Nakakonekta Ka Na—Paano?
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA HAPON
SA Hapon, isang lupain kung saan ang bilang ng mga telepono ay halos kasindami ng mga mamamayan nito, mahigit sa 300 milyong tawag sa telepono ang ginagawa bawat araw. Nakatatanggap din ang Hapon ng mga isang milyong tawag mula sa ibang bansa araw-araw, at mga ganoon din karaming pagtawag ang ginagawa palabas ng bansa.
Marahil ay gumagamit ka rin ng telepono—ordinaryo man ito (teleponong may kawad na linya) o cellular—halos araw-araw. Habang higit na nagiging moderno ang daigdig, ang pagtawag sa isang tao sa ibang kontinente ay naging pangkaraniwan na lamang sa maraming tao. Ngunit napag-isip-isip mo na ba kung paano naikokonekta ang telepono mo sa telepono ng taong iyong tinatawagan?
Nakakonekta sa Pamamagitan ng Isang Network ng Telepono
Una sa lahat, kailangang nakakonekta ang iyong telepono sa isang network ng telepono. Kung susundan mo ang kawad na nakakabit sa isang ordinaryong telepono, makikita mo sa dulo nito ang isang modular jack (parang saksakan ng kuryente) o junction box (hugpungan), na nakakonekta sa kawad ng kuryente sa iyong bahay.a Kung susundan mo pa ito, makikita mo na ang linyang ito ay nakakonekta sa isang kable, na nasa isang poste ng kuryente o nasa ilalim ng lupa, na patungo sa isang telephone exchange (sentro ng mga linya ng telepono) na nasa isang opisina ng telepono sa inyong lugar. Ang sentrong ito naman ay nakakonekta sa isang mas malaking sentro, sa gayo’y bumubuo ng isang network ng telepono. Kaya kapag tumatawag ka sa isang kaibigan sa bayan ding iyon, isang voice circuit (koneksiyon na naghahatid ng boses) ang nabubuo sa pagitan ng iyong telepono at ng telepono ng iyong kaibigan sa pamamagitan ng isang network.
Ano naman ang nangyayari kung tungkol sa mga cellular phone? Paano nakokonekta ang mga ito? Ang simulain dito ay kapareho rin ng sa ordinaryong telepono. Isang di-nakikitang “kawad,” sa kasong ito, isang radio wave, ang nag-uugnay sa iyong cellular phone sa isang malapit na mobile telephone switching office na nakakonekta sa isang network ng telepono. Ngunit paano naman kapag nakikipag-usap ka sa isang tao na nasa ibang kontinente?
Mga Kable sa Karagatan
Ang pagkokonekta ng dalawang kontinenteng pinaghiwalay ng dagat sa pamamagitan ng kable ay isang napakalaking proyekto. Nangangailangan ito ng paglalagay ng isang kable na libu-libong kilometro ang haba sa ilalim ng dagat at ng pagtawid sa mga guwang at mga bundok sa ilalim ng dagat. Gayunman, ganito nagsimula ang telekomunikasyon sa pagitan ng mga kontinente. Ang kauna-unahang kable ng telepono sa ilalim ng tubig na tumawid sa karagatan ng Atlantiko ay natapos noong 1956.b Pinag-ugnay nito ang Scotland at Newfoundland at nagdala ng 36 na sirkito ng telepono. Noong 1964, ang unang kableng tumawid sa karagatan ng Pasipiko ay inilagay sa pagitan ng Hapon at Hawaii. Ang kableng iyon ay nagdala ng 128 sirkito ng telepono. Sumunod na inilagay ang iba pang mga kable para sa ilalim ng dagat, na nag-ugnay sa mga kontinente at mga isla.
Anu-anong uri ng kable ang inilalagay sa sahig ng karagatan para sa mga koneksiyon ng telepono? Noong una, karaniwang ginagamit ang mga coaxial cable na may conducting wire na gawa sa tanso at conducting shell na palarang tanso o aluminyo. Ang isa sa mga huling coaxial cable na ginamit ay inilagay noong 1976, at ito’y may kapasidad na magdala ng hanggang 4,200 voice circuit. Gayunman, sinimulang gamitin noong dekada ng 1980 ang mga kableng fiber-optic. Ang kauna-unahang kable na may ganitong uri na ginamit sa pagitan ng mga kontinente, na inilagay noong 1988, ay may kakayahang magdala ng 40,000 pag-uusap sa telepono nang sabay-sabay, na ginagamit ang teknolohiyang digital. Mula noon ay lumaki pa ang kapasidad ng mga kable. Ang ilang kableng patawid sa Karagatang Atlantiko ay makapagdadala ng 200 milyong sirkito ng telepono!
