Mga Bagong Kalap sa Sugal—Mga Kabataan!
IKAW ba’y napapailing dahil hindi ka makapaniwala sa lalim ng lusak na kinasadlakan ng adultong populasyon, kapuwa lalaki at babae, sa pagkagumón sa sugal? Nahihirapan ka bang unawain kapag nababasa mo ang tungkol sa mga adultong sugarol na isinusuko ang kanilang gawain at mga tagumpay sa buhay—mga trabaho, negosyo, pamilya, at, para sa ilan, ang kanilang buhay—alang-alang sa pagsusugal? Nauunawaan mo ba ang pangangatuwiran ng isang maygulang, edukadong adulto, na, pagkatapos manalo ng $1.5 milyon sa sugal, ay patuloy na nagsugal hanggang siya’y matalo ng $7 milyon nang gabi ring iyon? Sa maraming kaso ito’y ang kasakiman, ang paghahabol sa mailap na dolyar. Subalit, kadalasan na, ito’y ang katuwaan ng pagsusugal mismo.
Kung kayo ay mga magulang na may mga anak, kayo ba’y naaaliw ng kaisipan na ang sugal ay isang laro ng maygulang na adulto? Kung gayon ay pag-isipan muli. Isaalang-alang ang bagong mga batang kalap na handa nang magsugal—o nagsusugal na. Ang mga katotohanan ay maaaring labis na makabigla sa iyo.
Ang sumusunod na pamagat ng mga artikulo ay lumitaw sa mga pahayagan at mga magasin kamakailan: “Malamang na ang Sugal ang Maging Bisyo ng mga Tin-edyer sa Dekada ’90.” “Mas Maraming Kabataan ang Nagumon sa Sugal.” “‘Crack ng Dekada ’90’: Ginugumon ng Sugal ang mga Bata.” “Hindi Makahinto sa Sugal ang Aking Anak.”
Ngayon, basahin mo ang nasa ibaba ng mga ulong-balita. “Sinisisi ng mga awtoridad ang problema pangunahin na sa paglaganap ng sugal na itinataguyod ng estado at ng simbahan,” sulat ng isang pahayagan. “Ngayon, higit kailanman ang pagtayâ ay mas madaling gawin ng madaling matuksong mga kabataan. At ang mga dalubhasa ay nagbababala na mahigit na 90 porsiyento ng pusakal na mga adultong sugarol ay natututo ng bisyo bago pa sila maging 14,” sabi ng pahayagan. “Dati-rati ang karamihan ng mga pusakal na sugarol ay nagsimulang magsugal sa gulang na 14. Ngayon ay nakikita natin ang pagbaba nito sa gulang na 9 o 10,” sabi ng isa pang mananaliksik. “Bakit? Sapagkat naroroon ang pagkakataon,” aniya. “Ang mga bata . . . ay pinauulanan ng anunsiyo sa sugal saanman. Ito’y katuwaan na tinatanggap sa lipunan.” “Ito’y mabilis na lumalala,” sabi ng isang tagapagsalita para sa isang pangkat na tinatawag na Gamblers Anonymous. “Ang mga bata ay nagsisimula sa pabata nang pabatang gulang, at marami sa kanila ay nasisilo rito higit kailanman.”
Ayon sa isang pag-aaral ng mga sugarol na tin-edyer sa isang estado sa Amerika, halos 3.5 porsiyento ay potensiyal na mga pusakal na sugarol; at 9 na porsiyento naman ang malamang na maging “lubhang-mapanganib” na mga sugarol. “Karaniwan na, ipinakikita ng mga bilang na mas maraming kabataan ang nagsusugal kaysa panlahat na populasyon ng mga adulto,” sabi ni William C. Phillips, coordinator ng mga paglilingkod sa pagpapayo sa isang kolehiyo sa Amerika. “Makakaharap natin sa susunod na dekada o higit pa ang mas maraming problema sa mga kabataang nagsusugal kaysa problemang makakaharap natin sa pag-abuso sa droga—lalo na ang ipinagbabawal na paggamit ng droga,” sabi ng isa pang tagapayo tungkol sa pagkasugapa. Si Propesor Henry Lesieur ay nagsagawa ng isang pag-aaral sa mga estudyante na nasa ikatlo at ikaapat na taon ng haiskul. Iniulat ng The Los Angeles Times na “ang mga natuklasan niya ay kapansin-pansing kahawig ng pag-aaral na isinagawa sa mga estudyante sa kolehiyo: Ang persentahe ng mga tin-edyer na masasabing ‘pathological’ o mga ‘pusakal’ na sugarol—mga taong hindi masupil ang kanilang pagsusugal—ay may katamtamang bilang na halos 5% ng populasyon ng mga tin-edyer sa buong bansa.”
