Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g02 7/22 p. 4-8
  • Ano ba ang Masama sa Pagsusugal?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ano ba ang Masama sa Pagsusugal?
  • Gumising!—2002
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Isang Epidemya ng Pagkasugapa sa Pagsusugal
  • Isang Nakahahawang Pagkasugapa
  • Mga Bagong Kalap sa Sugal—Mga Kabataan!
    Gumising!—1995
  • Ang Pagsusugal ba’y Para sa mga Kristiyano?
    Gumising!—1994
  • Talaga Bang Napakasama ng Pagsusugal?
    Gumising!—1991
  • Iwasan ang Silo ng Pagsusugal
    Gumising!—2002
Iba Pa
Gumising!—2002
g02 7/22 p. 4-8

Ano ba ang Masama sa Pagsusugal?

“Mga 290,000 Australiano ang mga sugapang sugarol at siyang dahilan ng mahigit sa $3 bilyon na pagkalugi taun-taon. Hindi lamang ito kapaha-pahamak para sa mga sugapang sugarol na ito, kundi para rin sa tinatayang 1.5 milyon katao na tuwirang naaapektuhan ng mga sugarol bilang resulta ng pagkabangkarote, diborsiyo, pagpapatiwakal at nawalang oras sa trabaho.”​—J. Howard, punong ministro ng Australia, 1999.

SI John, na binanggit sa naunang artikulo, ay naging isang sugapang sugarol.a Lumipat siya sa Australia, kung saan napangasawa niya si Linda, isa ring sugarol. Lumalâ ang pagkagumon ni John. Sinabi niya: “Lumalâ ang bisyo ko mula sa pagbili ng mga tiket sa loterya tungo sa pagtaya sa mga karerahan ng kabayo at pagsusugal sa mga kasino. Nang maglaon, halos araw-araw na akong nagsusugal. Kung minsan ay isinusugal ko ang lahat ng aking suweldo at walang anumang natitira pa upang ibayad sa hulog sa bahay o para sa pagkain ng pamilya. Kahit na manalo ako ng maraming pera, patuloy pa rin ako sa pagsusugal. Ang pananabik na manalo ang dahilan ng aking pagkagumon.”

Karaniwan na ang mga indibiduwal na gaya ni John. Waring ang mga lipunan sa kabuuan ay nahuhumaling sa pagsusugal. Sinabi ng magasing USA Today na sa pagitan ng 1976 at 1997, nagkaroon ng isang nakagigimbal na 3,200-porsiyentong pagtaas sa halagang ipinupusta sa legal na pagsusugal sa Estados Unidos.

“Noong una, ang pagsusugal ay itinuturing na isang kasamaan sa moral at sa lipunan. Sa ngayon, isa itong katanggap-tanggap na libangan sa lipunan,” ang sabi ng pahayagang The Globe and Mail sa Canada. Bilang pagtukoy sa isang dahilan ng pagbabagong ito sa saloobin ng publiko, ganito ang sinabi ng pahayagan: “Ang pagbabago sa pangmalas ng mga tao ay tuwirang resulta ng marahil ay pinakamahal at pinakamatagal nang anunsiyo na tinutustusan ng pamahalaan sa kasaysayan ng Canada.” Ano ang epekto sa ilang lipunan ng mga pagsisikap na itaguyod ang pagsusugal?

Isang Epidemya ng Pagkasugapa sa Pagsusugal

Ayon sa isang pagtayang ginawa ng Harvard Medical School Division on Addictions, noong 1996 ay nagkaroon ng “7.5 milyong Amerikanong adulto na mga sugapang sugarol (problem gambler) at pusakal na sugarol (pathological gambler)” at karagdagang “7.9 milyong Amerikanong kabataan na mga sugapang sugarol at pusakal na sugarol.” Ang mga estadistikang ito ay inilakip sa isang ulat na tinipon ng National Gambling Impact Study Commission (NGISC), na iniharap sa Konggreso ng Estados Unidos. Sinabi ng ulat na ang bilang ng mga taong may problema sa pagsusugal sa Amerika ay maaaring di-hamak na mas malaki pa nga kaysa sa naiulat.

