Mula sa Aming mga Mambabasa
Post-traumatic Stress Disorder (PTSD) Nang matanggap ko ang Agosto 22, 2001, na labas ng Gumising!, na pinamagatang “Pagharap sa Post-traumatic Stress,” gulat na gulat ako anupat hindi ko mapigil ang pag-iyak. Patuloy akong nananalangin na sana ay turuan ako ni Jehova na makayanan ang aking PTSD. Naisip ko na ako’y walang halaga, at nawalan ako ng paggalang sa sarili. Tinanggap ko sa ngayon ang sagot sa aking mga panalangin. Hindi ko maipahayag kung gaano kahalaga sa akin ang mga artikulong ito, kapuwa sa espirituwal at emosyonal na paraan.
C. K., Hapon
Ako’y 40-taóng-gulang na adulto na pinahihirapan ng post-traumatic stress disorder dahil sa naranasan ko noong panahon ng aking pagkabata. Sinagot ng inyong mga artikulo ang aking mga panalangin. Ang mga ito ay nakapagpapatibay-loob at kapaki-pakinabang. Salamat sa may-kaunawaang mga artikulong iyon. Patuloy nawa kayong maglathala ng gayong mga artikulo!
R.D.M., Estados Unidos
Napakahirap ipahayag ang kirot ng pamumuhay at pagdurusa na dulot ng sakit na ito. Alkoholiko ang tatay ko, at mula sa pagkabata ay binatá ko ang kaniyang galit at karahasan. Ako rin ay seksuwal na inabuso. Natutuwa ako na binanggit ng artikulong ito na yaong mga may PTSD ay may hilig na hatulan ang kanilang sarili at lubhang nangangailangan ng pampatibay-loob. Buong puso akong nagpapasalamat kay Jehova at sa inyong lahat dahil sa kahanga-hangang mga artikulong ito.
Y. S., Hapon
Ang mga artikulong gaya nito ay tumutulong sa amin na makayanan ito sa emosyonal na paraan at nagpapatibay rin sa amin sa mental na paraan, upang makagawa kami nang mas mahusay. Pakisuyong ipagpatuloy ninyo ang pagsulat ng gayong kinakailangang mga artikulo na tumutulong sa amin na maunawaan ang aming sarili!
C. L., Estados Unidos
Ako’y nasuri na may PTSD, subalit ang tanging nalalaman ko tungkol sa sakit na ito ay na nagbabalik sa alaala ang nakaraan. Ipinaliwanag ng inyong mga artikulo ang mga detalye tungkol sa mga sintomas. Sinisi ko noon ang aking sarili, anupat inisip na ako’y nanghina sa espirituwal. Subalit ang puntong talagang nakatulong sa akin na dapat nating pag-isipan ay hindi kung paano natin minamalas ang ating sarili, kundi kung paano tayo minamalas ni Jehova.
J. S., Hapon
Ang hirap mabasa ng artikulong ito, yamang sinisikap kong basahin ito habang ako’y umiiyak. Sa nakalipas na dalawang taon, nagbabalik sa aking alaala at nagkakaroon ako ng masasamang panaginip tungkol sa gabing namatay ang aking lolo sa aking mga bisig dahil sa atake sa puso. Ginugol ko ang maraming panahon ko sa mga pulong Kristiyano na umiiyak. Natulungan ako ng impormasyong ito na maunawaan kung bakit lubha pa rin akong nagdadalamhati. Alam ko na ngayon kung saan ako babaling ukol sa tulong—sa aking pinakamaibigin at pinakamapagmalasakit na makalangit na Ama at sa kaniyang organisasyon.
P. T., Australia
Namatay ang aking asawa limang taon na ang nakalilipas sa isang aksidente sa kotse, at pagkaraan ng isang taon ay nagsimula akong makaranas ng di-pangkaraniwang mga sintomas sa katawan. Nang matanggap ko ang artikulong ito, talagang nadama ko na si Jehova at ang kaniyang organisasyon ang lubos na nakauunawa sa bagay na ito. Ang pagkadama pa lamang nito ay nagbigay na sa akin ng panibagong lakas na kailangan ko upang magpatuloy. Taos-puso akong nagpapasalamat sa lahat ng ginagawa ninyo!
A. K., Hapon
Pagbabasa ng Bibliya Salamat mula sa kaibuturan ng aking puso sa artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Paano Ko Magagawang Higit na Kasiya-siya ang Pagbabasa ng Bibliya?” (Agosto 22, 2001) Ako po’y 17 taóng gulang. Lagi pong hindi ko natatapos ang pagbabasa sa buong Bibliya. Kung minsan ay humihinto ako dahil lamang sa inaakala kong masyado akong abala, at kung minsan naman ay iniisip ko na wala naman akong pakikinabangin sa binabasa ko. Subalit ang mga kabataang nasa artikulo ay talagang nasisiyahan sa kanilang pagbabasa ng Bibliya at nakikinabang mula rito. Talagang napatibay ako nito na naisin ding basahin ito. Gusto ko ngayong patuloy na magsikap at huwag sumuko.
Y. T., Hapon