Droga—Bakit ba Inaabuso ng mga Tao ang Paggamit sa mga Ito?
“AKO ay 13 taóng gulang noon, at isang gabi ay inimbitahan kami ng ate ng aking pinakamatalik na kaibigan sa kanilang apartment. Ang lahat ay nagsimulang humitit ng marihuwana. Noong una, tinanggihan ko ito, pero matapos itong ipasa nang ilang beses, sinubukan ko rin ito nang dakong huli.” Ganiyan ang paliwanag ni Michael, taga-Timog Aprika, kung paano siya nagsimulang gumamit ng droga.
“Galing ako sa isang konserbatibong pamilya na ang propesyon ay pagtugtog ng musikang klasikal. Tumutugtog ako sa isang orkestra, at ang isa sa mga manunugtog ay dating regular na humihitit ng marihuwana sa panahon ng mga intermisyon. Pilit niyang iniaalok ito sa akin sa loob ng ilang buwan. Nang maglaon ay sinubukan ko rin ito at sinimulang gamitin ito nang regular.” Ganiyan nagsimula si Darren, isang taga-Canada, sa paggamit ng droga.
Kapuwa ang dalawang indibiduwal na ito ay nagpatuloy sa paggamit ng iba pang droga, gaya ng LSD, opyo, at mga stimulant (pampasigla). Sa pagbabalik-tanaw, ngayon bilang mga dating nag-aabuso sa droga, sumasang-ayon sila na ang impluwensiya ng mga kasamahan ang pangunahing dahilan kung bakit sila nagsimulang mag-abuso sa droga. “Hindi ko inakala kailanman na gagamit ako ng droga,” sabi ni Michael, “ngunit ang mga batang iyon lamang ang aking mga kaibigan noon, at natural lamang na gayahin ko sila.”
Ang Daigdig ng Paglilibang
Ang panggigipit ng kasamahan ay talagang isang pangunahing dahilan kung bakit marami ang nagsisimulang gumamit ng droga, at ang mga kabataan ay lalo nang madaling maimpluwensiyahan. Bukod diyan, sila’y nahahantad sa mga halimbawa ng kanilang iniidolo sa daigdig ng paglilibang, na malakas ang kakayahang makaimpluwensiya sa kanilang mga kabataang tagahanga.
Ang industriya ng paglilibang ay lalo nang sinasalot ng pag-aabuso sa droga. Ang mga pangunahing tagapagtanghal sa daigdig ng musika ay kadalasang nag-aabuso sa nakasusugapang droga sa isang yugto ng kanilang karera. Nakaugalian din ng maraming bituin sa pelikula ang paggamit ng mga droga.
Ang droga ay maaaring bigyan ng mga artista ng panghalina at pang-akit na waring di-matanggihan ng mga kabataan. Iniulat ng Newsweek noong 1996: “Nagkalat sa mga lansangan ng Seattle ang mga kabataang lumipat doon upang gumamit ng heroin, dahil lamang sa ginawa ito ni Cobain [na manunugtog ng rock].”
Ang daigdig ng droga ay ginagawang kahali-halina sa mga magasin, pelikula, at telebisyon. Gayundin, mas pinipili ng ilang sikat na disenyador sa daigdig ng moda ang mga modelong may hitsurang payat at buto’t balat, bilang paggaya sa mga sugapa.
Bakit Nalululong ang Iba?
Maraming iba pang salik ang nakadaragdag sa lumalagong pag-aabuso sa droga. Kabilang sa mga ito ang matinding kabiguan, panlulumo, at kawalan ng layunin sa buhay. Karagdagan pang mga dahilan ay ang problema sa kabuhayan, kawalan ng trabaho, at hindi mabuting halimbawa ng mga magulang.
Ang ilan na nahihirapang makipag-ugnayan sa kapuwa ay gumagamit ng droga upang matulungan silang harapin ang mga situwasyong panlipunan. Naniniwala silang pinalalakas ng droga ang kanilang kumpiyansa, anupat nadarama nilang sila ay mapagbiro at kaibig-ibig. Mas madali para sa iba na gumamit na lamang ng droga kaysa sa tanggapin ang pananagutan sa pagpapatakbo ng kanilang sariling buhay.
