Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g02 9/8 p. 28-29
  • Pagmamasid sa Daigdig

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Pagmamasid sa Daigdig
  • Gumising!—2002
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • “Ang Pinakamaliit sa Daigdig”
  • Lubos na Nabigo ang mga Hula
  • Kabaliwan sa Pagtatanim ng Bomba
  • Sakuna sa mga Paruparong Monarch
  • “Tumpak at Matulain”
  • Ang “Kakatwang Magkapareha”
  • Pinabayaang mga Alagang Hayop
  • Syndrome sa Bagong Kotse
  • Magagandang Paruparo sa Tropiko
    Gumising!—2005
  • Mga Nakatanim na Bomba—Tinataya ang Nagagawang Pinsala Nito
    Gumising!—2000
  • Mga Alagang Hayop—Panatilihin ang Isang Timbang na Pangmalas sa mga Ito
    Gumising!—2004
  • Isang Maselan Ngunit Matibay na Manlalakbay
    Gumising!—1996
Iba Pa
Gumising!—2002
g02 9/8 p. 28-29

Pagmamasid sa Daigdig

“Ang Pinakamaliit sa Daigdig”

“Ang pinakamaliit na butiki sa daigdig,” na dalawang sentimetro lamang ang haba, ay natuklasan sa mga yungib sa Jaragua National Park sa Dominican Republic. “Ang pinakamalaking panganib ay ang ma-dehydrate ito, dahil ang balat nito ay napakalaki kung ihahambing sa bigat nito,” ang sabi ng The Times ng London. “Ang kinapal na ito ay hindi lamang ang pinakamaliit na butiki, kundi ito rin ang pinakamaliit sa mga amniote, isang grupo na kinabibilangan ng lahat ng 23,000 uri ng reptilya, ibon at mamal.” Ang tanging karibal nito sa sukat ay ang butiki na nabubuhay sa karatig na British Virgin Islands. Idinagdag pa ng pahayagan: “Ipinagmamalaki rin ng Caribbean ang pinakamaliit na ibon sa daigdig, ang Bee Hummingbird, na 5 sentimetro ang haba, at ang pinakapayat na ahas, ang Lesser Antillean Threadsnake, na maaaring sumiksik sa loob ng isang lapis kapag tinanggal ang tasá nito.”

Lubos na Nabigo ang mga Hula

“Para sa samahan ng mga manghuhula at astrologo, ang taóng 2001 ay isa na namang ganap na kabiguan,” ang sabi ng pahayagang Süddeutsche Zeitung sa Alemanya. Ang mga dalubhasa sa Forum for Parasciences ng Alemanya ay sumapit sa ganitong konklusyon matapos suriin ang mga hula sa taóng iyon. Ang isang dahilan ay, wala sa mga psychic ang patiunang nakakita sa mga pagsalakay noong Setyembre 11 o sa digmaan sa Afghanistan. Hindi rin nila nahulaan ang paghina ng kabuhayan sa Alemanya. Sa kabaligtaran, maganda pa nga ang kanilang hula sa hinaharap. Isang manghuhula ang tahasang humula na ang daigdig ay makararanas ng “isang yugto ng kapayapaan” pasimula sa taóng 2001. Bagaman sa mangilan-ngilang kaso ay nagkakatotoo ang mga hula ng tao, sinabi ng pahayagan na walang sinuman ang eksaktong makapagsasabi kung alin ang magkakatotoo, anupat idinagdag pa: “Gayunman, may malaking katibayan na ang tao ay talagang nagkakamali.”

