Puti Noon Kayumanggi Ngayon—Nagbabagong mga Ideya Hinggil sa Balat
ANO sa palagay mo ang palatandaan ng mabuting kalusugan? Para sa maraming taga-Europa at Hilagang Amerika, ito ay ang makintab at kayumangging katawan. Ngunit hindi dating ganito ang kanilang ideya. Maraming taon na ang nakalilipas, ang mga babaing taga-Europa ay nagsusuot ng malalapad na sombrero at nagdadala ng mga payong upang hindi sila maarawan. Ang maputing balat ay itinuturing na palatandaan ng pagiging maharlika. Ang sunóg na balat ay palatandaan naman ng isang obrero.
Bago pa nito, ang mga produktong itinuturing ngayon na lason ay ginagamit noon bilang pampaputi ng balat. Halimbawa, noon pa mang 400 B.C.E. ay gumagamit na ang mga Griego ng pulbos sa mukha na lead carbonate bilang pampaputi ng kutis. Gumamit si Poppaea Sabina, asawa ni Emperador Nero ng Roma, ng nakalalasong substansiya na ito upang paputiin ang kaniyang mukha. Noong ika-16 na siglo, gumamit ng arseniko ang ilang Italyana upang magmukhang makintab ang kanilang mukha. Ngunit mula nang pasikatin ng Pranses na tagadisenyo ng damit na si Coco Chanel ang balat na naging kayumanggi dahil sa pagkabilad sa araw (suntan) noong unang mga taon ng dekada ng 1920, nauso na ang kayumangging katawan para sa marami. Gumugugol ang mga tao ng maraming oras sa pagbibilad sa araw.
Subalit hindi lahat ng mahilig sa labas ng bahay ay gustong magpaitim ng balat. Hindi bahagi ng kanilang kultura ang pagbibilad sa araw. Mas gusto nila ang nakarerelaks na epekto ng mainit na araw at banayad na hihip ng hangin na natatamasa nila sa buong maghapon sa labas ng bahay kaysa sa nakakaitim na epekto ng sikat ng araw. Bakit nila kailangang ingatan ang kanilang balat laban sa sikat ng araw?
[Larawan sa pahina 3]
Tanawin sa dalampasigan noong unang mga taon ng ika-20 siglo
[Credit Line]
Brown Brothers