minsan ang pinakamahusay na akda ay sa katunayan isa lamang interpretasyon—mula sa sariling pangmalas ng manunulat.
Sabihin pa, ang pagkakaroon ng isang istoryador ng sariling pangmalas ay hindi naman laging nangangahulugan na ang kaniyang akda ay di-tumpak. Ang mga salaysay sa Bibliya ng Samuel, Mga Hari, at Mga Cronica ay naglalakip ng magkakatulad na mga ulat na isinulat ng limang iba’t ibang indibiduwal, gayunma’y maipakikita na ang mga ito’y walang malalaking pagkakasalungatan o pagkakamali. Totoo rin iyan sa apat na Ebanghelyo. Maraming manunulat ng Bibliya ang nag-ulat pa nga ng kanilang sariling mga pagkakamali at mga nagawang kamangmangan—isang bagay na bihirang-bihirang makita sa sekular na mga akda.—Bilang 20:9-12; Deuteronomio 32:48-52.
Bukod sa posibilidad na may mga pagtatangi, ang isa pang mahalagang salik na dapat isaalang-alang kapag nagbabasa ng kasaysayan ay ang motibo ng manunulat. “Anumang kasaysayan na isinalaysay ng mga humahawak ng kapangyarihan, o ng mga naghahangad ng kapangyarihan o ng kanilang mga kaibigan, ay dapat na ituring na lubhang kahina-hinala,” ang sabi ni Michael Stanford sa A Companion to the Study of History. Makikita rin ang kahina-hinalang motibo kapag ang mga aklat ng kasaysayan ay nagbabadya ng bahagya o maging hayagang paghimok sa nasyonalismo at patriyotismo. Nakalulungkot, makikita ito kung minsan sa mga aklat-aralin sa paaralan. Isang dekreto ng pamahalaan sa isang bansa ang tuwirang nagsabi na ang layunin ng pagtuturo ng kasaysayan ay “upang patibayin ang damdamin ng nasyonalismo at patriyotismo sa puso ng mga tao . . . sapagkat ang kaalaman sa nakalipas ng bansa ang isa sa pinakamahalagang pangganyak sa pagiging patriyotiko.”
Dinoktor na Kasaysayan
Kung minsan ang kasaysayan ay hindi lamang may kinikilingan kundi dinudoktor pa nga. Halimbawa, sa dating Unyong Sobyet, “binura ang pangalang Trotsky mula sa rekord, upang ang katotohanan hinggil sa pag-iral ng commissar na ito ay maglaho,” sabi ng aklat na Truth in History. Sino ba si Trotsky? Isa siyang lider ng Bolshevik Revolution sa Russia at pumapangalawa lamang kay Lenin. Pagkamatay ni Lenin, si Trotsky ay nakagalit ni Stalin, pinatalsik mula sa Partidong Komunista, at pinaslang nang maglaon. Ang kaniyang pangalan ay inalis pa nga sa mga ensayklopidiya ng Sobyet. Ang gayong pagpilipit sa kasaysayan, maging hanggang sa punto ng pagsunog sa mga aklat na di-umaayon, ay naging karaniwang kaugalian ng maraming rehimeng diktadura.
Gayunman, ang pandudoktor sa kasaysayan ay isang sinaunang kaugalian, na sa pinakamaaga ay mula pa noong panahon ng Ehipto at Asirya. Palibhasa’y mapagmapuri at palalo, tiniyak ng mga paraon, mga hari, at mga emperador na ang kanilang pamana sa kasaysayan ay kaayaaya. Kaya ang anumang nagawa ay karaniwan nang pinalalabisan, samantalang ang anumang bagay na kahiya-hiya o kasiraang-puri, gaya ng pagkatalo sa digmaan, ay pinaliliit, binubura, o kung minsan ay hindi pa nga iniuulat. Sa kabaligtaran, kalakip sa kasaysayan ng Israel na nakaulat sa Bibliya kapuwa ang mga kabiguan at mga karilagan ng mga hari at maging ng mga nasasakupan.
Paano sinusuri ng mga istoryador ang kawastuan ng mas matatandang kasulatan? Inihahambing nila ang mga ito sa mga bagay na tulad ng lumang mga rekord ng buwis, mga kodigo ng batas, mga patalastas para sa mga subasta ng alipin, pangnegosyo at pribadong mga liham at mga rekord, mga inskripsiyon sa mga piraso ng palayok, mga talaarawan ng mga barko, at mga bagay na natagpuan sa mga puntod at mga libingan. Ang iba’t ibang mga bagay na ito ay kadalasang nagbibigay ng karagdagan o ibang liwanag sa opisyal na mga kasulatan. Kung saan mayroon pang kulang o may pag-aalinlangan, kadalasang aaminin ito ng tapat na mga istoryador, kahit na ibinibigay nila ang kanilang sariling mga teoriya upang mapunan ang kakulangan. Sa paanuman, hindi lamang isang reperensiya ang kinokonsulta ng matatalinong mambabasa kung naghahangad sila ng timbang na interpretasyon ng mga pangyayari.
