Isang Mapagparayang Kaharian sa Panahon ng Kawalan ng Pagpaparaya
“MAAARING TANGGAPIN NG BAWAT ISA ANG RELIHIYON NA GUSTO NIYA NANG WALANG ANUMANG PAMIMILIT, AT MALAYA NIYANG MASUSUPORTAHAN ANG MGA MÁNGANGARÁL NG KANIYANG SARILING RELIHIYON.”
KUNG pahuhulaan sa iyo kung kailan isinulat ang mga salitang iyan, ano ang sasabihin mo? Aakalain ng marami na ang mga ito ay bahagi ng isang makabagong-panahong saligang batas o katipunan ng mga karapatan ng tao.
Gayunman, baka magulat kang makaalam na ang kapahayagang ito ay ginawa mahigit nang 400 taon ang nakalilipas—at ito’y sa isang lupain na sa diwa, ay gaya ng isang isla ng pagpaparaya sa isang dagat ng kawalan ng pagpaparaya. Ano ang lupaing ito? Una, isaalang-alang ang ilang pangyayari sa likuran ng istoryang ito.
Kawalan ng Pagpaparaya ang Kalakaran
Karaniwan na ang kawalan ng pagpaparaya sa relihiyon sa buong panahon ng Edad Medya, at ito’y muling sumidhi noong ika-16 na siglo. Lalo pang pinasiklab ng relihiyon ang lagablab ng malulubha at madudugong digmaan sa mga lupaing gaya ng Alemanya, Inglatera, Netherlands, at Pransiya. Sa pagitan ng 1520 at ng humigit-kumulang 1565, mga 3,000 katao ang pinatay bilang mga erehe sa Sangkakristiyanuhan sa Kanluran. Halos lahat ng pinag-aalinlanganang mga pamantayan at mga ideya—lalo na yaong may kinalaman sa relihiyon—ay malamang na hindi pagparayaan.
Ang isang turo ng Simbahang Katoliko na matagal nang nababalot ng pagtatalo ay ang Trinidad—ang paniniwala na ang Diyos ay binubuo ng tatlong persona. Sa katunayan, ang istoryador na si Earl Morse Wilbur ay nagpaliwanag na ito’y “paksa ng maraming debate noong Edad Medya sa gitna ng mga teologong Katoliko, kasali na mismo ang mga Papa.” Gayunman, ang gayong debate ay hindi man lamang nakaabot sa karaniwang tao, na inaasahang walang-atubiling tatanggap sa gayong mga doktrina ng “banal na mga misteryo.”
Subalit pinili ng ilan noong ika-16 na siglo na salungatin ang tradisyon at suriin ang Kasulatan sa pagtatangkang linawin ang gayong mga misteryo. Ang kanilang kasabihan ay sola Scriptura (Kasulatan lamang). Yaong mga nagtakwil sa doktrina ng Trinidad—na ang ilan nang maglao’y tinawag na mga Unitaryo, bilang mga anti-Trinitaryo—ay kadalasang naging tudlaan ng matinding pag-uusig ng kapuwa mga Katoliko at mga Protestante. Kanilang inilimbag ang kanilang mga akda na binabasa ng maraming tao na gumagamit ng mga alyas at ikinubli ang kanilang sarili nang maiwasan ang pag-uusig. Ang mga anti-Trinitaryo ay kilalang-kilala rin sa pakikipaglaban para sa pagpaparaya. Ang ilan, tulad ng Kastilang teologo na si Michael Servetus, ay nagbuwis pa nga ng buhay nila dahil sa kanilang kombiksiyon.a
Pinagkaisa ng Pagpaparaya
Sa halip na makipagdigma dahil sa relihiyon o pag-usigin ang mga tumututol, isang bansa ang gumawa ng lubhang naiibang pamamaraan. Ang bansang iyon ay ang Transylvania, na pinamamahalaan noon ng prinsipe, at ngayon ay isa nang bahagi ng Romania sa Silangang Europa. Ang istoryador na taga-Hungary na si Katalin Péter ay nagpaliwanag na si Reyna Isabella ng Transylvania na tumanggap ng titulo mula sa namatay na asawa ay “umiwas sa relihiyosong alitan sa pamamagitan ng pagiging tagapagtanggol ng lahat ng denominasyon.” Sa pagitan ng 1544 at 1574, inaprobahan ng Parliamento, o Diet, ng Transylvania ang 22 batas na nagkakaloob ng kalayaan sa relihiyon.
