Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w89 10/1 p. 22-26
  • Laging Nakakakita ng Magagawa Para kay Jehova

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Laging Nakakakita ng Magagawa Para kay Jehova
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Neutral na Paninindigan
  • Ang Aking Bagong Atas​—Bilangguan
  • Ang Paglikas
  • Mga Preso ng Digmaan
  • Pangangaral sa Lahat ng Uri ng mga Tao
  • Pagpapalawak ng Aking Ministeryo
  • Si Jehova, Isang Matibay na Moog
  • Pagkatagpo ng mga Gagawin Pa Para kay Jehova
  • Mula sa Pagiging Aktibista sa Pulitika Tungo sa Pagiging Neutral na Kristiyano
    Gumising!—2002
  • Ang Tao ay Hindi Nabubuhay sa Tinapay Lamang—Kung Paano Ako Nakaligtas sa mga Kampong Piitan ng Nazi
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2009
  • Naghihintay sa Isang Kaharian na “Hindi Bahagi ng Sanlibutang Ito”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2007
  • Nagsisikap na Maging “Isang Manggagawa na Walang Anumang Ikinahihiya”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1999
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
w89 10/1 p. 22-26

Laging Nakakakita ng Magagawa Para kay Jehova

Inilahad ni Jean Queyroi

NOON ay isang kaaya-ayang tag-araw noong 1939. Ang kabukiran sa palibot ng Martigny, sa Swisong canton ng Valais, ay nakasisilaw sa silong ng araw ng Agosto. Sa itaas ay tinitingala namin ang ilan sa pinakamatataas na taluktok sa Alps, tulad halimbawa ng nababalutan ng niyebeng taluktok ng Grand Combin, na may taas na 4,314 metro. Noon ay nalalasap ko ang kagandahang-loob ng isang pamilyang Kristiyano sa loob ng mga ilang araw, at kami’y gumugol ng maraming oras na libring-libre kami ng pagliliwaliw at paglakad-lakad sa mga landas sa kabundukan. Ako’y mistulang naroroon na sa Paraiso.

Walang anu-ano’y oras nang magpaalam at magbalik sa Paris. Bumili ako ng peryodiko upang mabasa sa tren, at ang nakababahalang balita ay nakagitla sa akin upang magising sa katotohanan. Ang kalagayan ng daigdig ay totoong napakalubha na, at napipinto ang digmaan.

Muling ipinagpatuloy ko ang aking trabaho sa tanggapan sa Paris ng Watch Tower Society, na kung saan ako’y naglilingkod sa loob ng mahigit na isang taon. Subalit mga ilang araw ang nakalipas, ako’y tumanggap ng isang notisya sa hukbo na anupa’t pinagrereport ako sa baraks sa Fort of Vincennes, sa may silangan ng Paris. Ang buhay ko noon ay halos sumapit na sa mga sandali ng malaking pagbabago.

Isang Neutral na Paninindigan

Noong Setyembre 3, 1939, ang Pransiya at Grand Britanya ay nagdeklara ng giyera laban sa Alemanya. Ako’y nagreport sa Vincennes at gumawa ng aking paninindigan sa isyu tungkol sa neutralidad Kristiyano. Agad nasumpungan kong ako pala’y nakasakay sa sidecar ng isang motorsiklong militar na pinatatakbo ng isang may kabataang sundalo na tumanggap ng utos na dalhin ako sa karatig na Fort of Charenton. Sa kabila ng nakabibinging ugong ng motorsiklo, ang kabataang sundalo, na nakababatid kung bakit ako ipinadadala roon ay nagsikap na makipagkatuwiranan sa akin. Siya’y namanhik: “Queyroi, pakisuyong pag-isipan mo sana. Huwag kang tumangging makipaglaban, kung hindi ay hindi ka mapapabuti.” Dagling tiniyak ko sa kaniya na ako’y hindi natatakot.

Nang magkagayo’y dumating ang unang gabi ng pagkakulong ko sa selda ng isang bilangguan. Ang selda ay may sukat na dalawang metro ang haba at isa’t kalahating metro ang luwang at may dalawa lamang blangket at kapirasong tabla na matutulugan. Doon ay walang ilaw. Pinag-isipan ko kung ano ang magagawa ko para kay Jehova sa aking kasalukuyang kalagayan. Nang ako’y magising, nadiskubre ko na wala man lang katiting na bintana upang mapasukan ng silahis ng liwanag ng araw. Sa loob ng kinse minutos araw-araw, ako’y pinapayagang maghugas, sa pagpunta ko sa hugasan ay may kasama akong bantay na isang sarhentong nakahawak ng rebolber, kasama ang dalawang sundalong may mga riple. Ang pakikitungo sa akin ay mistulang isang mapanganib na kriminal!

