Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g02 10/8 p. 18-19
  • Arkeolohiya—Kailangan ba Para sa Pananampalataya?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Arkeolohiya—Kailangan ba Para sa Pananampalataya?
  • Gumising!—2002
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • ‘Walang Bato na Maiiwan sa Ibabaw ng Isang Bato’
  • Isang Bagong “Lunsod”
  • Jerusalem
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 1
  • Jerusalem—“Ang Lunsod ng Dakilang Hari”
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
  • Nagliligtas-Buhay ang Pananampalataya sa Hula ng Bibliya
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2007
  • Huwag Pabayaan ang Pagtitipon
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2002
Iba Pa
Gumising!—2002
g02 10/8 p. 18-19

Ang Pangmalas ng Bibliya

Arkeolohiya​—Kailangan ba Para sa Pananampalataya?

Noong 1873 ang klerigong Ingles na si Samuel Manning ay sumulat hinggil sa Jerusalem: “Dahil sa labis na nakaaakit ito, ang mga peregrino ay dumaragsa sa Jerusalem mula sa kadulu-duluhang bahagi ng lupa. Ang gumuguhong mga pader, ang mababaho at maruruming lansangan, ang naaagnas na mga kagibaan, ay lubhang iginagalang at pinagpipitaganan ng milyun-milyong katao, anupat wala nang iba pang dako sa lupa ang makapupukaw ng pananabik.”

ANG nakahahalinang katangian ng Banal na Lupain ay umakit sa mga tao mula pa noong panahon ng Romanong Emperador Constantino.a Sa loob ng mga 1,500 taon, ang mga peregrino ay dumating at umalis, sa pag-asang magkakaroon ng relihiyoso at personal na kaugnayan sa Banal na Lupain. Subalit, kataka-taka, noon lamang pasimula ng ika-19 na siglo inumpisahang samahan ng mga iskolar ang mga peregrinong ito, anupat nabuksan ang panahon ng arkeolohiya ng Bibliya​—ang pag-aaral ng mga produkto ng sinaunang tao, mga tao, mga lugar, at mga wika ng sinaunang Banal na Lupain.

Ang natuklasan ng mga arkeologo ay nagbunga ng pagsulong sa kaunawaan hinggil sa maraming aspekto noong kapanahunan ng Bibliya. Gayundin, ang mga rekord ng arkeolohiya ay malimit na nakakasuwato ng kasaysayan ng Bibliya. Subalit ang gayon bang kaalaman ay mahalaga sa pananampalatayang Kristiyano? Upang masagot ito, ipako natin ang ating pansin sa lugar na doo’y gumawa ng maraming paghuhukay ang arkeolohiya​—ang lunsod ng Jerusalem at ang templo nito.

‘Walang Bato na Maiiwan sa Ibabaw ng Isang Bato’

Noong Nisan 11, petsa sa kalendaryong Judio, sa tagsibol ng 33 C.E., si Jesu-Kristo, kasama ang ilan sa kaniyang mga alagad, ay umalis sa templo sa Jerusalem sa huling pagkakataon. Habang sila ay patungo sa Bundok ng mga Olibo, isa sa mga alagad ang nagsabi: “Guro, tingnan mo! pagkaiinam na mga bato at pagkaiinam na mga gusali!”​—Marcos 13:1.

Ang mga tapat na Judiong ito ay may matimyas na pag-ibig sa Diyos at sa kaniyang templo. Ipinagmamalaki nila ang maringal na mga gusaling ito at ang 15 siglong tradisyon na kinakatawanan ng mga ito. Ang sagot ni Jesus sa kaniyang alagad ay nakagigimbal: ‘Nakikita ba ninyo ang malalaking gusaling ito? Sa anumang paraan ay hindi maiiwan dito ang isang bato sa ibabaw ng kapuwa bato na hindi ibabagsak.’​—Marcos 13:2.

Ngayong dumating na ang ipinangakong Mesiyas, paano pahihintulutan ng Diyos na mawasak ang kaniyang sariling templo? Unti-unti, sa tulong ng banal na espiritu, lubusang mauunawaan ng mga alagad ni Jesus kung ano ang ibig niyang sabihin. Ano kung gayon ang kaugnayan ng mga salita ni Jesus sa arkeolohiya ng Bibliya?

Isang Bagong “Lunsod”

Noong Pentecostes 33 C.E., naiwala ng bansang Judio ang sinang-ayunang katayuan nito sa harapan ng Diyos. (Mateo 21:43) Ito ang nagbigay-daan sa isang bagay na mas dakila​—isang makalangit na pamahalaan na magdadala ng mga pagpapala sa buong sangkatauhan. (Mateo 10:7) Bilang katuparan ng hula ni Jesus, ang Jerusalem pati na ang templo nito ay nawasak noong 70 C.E. Pinatutunayan ng arkeolohiya ang ulat ng Bibliya hinggil sa pangyayaring iyon. Subalit, para sa mga Kristiyano, ang pananampalataya ay hindi salig sa natagpuang mga kagibaan ng sinaunang templong iyon. Ang kanilang pananampalataya ay nakasentro sa isa pang Jerusalem, subalit ito ay isang naiibang uri ng lunsod.