Ang pagkabagot ay isa pang dahilan kung bakit bumabaling sa droga ang mga kabataan. Ang aklat na The Romance of Risk—Why Teenagers Do the Things They Do ay nagkomento hinggil sa pagkabagot at kawalan ng pagsubaybay ng mga magulang: “Ang mga bata ay umuuwi pagkatapos ng klase sa mga bahay na walang tao. Hindi nga kataka-taka, sila ay nalulungkot at ayaw nilang mapag-isa. Sinasamahan sila ng mga kaibigan, ngunit kahit magkakasama ay madalas na nababagot sila. Nanonood sila ng walang-katapusang telebisyon at mga video ng musika o nanggagalugad sa Internet sa paghahanap ng kasiyahan. Ang paninigarilyo, paggamit ng droga, at pag-inom ay madaling maging bahagi ng situwasyong ito.”
Sinabi ni Michael, na binanggit kanina, hinggil sa kawalan ng pagsubaybay sa kaniya ng kaniyang mga magulang sa tahanan: “Maligaya ang aking buhay-pampamilya. Malapít na malapít ang aming pamilya. Gayunman, parehong nagtatrabaho ang aking mga magulang, at walang pagsubaybay sa maghapon. Gayundin, labis-labis ang pagpapalayaw sa amin ng aming mga magulang. Walang disiplina. Walang kamalay-malay ang aking mga magulang na gumagamit ako ng droga.”
Kapag nalulong na, marami ang nagpapatuloy sa paggamit ng mga droga sa simpleng kadahilanan: Nasisiyahan sila rito. Ganito ang sabi ni Michael, na gumamit ng droga araw-araw, hinggil sa mga epekto ng mga ito: “Ako’y nasa isang daigdig ng pangarap. Matatakasan ko ang anumang panggigipit na nadarama ko. Hindi ako nakadarama ng panganib. Waring maganda ang lahat ng bagay.”
Inilarawan ng isa pang dating nag-aabuso sa droga, na nagngangalang Dick, mula sa Timog Aprika, ang mga naging epekto sa kaniya ng marihuwana nang magsimula siyang gumamit nito sa edad na 13: “Natatawa ako sa anumang biro. Lahat ng bagay ay katawa-tawa.”
Ang mga babala hinggil sa pinsalang maidudulot ng mga droga ay waring hindi kinatatakutan ng mga kabataan. Nakahilig silang magkaroon ng saloobing “hindi mangyayari sa akin iyan.” Binanggit ng aklat na Talking With Your Teenager kung bakit ipinagwawalang-bahala ng mga tin-edyer ang mga babala hinggil sa pinsalang dulot ng droga sa kalusugan: “Napakatibay nila at punung-puno ng sigla anupat hindi sila naniniwala na mapipinsala ang kanilang kalusugan. Ang pagkadamang ito ng ‘pagiging di-tinatablan’ ay lubhang karaniwan sa panahon ng pagbibinata’t pagdadalaga. Itinuturing ng mga tin-edyer ang kanser sa baga, alkoholismo at pagkalulong sa nakasusugapang droga, bilang mga bagay na nangyayari sa mga taong mas matatanda, hindi sa kanila.” Marami ang sadyang hindi nakababatid sa mga panganib, gaya ng ipinakikita ng popularidad ng drogang ecstasy. Ano ba ito?
Ecstasy at ang Daigdig ng Rave
Ang drogang MDMA, kilala bilang ecstasy at may pangunahing sangkap na amphetamine, ay karaniwang ginagamit sa mga magdamagang sayawan na tinatawag na mga rave. Itinataguyod ng mga nagbebenta ang impresyon na ang pag-inom ng ecstasy ay isang ligtas na paraan upang makadama ng matinding kaligayahan at magkaroon din ng karagdagang walang-katapusang lakas upang makapagsayaw nang buong magdamag. Tinutulungan ng drogang ito ang mga mananayaw na magpatuloy sa pagsasayaw sa loob ng maraming oras hanggang maranasan nila sa wakas ang tinutukoy ng isang manunulat na “isang tulad-nahihipnotismong kalagayan.” Ipinaliwanag ng isang kabataan ang panghalina ng ecstasy: “Ang pagkadama ng kasiyahan ay nagsisimula sa iyong mga daliri sa paa, na bumabalot sa iyo sa kamangha-manghang init at pag-ibig habang unti-unti itong nangingilig paakyat sa iyong ulo.”
