Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g05 2/8 p. 18-20
  • Ang Cellphone—Kaibigan o Kaaway?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Cellphone—Kaibigan o Kaaway?
  • Gumising!—2005
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Malaking Pakinabang sa Negosyo
  • Pagbuo ng Bagong Wika
  • Ilang Di-magagandang Kalakaran
  • Mga Cellphone at Kanser
  • “Pagkalulong” sa Cell Phone
    Gumising!—2003
  • Kailangan Ko ba ng Cellphone?
    Gumising!—2002
  • Tanong
    Ating Ministeryo sa Kaharian—2002
  • Pagdagsa ng Teknolohiya
    Gumising!—2009
Iba Pa
Gumising!—2005
g05 2/8 p. 18-20

Ang Cellphone​—Kaibigan o Kaaway?

MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA AUSTRALIA

MGA ilang taon pa lamang ang nakalilipas, parang hindi angkop na tawaging mga “mobile phone” ang mga cellphone. Ang mga telepono ay “mobile” lamang, o madaling dalhin, kung talagang malakas ka o mayroon ka nito sa iyong sasakyan, yamang pagkabibigat ng mga batirya nito. Mas malaki pa nga noon sa kahon ng sapatos ang mga teleponong ito, at libu-libong dolyar ang halaga ng mga ito.

Sa ngayon, mayroon nang humigit-kumulang na 1.35 bilyong cellphone. Sa ilang bansa, mahigit sa kalahati ng populasyon ang mayroon nito. Ang karamihan ay kasya sa palad mo, at ipinamimigay pa nga nang walang bayad kung minsan ang mga ito.a Ganito ang iniulat ng babasahin sa Australia na The Bulletin: “Ang mga cellphone na ito na ginagamit ngayon ay halos kasindami na ng pinagsamang bilang ng mga TV at personal na mga computer.” Sa mahigit na 20 bansa, mas marami nang cellphone ngayon kaysa sa de-kawad na mga telepono. Isang eksperto sa industriya ang naglarawan sa mga cellphone hindi lamang bilang kahanga-hangang mga tuklas sa teknolohiya kundi “isang mahalagang pangyayari sa lipunan ng tao.”

Ano na ba ang epekto ng mga cellphone sa lipunan? Kaaway ba o kaibigan ang mga ito?

Malaking Pakinabang sa Negosyo

Malaking pakinabang sa maraming negosyo ang lumalagong bentahan ng mga cellphone. Isang malaking kompanya ang nagsabi: “Ang bentahan ng cellphone ang may pinakamalaking pangkat ng mga mamimili ng elektronikong kagamitan.” Sa ibang salita, mas maraming salapi ang ginugugol sa mga cellphone sa ngayon kaysa sa anumang elektronikong kagamitan noon.

Halimbawa, sa Australia, mahigit na 15 milyon sa 20 milyong naninirahan doon ang may cellphone. Nakatawag nang 7.5 bilyong ulit sa cellphone sa loob ng isang taon ang mga kostumer ng isa lamang sa maraming kompanya ng telepono sa bansang iyon nitong kamakailan lamang. Sa buong daigdig, bilyun-bilyong dolyar taun-taon ang kinikita ng mga kompanya sa telekomunikasyon dahil sa mga cellphone. Kaya naman madaling maunawaan kung bakit itinuturing na kaibigan ng malalaking negosyo ang cellphone.

Pagbuo ng Bagong Wika

Marami sa milyun-milyong palitan ng mensahe sa high-tech na mga teleponong ito ay hindi sa anyo ng binibigkas na salita, kundi nasa anyo ng nasusulat na salita. Sa halip na makipag-usap, dumarami sa mga may cellphone​—lalo na sa mga kabataan​—ang gumagamit ng serbisyong tinatawag na Short Message Service (SMS). Sa pamamagitan ng serbisyong ito, nakakapag-type sila at nakapagpapadala ng maiikling mensahe sa isa’t isa sa maliit na halaga lamang. Yamang kailangan pa sa ganitong paraan ng pakikipagtalastasan ang pagta-type ng mensahe sa maliit na keypad ng cellphone, ang mga tagatangkilik ng SMS ay gumagamit ng pinaikling anyo ng wika anupat pinaghahalo ang mga titik at numero upang bumuo ng mga katunog na salita. Sa kabila ng hirap sa pagkatha at pagta-type ng mensahe kung ihahambing sa pagtawag sa taong nais makausap, may mga 30 bilyong palitan pa rin ng mensahe buwan-buwan sa buong daigdig.