Ang mga therapist sa sugal ay sumasang-ayon na hindi ang bilang ng mga kabataang sugarol ang nakababahala sa kanila kundi bagkus ang “saloobin ng mga bata, ng mga magulang at maging ng mga guro tungkol sa pagsusugal ng mga tin-edyer. . . . Itinuturing ng maraming kabataan at ng kanilang mga magulang ang pagsusugal na isang ‘hindi nakapipinsalang libangan,’ na ang mga resulta ay hindi gaanong malubha kaysa sa mga pagkasangkot sa droga at alak o karahasan o imoral na paggawi sa sekso.” Subalit ang tagapayo sa paggawi na si Durand Jacobs ay nagbabala na maaaring ilantad ng sugal ang mga kabataan sa krimen, pagbubulakbol, at isang pagnanasang magkapera sa madaling paraan.
Kunin halimbawa ang isang estudyante sa haiskul na nagsimulang magsugal sa murang gulang. Samantalang nasa paaralan ginugol niya ang marami sa kaniyang oras sa klase sa pakikipagsugal sa ibang mga estudyante. Kapag siya’y natalo at naubos na ang kaniyang alawans, nagnanakaw siya ng pera mula sa pondo na iniabuloy ng mga estudyante para sa mga basket ng pagkain para sa mga nangangailangang pamilya. Sa pagsusugal ng nakaw na pera, inaasahan niyang mabibili niyang muli ang telebisyon set ng kaniya mismong pamilya at isang singsing na may batong onyx na isinangla niya upang mabayaran ang dati niyang mga pagkakautang sa sugal. Nang siya’y nasa ikasiyam na grado na, nakagugol na siya ng 20 araw sa isang tahanan para sa mga delingkuwenteng kabataan dahil sa pagnanakaw ng $1,500 at nagumon siya sa sugal na ‘dollar-ante poker’ at ‘$5-a-rack pool.’ “Habang nagkakaedad ako, ang halaga ay lumalaki,” sabi niya. Di-nagtagal siya’y nagnanakaw sa kaniyang mga kapitbahay upang bayaran ang kaniyang mga pagkakautang sa sugal. Ang kaniyang ina ay nawalan na ng pag-asa. Sa gulang na 18 siya’y naging isang pusakal na sugarol.
Sa Inglatera, ang mga sosyologo ay nagsasabi, ang di-mahigpit na mga batas tungkol sa sugal ay nagpapahintulot sa mga bata na maglaro ng mga slot machine. Sa mga paliparan at mga arcade, tinutustusan ng maraming bata ang kanilang pagkagumon sa pamamagitan ng pagnanakaw mula sa kanilang mga magulang at sa pamamagitan ng pang-uumit sa tindahan.
“Sa gitna ng mga kabataan, ang pinakapopular at pinakamalaganap na anyo ng sugal sa mga kampus ng haiskul at kolehiyo ay ang pagtayâ sa isports nang sila-sila [mga estudyante] mismo, kung minsa’y itinataguyod ng lokal na mga bookies,” sabi ni Jacobs. “Hinuhulaan ko na kakaunting kampus ng haiskul at kolehiyo lamang ang walang organisado nang husto at malalaking pusta na mga pustahan sa isports.” Idagdag pa rito ang mga laro sa baraha, loterya, at mga pasugalan na nagpapahintulot sa maraming tin-edyer sapagkat sila ay mukhang matanda kaysa kanilang edad.
