Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g01 11/22 p. 23-25
  • Paano Ko Dapat Pakitunguhan ang mga Taong Galít?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Paano Ko Dapat Pakitunguhan ang mga Taong Galít?
  • Gumising!—2001
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Pagtugon sa Pagngangalit
  • Kahinahunan​—Kahinaan o Kalakasan?
  • Mga Halimbawa sa Bibliya ng Kahinahunan
  • “Umalis Ka Na”
  • Kumilos Siya Nang May Kaunawaan
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2009
  • Si Abigail at si David
    Ang Aking Aklat ng mga Kuwento sa Bibliya
  • Kumilos Siya Nang May Kaunawaan
    Tularan ang Kanilang Pananampalataya
  • “Ang Kaunawaan ng Tao ay Tunay na Nagpapabagal ng Kaniyang Galit”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2014
Iba Pa
Gumising!—2001
g01 11/22 p. 23-25

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Paano Ko Dapat Pakitunguhan ang mga Taong Galít?

“Siya’y galit na galit. Sa palagay ko’y dahil sa nakita niyang maliit ako, gusto niya akong bugbugin. Habang umaatras ako, sinabi ko: ‘Sandali lang! Teka muna! Teka muna! Bakit ba gusto mo akong bugbugin? Wala naman akong ginagawa sa iyo. Ni hindi ko nga alam kung ano ang ikinagagalit mo. Puwede ba nating pag-usapan ito?’”​—16-anyos na si David.

IKAW ba’y naging tudlaan na ng pagngangalit ng isang maton? Inihula ng Bibliya na ang mga tao sa ngayon ay magiging “mga mabangis, mga walang pag-ibig sa kabutihan.” (2 Timoteo 3:3) At bagaman maaaring ginawa mo na ang lahat ng magagawa mo upang iwasan ang ‘pakikisama sa sinumang madaling magalit . . . , sa taong magagalitin,’ may mga pagkakataon na basta hindi mo maiwasan ang mga taong galít. (Kawikaan 22:24) Paano ka dapat tumugon kung masumpungan mo ang iyong sarili na nasa gayong situwasyon?

Pagtugon sa Pagngangalit

Maraming kabataan sa ngayon ang maaaring tumugon sa pamamagitan ng pagpapakita ng kanila mismong pagngangalit. Subalit ang paggawa nito ay nagdudulot lamang ng higit na pasakit. Isa pa, kapag nawalan ka ng pagpipigil sa sarili, nagiging katulad ka ng isa na nagngangalit. Ang Kawikaan 26:4 ay nagsasabi: “Huwag mong sagutin ang sinumang hangal ayon sa kaniyang kamangmangan, upang hindi ka rin maging katulad niya.” Natutuhan ng kabataang si Jeremy ang katotohanan ng mga salitang ito sa mahirap na paraan. Naaalaala niyang siya’y nakaupo sa mesang kainan sa paaralan: “May isang grupo ng mga batang lalaki na laging ginagawang katatawanan ang isa’t isa at ang ibang tao. Madalas na pinag-uusapan nila ako. Karaniwan nang hindi ko pinapansin ang kanilang usapan. Subalit, nang ang isa sa kanila ay nagsimulang magsalita tungkol sa aking ina, nawalan ako ng pagpipigil at sinugod ko siya sa silakbo ng galit.” Ang resulta? “Bugbog sarado ako sa kaniya,” ang sabi ni Jeremy.

Ganito ang matalinong payo na ibinibigay ng Bibliya: “Ang sagot, kapag mahinahon, ay pumapawi ng pagngangalit, ngunit ang salitang nakasasakit ay pumupukaw ng galit.” (Kawikaan 15:1) Oo, ang pagtugon sa galit sa pamamagitan ng “salitang nakasasakit” ay lalo lamang nagpapalubha sa kalagayan. Gayunman, ang mahinahong sagot ay kadalasang nakapagpapahinahon sa mga bagay-bagay at nakapagpapakalma sa maigting na situwasyon.

Alalahanin si David, na nabanggit sa pasimula. Nagawa niyang kausapin at pagpaliwanagin ang maton kung bakit ito nagagalit. Lumilitaw na may nagnakaw ng pananghalian ng maton, at inilalabas niya lamang ang kaniyang sama ng loob sa unang taong makasalubong niya. “Hindi maibabalik ng pagbugbog sa akin ang iyong pananghalian,” ang pangangatuwiran ni David. Pagkatapos ay iminungkahi niya na kapuwa sila magtungo sa kapitirya. “Yamang kilala ko ang nagtatrabaho roon,” gunita ni David, “nagawa kong mapalitan ang kaniyang pananghalian. Kinamayan niya ako, at naging palakaibigan na siya sa akin pagkatapos niyan.” Nakikita mo ba kung gaano kabisa ang mahinahong mga salita? Gaya ng pagkakasabi rito ng isang kawikaan, “ang mahinahong dila ay nakababali ng buto.”​—Kawikaan 25:15.