Tungkol saan ang mga mensaheng ito? Natuklasan ng isang pag-aaral sa Britanya na ang 42 porsiyento ng mga kabataang nasa pagitan ng edad 18 at 24 ay gumagamit ng SMS upang makipagligaw-biro, 20 porsiyento ang gumagamit ng makabagong anyong ito ng komunikasyon upang anyayahan ang isang tao na makipag-date, at 13 porsiyento ang gumagamit nito upang wakasan ang kanilang relasyon sa iba.

Nangangamba ang ilang komentarista sa lipunan ng tao na ang bakwit na pagbaybay at sintaks na ginagamit sa mga mensaheng SMS ay nakasasamâ sa kakayahang bumasa at sumulat ng mga kabataan. Hindi naman ito sinasang-ayunan ng iba, anupat sinasabi pa nga na ang paglaganap ng SMS ay “pumupukaw sa pagbabalik ng pagsusulat sa bagong henerasyon.” Isang tagapagsalita ng kompanya na gumagawa ng diksyunaryo sa wikang Australiano ang nagsabi sa pahayagang Sun-Herald: “Bihira tayong magkaroon ng pagkakataong bumuo ng panibagong istilo [ng wika] . . . ang kombinasyon ng text messaging [SMS] at ng internet ay nangangahulugan na mas nagsusulat na ngayon ang mga kabataan. Kailangan [silang] maging matatas at malinaw magpahayag ng sarili para matutuhan ang istilo at para maging mahusay sa mga usong salita at sa sistema . . .  ng ganitong uri ng pagsulat.”

Ilang Di-magagandang Kalakaran

Bagaman kapaki-pakinabang na kasangkapan ang mga cellphone kapuwa sa pakikisalamuha at pagnenegosyo, ang mga kagamitang ito para naman sa maraming empleado ay mistulang mga pangaw sa halip na kaibigan​—na nagpapadama sa kanilang nakatali sila sa opisina. Ayon sa isang surbey, 80 porsiyento ng mga empleado sa pag-aanunsiyo at 60 porsiyento ng mga manggagawa sa konstruksiyon ang naoobligang maging madaling tawagan, ng kanilang amo o ng kliyente, sa lahat ng panahon. Ang nadarama ng mga tao na panggigipit na sagutin ang tawag sa cellphone nasaan man sila o anuman ang kanilang ginagawa ay lumilikha ng tinatawag ng isang mananaliksik na “kultura ng pang-aabala.” Bilang tugon, nagdisenyo ang mga inhinyero ng materyales sa pagtatayo na magagamit sa mga restawran at sinehan na hindi napapasok ng mga signal ng cellphone.​—Tingnan ang kahon na “Mga Mungkahi sa Paggamit ng Cellphone.”

Bukod pa sa paglikha ng nakaiinis na panggambala, maaaring maging kaaway ng bayan ang mga kagamitang ito na masusumpungan sa lahat ng dako. Natuklasan ng isang pag-aaral sa Canada na ang paggamit ng cellphone habang nagmamaneho ay kasimpanganib ng pagmamaneho nang nakainom. Ipinaliwanag ni Propesor Mark Stevenson, ng Injury Research Centre sa University of Western Australia, na ang pakikipag-usap sa cellphone ay di-hamak na mas mahirap kaysa sa pakikipag-usap sa isang kasakay sa loob ng kotse. Sa kabila ng mga panganib at multang ipinapataw ng mga pulis sa ilang lugar sa mga drayber na gumagamit ng cellphone habang nagmamaneho, napag-alaman sa isang surbey na 1 sa 5 drayber na Australiano ang nagpadala ng mga mensaheng SMS at sangkatlo ang tumawag o nakatanggap ng tawag sa kanilang cellphone habang nagmamaneho.

May mga panganib din ang di-angkop na paggamit ng cellphone sa paglalakbay sa himpapawid. Bagaman hindi nakaaapekto sa mga kawad ng mas modernong mga eroplano ang mga signal ng cellphone, maaari nitong maapektuhan diumano ang ilang lumang eroplano na ginagamit pa rin. Iniulat ng New Scientist: “Sa mga pagsubok na ginawa sa loob ng dalawang eroplano, kinumpirma ng Civil Aviation Authority [CAA] ng Britanya na ang radyasyon ng cellphone ay nakaaapekto sa elektronikong mga kasangkapan kung saan nakasalalay ang ligtas na paglipad ng eroplano.” Tinukoy ng isang tagapagsalita ng CAA ang malubhang panganib na dulot ng mga teleponong ito, at nagsabi: “Mas malakas ang signal na inilalabas ng cellphone kapag mas malayo ito sa himpilan. Kaya habang pataas nang pataas ang lipad ng eroplano, palakas naman nang palakas ang signal ng cellphone, anupat pinatitindi ang epekto nito sa maselang oras ng paglipad.” Natuklasan ng isang pag-aaral sa Australia na ang elektronikong mga kagamitan, kabilang na ang mga cellphone, ang naging sanhi ng masamang mga pangyayari nang magkaproblema ang mga eroplanong pangkomersiyo habang nasa himpapawid sapagkat winalang-bahala ng mga pasahero ang mga babala na patayin ang mga cellphone habang nasa loob ng eroplano.

