Ang Pangmalas ng Bibliya
Magiging Paraiso ba ang Lupa?
ANG mga alamat hinggil sa isang mapayapa at saganang panahon kung kailan ang tao noon ay sakdal, malapít sa Diyos, at hindi nagkakasakit at namamatay ay masusumpungan sa mga tradisyon ng maraming lahi ng tao—kasama na rito ang mga Ehipsiyo, Mexicano, taga-Peru, at taga-Tibet. Sinasabi rin sa mga alamat na ito kung paano nagkasala ang unang tao.
Bagaman pilipit at marami nang dagdag, ang mga alamat na ito ay napakaraming pagkakatulad anupat hindi ito basta nagkataon lamang. Dahil dito, marami ang naniniwala na halaw ang mga kuwentong ito sa tunay na mga pangyayari. Sa katunayan, ang ilang kapansin-pansin aspekto ng mga alamat na ito ay katulad na katulad ng pangyayaring inilahad sa unang mga kabanata ng aklat ng Bibliya na Genesis. Pero mababasa natin dito ang espesipikong mga detalye ng tunay na mga pangyayari, hindi isang malabong paglalarawan na makikita sa mga alamat.—2 Timoteo 3:16.
Isang Sakdal na Pasimula
Sinasabi sa atin ng aklat ng Genesis na noong lalangin ng Diyos ang unang mga tao—sina Adan at Eva—inilagay niya sila sa isang hardin na sagana sa tubig. Ito ay tinawag na Hardin ng Eden. Sakdal ang kanilang pangangatawan at may pag-asa silang mabuhay nang walang hanggan. Kamatayan ang parusa sa kasalanan. (Genesis 2:8-17; Roma 5:12) Sina Adan at Eva ay ‘mag-aanak at magpaparami at pupunuin nila ang lupa at susupilin iyon.’ (Genesis 1:28) Sa pamamagitan nito, ang buong lupa ay magiging paraiso at mapupuno ng sakdal na mga tao na maligayang nagpapasakop sa Diyos, ang kanilang Tagapamahala.
Nakalulungkot, sinuway nina Adan at Eva ang Diyos, at naiwala nila ang pagkakataong tuparin ang layunin ng kanilang Maylalang at ang pag-asang mabuhay magpakailanman. Gayunpaman, tutuparin ng Diyos na Jehova ang kaniyang layunin para sa lupa. Sinabi niya: ‘Ang aking salita na lumalabas sa aking bibig ay hindi babalik sa akin nang walang resulta, kundi tiyak na magtatagumpay.’ (Isaias 55:11) Sa katunayan, ang layunin ni Jehova na ang lupa ay maging paraisong tahanan ng mga taong tumutulad sa kaniyang mga katangian ay isa sa mga pangunahing paksang tinatalakay sa Bibliya.—Roma 8:19-21.
“Makakasama Kita sa Paraiso”
Pagkatapos na pagkatapos magkasala nina Adan at Eva, nangako ang Diyos na magluluwal siya ng isang “binhi,” o supling, na sa dakong huli ay lilipol sa “orihinal na serpiyente,” si Satanas na Diyablo, at sisira sa masasamang gawa nito. (Genesis 3:15; Apocalipsis 12:9; 1 Juan 3:8) Napatunayang ang pangunahing bahagi ng “binhi” na iyon ay si Jesu-Kristo. (Galacia 3:16) Bukod diyan, inatasan siya ng Diyos na maging Hari ng isang makalangit na Kaharian, o gobyerno, na mamamahala sa lupa.—Daniel 7:13, 14; Apocalipsis 11:15.
Lubusang isasakatuparan ni Kristo ang hindi nagawa ni Adan. Sa katunayan, tinawag ng Bibliya si Jesus bilang “huling Adan.” (1 Corinto 15:45) Karagdagan pa, sa kaniyang modelong panalangin, iniugnay ni Jesus ang kinabukasan ng lupa sa Kaharian ng Diyos, na sinasabi: “Dumating nawa ang iyong kaharian. Mangyari nawa ang iyong kalooban, kung paano sa langit, gayundin sa lupa.”—Mateo 6:10.