Sa kabila ng lahat ng mga hamon na kinakaharap ng istoryador, ang kaniyang gawain ay makapaglalaan ng maraming impormasyon. Isang aklat ng kasaysayan ang nagpaliwanag: “Mahirap man itong isulat, . . . ang kasaysayan ng daigdig ay mahalaga at kailangan pa nga natin.” Bukod sa paglalaan nito ng impormasyon sa nakalipas, mapalalawak ng kasaysayan ang ating kaunawaan sa kasalukuyang kalagayan ng tao. Halimbawa, matutuklasan natin na ang mga sinaunang tao ay nagpamalas ng katulad na mga katangian na ipinamamalas ng mga tao sa ngayon. Ang paulit-ulit na mga katangiang ito ay nakaapekto nang malaki sa kasaysayan, marahil ay umakay pa nga sa kasabihan na paulit-ulit ang kasaysayan. Ngunit ang konklusyon bang iyan ay makatuwiran?
Paulit-ulit nga ba ang Kasaysayan?
May katumpakan ba nating mahuhulaan ang hinaharap salig sa nakalipas? Ang ilang uri ng mga pangyayari ay talagang nauulit. Halimbawa, sinabi ng dating Secretary of State ng E.U. na si Henry Kissinger: “Bawat sibilisasyon na umiral kailanman ay bumagsak nang dakong huli.” Idinagdag pa niya: “Ang kasaysayan ay isang ulat ng mga pagsisikap na nabigo, ng mga mithiin na hindi natupad. . . . Kaya, bilang isang istoryador, kailangang tanggapin ng isa na hindi maiiwasan ang trahedya.”
Walang dalawang imperyo ang bumagsak sa magkatulad na paraan. Ang Babilonya ay bumagsak sa loob ng magdamag sa mga Medo at mga Persiano noong 539 B.C.E. Ang Gresya ay nahati sa ilang kaharian pagkamatay ni Alejandrong Dakila, na nagbigay-daan nang dakong huli sa Roma. Gayunman, ang pagpanaw ng Roma ay nananatiling kontrobersiyal. Ang istoryador na si Gerald Schlabach ay nagtanong: “Kailan ba bumagsak ang Roma? Talaga nga bang bumagsak na ito? Mayroong nagbago sa Kanlurang Europa sa pagitan ng 400 CE at 600 CE. Ngunit maraming bagay ang nagpatuloy.”a Maliwanag, ang ilang aspekto ng kasaysayan ay nauulit, samantalang ang iba ay hindi.
Ang isang madalas maulit na aral sa kasaysayan ay ang kabiguan ng pamamahala ng tao. Sa lahat ng panahon, ang mabuting pamahalaan ay laging nabibigo dahil sa pansariling interes, kawalan ng pagsasaalang-alang sa hinaharap, kasakiman, katiwalian, nepotismo, at lalo na sa pagnanasang makuha at mapanatili ang kapangyarihan. Kaya ang nakalipas ay batbat ng mga paligsahan sa pagpaparami ng armas, nabigong mga tratado, mga digmaan, kaguluhan sa lipunan at karahasan, ang di-patas na pagkakabaha-bahagi ng kayamanan, at bagsak na mga ekonomiya.
Halimbawa, pansinin ang sinasabi ng The Columbia History of the World hinggil sa impluwensiya ng Kanluraning sibilisasyon sa ibang bahagi ng daigdig: “Matapos ipabatid nina Columbus at Cortes ang mga posibilidad sa mga tao sa Kanluraning Europa, ang kanilang pagnanasa para sa mga kumberte, kita, at katanyagan ay lubusang nagising at ang Kanluraning sibilisasyon ay naipakilala, pangunahin nang sa pamamagitan ng puwersa, halos sa buong daigdig. Taglay ang di-mapigilang pagnanasa na magpalawak at ang mas malalakas na sandata, pinangyari ng mga manlulupig na maging sapilitang sakop ng malalaking kapangyarihan sa Europa ang ibang bahagi ng daigdig . . . Ang mga tao ng mga kontinenteng ito [Aprika, Asia, at Amerika], sa madali’t sabi, ay mga biktima ng malupit at walang-humpay na pagsasamantala.” Anong pagkatotoo nga ng mga salita na matatagpuan sa Bibliya sa Eclesiastes 8:9: “Ang tao ay nanunupil sa tao sa kaniyang ikapipinsala”!