Iba’t ibang sundalo ang nagdadala sa akin ng aking pagkain. Sila’y nagtataka sa aking paninindigan, at ito’y nagbigay sa akin ng pagkakataon na gumawa ng isang bagay para kay Jehova. Binigyan ko sila ng isang mabisang patotoo, at hindi nagtagal ang iba sa kanila ay gumaan ang loob sa akin at binigyan ako ng mga posporo, kandila, at pati na rin ng saganang pagkain. Noong una pa’y kinumpiska nila ang aking Bibliya, ngunit salamat na lamang sa isang opisyal, iyon ay isinauli sa akin. Anong laki ng aking pasasalamat at ang napakahahalagang mga pangungusap niyaon ay nababasa ko kahit sa liwanag ng kandila!

Nang malaunan ay inilipat ako sa isang piitang militar na ngayon ay wala na, sa rue du Cherche-Midi, sa Paris. Ako’y ikinulong na nag-iisa, kung kaya’t nagkaroon ako ng malaking panahon na bulaybulayin ang aking katayuan.

Ako’y 27 anyos noon at may dalawang taon nang naglilingkod kay Jehova nang buong-panahon. Unang narinig ng aking pamilya ang tungkol sa mga Saksi ni Jehova sa pamamagitan ng mga pagsasahimpapawid sa Radio Vitus, isang pribadong istasyon sa Paris. Iyon ay noong 1933. Ako’y nanindigan sa katotohanan noong 1935, nang matapos ako sa itinakdang pagsiserbisyo sa hukbo. Ako’y nabautismuhan sa Lucerne, Switzerland, noong Agosto 1936.

Ang aking mga magulang, kapatid na lalaki, kapatid na babae, at ako ay nakiugnay sa kaisa-isang kongregasyon sa Paris. Si Brother Knecht, na noon ay namamanihala ng gawain sa Pransiya, ay patuloy na nanghimok sa mga kabataang Saksi na pumasok sa buong-panahong ministeryo. Kaya naman, noong Abril 1938, kaming tatlong magkakapatid ay nagpasiyang maging mga payunir, o buong-panahong mga ministro. Ang iniatas sa amin na teritoryo ay ang Auxerre, isang bayan na mga 154 na kilometro sa gawing timog-silangan ng Paris. Ang aking kapatid na si Jeannette ay nagpatotoo sa bayan mismo, at kami naman ng aking kapatid na si Marcel ay namisikleta at naparoon sa palibot na mga nayon hanggang sa layong mga 30 kilometro. Noon ang pangangaral ay halos pamamahagi lamang ng mga literatura sa Bibliya na walang mga pagdalaw-muli. Natatandaan ko pa kung gaano ito nakagambala sa akin.

Noong Hunyo 1938 ako’y inanyayahan na magtrabaho sa tanggapan sa Paris ng Watch Tower Society. Noon ang mga manggagawa, o pamilyang Bethel sa Pransiya ay binubuo ng mga sampung katao, at ako’y inatasang tumulong sa Shipping Department. Dito ako nagtatrabaho nang ako’y tawagin para sa serbisyo militar at tumanggap ng “isang bagong atas.”

Ang Aking Bagong Atas​—Bilangguan

Sa mula’t sapol ay natatalos ko na kung hindi ako hahanap ng mga paraan upang gumawa ng isang bagay​—gaano mang kaliit​—para kay Jehova habang ako’y naroon sa bilangguan, mabilis na manghihina ang aking pananampalataya. Subalit hindi nagtagal at ako’y nakalikha ng mga pagkakataon upang magsalita tungkol sa katotohanan ng Salita ng Diyos. Mga ilang linggo lamang pagkatapos na dumating ako sa piitan ng Cherche-Midi, ako’y inilipat sa isang pangkalahatang silid kasama ng mga iba pang preso. Doon ay nakilala ko ang isang nag-aaral ng abogasya na sinintensiyahan na mabilanggo dahil sa bumalik siya galing sa pagbabakasyon buhat sa hukbo nang mga ilang araw ang atraso. Mayroon ding isang Katolikong estudyante sa seminaryo na nasintensiyahan dahil sa pagnanakaw. Kaming tatlo ay malimit na masayang nag-uusap-usap tungkol sa katotohanan ng Bibliya.

