Isang Maaasahang Kinabukasan!
Narating mo ang isang sangandaan. Sa bawat daan ay may karatula. Ang isa ay nagsasabi, “Magtiwala ka sa mga pangako at kinabukasang iniaalok ng tao.” Sinasabi naman ng isa, “Magtiwala ka sa Diyos at sa kaniyang Kaharian.” Alin ang pipiliin mo?
ANG matalinong landasin ay magtiwala sa Diyos. Sinabi niya: “Sa sinumang nakikinig sa akin, tatahan siya nang tiwasay at hindi maliligalig ng panghihilakbot sa kapahamakan.” (Kawikaan 1:33) Nakikinig tayo sa ating Maylalang sa pamamagitan ng pagsunod sa mga turo ng Bibliya, yamang nalalaman nating mapagkakatiwalaan ang mga ito. (2 Timoteo 3:16) May mabuti ba tayong dahilan para magtiwala rito? Siyempre naman! Halimbawa, gaya ng nabasa natin sa ikalawang artikulo ng seryeng ito, ang Bibliya lamang ang tumpak na nakapagpaliwanag kung bakit hindi nagtatagumpay ang tao sa pamamahala sa kaniyang sarili. Tiyak na sasang-ayon ka na ang nangyayari sa ngayon ay katugmang-katugma ng sinasabi sa Bibliya.
Tumpak din ang mga hula ng Bibliya. Halimbawa, inihula ng Bibliya ang napakasamang mga kalagayang makikita sa kasalukuyang “mga huling araw.” Kitang-kita nating natutupad ang mga ito sa ating panahon. (Mateo 24:3-7; 2 Timoteo 3:1-5) Inihula pa nga ng Bibliya na sisirain mismo ng tao ang lupa. ‘Ipapahamak ng Diyos yaong mga nagpapahamak sa lupa,’ ang sabi sa Apocalipsis 11:18.
Nang isulat ang mga salitang iyon mga 2,000 taon na ang nakalipas, tila imposibleng mangyari ang mga problemang gaya ng polusyon sa hangin, dagat, at lupa; pag-init ng globo; at malawakang pagkalipol ng mga uri ng halaman at hayop dahil sa kagagawan ng tao. Pero ito mismo ang nangyayari sa ngayon! Oo, hindi kailanman nagsisinungaling ang Diyos. Palaging natutupad ang bawat detalye ng kaniyang nasusulat na Salita.a (Tito 1:2; Hebreo 6:18) Sa katunayan, itinataya ng Diyos ang kaniyang pangalan sa kaniyang sinasabi.
Isang Pangalang Mapagkakatiwalaan
Kung paanong nagsisilbing garantiya ang pirma sa isang kontrata, ang personal na pangalan ng Diyos—Jehova—ay nagsisilbing garantiya sa lahat ng pangakong nakasulat sa Bibliya.b “Sa kaniyang banal na pangalan ay inilalagak namin ang aming tiwala,” ang sabi ng isang manunulat ng Bibliya na maraming ulit nang nakaranas ng maibiging pangangalaga ng Diyos.—Awit 33:21; 34:4, 6.
Ganito ang sinasabi ng Kawikaan 18:10 hinggil sa pangalan ng Diyos at ang kaugnayan nito sa kaniyang pagiging isang maibiging ama: “Ang pangalan ni Jehova ay matibay na tore. Doon tumatakbo ang matuwid at ipinagsasanggalang.” Sa katulad na paraan, sinasabi ng Roma 10:13: “Ang bawat isa na tumatawag sa pangalan ni Jehova ay maliligtas.” Sabihin pa, ang personal na pangalan ng Diyos ay hindi isang anting-anting na pangontra sa masama. Sa halip, ang Diyos mismo ang nagliligtas, at ang sinumang tumatawag sa kaniya, gaya ng sinabi sa teksto, ay gumagawa nito dahil lubos silang nagtitiwala sa kaniya, anupat alam na alam nilang walang bahid ang kaniyang reputasyon. Sinasabi sa Awit 91:14: “Dahil iniukol niya sa akin [kay Jehova] ang kaniyang pagmamahal, paglalaanan ko rin siya ng pagtakas. Ipagsasanggalang ko siya sapagkat nalaman niya ang aking pangalan.”
Tanungin ang iyong sarili, ‘Kanino ako magtitiwala—sa Diyos o sa tao?’ Ipinasiya ng mga Saksi ni Jehova na magtiwala sa Diyos at sa kaniyang Kaharian. Ang pagtitiwalang ito ay nakasalig, hindi sa emosyon o sa mga sabi-sabi, kundi sa matibay na paniniwalang nakabatay sa tumpak na kaalaman sa Bibliya. (Hebreo 11:1; 1 Juan 4:1) Kaya naman hindi sila nangangamba sa kinabukasan kundi ‘nagsasaya sa pag-asang’ ibinigay sa kanila. Inaanyayahan ka rin nila na malaman ang pag-asang ito at sa gayo’y mapawi ang iyong mga pangamba sa kinabukasan.—Roma 12:12.
[Mga talababa]
a Tingnan ang espesyal na isyu ng magasing ito na may petsang Nobyembre 2007. Tinatalakay ng buong magasin ang tanong na “Makapagtitiwala Ka ba sa Bibliya?”
b Tingnan ang kahong “Kapuwa Isang Pangalan at Isang Garantiya.”
[Blurb sa pahina 9]
Kung paanong nagsisilbing garantiya ang pirma sa isang kontrata, ang personal na pangalan ng Diyos ay nagsisilbing garantiya sa lahat ng pangakong nakasulat sa Bibliya
[Kahon sa pahina 9]
KAPUWA ISANG PANGALAN AT ISANG GARANTIYA
Ang pangalan ng Diyos na Jehova ay hindi lamang isang katawagan.c Bakit? Ang pangalang iyan ay nangangahulugang “Kaniyang Pinangyayaring Magkagayon.” Sa simpleng pananalita, taglay ng Diyos ang pag-ibig, kapangyarihan, at karunungan upang gawin ang anumang bagay na dapat gawin nang sa gayo’y matupad ang kaniyang layunin at ang kaniyang salita. Halimbawa, maaari siyang maging Tagapagligtas ng mga matuwid, Tagapuksa ng masasama, maibiging Ama, o isa na Dumirinig ng panalangin—anuman ang ipasiya niyang maging.
“Ako ang Makapangyarihan,” ang sabi ni Jehova, “ang Isa na nagsasabi ng wakas mula pa sa pasimula, . . . ang Isa na nagsasabi, ‘Ang aking pasiya ay mananatili, at ang lahat ng aking kinalulugdan ay gagawin ko.’” (Isaias 46:9, 10) Dahil palaging nanghahawakan ang Diyos sa kaniyang layunin at dahil ang kaniyang pangalan o reputasyon ang nakataya, tiyak na matutupad ang kaniyang nasusulat na Salita. “Ang Diyos ay hindi tao na magsisinungaling.”—Bilang 23:19.
[Talababa]
c Ang pangalang Jehova ay naiiba sa mga titulo gaya ng Makapangyarihan-sa-lahat, Maylalang, Diyos, at Panginoon. Lumilitaw ito nang mga pitong libong ulit sa orihinal na teksto ng Banal na Bibliya. Ang Diyos mismo ang nagbigay ng pangalang ito sa kaniyang sarili. Ganito ang sinasabi sa Exodo 3:15: “Jehova . . . ang aking pangalan hanggang sa panahong walang takda.”