Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g05 9/22 p. 19-21
  • Mga Chat Room—Ano ang Dapat Kong Malaman Tungkol Dito?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Mga Chat Room—Ano ang Dapat Kong Malaman Tungkol Dito?
  • Gumising!—2005
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ábangan ng Seksuwal na mga Maninila
  • Nakapipinsala ba ang Pakikipag-usap sa Internet Hinggil sa Sekso?
  • “Mga Mapagpakunwari”
  • Mga Chat Room—Paano Ko Maiiwasan ang mga Panganib Nito?
    Gumising!—2005
  • Ang Internet—Kung Paano Makaiiwas sa mga Panganib
    Gumising!—2004
  • Paano Ko Maiiwasan ang mga Panganib sa Internet?
    Gumising!—2000
  • Puwede ba Akong Makipagkaibigan sa Pamamagitan ng Internet?
    Ang Mga Tanong ng mga Kabataan—Mga Sagot na Lumulutas, Tomo 2
Iba Pa
Gumising!—2005
g05 9/22 p. 19-21

Ang mga Kabataan ay Nagtatanong . . .

Mga Chat Room​—Ano ang Dapat Kong Malaman Tungkol Dito?

“Bagaman mahiyain ako, kaya kong pumasok sa isang ‘chat room’ sa Internet at makipag-usap sa mga taong hindi ko karaniwang kakausapin. Wala silang kaalam-alam kung sino ako.”​—Peter.a

“Sa ‘chat room,’ pakiramdam mo’y masasabi mo ang kahit anong gusto mong sabihin.”​—Abigail.

ANG mga chat room ay isang paraan ng paggamit ng Internet kung saan nakapag-uusap at nakapagsasagutan kaagad ang mga gumagamit nito sa pamamagitan ng mga text. Maraming tao na nagpapalitan ng mensahe sa isa’t isa ang maaaring mag-usap sa mga chat room.

Ang ilang chat room ay mas gusto ng mga kabataang gumagamit ng Internet. Milyun-milyong kabataan mula sa iba’t ibang kultura ang nagpapalitan ng kuru-kuro araw-araw tungkol sa halos lahat ng paksa. Ginagamit na ngayon ng ilang paaralan ang mapagkukunang ito ng impormasyon sa buong mundo. Halimbawa, sa patnubay ng kanilang guro, maaaring ipakipag-usap ng mga estudyante sa Estados Unidos ang mga isyung panlipunan sa kanilang mga kapuwa estudyante sa Espanya, Inglatera, o iba pang lugar. Maaari pa ngang ipakipag-usap ng mga estudyante ang kanilang proyekto sa paaralan sa isang kuwalipikadong inhinyero, kimiko, o iba pang eksperto.

Gayunman, maraming tao ang nakikipag-usap sa chat room hindi sa layuning talakayin ang mga paksang akademiko. Kung gumagamit ka ng Internet, anu-anong panganib ang dapat mong malaman?

Ábangan ng Seksuwal na mga Maninila

“Kausap ko ang ilang tao sa chat room,” ang sabi ni Abigail, “nang tanungin ako ng isang lalaki kung may kakilala akong mga kabataang 14 na taóng gulang. Gusto niyang makipagtalik sa kanila. Sinabi niya na handa siyang bigyan sila ng pera kapalit ng pakikipagtalik.”

Hindi lamang kay Abigail nangyayari ito. Napakalaganap ng suliranin hinggil sa mga maninila sa Internet anupat gumawa ang ilang pamahalaan ng mga publikasyon tungkol sa kung paano poprotektahan ang mga kabataan. Halimbawa, isang publikasyon ng Federal Bureau of Investigation (FBI) sa Estados Unidos ang nagbababala laban sa mga indibiduwal na kaagad na prangkahang nakikipag-usap tungkol sa sekso. Nagbababala rin ito laban sa mga “unti-unting umaakit sa kanilang mga biktima sa pamamagitan ng pagbubuhos ng atensiyon, pagmamahal, kabaitan, at regalo pa nga.”

Sa paglalarawan sa espesipikong mga pamamaraan na ginagamit ng ilan sa maninilang ito, sinabi ng publikasyon ng FBI: “Nakikinig sila at nakikiramay sa mga problema ng mga bata. Alam nila ang pinakabagong musika, libangan, at mga kinawiwilihan ng mga bata. Tinatangka ng mga indibiduwal na ito na dahan-dahang bawasan ang pagpipigil ng mga bata sa pamamagitan ng unti-unting pagpapasok sa kanilang usapan ng mga salita at paksa hinggil sa sekso.”