Paano nailalagay ang mga kable ng telekomunikasyon sa ilalim ng tubig? Ang mga ito ay aktuwal na inilalagay sa sahig ng karagatan at umaayon sa anyo nito. Malapit sa dalampasigan, ang kable ay nasa loob ng isang solidong kaha na nakalagay sa isang trinsera na hinukay ng isang sasakyang pinatatakbo ng remote control. Iniingatan ng kaha ang kable mula sa pinsalang maidudulot ng mga angkla o mga lambat sa pangingisda. Kaya kapag tinawagan mo ang iyong kaibigan sa ibang kontinente, isa sa mga kableng ito ang maaaring magdala ng iyong boses patawid sa kalaliman ng dagat.
Pinag-uugnay ng Di-Nakikitang mga Kable ang Malalayong Lugar
Subalit hindi lamang isang kable sa ilalim ng tubig ang pamamaraan upang pag-ugnayin ang mga kontinente at mga isla. Ang isang di-nakikitang “kawad”—isang radio wave—ay karaniwan ding ginagamit. Ang uring ito ng wave, na tinatawag din na microwave, ang nag-uugnay sa magkakalayong mga lugar para sa internasyonal na mga telekomunikasyon. Yamang ang isang microwave ay naglalakbay sa isang tuwid na linya tulad ng isang manipis na sinag ng liwanag, maaari lamang nitong pag-ugnayin ang mga lugar na tuwirang tatamaan nito nang walang sagabal. Dahil sa kurba ng ibabaw ng lupa, ang mga lugar sa kabilang panig ng globo ay hindi tuwirang mapag-uugnay. Kinakailangan ang mga satelayt na pangkomunikasyon upang mapag-ugnay ang gayong malalayong lugar.
Kung ang isang satelayt ay nakaposisyon sa bandang itaas ng ekwador sa taas na mga 35,800 kilometro, na tinatawag na geostationary orbit, ang yugto ng pagligid nito sa lupa ay humigit-kumulang sa 24 na oras—kasinghaba ng yugto ng pag-ikot ng lupa. Samakatuwid, halos nananatili ito sa ibabaw ng iisang rehiyon sa lupa. Yamang nakikita ng satelayt na ito ang isang rehiyon na sumasaklaw sa sangkatlong bahagi ng lupa, ang mga istasyon sa lupa—mga lugar na naghahatid at tumatanggap ng mga microwave—sa rehiyong ito ay maaaring makipagtalastasan sa pamamagitan ng satelayt. Kung gayon, paano mapag-uugnay ng isang satelayt ang dalawang magkalayong lugar?
Ang isang istasyon sa lupa na nasa rehiyong saklaw ng isang satelayt ay naghahatid ng microwave signal sa satelayt. Ito ang tinatawag na uplink. Sa pagtanggap ng wave, pinabababa naman ng isang radio repeater, o isang transponder, na nakakabit sa satelayt, ang frequency at ihahatid naman ito sa isa pang istasyon sa lupa. Ito ang tinatawag na downlink. Sa ganitong paraan, ang dalawang istasyon sa lupa na hindi maaaring tuwirang makipagtalastasan sa isa’t isa ay maaaring mapag-ugnay ng isang di-nakikitang kawad sa pamamagitan ng satelayt.
Ang unang komersiyal na satelayt na pangkomunikasyon, ang INTELSAT 1, na tinatawag ding Early Bird, ay inilunsad noong 1965. Ngayon, mga 200 satelayt na pangkomunikasyon, karamihan sa mga ito ay geostationary, ang gumagana, na nag-uugnay sa mga lugar sa buong daigdig. Ang mga satelayt na ito ay ginagamit hindi lamang para sa internasyonal na telekomunikasyon kundi para rin sa pagbobrodkas ng telebisyon, sa pagmamasid sa lagay ng panahon, at sa iba pang layunin. Sa pamamagitan ng pagdadala ng maraming transponder, ang gayong mga satelayt ay nakapaglalaan ng mga sirkito na maraming channel. Halimbawa, kayang ihatid ng Early Bird ang isang sirkito ng telebisyon at 240 sirkito ng telepono nang sabay-sabay. Ang serye ng INTELSAT VIII, na gumagana mula pa noong 1997, ay nakapaglalaan ng tatlong brodkas ng telebisyon at hanggang sa 112,500 sirkito ng telepono nang sabay-sabay.