“Isa sa mga punto na kailangang banggitin,” sabi ni Jacobs, “ay na karamihan ng mga tao ay nagiging mga pusakal na sugarol sapagkat nang sila’y magsimula bilang mga tin-edyer, sila’y nananalo.” “Ang ‘nakararaming’ kabataan, sabi niya, ay nailantad sa sugal ng kanilang mga magulang o mga kamag-anak na kinukunsinti ito bilang katuwaan at laro,” patuloy ng The Los Angeles Times. Isa pang tagapayo sa mga nag-aabuso sa droga o alak ay nagkomento: “Kailangang isaalang-alang ng mga magulang ang dati nang usapin ring iyon na kailangan nilang lutasin may kaugnayan sa alak at droga. Sa palagay ko mientras mas pinalalawak mo ang sugal, mas maraming bagong kalap sa samahan ng pusakal na pagsusugal.” Ang mga dalubhasa na gumagamot sa mga pusakal na sugarol ay nagsasabi na katulad sa droga at alak, kapag nagumon sa sugal parami nang paraming kabataan ang tinutustusan ang kanilang pagkasugapa sa pamamagitan ng pagnanakaw, pagtitinda ng droga, at pagpapatutot mismo. Maaaring ipalagay ng mga magulang ang sugal na “katuwaan at laro,” ngunit hindi gayon ang palagay ng mga opisyal ng pulisya.
“Ang mga batang nagugumon sa mga slot machine . . . ay nagpapakita ng lahat ng nakapipinsalang katangian ng adultong mga pusakal na sugarol. Ang mga kabataang nagumón sa mga slot machine na iyon ay maaaring nagsimula sa gulang na 9 o 10. Ginagamit nila ang kanilang baong pera, perang pambili ng pagkain sa paaralan, at mga barya sa bahay. Pagkalipas ng isa o dalawang taon at ang mga batang lalaki ay nagnanakaw na ng mga bagay-bagay. Ang lahat ng bagay sa kaniya mismong silid ay ipagbibili, mga bat, aklat, kahit na ang pinakaiingat-ingatang gamit na gaya ng mga ponograpo: nanakawin din nila ang mga laruan ng ibang bata. Wala nang bagay na ligtas sa loob ng bahay. Narinig ni Moody ang tungkol sa desperadong mga ina na itinatambak ang kanilang mga ari-arian sa loob ng isang silid upang hindi ito makuha, o itinatago ang kanilang mga bag sa ilalim ng sapin ng kama kapag sila’y natutulog. Naguguluhan, hindi na maunawaan ng mga ina kung ano na ang nangyayari sa kanilang anak kung paanong hindi maunawaan ng mga ibong nangingitlog ang nangyayari kapag pinagnakawan sila ng ibong cuckoo. Nagagawa pa ring magnakaw ng mga bata kahit saan. Sa gulang na 16, pinaghahanap na siya ng pulis.”—Easy Money: Inside the Gambler’s Mind, ni David Spanier.
Gaya ng nabanggit na sa mga artikulong ito, maraming adulto at kabataan ang nalantad sa sugal sa kanila mismong mga simbahan—bingo, mga loterya, at iba pa. Dapat bang himukin, itaguyod, at udyukan ng mga institusyon ng relihiyon at ng kanilang mga lider na nag-aangking mga tagasunod ni Kristo ang pagsusugal sa anumang anyo nito? Hindi nga! Ang sugal sa lahat ng aspekto nito ay nakaaakit sa isa sa pinakamasamang katangian ng tao, ang pagnanasang makuha ang isang bagay nang hindi pinaghirapan, o, sa mas tahasang pananalita, kasakiman. Yaong mga nagtataguyod nito ay humihimok sa mga tao na maniwala na hindi masamang makinabang sa pagkatalo ng iba. Itataguyod kaya ni Jesus ang gayong gawain kung ito’y nagdudulot ng pagkawasak ng pamilya, kahihiyan, sakit, at pagkawasak ng buhay ng isa? Nungka! Bagkus, nililiwanag ng kinasihang Salita ng Diyos na ang mga taong sakim ay hindi magmamana ng Kaharian ng Diyos.—1 Corinto 6:9, 10.