Nang si Jesus ay nasa lupa, may karapatan siya—bilang Hari ng lupa sa hinaharap—na sabihin sa nagsisising manggagawa ng kasamaan na ibinayubay na kasama niya: “Makakasama kita sa Paraiso.” (Lucas 23:43) Ang nasa isip ni Jesus ay isang Paraiso sa lupa, gaya ng orihinal na nilayon ng Diyos. Ang katotohanang ito ay malinaw na pinatutunayan sa Bibliya. Isaalang-alang ang sumusunod na mga teksto.
“Ang mga matuwid ang magmamay-ari ng lupa, at tatahan sila roon magpakailanman.” (Awit 37:29) “Magkakaroon ng saganang butil sa lupa; sa taluktok ng mga bundok ay mag-uumapaw.” (Awit 72:16) “Ang mga matuwid ang siyang tatahan sa lupa, at ang mga walang kapintasan ang siyang maiiwan dito.” (Kawikaan 2:21) “Hindi sila [mga walang kapintasan] mananakit o maninira man sa aking buong banal na bundok; sapagkat ang lupa ay tiyak na mapupuno ng kaalaman kay Jehova gaya ng tubig na tumatakip sa dagat.”—Isaias 11:9.
Alinsunod sa mga pananalitang ito, sinabi ni Jesus sa kaniyang tanyag na Sermon sa Bundok: “Maligaya ang mga mahinahong-loob, yamang mamanahin nila ang lupa.” (Mateo 5:5) Nang maglaon, sinabi ni apostol Juan: “Ang tolda ng Diyos ay nasa sangkatauhan . . . Papahirin niya ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man. Ang mga dating bagay ay lumipas na.” (Apocalipsis 21:3, 4) Maliwanag na tinutukoy ng mga tekstong ito sa Bibliya ang isang pisikal na “paraiso” sa lupa hindi sa langit.
Kung Ano ang Sinabi ng mga Iskolar ng Bibliya
Maraming iskolar ng Bibliya ang naniniwalang sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian ni Kristo, ang lupa ay magiging isang paraiso. Ganito ang sinabi ng teologong si Joseph A. Seiss: “Sa dakong huli, ang buong lupa sa ilalim ng Mesiyas ay magiging . . . gaya [noong] hindi pa nagkakasala si Adan.” Ganito naman ang isinulat ni Henry Alford sa The New Testament for English Readers: “Ang Kaharian ng Diyos . . . ay magpapatuloy sa layunin nito hanggang sa ito ay aktuwal na maging isang kaharian sa lupa, at ang mga sakop nito ay magmamana ng lupa . . . , hanggang sa wakas ay maisauli [ang lupa] sa pinagpalang kalagayan nito.”—Kaniya ang italiko.
Gayundin naman, sumulat ang kilalang siyentipiko at masikap na estudyante ng Bibliya na si Isaac Newton: “Ang lupa ay patuloy na titirhan ng mga mortal [mga tao] pagkatapos ng araw ng paghuhukom at hindi lamang sa loob ng 1000 taon, kundi magpakailanman pa nga.”
Dahil ang lupa ay tuwirang pamamahalaan ni Jesu-Kristo, hinding-hindi na iiral ang kasamaan. (Isaias 11:1-5, 9) Oo, ang buong lupa ay magiging paraiso, isang papuri magpakailanman sa Maylalang nito.
NAPAG-ISIP-ISIP MO NA BA?
◼ Ano ang orihinal na layunin ng Diyos para sa sangkatauhan at sa lupa?—Genesis 1:28.
◼ Ano ang isasakatuparan ng Kaharian ng Diyos?—Mateo 6:10.
◼ Bakit hinding-hindi na iiral ang kasamaan?—Isaias 11:1-5, 9.
[Blurb sa pahina 11]
“Maligaya ang mga mahinahong-loob, yamang mamanahin nila ang lupa.”—Mateo 5:5