Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g01 3/8 p. 23-25
  • Ang mga Hamon ng Pinagkaisang Alemanya

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang mga Hamon ng Pinagkaisang Alemanya
  • Gumising!—2001
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Tapos na ang Cold War
  • Kalayaan sa Wakas!
  • “Kaayaaya Noon ang Panahon”
  • Ano ang Matututuhan Natin?
  • Berlin—Isang Salamin ng Ating Daigdig?
    Gumising!—1990
  • Inalagaan Kami ni Jehova sa Panahon ng Pagbabawal—Bahagi 2
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1992
  • Mga Saksi ni Jehova sa Silangang Europa
    Gumising!—1991
  • ‘At Gumuho ang Pader’
    Gumising!—1991
Iba Pa
Gumising!—2001
g01 3/8 p. 23-25

Ang mga Hamon ng Pinagkaisang Alemanya

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA ALEMANYA

“NANG kami ng mga magulang ko ay tumawid sa hangganan mula sa Silangang Alemanya tungo sa Kanlurang Berlin, pulu-pulutong ng mga tao ang nakatayo sa mga tulay na nasa itaas ng haywey na kumakaway at nagsasaya,” ang gunita ni Ronny. “Naglakad kami sa paligid ng sentrong pamilihan ng Ku’damm sa Kanlurang Berlin, at nang matanto ng mga tao na kami’y mula sa Silangang Alemanya, ibinili nila kami ng mga inumin. Ang lahat ay masayang-masaya.” Iyon ay noong Nobyembre 10, 1989, isang araw pagkatapos buksan ang Pader ng Berlin.

Ang pagsasaya ay umabot sa kabila pa ng Berlin at inilakip nito ang buong Silangang Alemanya at Kanlurang Alemanya, na umiral noon bilang magkahiwalay na mga bansa. Ang Wende​—na tumutukoy sa malaking pagbabago o mapayapang rebolusyon na humantong sa pagbagsak ng totalitaryong Estado ng Silangang Alemanya​—ay nakagulat sa halos lahat. Pagkalipas ng mga taon, itinuturing pa rin ng marami ang Wende bilang ang pinakamaligayang panahon sa nakalipas na 50 taon. Sabihin pa, ang katuwaan ay napalitan ng katotohanan, na umakay sa amin na magtanong, Paano ba nagbago ang buhay mula noong Wende? May matututuhan ba tayo mula sa nangyari?

Tapos na ang Cold War

Sa karamihan ng mga Aleman, ang pagbubukas sa Pader ng Berlin ay naging isang malaking kaginhawahan. Ayon sa ilang mapagkukunan ng impormasyon, halos isang libong katao ang namatay sa mapamaslang na hangganan sa pagitan ng Silangan at Kanluran. Noong Oktubre 1990, ang dalawang Alemanya ay pinagsamang-muli tungo sa iisang Estado, ang Pederal na Republika ng Alemanya, na may populasyon na mga 80 milyon. Ang German Democratic Republic (GDR)​—na kilala bilang Silangang Alemanya​—ay hindi na umiral, pagkaraan lamang ng 41 taon matapos itong itatag. Ang dakong sakop dati ng GDR ay nahahati ngayon sa anim na estado, na kilala bilang ang bagong pederal na mga estado.

Namangha ang daigdig samantalang pinabibilis ng Wende ang pagkabuwag ng blokeng Komunista, ang pagkalansag ng depensang alyansa ng Warsaw Pact, at ang wakas ng Cold War. Ang mga hukbo ng magkalabang mga superpower​—na nagmamatyag sa isa’t isa sa hangganan sa pagitan ng dalawang Alemanya sa loob ng mga 40 taon​—ay umalis sa lupain ng Alemanya. Ang mga pangyayaring ito ay nangyari nang walang ginamit na mga sandata.

Pagkaraang pagkaisahin-muli, malaking pagbabago ang nangyari sa buong Alemanya, na pangunahin nang nakaapekto sa buhay sa bagong pederal na mga estado. Para sa maraming indibiduwal ang pagbabago ay mas madula kaysa sa inaasahan.

Kalayaan sa Wakas!

Ang gustung-gusto ng taong-bayan sa GDR mula sa Wende ay ang kalayaan. Hindi ito kataka-taka, yamang sinupil ng totalitaryong Estado ang mga mamamayan nito. Noong mga panahon bago ang Wende, mahirap o imposible ang pagkuha ng visa upang tumawid sa hangganang panloob ng Alemanya. Biglang nagbago iyan. Isang babae ang bumulalas: “Isip-isipin lamang, makapupunta na kami sa Amerika!” Para sa marami, ang makapiling-muli ang mga kamag-anak at mga kaibigan sa kabilang panig ng hangganan ay patuloy na nagbibigay sa kanila ng dahilan upang magpasalamat.