Isang araw napansin ko ang isang preso na nag-iisa sa isang sulok ng looban. Habang ako’y papalapit, nakita kong siya’y nagbabasa. Kinausap ko siya. Siya’y pumihit at ipinakita sa akin ang kaniyang Bibliya. Akalain mo ba! Siya’y isa sa mga Saksi ni Jehova! Siya pala’y isang Polako, na ang pangalan ay Ceglarski, at katulad ko, siya’y ibinilanggo dahilan sa kaniyang pagkaneutral. May makakasama na akong Kristiyano sa wakas! Gunigunihin mo ang labis na kagalakan naming dalawa. Ngayon ay maligayang makapag-uusap na kami nang matagal at makapagpapatibay sa isa’t isa.

Sa bilangguang ito ay pinayagan kaming maglakad-lakad sa looban nang mga ilang oras maghapon, kaya naman nagawa ko na kausapin ang mga ilang preso na mahilig makinig sa mensahe ng Bibliya. Kung minsan ay may mga guwardiya pang nakikisali sa aming talakayan. Nakasumpong ako ng isang bagay na gagawin para kay Jehova. Sa katunayan, ang bilangguan ay naging isang bagong teritoryong pangangaralan para sa akin, at ngayon ay naaabot ko pa ang mga oras ng isang payunir, kahit na hindi ko maaaring iulat. Ngunit iyan ay hindi nakagambala sa akin.

Ang Paglikas

Mga buwan ang lumipas na walang gaanong mahalagang pangyayari kundi​—ang tinatawag na Phony War. Subalit ito’y natapos noong Mayo 1940, nang salakayin ng mga Aleman ang Pransiya. Noong Hunyo inilikas ng mga pinunong Pranses ang lahat ng mga naroroon sa mga bilangguan sa Paris dahilan sa umaabanteng mga tropang Aleman. Kami’y inilulan sa mga trak militar at dinala sa Orleans, isang bayan na mahigit na 100 kilometro sa gawing timog ng Paris. Pagkatapos ng sandaling paghinto, kapuwa ang mga presong sibilyan at militar ay pinaggrupu-grupo at sa kanila’y iniutos na magpatuloy ng paglalakad patungong timog-silangan sa baybayin ng hilagang dalampasigan ng maluwang na ilog Loire. Armadong mga guardiya ang patuloy na nakabantay habang naglalakbay ang convoy na iyon. Mahirap ang gayong paglikas sa silong ng nagbabagang araw ng Hunyo.

Kami ay may mga kasamang kriminal, at ang mga guwardiya’y tinagubilinan na barilin ang sinumang huminto, matumba o hindi na makapagpatuloy ng paglalakad. Nang ikatlong araw, si Brother Ceglarski ay nagkasakit dahil sa matinding sikat ng araw. Kung siya’y iiwanan namin siya’y tiyak na mamamatay. Pinayagan ako ng mga guwardiya, sa tulong ng mga ilang preso, na balutin siya ng kumot, at siya’y aming pinasan. Kinabukasan ay bumuti ang kaniyang pakiramdam at siya’y nakapagpatuloy na maglakad.

Bago namin marating ang Briare, isang munting bayan na naroon sa hilagang dalampasigan ng Loire, nakasabay ng aming grupo ang isang pulutong ng mga taong may dalang kani-kanilang mga abastos na naari nilang dalhin o ilulan sa isang karton. Sila’y tumatakas patimog buhat sa umaabanteng mga hukbong Aleman. Natantiya namin sa papaano man ang dami ng mga lumilikas na sibilyan habang libu-libo ang nagsisitakas upang iligtas ang kanilang buhay.

Walang anu-ano’y nadiskubre namin na wala na pala ang aming mga guwardiya, at kami-kami na lamang ang natira. Ano ngayon ang gagawin namin? Imposible na tumawid sa maluwang na ilog Loire at magpatuloy sa aming paglalakbay patimog sapagkat lahat ng mga tulay ay pinasabog na. Ang aming munting grupo (binubuo ni Brother Ceglarski, dalawa pang preso, at ako) ay nagkaisang bumalik sa Paris.