Kabaliwan sa Pagtatanim ng Bomba

“Mahigit sa 110 [milyon] ang nakatanim na bomba sa buong daigdig. Ang pag-aalis sa mga ito ay gagastos ng $33 [bilyon] at gugugol ng 1,100 taon kung ibabatay sa kasalukuyang bilis ng pag-aalis ng nakatanim na bomba,” ang ulat ng pahayagang The Guardian ng Britanya. “Itinatanim ang mga bomba nang 25 beses na mas mabilis kaysa sa kakayahang alisin ang mga ito,” at mula noong 1975, mahigit sa isang milyon katao ang naging baldado o namatay dahil sa mga ito​—kasali na ang 300,000 bata. Kalahati ng lahat ng adulto at mahigit sa kalahati ng lahat ng bata na nakatapak ng isang nakatanim na bomba ay namatay bago nakarating sa ospital. Sinabi pa ng pahayagan na “ang mga sundalo ay kilalang-kilala na di-maaasahan sa pagtatala at pag-iingat ng mga rekord kung saan itinanim ang mga bomba,” at maraming “nakatanim na bomba ang natatangay na lamang kapag naagnas ang lupa at napapapunta kung saan-saan, malimit ay sa mga lugar na dating walang mga bomba.” Bagaman ang internasyonal na kalakalan sa antipersonnel land mines (isang uri ng nakatanim na bomba) ay halos nahinto na, mga 230 milyon hanggang 245 milyon ang nakaimbak pa rin sa buong daigdig. Ayon sa International Campaign to Ban Landmines, 15 pamahalaan at mga 30 organisasyon ng mga terorista at mga grupo ng mga gerilya ang gumagamit pa rin sa mga ito.

Sakuna sa mga Paruparong Monarch

Isang matinding bagyong maulan sa panahon ng taglamig noong Enero, na sinundan ng napakalamig na temperatura, ang nagwasak sa dalawang pinakamalaking kolonya ng mga paruparong monarch sa Mexico. Gaya ng iniulat sa The New York Times, tinaya ng mga mananaliksik na “74 na porsiyento ng mga monarch sa kolonya ng Sierra Chincua at 80 porsiyento sa kolonya ng Rosario ang namatay. Bukod sa ilang maliliit na kolonya, . . . ang mga paruparo sa malalaking kolonyang ito ang siyang kabuuang palahian ng mga monarch sa silangang Estados Unidos at Canada.” Mga 220 milyon hanggang 270 milyong paruparo ang nanigas sa lamig at nahulog mula sa kanilang mga pinamumugarang punungkahoy, anupat sa ilang dako ay mahigit sa 30 sentimetro ang taas ng mga natambak sa lupa. Bagaman ipinapalagay na hindi naman nanganganib malipol ang mga uring ito dahil sa sakunang iyon, sinabi ng mga mananaliksik na ang umunting bilang ng mga ito ay nagpangyari na manganib ang mga paruparo sa mga epekto ng klima at sakit sa hinaharap. Kilala ang mga monarch sa kanilang napakagandang lansakang pandarayuhan patungong hilaga mula sa Mexico tuwing tagsibol. Nangingitlog sila sa timugang Estados Unidos. Ito ay nakadaragdag sa dami ng paruparo na magpapatuloy sa pandarayuhan, na nakaaabot hanggang sa Canada pagsapit ng panahon ng tag-init.

“Tumpak at Matulain”

Ang Bibliya ay “hindi katha-katha at ito ay mas makatotohanan kaysa sa inakala,” ang sabi ng magasing pangkalikasan na Terre sauvage ng Pransiya. Napansin ng mga naturalistang nagtatrabaho sa Israel na ang Bibliya, bagaman isang relihiyosong aklat, ay naglalaman ng “tiyak at tumpak na mga pagbanggit hinggil sa soolohiya.” Bukod sa pagsasabi na “ang Mga Awit at ang Mga Kawikaan ay mahahalagang pinagkukunan ng impormasyon” para sa mga naturalista, sinabi pa ng artikulo: “Ang aklat ng Job . . . ay nagbibigay ng tumpak at matulain na paglalarawan hinggil sa pagbubuntis ng kambing-gubat gayundin sa likas na tirahan ng asnong-gubat at ng hippopotamus.”

Ang “Kakatwang Magkapareha”