Marahil ang nakalulungkot na rekord na ito ang siyang nag-udyok sa isang pilosopong Aleman upang magkomento na ang tanging bagay na matututuhan sa kasaysayan ay na walang natututuhan ang mga tao sa kasaysayan. Ang Jeremias 10:23 ay nagsasabi: “Ang landasin ng tao ay wala sa kaniyang pagsupil, ni nasa kapangyarihan man iyon ng tao habang humahayo siya upang gabayan ang kaniyang mga hakbang.” (The Jerusalem Bible) Ang kawalang-kakayahang ito na gabayan ang ating mga hakbang ay lalo na nating dapat ikabahala sa ngayon. Bakit? Sapagkat tayo ay pinipighati ng mga suliranin na kapuwa sa dami at antas ay wala pang katulad. Kaya paano natin ito haharapin?
Mga Suliranin na Wala Pang Katulad
Sa buong kasaysayan ng sangkatauhan, hindi pa nangyari kailanman na ang buong lupa ay pinagbantaan ng magkakasanib na puwersa ng pagkalbo sa kagubatan, pagkaagnas ng lupa, paglawak ng disyerto, lansakang pagkalipol ng mga uri ng halaman at hayop, pagnipis ng ozone sa atmospera, polusyon, pag-init ng globo, namamatay na mga karagatan, at napakabilis na pagdami ng populasyon ng tao.
“Ang isa pang hamon na napapaharap sa makabagong mga lipunan ay ang lubos na bilis ng pagbabago,” sabi ng aklat na A Green History of the World. Si Ed Ayres, patnugot ng magasing World Watch ay sumulat: “Napapaharap tayo sa isang bagay na lubusang hindi saklaw ng ating pinagsama-samang karanasan anupat talagang hindi natin ito nauunawaan, kahit na napakaraming patotoo. Para sa atin, ang ‘isang bagay’ na iyon ay ang puspusang pagsalakay ng matitinding biyolohikal at pisikal na pagbabago sa daigdig na tumutustos sa atin.”
Hinggil sa mga ito at sa kaugnay na mga suliranin, ang istoryador na si Pardon E. Tillinghast ay nagsabi: “Ang mga direksiyon na tinatahak ng lipunan ay naging lubhang higit na masalimuot, at para sa marami sa atin ang mga suliranin ay nakapangingilabot. Anong patnubay ang maibibigay ng propesyonal na mga istoryador sa mga nalilitong tao sa ngayon? Sa wari’y walang gaano.”
Ang propesyonal na mga istoryador ay maaaring nagugulumihanan kung ano ang gagawin o ipapayo, ngunit tiyak na hindi gayon ang ating Maylalang. Sa katunayan, inihula niya sa Bibliya na sa mga huling araw, ang daigdig ay makararanas ng “mga panahong mapanganib na mahirap pakitunguhan.” (2 Timoteo 3:1-5) Ngunit higit pa riyan, ang Diyos ay gumawa ng isang bagay na walang kapangyarihan ang mga istoryador na gawin—ipinakita niya ang solusyon, gaya ng makikita natin sa susunod na artikulo.
[Talababa]
a Ang mga obserbasyon ni Schlabach ay kasuwato ng hula ni propeta Daniel na ang Imperyong Romano ay hahalinhan ng isang sanga na ito mismo ang pagmumulan. Tingnan ang kabanata 4 at 9 ng Magbigay-Pansin sa Hula ni Daniel!, na inilathala ng Watchtower Bible and Tract Society of New York, Inc.
[Blurb sa pahina 5]
“Anumang kasaysayan na isinalaysay ng mga humahawak ng kapangyarihan . . . ay dapat na ituring na lubhang kahina-hinala.”—MICHAEL STANFORD, ISTORYADOR
[Larawan sa pahina 4]
Emperador Nero
[Credit Line]
Roma, Musei Capitolini
[Mga larawan sa pahina 7]
Sa lahat ng panahon “ang tao ay nanunupil sa tao sa kaniyang ikapipinsala”
[Credit Lines]
“The Conquerors,” by Pierre Fritel. Includes (left to right): Ramses II, Attila, Hannibal, Tamerlane, Julius Caesar (center), Napoléon I, Alexander the Great, Nebuchadnezzar, and Charlemagne. From the book The Library of Historic Characters and Famous Events, Vol. III, 1895; planes: USAF photo