Huling Kanlungan ng mga Papaubos na Uri
MULA SA MANUNULAT NG GUMISING! SA ESPANYA
SA BUONG daigdig, patindi nang patindi ang banta sa mga hayop at halaman. Tinataya ng ilang siyentipiko na libu-libong uri ang nalilipol taun-taon. Mabuti na lamang at may kabundukang nagsisilbing kanlungan ng mga hayop at halaman na dating makikita sa maraming lugar. Pero kahit sa kabundukan, problema pa rin ang polusyon at pamiminsala ng tao. At malamang na pinakamalala ang kalagayan sa Europa, isa sa mga lugar sa daigdig na napakalaki ng populasyon.
Sa kabundukan ng Pyrenees, na matatagpuan sa pagitan ng Pransiya at Espanya, may pambansang mga parke na nagsisilbing kanlungan ng mga hayop at halaman. Sa protektadong mga lugar na ito, makikita ng mga bumibisita ang naging huling kanlungan ng maraming papaubos na uri ng mga hayop at halaman. Pasyalan natin ang mga parkeng ito.
Mga Papaubos na Uri
Bulaklak. Ang ilan sa pinakamagagandang ligáw na bulaklak ay tumutubo sa mga lugar na may taas na mahigit 1,500 metro. Ang mga dalisdis na walang tumutubong puno ay nalalatagan ng pagkarami-raming snow gentian at trumpet gentian (1), na matingkad na asul ang mga talulot. Sa gawing ibaba ng mga dalisdis, marami pa ring nabubuhay na mga lady’s-slipper orchid (2) kasama ng mga punong beech. Taun-taon, dinarayo ito ng napakaraming turistang mahilig sa kalikasan, kaya naglagay dito ng mga bantay nang 14 na oras sa isang araw para matiyak na walang sisira o bubunot sa magagandang bulaklak na ito.
Paruparo. Nagsisilbing kanlungan ng makukulay na paruparo ang mga parang na namumutiktik sa ligáw na bulaklak. Ang malaking Apollo butterfly (3), na may matingkad na pulang mga batik sa pakpak, ay lumilipad-lipad sa mga dawag. Madalas namang dumapo sa maliliit na bulaklak ang mga blue butterfly at copper butterfly (4) ng pamilyang Lycaenidae. At paikut-ikot ang mga paruparong painted-lady at tortoiseshell sa matataas na dalisdis.
Hayop. Marami sa malalaking mamalya ng Europa ang makikita noon sa iba’t ibang bahagi ng kontinente. Pero ang ilan sa mga ito ay halos maubos na dahil sa pangangaso. Sa ngayon, sa ilang bundok na lamang o sa dulong hilaga makakakita ng mga lobo, oso, lynx (5), bison, gamusa, at kambing-bundok (6). Ang pagkagagandang hayop sa mga parkeng ito sa Pyrenees ay nagpapaalaala na dati’y napakaraming hayop sa mga bundok na ito. Iniisip ng ilang turista kung ano ang mangyayari sa nalalabing mga hayop na ito.
Makapagtitiwala tayo na ang Maylalang, si Jehova, na Siyang “nagmamay-ari ng mga taluktok ng mga bundok” ay nagmamalasakit sa mga hayop at halaman sa kabundukan. (Awit 95:4) Sa isa sa mga awit, sinabi ng Diyos: “Akin ang bawat mailap na hayop sa kagubatan, ang mga hayop sa ibabaw ng isang libong bundok. Nakikilala kong lubos ang bawat may-pakpak na nilalang sa mga bundok.” (Awit 50:10, 11) Palibhasa’y nagmamalasakit si Jehova sa lupa at sa mga nilalang dito, makatitiyak tayo na hindi niya hahayaang maubos ang mga hayop sa kabundukan.
[Mga larawan sa pahina 16, 17]
1 Trumpet gentian
2 Lady’s-slipper orchid
3 Apollo butterfly
4 Copper butterfly
5 Lynx
6 Kambing-bundok
[Credit Line]
La Cuniacha