Kami’y nakatagpo ng mga ilang abandonadong kabayo, at aming isiningkaw ang mga ito sa pinakamagaling na magagawa namin. Nasaktan ang aking tuhod at hindi ko maibaluktot ang aking binti, kaya’t kinailangan na tulungan ako ng aking mga kasama upang makasakay sa kabayo. Ngunit nadiskubre namin na may pilay din pala ang aking kabayo! Kaya’t mabagal ang aming paglalakbay samantalang pipilay-pilay ang aking kabayo. Gayunman, di-nagtagal at biglang natapos ang aming paglalakbay. Mga ilang milya lamang ang aming nalalakbay nang kami’y makasalubong ng isang army detachment na Aleman, at isang pulis ng militar ang nagpababa sa amin sa sinasakyang kabayo. Wala kaming nagawa kundi ang magpalit ng mga guwardiya!

Mga Preso ng Digmaan

Hindi nagtagal pagkatapos na kami’y mabihag, kami’y nagkahiwalay ni Brother Ceglarski, at siya’y naging preso ng mga Aleman hanggang sa katapusan ng digmaan. Pagkaraan ng mga ilang buwan na pagkakulong sa mga baraks sa Joigny, sa sentral Pransiya, ako’y idineporta sa Stettin, isang puwerto sa dating East Prussia. Ngayon ito ang Polakong puwerto ng Szczecin.

Yamang sa teknikalidad ako’y nasa isang piitang militar ng mga Pranses nang mabihag ako ng mga Aleman, ako’y inilagay sa isang kampo ng mga preso sa digmaan, na kung saan ang mga kalagayan ay sinlupit na gaya niyaong makikita sa concentration camps. Ang kampo ay isang maluwang na hangar (silungan ng mga eroplano) na 500 preso ang nagkakasiya, binabantayan ng armadong mga guwardiya. Ang mga preso ay may iba’t ibang trabaho sa siyudad kung araw at pagkatapos ay ibinabalik sa kampo kung gabi. Kaya’t papaano nga makakasumpong ako ng magagawa para kay Jehova gayong wala roon maghapon ang mga lalaki?

Sa hangar, may malaking pisara na kung saan maaaring magpaskil ng impormasyon, at ako’y kumuha ng permiso na makagamit ng isang munting espasyo sa pisara. Nakakita ako ng ilang pilyego ng papel, at pagkatapos na aking maunat iyon, ako’y sumulat ng ilang maiikling teksto sa mga paksa sa Bibliya. Sa bandang ibaba, ay ipinaliwanag ko kung saan ako matatagpuan at kung anong oras maaaring lumapit at makipag-usap sa akin ang sinumang interesado sa mensahe ng Kaharian ng Diyos.

Pangangaral sa Lahat ng Uri ng mga Tao

Ang ganitong pamamaraan ay nagbunga ng mabuti. Hindi nagtagal at nakapagdaos ako ng maliit na pagtitipon tuwing gabi na dinadaluhan ng anim, walo, at kung minsan sampu. Ang aming talakayan ay kalimitan tumatagal ng isang oras o higit pa, depende sa mga tanong na inihaharap. Paminsan-minsan, isang guwardiyang Aleman na marunong magsalita ng Pranses ang nakikisali sa amin.

Palibhasa’y iisa lamang ang aking Bibliya, ako’y sumulat sa Red Cross sa Geneva, at ipinakiusap ko sa kanila na padalhan ako ng maraming Bibliya hangga’t maaari. Lumipas ang panahon, subalit sa wakas tinanggap ko ang aking unang pakete ng segunda-manong mga Bibliya. Isang araw ako’y sinabihan na pumunta sa opisina ng kampo dahilan sa isang panauhin, isang kinatawan ng Red Cross ang ibig na makipagkita sa akin. Siya pala’y isang ministrong Protestante. Marahil ang akala niya’y isa rin akong Protestante. Medyo nasiraan siya ng loob nang kaniyang mapag-alaman na ako’y isa sa mga Saksi ni Jehova!