Dapat turuan ng mga magulang ang kanilang mga anak sa murang gulang na ang sugal sa anumang anyo nito ay masama. Huwag itong ituring bilang katuwaan at laro kundi bagkus bilang pasimula ng katamaran, pagsisinungaling, pandaraya, at kawalang-katapatan. Sa maraming lungsod ang mga programa upang tumulong, gaya ng Gamblers Anonymous, ay itinatag. Higit sa lahat, kung may problema ka, hanapin mo ang kinasihang payo na nasa Salita ng Diyos, ang Bibliya. Ang ilan na nag-isip magpatiwakal ay nagsasabing utang nila ang kanilang buhay sa pagsunod ng gayong kinasihang payo.
Kapansin-pansin, natulungan ng mga Saksi ni Jehova ang marami na nasilo sa pusakal na pagsusugal na makaalpas. Isang dating pusakal na sugarol ang sumulat na pagkalipas ng maraming taon ng pagkasangkot sa mga bisyo, pati na ang pagsusugal ng malalaking halaga, “kagyat at malaking pagbabago sa paggawi ang nangyari habang kami ng nobya ko ay nakikipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Ang sugal ay isang nakasusugapang puwersa, at ito’y napakahirap supilin. Sa tulong ni Jehova at alalay ng aking nobya—pati na ang pag-aaral, panalangin, at pagbubulay-bulay, lalo na tungkol sa pangmalas ng Diyos sa kasakiman—ang pagkagumong ito sa sugal ay nasupil, at kami ng nobya ko, na ngayo’y asawa ko na sa loob ng 38 taon, ay kapuwa nag-alay ng aming buhay kay Jehova. Bagaman kami’y naglingkod kung saan may higit na pangangailangan at sa buong-panahong paglilingkod sa loob ng mga taon at ako’y naglingkod bilang isa sa mga naglalakbay na kinatawan ng Samahang Watchtower, naririyan pa rin ang aking pagkagumon at ito’y nasusupil lamang sa tulong at patnubay ni Jehova.”
Kung problema mo ang pagsusugal, mapalalaya ka ba sa pagkagumón dito? Oo, kung patuloy mong sasamantalahin ang tulong ng Diyos at iaalok ito sa iba na maaaring nangangailangan nito.
[Blurb sa pahina 9]
Di-magtatagal magkakaroon ng higit na problema sa pagsusugal ng mga kabataan kaysa droga
[Blurb sa pahina 11]
Ang mga taong sakim ay hindi magmamana ng Kaharian ng Diyos
[Kahon sa pahina 10]
Tinatanggap ang mga Pitsa ng Sugal sa Katolikong Dambana sa Las Vegas
Ang mga dumadalaw sa Dambana ng Kabanal-banalang Manunubos ay kadalasang humihiling sa pari: “Padre, maaari bang ipagdasal ninyo na manalo ako?”
Milyun-milyong tao ang dumadalaw sa Las Vegas, Nevada, E.U.A., taun-taon mula sa lahat ng bahagi ng daigdig upang subukin ang kanilang suwerte. Sa kulay-dilaw na naiilawang simbahang ito kung saan ang Iglesya Katolika Romana, mga estatuwa ng Natividad, ang Huling Hapunan at ang Pagpapako sa Krus ay makikita sa mga dingding, ang kita sa sugal ay ginagamit sa mga bangkô sa simbahan: Ang mga mananamba ay naglalagay ng mga pitsa ng pasugalan sa platong pangkoleksiyon.
“Sa pana-panahon ay makasusumpong kami ng isang $500 na pitsa sa mga plato,” sabi ni Padre Leary sa mahinang punto ng taga-Ireland.
Isang simbahang Romano Katoliko sa dulo ng Las Vegas Strip ang naglingkod sa mga mananamba sa loob ng mga dekada, subalit nang ang apat sa pinakamalaking hotel-pasugalan sa daigdig—ang MGM Grand, ang Luxor, ang Excalibur, at ang Tropicana—ay itayo sa dulong timog ng Strip, ang bagong Dambana ng Kabanal-banalang Manunubos ay itinayo isang bloke lamang ang layo.
Nang tanungin ang pari kung bakit ito ginawa, ang sabi niya: “Bakit hindi? Nariyan ang mga tao.”
Naroon din ang pera. Kaya bakit hindi?
[Larawan sa pahina 9]
Ang pagsusugal ay umaakay sa masasamang kasama