Ang kalayaan ay nagpapahintulot hindi lamang sa mga Aleman sa Silangan na magtungo sa kanluran kundi rin naman sa mga taga-Kanluran na magtungo sa silangan. Sa gayon, ang mga lugar na nakaaakit ng mga turista sa bagong pederal na mga estado ay nasa mapa na muli, wika nga. Halimbawa, maaaring puntahan ng mga turista ang Wittenberg, kung saan sinimulan ni Martin Luther ang Repormasyon, na siyang pasimula ng relihiyong Protestante. Nariyan din ang Meissen, isang lunsod na kilala sa gawang-kamay na mga porselana nito, at ang Weimar, naging tahanan ng dalawa sa pinakabantog na mga manunulat ng Alemanya, sina Johann Wolfgang von Goethe at Friedrich von Schiller. Noong 1999, ang Weimar ay ginawang Lunsod Pangkultura ng Europa, ang kauna-unahang lunsod sa dating blokeng Komunista na tumanggap ng gayong parangal.

Kumusta naman ang tungkol sa kalayaan sa pagsasalita? Ang mga tao sa bagong pederal na mga estado ay makapagsasalita nang hayagan nang hindi natatakot na sila’y mauulinigan ng Stasi, o seguridad ng estado. At ang tao sa lansangan ay nagsasaya na makapipili ng kaniyang mga programa sa telebisyon at materyal na babasahin nang malaya. Ganito ang nagugunita ni Matthias: “Nang ako’y pumapasok sa paaralan, ang anumang publikasyon mula sa Kanluran na nakukuha namin ay kinukumpiska.”

Kumusta naman ang tungkol sa kalayaan sa pagsamba? Sa GDR, hindi hinihimok ang relihiyon, at 2 sa 3 mamamayan ang walang kinaaanibang relihiyon. Tinatamasa ngayon ng buong pinagkaisang-muli na Alemanya ang kalayaan sa pagsamba sa loob ng mahigit nang sampung taon, ang pinakamahabang yugto ng panahon mula nang ipagbawal ni Hitler ang relihiyon noong 1933. Subalit ang kalayaan sa relihiyon ay hindi nangangahulugan na popular ang relihiyon. Ang pangunahing mga relihiyon ay nananaghoy sa kawalan ng impluwensiya nito sa loob ng ilang panahon, at pinabilis ng Wende ang kalakarang ito. Sa kabilang dako, pinalawak naman ng mga Saksi ni Jehova, na ipinagbawal at pinag-usig ng rehimeng totalitaryo, ang kanilang gawain. Sa nakalipas na sampung taon, 123 Kingdom Hall at 2 Assembly Hall ang itinayo ng mga Saksi sa bagong pederal na mga estado.

Malawakang isinasagawa ang lahat ng klase ng pagtatayo sa bagong mga estado. Ang Berlin ay muling ibinalik bilang ang pambansang kabisera at lubusang ginagawang makabago. Sa lahat ng bagong pederal na mga estado, pinagbubuti ang imprastraktura na gumugugol ng napakalaking halaga ng salapi sa mga daan at mga riles ng tren. Malaking trabaho ang ginawa upang linisin ang kapaligiran at iangat ang pangangalagang pangkalusugan at kagalingang panlipunan ayon sa mga pamantayan sa Kanluran. Karamihan ng mga residente sa bagong pederal na mga estado ang sasang-ayon na sila ngayon ay mayroong mas mataas na pamantayan ng pamumuhay.

“Kaayaaya Noon ang Panahon”

Sa kabila nito, ginugunita ng ilan nang may pananabik ang mga panahon bago ang Wende. “Kaayaaya noon ang panahon,” paliwanag ng isang babae. Ano ba ang kaayaaya sa pamumuhay sa ilalim ng isang diktadura? Ang ilan ay nagsasabi na ang buhay ay walang gaanong sorpresa at tiwasay. Masayang inaalaala ng marami ang malapít na mga buklod ng magkakaibigan at magkakapitbahay, ang damdamin na laging nariyan ang tulong at alalay. Ayon sa Allensbach Opinion Research Institute, “ang mga diktadura ay nagbibigay sa kanilang mga mamamayan ng damdamin ng kahigitan sa moral at katiwasayan.” Nang mawala ang diktadura sa GDR, naglaho ang malapít na damdamin.