Gayumpaman, siya’y mabait at pinuri pa ako sa aking ginagawa. Tiniyak niya sa akin na maaari akong magpatuloy na pumidido ng mga Bibliya at tatanggapin ko ang mga iyon. Ito’y nagkatotoo naman. Sa gayon, ako’y nakapamahagi ng halos 300 Bibliya sa buong panahon na ako’y naroroon sa kampong iyon. Pagkatapos ng digmaan, anong laking kagalakan nang mapag-alaman ko na isang presong Belgiano na nagngangalang Wattiaux, na aking napangaralan sa kampo sa Stettin, ang nanindigan sa katotohanan!

Nang ako’y isang bihag sa Alemanya, nagkaroon ako ng pribilehiyo na tumanggap ng mga balutan ng pagkain buhat sa aking pamilya. Di-nagtagal nadiskubre ko na sa bawat balutan ay mayroon ding nakatagong maraming mahalagang espirituwal na pagkain. Ang aking kapatid na babae ay nagmamakinilya ng mga artikulo sa Ang Bantayan sa napakaninipis na papel at isinisilid nang lihim sa mga pakete ng macaroni. Ito’y hindi natagpuan kailanman ng mga guwardiya. Ako’y nakatanggap pa nga ng isang sipi ng aklat na Children na nakasilid sa isang balutan ng pagkain. Ito’y nagamit ko nang husto sa aking ministeryo.

Pagpapalawak ng Aking Ministeryo

Yamang ako’y isang mekaniko, sa wakas ay naatasan ako na magtrabaho sa isang garaheng nagkukumpuni ng mga traktora. Mga 20 Aleman, na karamihan ay lubhang matanda na upang ilagay sa serbisyo militar, ang nagtatrabaho roon. Kaya’t medyo nagsikap ako na matuto ng kaunting Aleman. Ang aking taus-pusong hangarin ay mapalawak ang aking ministeryo at hindi lamang doon makapangaral sa mga presong Pranses ang wika.

Gayunman, kinailangan na ako’y kumilos nang buong-ingat sapagkat ang mga manggagawang Aleman ay natatakot na magpahayag sa publiko ng kanilang opinyon. Kaya’t sila’y kinausap ko nang isa-isa. Sa pangkalahatan, medyo mahusay ang kanilang kaalaman sa Bibliya at nakabalita na sila tungkol sa mga Saksi ni Jehova. Nababatid ng ilan sa kanila na marami sa mga Saksi ang ipinadala sa mga concentration camp.

Sa araw-araw sa garahe, nagagalugad ko ang lugar na iyon nang pakikipag-usap tungkol sa katotohanan sa aking mga kamanggagawa. Ang iba ay nahihilig na makinig sa mensahe, subalit walang hilig yaong lalaking enkargado. Marahil ay lumabis naman ako nang sa kaniyang upuan ay isulat ko ng tisa ang Jehovas Zeugen (mga Saksi ni Jehova) upang tulungan siyang makaunawa kung sino ako. Waring natakot ang taong iyon nang kaniyang makita iyon at dagling binura iyon. Ngunit hindi niya ako pinarusahan. Habang lumalakad ang panahon, ang ibang mga manggagawa ay naging palakaibigan. Sa katunayan, ako’y dinalhan nila ng napakaraming pagkain na naibahagi ko naman sa mga iba pang preso pagbabalik nila sa kampo.

Si Jehova, Isang Matibay na Moog

Sa paglipas ng panahon, aking natutuhan na sa tuwina’y mayroon tayong magagawa para kay Jehova at sa ating kapuwa tao, gaano man kahirap ang mga kalagayang kinaroroonan natin. Ang Stettin ay binomba nang husto nang kung ilang beses ng mga puwersa ng Alyado. Aming sinubok na mangubli sa mga trentserang natatakpan ng mga tabla at lupa. Ito’y walang naibigay kundi guniguning seguridad sapagkat maraming mga preso ang nawalan ng kanilang buhay sa mga trentserang iyon. Sa panahon ng mga pambobomba buhat sa himpapawid, kung minsan ay may nararamdaman akong kamay na nakatangan nang mahigpit sa akin sa dilim, ngunit pagkatapos ng mga pambobomba ay bumibitiw na ang kamay na iyon. Hindi ko nakikilala kung sino iyon. Marahil, ang iba sa mga preso ay may paniwala na ako’y may taglay na namumukod-tanging proteksiyon dahil sa ako’y nagsasalita tungkol sa Diyos.