Mahahalata Mo ba ang Pagkakaiba?
Lahat ng mga pagbabagong ito ay lubhang nagpababa sa presyo ng mga pagtawag sa telepono sa ibang bansa. Marahil ay mas madalas ka na ngayong nakikipag-usap sa iyong mga kaibigan o kapamilya sa ibang kontinente. Paano mo malalaman kung ikaw ay nakakonekta sa pamamagitan ng isang kable sa ilalim ng tubig o ng isang koneksiyon ng satelayt?
Sa koneksiyon ng satelayt, ang haba ng di-nakikitang kawad (kasama rito ang uplink at ang downlink) ay umaabot ng mga 70,000 kilometro. Iyan ay halos kasinlayo ng dalawang beses na pag-ikot sa palibot ng lupa. Bagaman ang mga microwave ay naglalakbay na kasimbilis ng isang kislap ng liwanag, ang panahong ginugugol upang malakbay ng mga ito ang layo mula sa isang istasyon sa lupa hanggang sa isa pang istasyon sa pamamagitan ng isang satelayt ay halos sangkapat ng isang segundo. Nangangahulugan ito na ang iyong boses ay nakararating sa iyong kausap na mas huli nang sangkapat ng isang segundo, at gayundin ang nangyayari sa kabilang direksiyon. Kaya may pagkaantala na kalahating segundo. Yamang hindi ka sanay sa ganitong pagkaantala sa pang-araw-araw na pakikipag-usap, maaaring mapansin mo na nagkakasabay kayong magsalita ng kausap mo. Kung nararanasan mo ito, maaaring ito ang pahiwatig na nakikipag-usap ka sa pamamagitan ng koneksiyon ng satelayt. Gayunman, kapag tinawagan mo ang gayunding numero sa ibang pagkakataon, maaaring wala kang mapansing anumang pagkaantala. Maaaring ito’y dahil nakakonekta ka naman ngayon sa pamamagitan ng isang kableng fiber-optic na nasa ilalim ng tubig. Ang pagpili ng paraan kung paano ka ikokonekta sa ibang bahagi ng daigdig ay ginagawa ng isang masalimuot na network ng telepono nang hindi mo namamalayan.
Kailangan ang kasanayan at pagpapagal ng marami upang mantinihin ang masalimuot na sistema ng network ng telepono na binubuo ng mga kable sa ilalim ng tubig, mga istasyon sa lupa, at mga satelayt na naglalaan sa atin ng kaalwanan ng komunikasyon. Kaya sa susunod na pagtawag mo sa telepono sa isang kaibigan, bakit hindi pag-isipan ang lahat ng ginawa upang maikonekta ka?
[Mga talababa]
a Yamang laging dinadaluyan ng ilang boltahe ng kuryente ang kawad ng telepono, anupat tumataas ito kapag nag-ring ang telepono, mapanganib na hawakan ang nasa loob ng junction box o ang mga bahaging metal na nakakonekta rito.
b Isang kable ng telegrapo ang matagumpay na nailagay sa karagatan ng Atlantiko sa pagitan ng Ireland at Newfoundland noong 1866.
[Dayagram/Mga larawan sa pahina 20, 21]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
MGA RADIO WAVE
Uplink
Downlink
[Dayagram/Mga larawan sa pahina 20, 21]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
MGA KABLE SA ILALIM NG DAGAT
Cellular phone
[Larawan sa pahina 20]
Ang makabagong mga kableng fiber-optic ay makapagdadala ng 200 milyong sirkito ng telepono
[Larawan sa pahina 21]
Gumagawa sa INTELSAT VI ang mga tauhan ng Space Shuttle
[Credit Line]
NASA photo
[Larawan sa pahina 21]
Ginagamit ang mga barko sa paglalagay ng mga kable at sa pagmamantini ng mga ito
[Credit Line]
Courtesy TyCom Ltd.