Hindi lamang tiwaling mga adulto ang mapanganib. Kailangan mo ring mag-ingat sa mga kabataang walang alam o walang paggalang sa mga pamantayang moral ng Bibliya. Isaalang-alang ang karanasan ng isang kabataang lalaki na ang pangalan ay Cody. Nakikipag-usap siya sa iba pang kabataan sa Internet nang anyayahan siya ng isang batang babae na mag-usap sila nang sarilinan sa isang chat area. Pagkatapos ay nagbangon doon ng mahalay na tanong ang babae. May pagpipigil naman si Cody para kaagad na ihinto ang usapan.

Dahil sa likas na interes sa sekso, baka talagang mahirapan kang gawin ang ginawa ni Cody. Inamin ni Peter, na nabanggit sa simula: “Akala ko’y may sapat akong pagpipigil sa sarili upang ihinto ang pakikipag-usap sa chat room kapag nauwi na sa sekso ang paksa. Pero paulit-ulit pa rin akong nakikipag-usap hinggil sa sekso. Sising-sisi ako pagkatapos.” Pero baka isipin mo, ‘Kung hindi ko naman ipaaalam kung sino ako sa chat room, may masama ba sa pakikipag-usap sa Internet hinggil sa sekso?’

Nakapipinsala ba ang Pakikipag-usap sa Internet Hinggil sa Sekso?

Prangkahang binabanggit ng Bibliya ang tungkol sa sekso. (Kawikaan 5:18, 19) Totoo naman na mas interesado ang mga tao sa sekso sa panahon ng kabataan. Kaya dapat mong ipakipag-usap ang sekso. Kailangan mo ng sagot sa iyong mga tanong sa mahalagang paksang ito.b Gayunman, ang paraan ng paghahanap mo ng sagot sa iyong mga tanong tungkol sa seksuwal na mga bagay ay magkakaroon ng malaking epekto sa iyong kaligayahan, ngayon at sa hinaharap.

Kung pipiliin mong ipakipag-usap sa Internet ang hinggil sa sekso, kahit na sa mga taong nagsasabing kaibigan mo sila, ang karanasan mo ay baka maging tulad niyaong sa kabataang lalaking inilalarawan sa Bibliya. Udyok ng pagkamausisa, nagpagala-gala siya malapit sa bahay ng isang patutot. Sa simula, nakikipag-usap lamang sa kaniya ang patutot. Gayunman, nang sandaling mapukaw ang kaniyang pagnanasa, hindi na sapat ang basta pakikipag-usap lamang. “Kaagad niya itong sinundan, tulad ng toro na pumaparoon sa patayan, . . . gaya ng ibong nagmamadali sa pagpasok sa bitag.”​—Kawikaan 7:22, 23.

Sa katulad na paraan, ang pakikipag-usap sa Internet hinggil sa sekso ay madaling mauwi sa paghahangad na higit pang sapatan ang iyong mga pagnanasa. “May kausap ako sa Internet,” ang gunita ng isang tin-edyer na nagngangalang Philip, “nang biglang may lumabas na imoral na larawan sa aking computer. Ipinadala iyon sa aking computer ng taong kausap ko.” Sa sandaling mapukaw ang iyong pagnanais na tingnan at isipin ang mahahalay na materyal, baka matukso kang gumawa ng iba pang hakbang, tulad ng pagpasok sa pang-adultong mga chat room.c Marami sa mga nabitag manood ng pornograpya ang nakagagawa ng imoralidad pagkatapos nito at nagdurusa sa di-maiiwasang mga bunga nito.​—Galacia 6:7, 8.

Hindi interesado sa kapakanan mo ang mga taong gustong makipag-usap sa iyo hinggil sa sekso. Gusto ng mga taong ito na hindi mo kakilala na akitin ka sa imoral na mga usapan​—at marahil sa imoral na paggawi​—upang sapatan ang kanilang sariling mga pagnanasa.d Sa pagsisikap na protektahan ang kaniyang anak na lalaki mula sa taong seksuwal na nang-aabuso, isinulat ni Haring Solomon: “Ilayo mo sa kaniya ang iyong lakad, at huwag kang lumapit sa pasukan ng kaniyang bahay, upang hindi mo maibigay sa iba ang iyong dangal, . . . upang hindi magpakabusog sa iyong kalakasan ang mga taong di-kilala.” (Kawikaan 5:8-10) Ang simulain sa likod ng payong ito ay maikakapit sa ganitong paraan: Huwag kang lumapit sa mga chat room kung saan pinag-uusapan ang sekso upang hindi mo ibigay ang iyong dangal sa mga taong hindi mo kakilala na nais lamang paluguran ang kanilang sarili sa iyong ikapipinsala.