Mga Cellphone at Kanser

May kontrobersiya pa rin kung nakapagdudulot nga ba ng kanser sa mga tao ang mga radio frequency na lumalabas sa mga cellphone at sa mga himpilan na nagpapadala ng mga signal nito. Dahil daan-daang milyon katao ang gumagamit ng kasangkapang ito, kahit maliit na porsiyento lamang ang magkaroon ng mga suliranin sa kalusugan, magiging malaking banta ito sa kalusugan. Kaya maraming malawak at makasiyensiyang mga pag-aaral ang nagsuri sa epekto ng radyasyon ng cellphone sa buháy na mga himaymay (tissue). Anu-ano ang naging mga konklusyon?

Naglabas ng report ang Independent Expert Group on Mobile Phones (IEGMP) na nagsasabi: “Naniniwala ang Expert Group, batay sa katibayang makukuha ngayon, na hindi kailangang mag-alala ang pangkalahatang populasyon tungkol sa paggamit ng mga cellphone.” Iniulat din ng New Scientist: “Sa kabila ng nakatatakot na mga kuwento nitong nakalipas na mga taon, ipinahihiwatig ng karamihan sa mga katibayan hanggang sa ngayon na walang masasamang epekto sa kalusugan ang pagkahantad sa radio frequency ng cellphone. Ang mga pag-aaral na nagpakitang may epekto ito ay mahirap ulitin.”

Dahil mayroon pa ring pag-aalinlangan sa epekto ng mga cellphone sa kalusugan, milyun-milyong dolyar ang patuloy na ginugugol sa higit pang pananaliksik. Hangga’t wala pang nasusumpungang tiyak na kasagutan, ito ang iminumungkahi ng IEGMP: “Iklian lamang ang paggamit sa mga [cellphone] hangga’t maaari. Gumamit ng mga [cellphone] na may mababang specific energy absorption rate (SAR) value. Gumamit ng mga cellphone na may earphone o speakerphone o iba pang kagamitan kung napatunayang nakapagpapababa ng SAR ang mga ito.” Iminumungkahi rin ng Expert Group na “dapat hikayatin ang mga batang wala pang labing-anim na taóng gulang na huwag gumamit ng mga cellphone,” yamang ang mga bata ay “mas madaling tablan ng anumang banta sa kalusugan na hindi pa natutukoy” dahil sa nadedebelop nilang sistema ng nerbiyo.

Bagaman batbat ng kontrobersiya, nagkakaroon ng malaking epekto ang cellphone kapuwa sa ekonomiya at sa pakikisalamuha ng tao. Tulad ng mga pinsan nitong elektroniko​—ang TV at ang personal na computer​—ang cellphone ay maaaring maging kapuwa kapaki-pakinabang na alipin o mahigpit na panginoon. Ang kapangyarihang malaman kung magiging kaibigan ito o kaaway ay literal na nasa mga kamay ng gumagamit nito.

[Talababa]

a Ipinamimigay nang walang bayad kung minsan ang mga cellphone sa mga taong papayag sa kontrata ng tagasuplay ng serbisyo sa telepono na gugugol sila ng takdang halaga sa mga tawag sa loob ng partikular na yugto ng panahon.

[Kahon/Larawan sa pahina 19]

MGA MUNGKAHI SA PAGGAMIT NG CELLPHONE

1. Hinaan ang iyong boses kapag ginagamit mo sa publiko ang iyong cellphone. Madali namang marinig ang iyong boses sa mikropono ng cellphone, at malamang na hindi interesado sa iyong pribadong pakikipag-usap ang mga taong nasa palibot mo.

2. Patayin ang cellphone o i-set sa silent-vibrate function kapag nasa relihiyosong mga pagpupulong, pangnegosyong mga miting, sinehan o iba pang pagtitipong pangmadla, o restawran.

3. Huwag gumamit ng teleponong tangan-tangan habang nagmamaneho.

[Larawan sa pahina 18]

Sa buong daigdig, mga 30 bilyong mga “text message” ang ipinadadala buwan-buwan

[Larawan sa pahina 20]

Ang paggamit ng cellphone habang nagmamaneho ay kasimpanganib ng pagmamaneho nang nakainom

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share