Kahinahunan​—Kahinaan o Kalakasan?

Ipagpalagay na, ang ideya ng pagkakaroon ng “mahinahong dila” ay waring hindi kaakit-akit. Tila mas makisig o macho na labanan ang galit sa pamamagitan ng galit. Maaari pa ngang ikatakot mo na kung ikaw ay mahinahon, aakalain ng iba na ikaw ay talagang mahina. Subalit ano nga ba ang ibig sabihin ng maging mahinahon? Ayon sa isang akdang reperensiya, ang pagiging mahinahon ay nangangahulugan ng pagiging banayad. Subalit, isinusog pa ng akda ring ito: “Sa kabila ng kahinahunan ay naroon ang kalakasan ng bakal.” Kaya, sa halip na pagiging isang tanda ng kahinaan, ang kahinahunan ay maaaring maging isang tanda ng kalakasan. Paano?

Buweno, una sa lahat, kontrolado ng isang taong mahinahong-loob ang kaniyang sarili at hindi siya madaling mawalan ng panimbang. Sa kabilang dako naman, ang isang taong walang kahinahunan ay waring mabuway, bigo, o desperado pa nga. Wala rin siyang pagpipigil sa sarili. Palibhasa’y hindi masupil ang kaniyang damdamin, malamang na masumpungan niya ang kaniyang sarili na paulit-ulit na nasasangkot sa mga away. Oo, “gaya ng lunsod na nilusob, na walang pader, ang taong hindi nagpipigil ng kaniyang espiritu.” (Kawikaan 25:28) Tunay kung gayon, ang taong mahinahong-loob ang siyang malakas!

Mga Halimbawa sa Bibliya ng Kahinahunan

Isaalang-alang si Jesu-Kristo. Inilarawan niya ang kaniyang sarili bilang “mahinahong-loob at mababa ang puso.” (Mateo 11:29) Hindi siya kailanman naging malupit o di-makatuwiran, anupat gumaganti ng masama sa masama. Sa katunayan, si apostol Pedro, isang personal na kaibigan ni Jesus, ay nag-ulat: “Nang [si Jesus] ay laitin, hindi siya nanlait bilang ganti. Nang siya ay magdusa, hindi siya nagbanta, kundi patuloy na ipinagkatiwala ang kaniyang sarili sa isa na humahatol nang matuwid.” (1 Pedro 2:23) Subalit tandaan, na ang Jesus ding ito ay ‘pumasok sa templo at pinalayas ang lahat niyaong mga nagtitinda at bumibili.’ (Mateo 21:12) At kung kailanma’y bumangon ang pangangailangang umalalay ang Diyos, maaari sanang tinawagan ni Jesus ang “mahigit sa labindalawang hukbo ng mga anghel”! (Mateo 26:53) Tiyak na hindi siya mahina.

Isaalang-alang din ang halimbawa na ipinakita ni Hukom Gideon, gaya ng nakaulat sa Bibliya sa Hukom 8:1-3. Pagkatapos ng isang malaking tagumpay sa militar, sumamâ ang loob ng ilang kawal mula sa tribo ni Efraim dahil sa inaakala nila na hindi sila nabigyan ng pagkakataon na makibahagi sa kaluwalhatian ng digmaan. “Ano itong bagay na ginawa mo sa amin na hindi mo kami tinawag nang yumaon ka upang makipaglaban sa Midian?” ang hamon nila. “At buong tindi silang nakipagtalo sa kaniya.” Ngayon si Gideon ay “magiting at makapangyarihan.” (Hukom 6:12) Maaari sana niyang tinugon kaagad ang kanilang hamon sa pamamagitan ng karahasan. Sa halip, nagbigay siya ng mahinahong tugon na lubusang nagpakalma sa maiiniting ulong iyon. “Ano ba ang ginawa ko ngayon kung ihahambing sa inyo?” ang tanong ni Gideon. Ano ang resulta ng mahinhing tugon na ito? “Huminahon ang kanilang espiritu sa kaniya.”