“Mga Mapagpakunwari”

Subalit baka sabihin mo na hindi mo naman gustong makipag-usap sa Internet hinggil sa sekso. Katulad nina Peter at Abigail na unang nabanggit, baka isipin mong ang chat room ay isang lugar kung saan maipahahayag mo ang iyong sarili nang hindi mo sinasabi kung sino ka at hindi ka natatakot mapahiya.e Magkagayunman, may isa pang panganib na dapat mong malaman.

Dahil hindi talaga kilala ng bawat isa kung sino ang kausap nila sa mga chat room, maaaring matukso ka na maging mapanlinlang. Sinabi ni Abigail: “Sisimulan kong makipag-usap sa mga tao at pagkatapos ay iibahin ko ang aking personalidad para bumagay sa usapan.” Tulad ni Abigail, baka matukso kang mag-iba ng personalidad para makibagay sa espesipikong grupo sa chat room. Baka tularan mo ang kanilang mga pamantayan ng pagsasalita o magkainteres ka sa mga bagay na kinawiwilihan nila upang magkaroon ng bagong mga kaibigan. Sa kabaligtaran naman, baka isipin mong ang chat room ay isang lugar kung saan maipahahayag mo ang iyong mga ideya at damdamin na inaakala mong hindi magugustuhan ng iyong mga magulang o kaibigan. Alinman dito, lilinlangin mo ang isa sa dalawang grupong ito. Sa pagbabalatkayo sa Internet, nililinlang mo ang iyong mga kausap sa chat room. Sa kabilang banda, kung hindi mo ipinahahayag ang iyong tunay na damdamin at mga ideya sa iyong kapamilya at kaibigan, nililinlang mo sila.

Bagaman ang mga chat room ay medyo bago pa lamang na sistema sa Internet, ang hilig ng mga tao na magsinungaling at manlinlang ay kasintanda na ng kasaysayan ng tao. Isinisiwalat ng Bibliya na ang orihinal na sinungaling, si Satanas na Diyablo, ang unang gumamit ng taktikang sinasamantala ng ilang gumagamit ng chat room. Nagbalatkayo siya bago bigkasin ang una niyang kasinungalingan. (Genesis 3:1-5; Apocalipsis 12:9, 10) Maiiwasan mong malinlang ng mga sinungaling sa pamamagitan ng pagtulad sa halimbawa ni Haring David. “Hindi ako umupong kasama ng mga taong bulaan,” ang isinulat niya, “at hindi ako pumapasok na kasama ng mga mapagpakunwari.”​—Awit 26:4.

Gaya ng nabanggit na, may kapaki-pakinabang namang gamit ang ilang chat room. Gayunman, dapat magpakaingat ang mga kabataang nais palugdan si Jehova sa kanilang paggamit ng modernong paraan na ito ng pakikipagtalastasan. Kung kailangan mong gumamit nito, tulad halimbawa para sa isang proyekto sa paaralan, hilingan mo ang iyong mga magulang o marahil ang iba pang adultong may-gulang na maupong kasama mo sa iyong sesyon. Itatampok ng darating na artikulo ang dalawa pang dahilan kung bakit dapat kang maging maingat sa pagpasok sa mga chat room. Tatalakayin din nito kung paano mo mahaharap ang espesipikong mga suliraning maaaring bumangon kahit na maingat ka sa paggamit ng mga ito.

[Mga talababa]

a Binago ang ilang pangalan.

b Ang aklat na Ang mga Tanong ng mga Kabataan​—Mga Sagot na Lumulutas ay may kapaki-pakinabang, salig-Bibliyang payo hinggil sa pagsisiping bago ikasal, masturbasyon, at iba pang katulad na paksa.

c Ang ilang chat room na may klasipikasyong pang-adulto ay sinasabing hindi maaaring pasukin ng mga taong wala pang sapat na gulang. Ito ay sapagkat pornograpiko ang karaniwang mga paksang pinag-uusapan at mga larawang ipinadadala. Gayunman, ibinubunyag ng mga surbey na ang mga kabataang kasimbata ng siyam na taóng gulang ay nagsisinungaling tungkol sa kanilang edad upang makapasok sa pang-adultong mga chat room.

d Yamang hindi mo talaga matitiyak kung sino ang kausap mo sa chat room, baka nagkukunwari ang kausap mo na hindi mo siya kasekso, bagaman ang totoo ay magkasekso kayo.

e Iminumungkahi ng A Parent’s Guide to Internet Safety na huwag na huwag ipaalam ng mga gumagamit ng Internet ang kanilang pangalan, adres, o telepono sa mga kausap nila sa chat room na hindi nila kakilala!

[Larawan sa pahina 20, 21]

Maaaring maging mapanganib ang mga usapan sa Internet

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share