Ang mga scan sa utak ng mga regular na gumagamit ng ecstasy ay naglaan ng pisikal na katibayan na hindi ito drogang di-nakapipinsala gaya ng pag-aangkin ng mga nagbebenta. Maliwanag na sinisira ng ecstasy ang mga nerbiyo sa utak at pinabababa ang antas ng serotonin. Ang gayong pinsala ay posibleng panghabang-buhay. Sa kalaunan, maaari itong humantong sa mga sakit na gaya ng panlulumo at pagkawala ng memorya. May napaulat nang mga namatay sa mga gumagamit ng ecstasy. Gayundin naman, pinaghahalo ng ilang nagbebenta ng droga ang ecstasy at heroin upang malulong ang kanilang mga parokyano.
Gaano ba Kadaling Makakuha?
Sa maraming bansa ay bumaba ang presyo ng mga droga habang dumarami ang suplay. Ang isang dahilan nito ay ang mga pagbabago sa pulitika at ekonomiya. Ang Timog Aprika ay isang karaniwang halimbawa, kung saan ang pulitikal na pagbabago ay nagbunga ng lumalaking pakikipagkalakalan at pakikipag-ugnayan sa ibang bansa. Ito, lakip na ang limitadong kontrol sa mga hangganan, ay nagpasigla sa kalakalan ng droga. Dahil sa lumalalang kawalan ng trabaho, libu-libo ang umaasa sa pagbebenta ng ipinagbabawal na droga para kumita. Kung saan maraming droga, madalas na naroon ang marahas na krimen. Ayon sa isang ulat sa pahayagan, ang mga bata sa mga paaralan sa Gauteng, Timog Aprika—na ang ilan ay 13 taóng gulang lamang—ay minamanmanan ng mga pulis dahil sa pagbebenta ng droga. Sinimulan na ng ilang paaralan sa lugar na iyon na isailalim ang mga mág-aarál sa mga pagsusuri ukol sa droga.
Ano ba ang Ugat na Dahilan?
Maliwanag na maraming dahilan kung bakit inaabuso ng mga tao ang paggamit ng droga. Ngunit ang lahat ng ito ay mga sintomas ng mas malalim na problema, isang ugat na dahilan. Nagpahiwatig ang manunulat na si Ben Whitaker hinggil dito: “Ang kasalukuyang paglaganap ng paggamit ng droga ay isang babalang tanda ng mga kahinaan at mga depekto sa ating lipunan, bukod pa sa kalungkutan at kawalang-pag-asa: kung hindi, bakit napakaraming tao na may talento at nakaaangat sa buhay ang mas ginusto ang droga kaysa sa realidad ng kasalukuyang panahon?”
Ito ay isang magandang katanungan, na tumutulong sa atin na matanto na ang ating materyalistiko at hibang-sa-tagumpay na lipunan ay madalas na nabibigong matugunan ang ating emosyonal at espirituwal na mga pangangailangan. Maging ang karamihan sa mga relihiyon ay nabigong sapatan ang mga pangangailangang iyon sapagkat kinaligtaan nila ang ugat na dahilan ng mga problema ng tao.
Kailangan nating ungkatin at harapin ang ugat na dahilang iyan bago natin masumpungan ang tanging namamalaging solusyon sa problema sa droga. Tatalakayin ito sa sumusunod na artikulo.
[Larawan sa pahina 7]
Kung minsan ang paggamit ng droga ay ginagawang kahali-halina ng mga kilaláng tao
[Mga larawan sa pahina 7]
Ang daigdig ng makabagong musika ay lipos ng pag-aabuso sa droga
[Mga larawan sa pahina 8]
Ang drogang ecstasy ay karaniwang makukuha sa mga rave
[Credit Lines]
AP Photo/Greg Smith
Gerald Nino/U.S. Customs