Halimbawa, kasunod ng Diet ng Torda noong 1557, ang reyna, kasama ng kaniyang anak na lalaki, ay nag-utos na “[maaaring] isagawa ng bawat tao ang nais niyang relihiyosong paniniwala, taglay ang dati o bagong mga ritwal, samantalang ipinauubaya rin naman Namin sa kanilang pagpapasiya na gawin kung ano ang gusto nila may kinalaman sa pananampalataya, hangga’t ang mga ito ay hindi nakapipinsala sa kaninuman.” Ang batas na ito ay tinawag na “ang unang batas na ginawa na gumagarantiya sa kalayaan ng relihiyon sa alinmang bansa.” Ang relihiyosong pagpaparaya ay umabot sa sukdulan nito sa Transylvania sa ilalim ng pamamahala ng anak na lalaki ni Isabella na si John II Sigismund, na tuwirang namahala noong 1559.
Debate sa Publiko
Ang isa pang importanteng tao sa kilusang anti-Trinitaryo sa Transylvania ay isang Italyanong manggagamot na ang pangalan ay Georgio Biandrata. Lumaki marahil ang kaniyang mga pag-aalinlangan sa Trinidad noong siya ay nasa Italya at Switzerland, kung saan nagsilikas ang maraming anti-Trinitaryo. Pagkaraang lumipat sa Poland, malaki ang nagawa ni Biandrata upang itaguyod ang Minor Church, na nang maglaon ay nakilala bilang ang Polish Brethren.b Noong 1563, siya ay hinirang na manggagamot at tagapayo ni Sigismund at lumipat sa Transylvania.
Ang isa pang edukadong tao sa Transylvania na nag-aalinlangan sa Trinidad ay si Francis Dávid, superintendente ng Reformed Church at tagapangaral sa palasyo. Hinggil sa pagiging masalimuot ng mga turong kaugnay ng Trinidad, siya ay sumulat: “Kung ang mga bagay na ito ay mahalaga sa kaligtasan, tiyak na walang maliligtas na dukhang magbubukid na Kristiyano, sapagkat hindi niya kailanman mauunawaan ang lahat ng ito sa buong buhay niya.” Sina Dávid at Biandrata ay magkasamang naglathala ng isang aklat na naglalaman ng ilan sa mga isinulat ni Servetus; ito ay inialay nila kay Sigismund.
Ang pagtatalo tungkol sa Trinidad ay nagpasimulang tumindi, at naging dahilan para pagtalunan sa publiko ang paksang ito. Kasuwato ng prinsipyong sola Scriptura, hiniling ni Biandrata na sa gayong mga debate ay kailangang gumamit lamang ng mga salitang maka-Kasulatan at hindi ayon sa pilosopiya. Kasunod ng debate na walang maliwanag na resulta noong 1566, binigyan ni Sigismund ng palimbagan ang mga anti-Trinitaryo upang palaganapin ang kanilang mga ideya.
Buong siglang pinasimulan nina Biandrata at Dávid ang kanilang gawain sa paggawa ng aklat na De falsa et vera unius Dei Patris, Filii, et Spiritus Sancti cognitione (Ang Huwad at Tunay na Kaalaman Hinggil sa Pagkakaisa ng Diyos Ama, Anak, at ng Espiritu Santo). Kalakip sa aklat ang makasaysayang pagsusuri ng mga tumangging maniwala sa Trinidad. Ang isang kabanata ay naglalaman ng mga larawan na maliwanag na nilayong libakin ang paraan ng pagkalarawan sa Trinidad sa iba’t ibang simbahan. Nabigla ang mga kalaban, na nagsasabing ang mga larawan ay kahiya-hiya, at sinikap nilang sirain ang lahat ng kopya nito. Lalong dumami ang mga pagtatalo bilang bunga ng kontrobersiyal na publikasyon. Bilang tugon, si Sigismund ay nagtakda ng ikalawang debate.