Dahil sa pagkawala ng trabaho, paghina ng pisikal na kalusugan, kabayarang nakukuha sa benepisyo dulot ng kawalan ng trabaho, at halaga ng mga programa sa paggamot ng mga sugapa sa pagsusugal, tinatayang bilyun-bilyong dolyar ang nalulugi ng lipunan sa Estados Unidos taun-taon bunga ng pagkasugapa sa pagsusugal. Subalit hindi inilalarawan ng bilang na ito ang sakripisyo’t paghihirap na dulot ng pagkasugapa sa pagsusugal​—ang epekto nito sa mga pamilya, kaibigan, at katrabaho, dahil sa pagnanakaw, panlulustay, pagpapatiwakal, karahasan sa tahanan, at pag-aabuso sa mga bata. Nasumpungan ng isang pagsusuri sa Australia na maaaring tuwirang maapektuhan ng bawat sugapang sugarol ang hanggang sampung katao. Isang ulat mula sa National Research Council sa Estados Unidos ang nagsasabi na hanggang “50 porsiyento sa bilang ng mga asawa at 10 porsiyento ng mga anak ang nakararanas ng pisikal na pang-aabuso mula sa pusakal na sugarol.”

Isang Nakahahawang Pagkasugapa

Katulad ng ilang sakit, ang pagkasugapa sa pagsusugal ay maaaring ipasa ng magulang sa anak. “Ang mga anak ng mga di-mapigil na sugarol (compulsive gambler) ay mas malamang na magsagawa ng delingkuwenteng mga paggawi tulad ng paninigarilyo, pag-inom, at paggamit ng droga, at may mas malaking panganib na maging mga sugapa o pusakal na sugarol din,” ang sabi ng ulat ng NGISC. Nagbababala rin ang ulat na “ang mga nagsusugal na kabataan ay mas malamang na maging mga sugapa o pusakal na sugarol kaysa sa mga adulto.”

Si Dr. Howard J. Shaffer, direktor ng Harvard Medical School’s Division on Addiction Studies, ay nagsabi: “Dumarami ang ebidensiyang nagpapahiwatig na ang bawal na pagsusugal sa mga kabataan ay dumarami sa isang antas na kapareho o mas mataas pa nga kaysa sa pagsusugal nang legal.” Hinggil sa potensiyal na abusuhin ng mga pusakal na sugarol ang teknolohiya ng Internet, ganito ang sinabi niya: “Kung paanong binago ng paghitit ng crack cocaine ang pakiramdam ng paggamit ng cocaine, sa palagay ko ay babaguhin ng elektronika ang pakiramdam sa pagsusugal.”

Ang negosyo ng pagsusugal ay kadalasang ipinakikita na naglalaan ng di-nakapipinsalang kasiyahan. Ngunit para sa mga kabataan, ang pagsusugal ay maaaring nakasusugapa na gaya ng anumang bawal na gamot at maaari itong umakay sa pagiging kriminal. Nasumpungan ng isang surbey sa United Kingdom na sa mga kabataang nagsusugal, “46 na porsiyento ang nagnakaw sa kanilang pamilya” upang masuportahan ang kanilang bisyo.

Sa kabila ng mga nabanggit na katotohanan, ipinagmamatuwid ng isang maimpluwensiyang samahan sa pagsusugal ang pagtataguyod nito sa sugal sa pagsasabing: “Wala namang nararanasang problema ang lubhang nakararaming bilang ng mga Amerikano na nasisiyahan sa pagsusugal.” Kahit na nadarama mong ang pagsusugal ay hindi naman lubhang nakaaapekto sa iyong pinansiyal o pisikal na kalusugan, ano naman ang epekto ng pagsusugal sa iyong espirituwal na kalusugan? May mabubuti bang dahilan kung bakit dapat mong iwasan ang pagsusugal? Sasagutin ng susunod na artikulo ang mga tanong na ito.

[Talababa]

a Tingnan ang kahong “May Problema ba Ako sa Pagsusugal?” sa pahina 4 at 5.

[Kahon/Mga larawan sa pahina 4, 5]

May Problema ba Ako sa Pagsusugal?

Ayon sa American Psychiatric Association, ang sumusunod na mga batayan sa pahina 5 ay makatutulong sa pagsusuri sa pusakal na pagsusugal (na kung minsan ay tinatawag na di-mapigil na pagsusugal). Maraming awtoridad ang sumasang-ayon na kapag ipinakikita mo ang ilan sa mga sumusunod na paggawi, ikaw ay isang sugapang sugarol, at kapag nararanasan mo ang isa sa mga paggawing ito, nanganganib ka na maging isang sugapang sugarol.

Subsob sa pagsusugal Ikaw ay subsob sa pagsusugal​—gustung-gusto mong maranasang muli ang nakalipas na mga karanasan sa pagsusugal, nagpaplano para sa susunod na pakikipagsapalaran, o nag-iisip ng mga paraan upang makakuha ng salaping isusugal.

Pagbibigay-hilig Palaki nang palaki ang salaping kailangan mong isugal upang matamo ang hinahangad na pananabik.

Di-kaayaayang pakiramdam Hindi ka mapakali o madali kang mayamot kapag nagtatangkang bawasan o ihinto ang pagsusugal.

