Nagtataasang Gusali—Patuloy Pang Itinatayo sa Asia
“Anim pang pagkatataas na gusali ang kasalukuyang nakaplano na magiging mas mataas pa sa minsa’y ipinagmamalaking World Trade Center na may taas na 419 na metro,” ang sabi ng The Wall Street Journal. “Ang lahat ng ito ay nasa Asia.” Idinagdag pa ng Journal na “nagpapatuloy [roon] ang 20-taóng labis na pagkahumaling sa pagkatatayog na gusali.”
Ang pagkatataas na gusaling ito ang siyang matatanaw sa mga lunsod ng Korea, Taiwan, at Tsina. “Ang hangaring makaabot sa langit ay nakabaon na nang malalim sa ating isip,” ang sabi ni Cesar Pelli, arkitekto ng pinakamatataas na gusali sa daigdig sa kasalukuyan, ang kambal na Petronas Towers sa Kuala Lumpur, Malaysia. “Mula pa noon sa Tore ng Babel, nagkaroon na ng ganitong hangarin na makapaglagay ng isang kahanga-hanga at kakaibang simbolo sa langit.”
Sinisikap ng mga inhinyero na gumawa ng mga paraan para sa higit pang kaligtasan. Mayroon itong bukás na “refuge floor” sa bawat 10 hanggang 12 palapag, mas matitibay na panloob na istraktura, mga barakilan na nagkokonekta sa mga panloob na istraktura at sa pinakamalalaking poste sa labas o doon sa nakapalibot sa gusali, at mas maraming hagdan para sa sunog, yaong paluwang habang bumababa ng gusali upang magkasya ang mas maraming tao.
Sa kasalukuyan, may mga dalawang dosenang matitirahang gusali sa daigdig na lampas pa sa 300 metro, at mahigit sa kalahati nito ang nasa Asia. “Ngunit nagkakasundo ang mga eksperto na hindi naman talaga kailangan ang mga istrakturang hihigit pa sa 60 palapag,” ayon sa Journal.
[Larawan sa pahina 18]
Sa 452 metro, ang Petronas Towers ang pinakamatataas sa buong daigdig
[Tsart/Mga larawan sa pahina 18]
(Para sa aktuwal na format, tingnan ang publikasyon)
Kasama sa taas ang mga nakadekorasyong taluktok pero hindi ang mga antena.
143 metro 2500 B.C.E. Pyramid of Khafre, Giza, Ehipto
300 metro 1889 Eiffel Tower, Paris, Pransiya
348 metro 1997 T & C Tower, Kaohsiung, Taiwan
369 metro 1989 Bank of China, Hong Kong, Tsina
381 metro 1931 Empire State Building, New York, Estados Unidos
442 metro 1974 Sears Tower, Chicago, Estados Unidos
452 metro 1997 Petronas Towers, Kuala Lumpur, Malaysia
460 metro (Panukala para sa taóng 2007) Shanghai World Financial
Center, Shanghai, Tsina
508 metro (Matatapos pagsapit ng taóng 2003) Taipei Financial
Center, Taipei, Taiwan
[Credit Line]
Lahat ng krokis: Courtesy SkyscraperPage.com