Tagumpay Para sa Pagkakaisa
Ang debate ay nagsimula nang alas-singko ng umaga noong Marso 3, 1568. Ito ay idinaos sa Latin at tumagal nang sampung araw. Ang panig ng Trinitaryo ay pinangunahan ni Peter Melius, lider ng Transylvanian Reformed Church. Ginamit niya at niyaong mga nagtatanggol sa Trinidad ang mga kredo, mga Ama ng Simbahan, Ortodoksong teolohiya, at ang Bibliya. Sa kabilang panig, ang naging batayan ni Dávid ay ang Bibliya lamang. Ipinakilala ni Dávid ang Ama bilang Diyos, ang Anak bilang nasa ilalim ng Ama, at ang espiritu bilang ang kapangyarihan ng Diyos. Dahil sa lubhang interesado sa relihiyosong mga bagay, si Sigismund ay sumali sa debate, na naniniwalang ang talakayang iyon ang pinakamabuting paraan upang palitawin ang katotohanan. Ang kaniyang pagkanaroroon ay nakatulong upang matiyak ang isang malaya at tahasang talakayan, bagaman mainitan.
Ang debate ay itinuring na isang tagumpay para sa mga anti-Trinitaryo. Si Dávid ay sinalubong na parang isang bayani sa kaniyang sariling bayan ng Kolozsvár (ngayo’y Cluj-Napoca, Romania). Ayon sa tradisyon, pagdating niya, siya’y tumayo sa isang malaking bato sa panulukan ng daan at nagpahayag ng kaniyang mga paniniwala sa nakakukumbinsing paraan anupat hinikayat niya ang lahat na tanggapin ang kaniyang mga turo.
Pagkakumberte at Kamatayan
Ang naunang mga debate ay idinaos sa Latin, isang wikang nauunawaan lamang ng mga edukado. Gayunman, nais ni Dávid na ihatid ang kaniyang mensahe sa mga tao. Kaya taglay ang pagsang-ayon ni Sigismund, ang sumunod na debate ay idinaos sa wikang Hungaryo sa Nagyvárad (ngayo’y Oradea, Romania) noong Oktubre 20, 1569. Muli, si Sigismund ang naging tagapamagitan sa dalawang panig.
Ang Trinitaryong si Peter Melius ay nagsabi na sa isang pangitain nang nagdaang gabi, isiniwalat sa kaniya ng Panginoon ang kaniyang tunay na kalikasan. Ang hari ay nagsabi: “Pastor Peter, kung kagabi ay itinuro sa iyo kung sino ang Anak ng Diyos, ang tanong ko ay ano ang iyong ipinangangaral noon? Tunay na hanggang sa sandaling ito ay inililigaw mo ang mga tao!” Nang lait-laitin ni Melius si Dávid, sinaway siya ni Sigismund, na pinaalalahanan ang mga Trinitaryo na ang “pananampalataya ay isang kaloob ng Diyos” at ang “budhi ay hindi maaaring pilitin.” Sa isang pahayag upang wakasan ang debate, sinabi ng hari: “Ipinag-uutos namin na sa aming nasasakupan ay magkaroon ng kalayaan ng budhi.”
Pagkatapos ng debate, si Sigismund at ang karamihan sa kaniyang korte ay pumanig sa Unitaryo. Noong 1571 isang maharlikang utos ang pinalabas na nagbibigay ng legal na pagkilala sa Unitarian Church. Ang Transylvania ang tanging Estado kung saan ang mga Unitaryo ay kapantay ng mga Katoliko, Luterano, at mga Calvinista, at si Sigismund ay nakilala bilang ang tanging hari na tumanggap sa pananampalataya ng anti-Trinitaryo. Nakalulungkot, di-natagalan pagkatapos nito, ang 30-anyos na hari ay nasugatan habang nangangaso kasama nina Dávid at Biandrata, at siya ay namatay pagkaraan ng ilang buwan.
Muling pinagtibay ng kaniyang kahalili, ang Katolikong si Stephen Báthory, ang batas na nagsasanggalang sa kinikilalang mga relihiyon subalit ipinahiwatig na hindi niya pahihintulutan ang karagdagan pang mga pagbabago. Sa pasimula, sinabi ni Stephen na siya ang tagapamahala ng mga tao, hindi ng kanilang mga budhi. Subalit hindi nagtagal, ipinagbawal niya ang paglilimbag ng mga aklat, na isang pangunahing paraan upang maibahagi sa iba ang paniniwala. Naalis si Dávid sa kaniyang tungkulin, at ang iba pang Unitaryo ay inalis sa korte at tanggapang bayan.