Noong taong 96 C.E., si apostol Juan, na nakarinig ng hula ni Jesus hinggil sa pagkawasak ng Jerusalem pati na ng templo nito at nabuhay upang makita ang katuparan nito, ay binigyan ng sumusunod na pangitain: “Nakita ko rin ang banal na lunsod, ang Bagong Jerusalem, na bumababang galing sa langit mula sa Diyos.” Isang tinig mula sa trono ang nagsabi: “Tatahan siyang kasama [ng sangkatauhan], at sila ay magiging kaniyang mga bayan. At ang Diyos mismo ay sasakanila. At papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man.”​—Apocalipsis 21:2-4.

Ang “lunsod” na ito ay binubuo ng tapat na mga Kristiyano na maglilingkod bilang mga hari na kasama ni Kristo sa langit. Sila ang bubuo ng makalangit na pamahalaan​—ang Kaharian ng Diyos​—na mamamahala sa buong lupa at magsasauli sa sangkatauhan tungo sa kasakdalan sa panahon ng Milenyo. (Mateo 6:10; 2 Pedro 3:13) Kinilala ng unang siglong mga Kristiyanong Judio na magiging bahagi ng grupong iyan na walang anumang bagay na taglay nila sa Judiong sistema ng mga bagay ang maihahambing sa pribilehiyo ng paghaharing kasama ni Kristo sa langit.

Si apostol Pablo, sa pagsulat hinggil sa kaniyang dating prominenteng posisyon sa Judaismo, ay nangusap para sa kanilang lahat: “Anumang bagay na mga pakinabang para sa akin, ang mga ito ay itinuring kong kawalan dahil sa Kristo. Aba, kung tungkol diyan, tunay ngang ang lahat ng bagay ay itinuturing ko rin na kawalan dahil sa nakahihigit na halaga ng kaalaman tungkol kay Kristo Jesus na aking Panginoon.”​—Filipos 3:7, 8.

Yamang napakalaki ng paggalang ni apostol Pablo sa Kautusan ng Diyos at sa kaayusan ng templo, maliwanag na ang kaniyang mga salita ay hindi nagpapahiwatig na ang mga kaayusang ito ng Diyos ay dapat hamakin.b (Gawa 21:20-24) Ipinakikita lamang ni Pablo na ang Kristiyanong kaayusan ay mas nakahihigit kaysa sa Judiong sistema.

Walang alinlangan na si Pablo at ang iba pang Kristiyanong Judio noong unang siglo ay may espesipikong kaalaman hinggil sa maraming kawili-wiling detalye ng Judiong sistema ng mga bagay. At yamang ang arkeolohiya ay nagbibigay-liwanag hinggil sa nakaraan, ang ilan sa mga detalyeng ito ay mapahahalagahan na ngayon ng mga Kristiyano. Subalit, pansinin ang sinabi ni Pablo sa kabataang si Timoteo kung saan dapat ipako ang kaniyang pangunahing pansin: “Magmuni-muni ka sa mga bagay na ito [may kinalaman sa kongregasyong Kristiyano]; magbuhos ka ng pansin sa mga iyon, upang ang iyong pagsulong ay mahayag sa lahat ng mga tao.”​—1 Timoteo 4:15.

Kapuri-puri, pinalawak ng arkeolohiya ng Bibliya ang ating kaunawaan sa pinagmulan ng Bibliya. Subalit, nababatid ng mga Kristiyano na ang kanilang pananampalataya ay salig, hindi sa ebidensiyang nahukay ng mga tao, kundi sa Salita ng Diyos, ang Bibliya.​—1 Tesalonica 2:13; 2 Timoteo 3:16, 17.

[Mga talababa]

a Interesadong malaman ni Constantino at ng kaniyang inang si Helena ang banal na mga dako sa Jerusalem. Personal na dinalaw ni Helena ang Jerusalem. Marami ang tumulad sa kaniya nang sumunod na mga siglo.

b Sa isang yugto ng panahon, sinunod ng unang siglong mga Kristiyanong Judio sa Jerusalem ang iba’t ibang aspekto ng Kautusang Mosaiko, malamang na udyok ng sumusunod na kadahilanan. Ang Kautusan ay mula kay Jehova. (Roma 7:12, 14) Nag-ugat na ito sa mga Judio bilang kaugalian. (Gawa 21:20) Ito ang kautusan ng lupain, at ang anumang pagsalansang dito ay magiging sanhi ng di-kinakailangang pagsalansang sa mensaheng Kristiyano.

[Mga larawan sa pahina 18]

Itaas: Jerusalem noong 1920; baryang Romano para gamitin ng mga Judio, 43 C.E.; garing na granada na namumulaklak, marahil ay mula sa templo ni Solomon, ikawalong siglo B.C.E.

[Credit Lines]

Pahina 2 at 18: Barya: Larawan © Israel Museum, Jerusalem; sa kagandahang-loob ng Israel Antiquities Authority; granada: Sa kagandahang-loob ng Israel Museum, Jerusalem

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share