Isa pang halimbawa: Noong dekada ng 1980, ang mga presyo ng pangunahing mga bagay at mga pangangailangan ng bayan ay pinanatiling mababa, at ang lahat ay may trabaho. “Ang isang pirasong tinapay ay dating nagkakahalaga ng limang pfennig, pero ngayon ay di-kukulangin sa sampung ulit ang itinaas ng presyo nito,” ang daing ni Brigitte. Nang simulan ang kompetisyon sa malayang-bilihan (free-market), libu-libong negosyo na pag-aari ng estado ang nagsara, na naging sanhi ng kawalan ng trabaho. Doble ang dami ng walang trabaho sa dating Silangang Alemanya kaysa sa kanluran.

Hanggang sa ngayon, ang pagkakaisang-muli ay nagkahalaga ng tinatayang $800 bilyon. At marami pang gagawin. Sino ang nagbabayad sa lahat ng ito? Ang bahagi ng halaga ay natutugunan sa pamamagitan ng isang pantanging buwis. Kaya, naapektuhan ng Wende hindi lamang ang mga puso ng Aleman kundi rin naman ang mga bulsa ng Aleman! Sulit ba ang pagsisikap, ang pera ba ay may katalinuhang ginugol? Nakikita ng marami ang pagkakaisang-muli na positibo at kapaki-pakinabang, isang tagumpay na dapat ipagmapuri.

Ano ang Matututuhan Natin?

Ipinakita ng Wende na ang pagpapalit mula sa isang anyo ng pamahalaan tungo sa isang anyo ay hindi nakasisiya sa lahat. Natuklasan ng maraming tao​—kahit na yaong mga nag-aakalang kapaki-pakinabang ang Wende​—na ang buhay sa isang kapitalistang lipunan na batay sa kompetensiya ay maaaring maging nakasisiphayo na gaya sa isang rehimeng totalitaryo. Sabihin pa, ang kalayaan at kasaganaan ay kanais-nais. Subalit kung ang kabayaran para sa mga kapakinabangang ito ay isang malamig at walang-malasakit na paraan ng pamumuhay, maaaring maging panandalian ang kaligayahan.

Ang isang ulat kamakailan mula sa Dessau sa dating Silangang Alemanya ay nagsasabi: “Isang dekada na ang nakalipas mula nang pagkaisahin ito; bilyun-bilyong dolyar ang nagugol na upang akayin ang lugar na iyon mula sa mabagabag na nakaraan.” Gayunman, marami ang waring hindi maligaya sa mga resulta sa kasalukuyan.

Ang Allensbach Institute ay nag-uulat na maraming tao ang umaasa na sa “pagitan ng mga mapagpipilian na malaya at may kompetisyong ekonomiya at ng isinaplanong ekonomiya, maaaring mayroon pang ikatlong paraan” ng pangangasiwa sa mga gawain ng sangkatauhan. Ganiyan din ang inaasahan ng mga Saksi ni Jehova.

Naniniwala sila na walang sistemang pampulitika o pang-ekonomiya na ginawa ng mga tao ang kailanma’y makasisiya sa lahat ng mga pangangailangan ng sangkatauhan. Naniniwala ang mga Saksi na ang mga pangangailangang ito ay matutugunan lamang ng Mesiyanikong Kaharian ng Maylalang. Ayon sa Bibliya, hindi na magtatagal at itatatag ng makalangit na pamahalaang ito ang isang maibigin at matuwid na pamamahala sa buong lupa. Pagkakaisahin ng Kaharian ang lahat ng mga bansa sa lupa at pangyayarihing maging mapayapa sa isa’t isa hindi lamang ang Alemanya kundi ang buong sangkatauhan. Kay laking pagpapala nga ng Kahariang iyan!​—Daniel 2:44.

[Mapa sa pahina 23]

(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)

Bonn

Berlin

Wittenberg

Weimar

[Larawan sa pahina 24]

Ang paggiba sa Pader ng Berlin at ang pag-aalis sa hangganan ay tinanggap taglay ang malaking ginhawa

[Credit Line]

Foto: Landesarchiv, Berlin

[Larawan sa pahina 24]

Ang Checkpoint Charlie, sagisag ng Cold War sa Berlin, bago at pagkatapos

[Credit Line]

Foto: Landesarchiv Berlin

[Mga larawan sa pahina 25]

Ang Berlin, na itinatag-muli bilang pambansang kabisera, ay ginagawang makabago

[Larawan sa pahina 25]

Sa kasalukuyan ang mga Saksi ni Jehova ay nakapagtayo na ng 123 Kingdom Hall sa bagong pederal na mga estado

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share