Mapandayang Kapangyarihan ng mga Anunsiyo
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA POLAND
Halos hindi kumukurap si Tomek sa panonood ng TV. Tutok na tutok siya sa pakikinig sa patalastas na umeengganyo sa mga manonood: “Kapag suot ito ng anak mo, magiging malakas siya, makisig, at hahangaan ng kaniyang mga kaibigan. Bili na!” Tumakbo si Tomek sa kaniyang tatay, habang kinakanta ang karirinig niyang patalastas. “Tay, bilhan n’yo po ako, ha?” ang sabi niya.
◼ Bakit gusto ng mga bata ang nakikita nila sa patalastas? “Dahil mayroon ang ibang bata, gusto nilang mayroon din sila. Ayaw nilang magpahuli,” ang paliwanag ng isang guro na sinipi sa magasing Rewia sa Poland. Kapag nagmakaawa na, umiyak, at nagmaktol ang mga bata, madalas na pinagbibigyan na sila ng kanilang mga magulang at binibili ang gusto ng kanilang mga anak.
Bakit napakamapandaya ng mga anunsiyong pumupuntirya sa mga bata? Ang nilalaman nito ay “hindi nakapokus sa presyo, kalidad, o kahalagahan ng produkto,” ang paliwanag ng sikologong si Jolanta Wąs. “Emosyon ang target” ng mga anunsiyo. Sabi ni Wąs: “Hindi naman pag-aaralan ng mga bata ang istorya na inihaharap sa anunsiyo. . . . Hindi nila inaalam kung totoo ba ito o hindi.” At kahit subukan pa nilang gawin iyon, limitado lang ang kanilang kaalaman, kaya hindi nila masusuri nang wasto ang produkto.
Paano mo mapoprotektahan ang iyong anak mula sa mapandayang kapangyarihan ng mga anunsiyo? Una, “kailangan mong gumugol ng panahon kasama ang iyong anak at palaging ipaliwanag na ang halaga ng isang tao ay hindi nasusukat sa tatak ng suot niyang sapatos [o damit],” ang sabi ng Rewia. Ipaliwanag sa iyong anak na puwede siyang maging masaya kahit wala siyang usong mga laruan. Ikalawa, dapat na alam mismo ng mga magulang kung paano naiimpluwensiyahan ng mga anunsiyo ang kanilang mga anak. Mahalaga na huwag “hayaang diktahan tayo ng mga anunsiyo kung ano ang mabuti para sa ating anak,” ang payo ni Wąs.
Bilang panghuli, makikinabang ang lahat ng magulang sa payo ng Bibliya. Sumulat si apostol Juan: “Ang lahat ng bagay na nasa sanlibutan—ang pagnanasa ng laman at ang pagnanasa ng mga mata at ang pagpaparangya ng kabuhayan ng isa—ay hindi nagmumula sa Ama, kundi nagmumula sa sanlibutan.”—1 Juan 2:15, 16.
Hindi ka ba sasang-ayon na ang “pagnanasa ng mga mata” ang puntirya ng maraming anunsiyo at itinutulak nito kapuwa ang matatanda at mga bata na ‘magparangya ng kanilang kabuhayan’? Kapansin-pansin, idinagdag pa ni apostol Juan sa kaniyang payo: “Ang sanlibutan ay lumilipas at gayundin ang pagnanasa nito, ngunit siya na gumagawa ng kalooban ng Diyos ay nananatili magpakailanman.”—1 Juan 2:17.
Kung laging kinakausap ng mga magulang ang kanilang mga anak tungkol sa nakapagpapatibay na mga paksa, maikikintal nila sa mga ito ang makadiyos na mga simulain at kapaki-pakinabang na mga pamantayan. (Deuteronomio 6:5-7) Kaya ang mga bata ay hindi madaling mahihikayat ng mapandayang mga anunsiyo ng sanlibutang ito na dinisenyo para kumbinsihin silang pilitin ang kanilang mga magulang na bilhan sila ng iba’t ibang mga bagay.