“Anumang ugnayan sa pagitan ng babaing leon at ng guyang usa ay maaasahang kapuwa maigsi, at nakamamatay para sa huling nabanggit,” ang sabi ng The Economist. Gayunman, ipinakita ng larawang kalakip ng artikulo na mapayapa na nakahigang magkatabi ang isang babaing leon at isang guya. Sinabi pa ng artikulo: “Ang kakatwang magkapareha na ito ay nasulyapan sa Samburu game reserve sa Kenya noong Disyembre 21, at sinubaybayan at kinunan ng larawan . . . ng dalawang potograpo ng mga hayop sa ilang, hanggang sa mapatay ng ibang leon ang guya noong Enero 6.” Ito ba ay isang kaso ng “imprinting,” kung saan tinatanggap ng isang kahaliling inang hayop ang isa pang hayop bilang anak nito matapos ang isang kamakailang pagsisilang? Hindi ito sinusuhayan ng katibayan, ang sabi ng The Economist. “Ang kasong ito ay kakatwa dahil buháy pa at nagpapasuso ang inang usa, at na ang babaing leon ay bata pa at walang senyales na ito ay nagkaanak na.” Bukod dito, “ang babaing leon ang sumusunod sa guya (halimbawa, kapag bumabalik ito sa kaniyang ina upang sumuso), sa halip na siya ang sinusundan ng guya.” Ganito ang konklusyon ng artikulo: “Kung bakit gusto niyang ampunin ang isang bagay na dapat sana’y gaganyak sa kaniya upang kainin ito ay isang misteryo.”

Pinabayaang mga Alagang Hayop

“Ang bawat Australiano ay nagmamay-ari ng mas maraming hayop kaysa sa bawat mamamayan ng alinmang iba pang lipunan sa daigdig,” ang sabi ni Hugh Wirth, ang pambansang presidente ng Royal Society for the Prevention of Cruelty to Animals. Gayunman, iniuulat ng pahayagang The Australian na “135,000 alagang hayop ang pinabayaan sa loob ng isang taon mula 2000-01” at “halos 60 porsiyento ng mga hayop na iyon ang pinatay sa maawaing paraan.” Bakit napakaraming hayop ang pinababayaan? Ang isang dahilan ay sapagkat patuloy na pinipili ng mga tao ang mga hayop na may lahing di-angkop sa kanilang kalagayan. Palaging nagkakamali ang mga magulang sa pagbili ng pantrabahong mga aso​—mga aso na nangangailangan ng maraming pagsasanay, ehersisyo, at pangangalaga​—para sa kanilang mga anak. Gayunman, ang pantrabahong mga aso ang responsable sa maraming insidente ng pangangagat ng aso. Tungkol sa pagpili ng alagang hayop, sinasabi ng The Australian: “Huwag isalig sa emosyon ang pagbili. Isaalang-alang ang inyong lugar, ang kalagayan ng pamilya at ang kalagayan sa pananalapi. Huwag ipagpaliban ang mga sesyon ng pagtuturo sa aso. Habang ipinagpapaliban mo ito, lalong nasasanay sa masamang kaugalian ang aso. Tandaan na may pangmatagalang epekto ang pagbili mo ng isang hayop.”

Syndrome sa Bagong Kotse

“Natuklasan . . . ng mga pananaliksik na naglalabas ng matataas na antas ng nakalalasong hangin ang bagong mga sasakyang de-motor hanggang sa loob ng anim na buwan o mahigit pa matapos itong ilabas sa kasa,” ang sabi ng Commonwealth Scientific and Industrial Research Organisation (CSIRO) ng Australia. Ang ilan sa nakalalasong singaw na kumakalat sa loob ng mga bagong kotse ay ang benzene, acetone, ethylbenzene, n-hexane, toluene, at mga xylene isomere​—pawang maaaring maging mapanganib sa mga tao. Ang mga drayber na nakalalanghap sa mga kemikal na ito ay maaaring dumanas ng pananakit ng ulo, pagkahilo, pagkalito, at pangangati ng mga mata, ilong, at lalamunan. Ayon kay Dr. Steve Brown, ang pinuno sa pananaliksik ng CSIRO sa pagkontrol sa kalidad ng hangin, “ang pag-upo sa loob ng isang kotse ay maghahantad sa iyo sa nakalalasong mga singaw sa mga antas na lampas pa kaysa sa tunguhing itinatag ng National Health & Medical Research Council ng Australia.” Upang mabawasan ang potensiyal na mga panganib, inirerekomenda ni Brown na, hangga’t maaari, “dapat tiyakin [ng mga may-ari ng bagong kotse] na maraming hangin galing sa labas ang pumapasok sa sasakyan samantalang sila ay nagmamaneho, sa loob ng di-kukulangin sa anim na buwan matapos bilhin ang sasakyan.”

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share