Pagtakas Nagsusugal ka upang matakasan ang mga problema o upang maibsan ang pagkadama ng kawalang-kakayahan, pagkakasala, pagkabalisa, o panlulumo.

Paghahabol Pagkatapos matalo sa pagsusugal, kadalasan nang bumabalik ka sa ibang araw upang makabawi. Ang paggawing ito ay tinatawag na paghahabol sa mga natalo ng isa.

Pagsisinungaling Nagsisinungaling ka sa mga miyembro ng pamilya, sa mga therapist, o sa iba pa upang itago ang antas ng iyong pagkakasangkot sa pagsusugal.

Kawalan ng pagpipigil Ilang ulit mo nang sinusubukang ihinto, kontrolin, o bawasan ang pagsusugal ngunit hindi ka nagtatagumpay.

Ilegal na mga gawain Nakagagawa ka na ng ilegal na mga gawain, tulad ng pandaraya, pagnanakaw, o panlulustay, upang matustusan ang iyong pagsusugal.

Isinapanganib ang mahalagang kaugnayan Isinasapanganib mo o naiwawala ang isang mahalagang kaugnayan, edukasyon o isang pagkakataon na magkaroon ng magandang karera, o trabaho dahil sa pagsusugal.

Paghingi ng saklolo Umaasa ka sa iba na bibigyan ka ng salapi para makaahon sa isang desperadong pinansiyal na situwasyon dulot ng pagsusugal.

[Credit Line]

Pinagmulan: National Opinion Research Center at the University of Chicago, Gemini Research, and The Lewin Group.

[Kahon/Larawan sa pahina 7]

Ang Tunay na Mensahe sa mga Anunsiyo ng Loterya

“Ang pagtataguyod ng mga loterya . . . ay maaaring ituring bilang edukasyon hinggil sa mga pamantayang moral, anupat itinuturo na ang pagsusugal ay isang mabuti o kapuri-puri pa ngang gawain,” ang sabi ng mga mananaliksik sa Duke University, sa Estados Unidos, sa isang ulat na isinumite sa National Gambling Impact Study Commission. Ano ba talaga ang epekto ng anunsiyo ng loterya sa komunidad? Sinabi ng ulat: “Marahil ay hindi naman kalabisan na sabihing ang mensahe sa anunsiyo ng loterya ay subersibo​—na ang tagumpay ay nakasalalay sa pagpili ng tamang numero. Ang tiwaling pakanang ito ng ‘edukasyon’ na pinalalaganap ng mga ahensiya ng loterya ay maaaring may negatibong epekto na mabawasan ang kita sa buwis para sa pamahalaan sa kalaunan, sa pamamagitan ng pagbawas sa pag-unlad ng ekonomiya. Sa espesipikong paraan, kung pinahihina ng pagtataguyod ng loterya ang hilig na magtrabaho, mag-ipon, at mamuhunan para sa sariling edukasyon at pagsasanay, ito ay magbubunga ng paghina sa produksiyon sa dakong huli. Anuman ang mangyari, ang pagtayâ sa isang milagro ay hindi siyang pormula sa tagumpay na karaniwan nang itinuturo natin sa ating mga anak.”

[Kahon/Larawan sa pahina 8]

Ang Bawat Tahanan ay Isang Kasino

Sa maliit na halaga lamang kung ihahambing sa gastusin ng pagtatayo ng bagong mga gusali para sa pagsusugal, gumagawa ngayon ang mga organisasyon sa pagsusugal ng mga Web site anupat ang alinmang tahanan na may computer na nakakonekta sa Internet ay maaaring gawing isang virtual casino. Noong kalagitnaan ng dekada ng 1990, may humigit-kumulang na 25 site ng pagsusugal sa Internet. Noong 2001, may mahigit na 1,200 site, at ang kita mula sa pagsusugal sa Internet ay dumodoble taun-taon. Noong 1997, kumita ng $300 milyon ang mga site ng pagsusugal sa Internet. Noong 1998, kumita pa sila ng karagdagang $650 milyon. Noong 2000, kumita ang mga site ng pagsusugal sa Internet ng $2.2 bilyon, at pagsapit ng 2003 ang halagang iyan ay “inaasahang aabot sa $6.4 bilyon,” ang sabi ng isang ulat ng balita ng Reuters.

[Larawan sa pahina 6]

Kabilang sa sakripisyo’t paghihirap na dulot ng pagkasugapa sa pagsusugal ang mga pamilyang walang pambili ng pagkain

[Larawan sa pahina 7]

Lubhang nakababahala ang pagtaas ng bilang ng nagsusugal na mga kabataan

[Larawan sa pahina 8]

Ang mga anak ng mga di-mapigil na sugarol ay may mas malaking panganib na maging mga sugapang sugarol din

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share