Nang simulang ituro ni Dávid na hindi dapat sambahin si Kristo, nagpalabas ng isang utos na nagbabawal sa kaniya na mangaral. Sa kabila ng pagbabawal na ito, si Dávid ay nangaral nang makalawang ulit noong sumunod na Linggo. Siya’y dinakip, inakusahan ng relihiyosong “pagbabago,” at hinatulan ng habang-buhay na pagkabilanggo. Siya’y namatay sa bartolina ng maharlika noong 1579. Bago siya namatay, ganito ang isinulat ni Dávid sa pader ng kaniyang kulungan: “Ang tabak man ng mga papa . . . ni ang banta ng kamatayan ay hindi makapipigil sa pagsulong ng katotohanan. . . . Ako ay kumbinsido na pagkamatay ko ang mga turo ng huwad na mga propeta ay guguho.”
Mga Aral Mula sa Hari
Itinaguyod ni Haring John Sigismund ang edukasyon, musika, at ang sining. Gayunman, ang kaniyang buhay ay maikli, at siya ay kadalasang may sakit. Ang kaniya mismong paghahari ay sinalot ng mga pagbabanta mula sa loob ng bansa niya—di-kukulangin sa siyam na pakana ang ginawa upang siya’y patayin—at mula sa labas, dahil sa paghimok ng mga banyagang kapangyarihan na magkaroon ng mga paghihimagsik. Ang mapagparayang haring ito ay madalas na hatulan nang may kalupitan dahil sa kaniyang mga relihiyosong pangmalas. Nang maglaon, isang kalaban niya ang nagsabi na ang hari ay “walang-pagsalang nagtungo sa impiyerno.”
Gayunman, ang istoryador na si Wilbur ay tumulong upang magbigay ng makatuwirang pananaw: “Noong taóng magpalabas si Haring John [Sigismund] ng kaniyang pangwakas na garantiya ng mga karapatan, na nagbibigay ng lubos na kalayaan sa relihiyon maging sa pinakamahigpit na kalaban sa lahat ng repormadong mga sekta, pinupuri pa rin si Calvin ng mga teologong Protestante dahil sa pagsunog nang buháy kay Servetus, ang Inkisisyon ay nagbububo ng dugo ng Protestante sa Netherlands, . . . at mahigit sa 40 taon ang kailangang lumipas bago itinigil ang pagsunog sa mga tao sa tulos sa Inglatera dahil sa panghahawakan sa maling mga relihiyosong opinyon.”
Sa katunayan, gaya ng sinabi ng isang komentarista, “sa halos anumang pamantayan—walang-sala ayon sa pamantayan noong kaniyang kapanahunan—si Haring John Sigismund ay isang kahanga-hangang tagapamahala. . . . Ginawa niyang tatak ng kaniyang pamamahala ang pagpaparaya.” Sa pagkatanto na ang relihiyosong kapayapaan ay mahalaga para sa ikabubuti ng Estado, siya’y naging masugid na tagapagtanggol ng kalayaan ng budhi at ng relihiyosong kalayaan.
Sa ating kasalukuyang panahon, samantalang nakikita ang kawalang-pagpaparaya sa relihiyon, maaaring pag-isipang mabuti kung ano ang nangyari sa maliit na kahariang iyan noong unang panahon. Sa maikling yugto ng panahon, ang Transylvania ay tunay na isang mapagparayang kaharian sa panahon ng kawalan ng pagpaparaya.
[Mga talababa]
a Tingnan ang Gumising!, Nobyembre 22, 1988, pahina 19-22.
[Blurb sa pahina 14]
“Ang budhi ay hindi maaaring pilitin . . . ipinag-uutos namin na sa aming nasasakupan ay magkaroon ng kalayaan ng budhi.”—Haring John II Sigismund
[Mga larawan sa pahina 12, 13]
Georgio Biandrata
Mga pahina mula sa aklat na ginawa ni Biandrata at Dávid, lakip na ang dalawang larawan na ikinabigla ng mga Trinitaryo
Si Francis Dávid sa harapan ng Diet ng Torda
[Credit Lines]
Dalawang drowing ng Trinidad: © Cliché Bibliothèque nationale de France, Paris; iba pang mga larawan: Országos Széchényi Könyvtár
[Picture Credit Line sa pahina 14]
Pahina 2 at 14: Országos Széchényi Könyvtár