4. Maging Mapagmasid Kapag Kumakain sa Labas
Si Jeff ay isang malusog at masiglang 38-anyos na ama. Kumain siya at ang kaniyang pamilya sa isang restawran malapit sa Pittsburgh, Pennsylvania, E.U.A. Pagkaraan ng isang buwan, namatay siya dahil sa acute liver failure. Ano ang sanhi nito? Ang nakain niyang murang sibuyas na kontaminado ng hepatitis A.
SA ISANG bansa sa Kanluran, halos kalahati ng perang ginagastos sa pagkain ay napupunta sa mga restawran. Pero ang mga pagkain sa mga restawran doon ay sinasabing pinagmumulan ng halos kalahati ng dami ng mga sakit na nakukuha sa pagkain.
Totoo, kung kakain ka sa restawran, iba ang bumibili ng mga sangkap ng pagkain, naglilinis ng kusina, at nagluluto. Pero puwede kang magpasiya kung saan ka kakain, kung ano ang kakainin mo, at kung iuuwi mo ang natirang pagkain.
● Magmasid sa paligid.
“Pagpasok namin sa isang restawran,” ang sabi ni Daiane, na taga-Brazil, “iginagala ko ang mata ko para makita kung malinis at maayos ang mga mesa, mantel, kasangkapan, at mga waiter. Kung hindi, naghahanap kami ng ibang restawran.” Sa ilang bansa, ang mga restawran ay regular na iniinspeksiyon ng mga opisyal sa kalusugan at binibigyan ng marka para sa kalinisan. Saka nila iyon ipinapaskil para makita ng mga tao.
● Mag-ingat kapag nag-uuwi ng tirang pagkain.
Ang U.S. Food and Drug Administration ay nagpapayo: “Kung hindi ka makakarating sa bahay sa loob ng dalawang oras matapos ihain ang pagkain, huwag mo nang iuwi ang mga natira.” Kung may dala kang natirang pagkain, lalo na kung ang temperatura sa labas ay mas mataas sa 32 digri Celsius, umuwi agad ng bahay at ipasok ang pagkain sa refrigerator.
Kung susundin mo ang apat na hakbang na tinalakay sa seryeng ito, magiging mas ligtas ang pagkain ninyo.
[Kahon/Larawan sa pahina 7]
SANAYIN ANG MGA ANAK: “Tinuturuan namin ang aming mga anak na umiwas sa mga pagkaing maaaring di-ligtas kainin.”—Noemi, Pilipinas