Sa katapus-tapusan, isaalang-alang ang ulat ng Bibliya tungkol sa isang babaing nagngangalang Abigail. Si David ay nagtatago bilang isang takas mula sa kaniyang kaaway na si Saul, ang hari ng Israel. Bagaman naghihirap bilang isang tapon, kadalasang binabantayan at ipinagsasanggalang ng mga tauhan ni David ang kanilang mga kapuwa Israelita. Isang lalaking kanilang tinulungan ay ang asawa ni Abigail, si Nabal, isang napakayamang tao. Gayunman, si Nabal ay “mabagsik at masasama ang kaniyang mga gawa.” Nang mangailangan ng mga panustos ang mga tauhan ni David, humingi sila kay Nabal ng pagkain. Sa halip na magpahayag ng pagpapahalaga sa walang-bayad na proteksiyon na ibinigay sa kaniya ng pangkat ni David, ‘sinigawan [ni Nabal] ng mga panlalait’ ang mga mensahero ni David at pinaalis silang walang dala.​—1 Samuel 25:2-11, 14.

Pagkarinig nito, nagalit si David at ipinag-utos sa kaniyang mga tauhan: “Ibigkis ng bawat isa ang kaniyang tabak!” Si David at ang kaniyang mga tauhan ay patungo na kay Nabal upang patayin ito at ang lahat ng inosenteng lalaki na miyembro ng sambahayan nito nang mamagitan si Abigail. Nang makasalubong niya si David, binigyan niya ito ng saganang kaloob na pagkain at inumin. Inihingi niya ng tawad ang di-mapalalampas na paggawi ng kaniyang asawa at nagsumamo kay David na huwag pumatay ng mga inosenteng buhay.​—1 Samuel 25:13, 18-31.

Ang mapagpakumbabang mga pagsusumamo ni Abigail ay nagpahupa sa galit ni David. Oo, palibhasa’y natanto kung paano naging mapanganib ang kaniyang galit, sinabi ni David: “Pagpalain si Jehova na Diyos ng Israel, na siyang nagsugo sa iyo sa araw na ito upang salubungin ako! At pagpalain ang iyong katinuan, at pagpalain ka na siyang pumigil sa akin sa araw na ito mula sa pagpasok sa pagkakasala sa dugo at sa paggamit ng aking sariling kamay para sa aking kaligtasan.” (1 Samuel 25:32-35) Oo, sa maraming kalagayan ‘ang sagot kapag mahinahon’ ay nag-aalis ng pagngangalit ng iba. Gayunman, kumusta naman kung hindi gayon ang epekto ng iyong mahinahong sagot?

“Umalis Ka Na”

Maiiwasan mong gatungan ang isang malala nang situwasyon sa pamamagitan ng basta paglayo. “Kung saan walang kahoy ay namamatay ang apoy,” ang sabi ng Bibliya. Ito rin ay nagpapayo: “Bago sumiklab ang away, umalis ka na.” (Kawikaan 17:14; 26:20) “Isang popular na batang lalaki sa paaralan ang lumapit sa akin at gustong makipag-usap,” ang sabi ng 17-anyos na si Merissa. “Sinabi niya sa akin na maganda ako. Di-nagtagal, galit na galit na lumapit sa akin ang kaniyang nobya. Pinaratangan niya ako ng pag-alembong sa kaniyang nobyo at gusto niyang makipag-away sa akin! Sinikap kong ipaliwanag ang nangyari, subalit ayaw niyang makinig. Pagkatapos ng klase ay bumalik siya kasama ang iba pang batang babae upang bugbugin ako! Agad kong pinuntahan at isinama ang guwardiya ng paaralan, at ipinaliwanag ko sa galít na babae na hindi ako nakikipag-away at na ang nobyo niya ang lumapit sa akin. Pagkatapos ay lumayo na ako.” Si Merissa ay hindi nagpadala sa kaniyang damdamin. Hindi lamang siya lumayo sa away kundi gumawa rin siya ng mga hakbang upang ipagsanggalang ang kaniyang sarili. Gaya ng sinasabi ng Kawikaan 17:27, “ang sinumang nagpipigil ng kaniyang mga pananalita ay nagtataglay ng kaalaman, at ang taong may kaunawaan ay malamig ang espiritu.”

Subalit, ano naman kung ikaw talaga ang dapat sisihin kung bakit nagalit ang isang tao​—marahil nang di-sinasadya? Humingi ng tawad, at gawin ito kaagad! Maaaring ito lamang ang kailangan upang mapawi ang pagngangalit ng isang tao. Ito ang mga panahong punô ng kaigtingan, at maraming tao ang magagalitin. Subalit kung ikakapit mo ang mga simulain ng Bibliya sa iyong mga pakikitungo, malamang na maiiwasan mong maging biktima ng pagngangalit ng iba.

[Mga larawan sa pahina 24]

“Ang sagot, kapag mahinahon, ay pumapawi ng pagngangalit”

[Larawan sa pahina 25]

Kung minsan ay kailangan mo lamang lumayo

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share