Minsan sa isang pambobomba, ang aming kampo ay lubos na sinunog ng mga bombang panunog. Nang kami’y mapag-isa na sa mga lansangan ng kabayanan, nasaksihan namin ang maraming mga kakila-kilabot na tanawin. Mga sibilyan na may malubhang pagkasunog ang nagsitalon sa mga kanal ng Ilog Oder na umaagos nang lagusan sa Stettin. Sa pag-ahon sa tubig ng nasunog na mga biktimang ito, ang phosphorus ay nagpatuloy nang pagliliyab at sumunog sa kanila. Marami ang nangamatay.

Dahilan sa pag-abante ng tropang Ruso, kami’y inutusan na lisanin ang Stettin at pumakanluran patungo sa Neubrandenburg at pagkatapos ay sa Güstrow. Kami’y sumakay sa gawing itaas ng isang malaking traktora, at kami’y naglakbay sa isang daan na kung saan manakanaka’y may bumabagsak na mga kortadilyang Sobyet. Sa wakas ay inabutan kami ng mga tangkeng Ruso sa Güstrow. Isang linggo na mga tropang Sobyet ang naging panginoon doon. Ang mga tropang Britano ay papalapit na noon, at samantalang hinihintay magsalubong ang mga hukbo, ang ginawa ng mga pinunong Sobyet ay inihiwalay ang mga presong militar buhat sa sibilyan. Kanilang pinigil ang iba sa mga preso at ang natirang mga iba pa (kasali na ako) ay ibinigay sa mga Britano.

Iyon ang wakas ng isang kakila-kilabot na mistulang panaginip. Makalipas ang mga ilang linggo, ako’y naroon na naman sa plataporma ng himpilan ng tren sa Gare du Nord sa Paris. Noon ay nagbubukang-liwayway na. Kalagitnaan ng Mayo 1945 noon, at ako’y malaya na sa wakas, pagkatapos ng 69 na buwan ng pagkabilanggo.

Pagkatagpo ng mga Gagawin Pa Para kay Jehova

Noong 1946 ako’y muling inanyayahan ng Samahan upang maglingkod sa Bethel, na noo’y naroon sa Montmorency, isang kanugnog-pook sa gawing hilaga ng Paris. Makalipas ang mga ilang buwan, kami ni Brother Paul Dossman ay inatasang dumalaw sa mga kongregasyon sa Pransiya bilang mga tagapangasiwa ng sirkito. Noon, halos may 2,000 lamang Saksi sa buong bansa. Sa ngayon, makalipas ang 40 taon, may mahigit na isandaang libong mamamahayag.

Nang maglaon ako ay tinawag muli sa Bethel, na noon ay naroroon sa isang bahaging residensiyal ng Paris. Noong 1949, pagkatapos himukin ng dalawang misyonerong kapatid na lalaki na taga-Inglatera, ako’y nagsimulang mag-aral ng Ingles​—medyo mahirap nga, inaamin ko. Nang sumunod na taon, ako’y inanyayahan na mag-aral sa Watchtower Bible School of Gilead.

Nang ako’y makabalik na sa Pransiya, naglingkod ako sandali sa gawaing pansirkito, at pagkatapos ay idinistino ako ng Samahan na maglingkod bilang isang misyonero sa Aprika. Samantala, naging asawa ko si Titica, isang kapatid na babaing Griego. Kami’y nanatili sa Senegal ng may limang taon at nagkapribilehiyo na makita ang unang kongregasyong natatag sa Dakar. Sa mga kadahilanang pangkalusugan, nang malaunan ay napilitan kaming bumalik sa Pransiya.

Ako ngayon ay nasa ika-50 taon ng buong-panahong paglilingkuran at tinamasa ko ang kagalakan sa lahat ng mga taóng ito na lumipas sa pagtulong sa mahigit na isandaang katao upang manindigan sa katotohanan. Tunay na si Jehova ay patuloy na naging mabuti at mapagbiyaya sa akin. Natutuhan ko buhat sa mga karanasan sa buhay na anuman ang ating katayuan, sa tuwina’y makasusumpong tayo ng paraan ng pagpuri at pagpaparangal sa ating Diyos, si Jehova.

[Larawan sa pahina 23]

Si Jean Queyroi kapiling ang kaniyang kabiyak, si Titica

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share