“Nagsisikipang mga Lunsod”
“Ang mga tao ay nangingibang-bayan nang higit kailanman, at ang karamihan ng umaalis sa paghahangad ng mas mabuting buhay ay lumilipat sa isang lunsod.”
GANIYAN ang sinabi ng lathalaing Foreign Affairs sa pambungad sa artikulo na pinamagatang “Ang Nagsisikipang mga Lunsod sa mga Papaunlad na Lupain.” Ayon sa artikulong iyon, maraming tao ang “naaakit ng makikislap na ilaw, o naitaboy mula sa mga lalawigan dahil sa kaguluhan sa pulitika at ekonomiya, mga kaigtingang dulot ng populasyon, at pagkasira ng kapaligiran.”
Gaano nga ba kabilis lumago ang mga lunsod? Tinataya ng ilan na ang mga tao ay humuhugos sa mga lunsod sa nakagugulat na bilang na mahigit sa isang milyon bawat linggo! Sa papaunlad na mga lupain, mahigit na ngayon sa 200 lunsod ang may populasyong lampas sa isang milyon. May 20 na lumampas na sa sampung milyon ang populasyon! At hindi inaasahang babagal pa iyan. Kuning halimbawa ang lunsod ng Lagos, Nigeria. Ayon sa isang report ng Worldwatch Institute, “pagsapit ng 2015, ang Lagos ay maaaring pinaninirahan na ng halos 25 milyon katao, anupat tataas ang puwesto mula sa ikalabintatlo sa pinakamalalaking lunsod sa daigdig tungo sa ikatlo sa pinakamalalaki.”
Nadarama ng maraming eksperto na hindi ito nagbabadya ng mabuti para sa hinaharap. Si Federico Mayor, dating panlahat na direktor ng United Nations Educational, Scientific, and Cultural Organization, ay nagbababala na pagsapit ng taóng 2035, “karagdagan pang tatlong libong milyon katao ang maninirahan sa mga pamayanan ng mga lunsod na umiiral sa ngayon.” Upang mapangalagaan ang napakalaking populasyong ito, “kailangan nating magtayo ng isang libong lunsod na may maninirahang tatlong milyon sa susunod na apatnapung taon, dalawampu’t lima bawat taon.”
Sinasabi rin ng mga eksperto na ang napakabilis na paglago ng mga populasyon sa mga lunsod ay may mapaminsalang epekto sa mga lunsod sa buong daigdig. At kasama riyan ang mga lunsod sa mga lupaing mariwasa at industriyalisado. Ano nga bang mga problema ang napapaharap sa mga lunsod, at ano ang maaaring maging epekto nito sa iyo? May mga lunas bang natatanaw? Susuriin sa sumusunod na mga artikulo ang mahahalagang isyung ito.