Mula sa Aming mga Mambabasa
Relihiyosong Pag-uusig Itinawag-pansin sa akin ng artikulong “Relihiyosong Pag-uusig sa Georgia—Hanggang Kailan Pa?” (Enero 22, 2002) kung gaano kadaling magbago ang daigdig na ito. Madalas kong pinag-iisipan ang mga artikulong tulad nito, anupat tinatanong ang aking sarili, ‘Nasaan ba ako noong nangyayari ito? Gaano katibay ang aking kaugnayan kay Jehova nang magdusa nang husto ang aking mahal na mga kapatid?’ Pakisuyong ipaalam sa ating mga kapatid na mahal namin sila at nakikiramay kami sa kanilang mga pagsubok.
K. S., Estados Unidos
Nang mabasa ko ang malupit na pakikitungo sa mga Saksi ni Jehova sa Georgia, talagang hindi ko mapigil ang pagluha. Buong-puso kong idinadalangin na susuportahan at ipagsasanggalang sila ni Jehova at ibubuhos sa kanila ang kaniyang saganang pag-ibig. Nais kong malaman ng aking mahal na mga kapatid sa Georgia na idinadalangin ko sila. Bagaman ako ay nasa ibang lugar, taos-puso akong nagpapasalamat sa pribilehiyo na makaisa nila sa paglilingkod kay Jehova.
M. T., Hapon
Linggu-linggo ay naririnig ko sa aming mga pagpupulong na idinadalangin ng mga kapatid na lalaki sa plataporma ang tungkol sa mga kapatid sa Georgia, ngunit hindi ko pa taglay noon ang ganito karaming impormasyon tungkol sa nangyayari. Hindi ko inakala kailanman na nangyayari ang mga kalupitan na katulad niyaong mga binanggit sa artikulong ito. Ipaalam ninyo sa kanila na idinadalangin sila ng kanilang mga kapatid sa buong daigdig. Sila ay malaking pampatibay-loob sa aming lahat na napapaharap sa mas maliliit na problema kung ihahambing sa taglay nila.
V. P., Estados Unidos
Lubha akong naantig sa pananampalataya ng mga kapatid na ito, at napaluha ako dahil sa kanilang pagdurusa. Nagpamalas sila ng lakas ng loob, katatagan, at malaking pagtitiwala kay Jehova. Matutuwa ako na malaman nilang nakikiramay ako, mahal ko sila, at aalalahanin ko sila sa aking mga panalangin.
F. F., Italya
Okulto Labis akong nagpapasalamat sa artikulong “Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . . Pagiging Interesado sa Okulto—Ano ang Masama Rito?” (Enero 22, 2002) Binigyan ako ng lakas ng loob ng artikulong ito na permanente nang itapon ang isang kaduda-dudang bagay. Talagang inudyukan nito ang aking puso na higit na basahin ang halimbawa sa Bibliya hinggil sa mga taga-Efeso na nagsunog ng kanilang mga aklat sa espiritismo, bagaman nagkakahalaga ang mga ito ng 50,000 piraso ng pilak. (Gawa 19:19) Ang halaga ng papel na itinapon ko sa basurahan ay hindi maihahambing sa halaga ng mga bagay na ibibigay sa akin ni Jehova. Salamat sa paglalathala ninyo ng mga artikulong tulad nito sa tamang-tamang panahon.
A. N., Hapon
Nabautismuhan ako nitong nakaraang buwan. Bago ko malaman ang tungkol sa Bibliya, paulit-ulit akong nakibahagi sa espiritismo sa pamamagitan ng aking ina, na hindi isang Saksi ni Jehova. Dumating ang artikulo sa tamang panahon. Alam ko na ngayon na kailangan akong mag-ingat, at inilagak ko ang aking lubusang tiwala kay Jehova. Matapos basahin nang maraming beses ang artikulong ito at paulit-ulit na ipakipag-usap ang tungkol dito sa isang Kristiyanong kapatid na babae, unti-unting nawawala ang takot ko.
A. P., Alemanya
Mula sa Isang Guro Bilang isang guro sa paaralang primarya, nais kong batiin ang mga editor ng Gumising! Ang inyong nakapagtuturong magasin ay isang mahalagang kasangkapan sa isang kumpletong edukasyon. Ginagamit namin ng aking mga kapuwa guro ang mahuhusay na artikulo bilang saligan ng talakayan sa silid-aralan hinggil sa moral na mga pamantayan at mga usaping panlipunan. Ang Gumising! ay tumutulong upang makapaglinang ng mabuting personalidad at nagpapaunlad sa kalidad ng buhay ng aming mga estudyante sa pamamagitan ng pagtulong sa kanila na gumawa ng may-kabatirang mga pasiya.
F. C., Brazil