Sekreto 3: Pagtutulungan
“Ang dalawa ay mas mabuti kaysa sa isa . . . Kung mabuwal ang isa sa kanila, maibabangon ng isa pa ang kaniyang kasama.”—Eclesiastes 4:9, 10.
Ano ito? Kasama sa mga susi ng maligayang pag-aasawa ang pagsunod sa binabanggit ng Bibliya na kaayusan ng Diyos sa pagkaulo. (Efeso 5:22-24) Gayunpaman, dapat na ang kaisipan ng mag-asawa ay “atin” at “tayo,” sa halip na “akin” at “ako.” Gumagawa silang magkasama. Sila ay “isang laman”—termino sa Bibliya na nagpapahiwatig ng malapít at panghabang-buhay na pagsasama.—Genesis 2:24.
Bakit ito mahalaga? Kapag hindi kayo nagtutulungan, ang maliliit na bagay ay lumalaki hanggang sa mauwi ito sa sisihan, anupat hindi na tuloy napag-uusapan ang problema. Sa kabaligtaran, kapag nagtutulungan kayong mag-asawa, para kayong magka-partner na piloto—isang pilot at copilot na nagtutulungan para ligtas na makarating ang eroplano sa patutunguhan nito. Kapag nagkakaproblema, sinisikap ninyong lutasin ito, sa halip na magkasamaan kayo ng loob at maubos ang panahon ninyo sa pagtuturuan at pagsisisihan.
Subukin ito. Tingnan kung talagang nagtutulungan kayo. Gamitin ang sumusunod na mga tanong.
◼ Itinuturing ko bang “akin lang” ang perang kinikita ko yamang ako naman ang nagpakahirap dito?
◼ Malayô ba ang loob ko sa mga kamag-anak ng asawa ko, kahit malapít siya sa kanila?
◼ Nahihirapan ba akong magrelaks kapag kasama ko ang asawa ko?
Ang dapat gawin. Mag-isip ng isa o dalawang paraan na maipapakita mong nakikipagtulungan ka sa iyong asawa.
Bakit hindi mo subukang humingi ng mungkahi sa iyong asawa tungkol dito?
[Larawan sa pahina 5]
Kapag nagtutulungan kayong mag-asawa, para kayong “pilot” at “copilot” na magkasamang nagpapalipad ng eroplano