Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g 11/12 p. 12-15
  • Ang Bibliya—Aklat ng Mapananaligang mga Hula, Bahagi 7

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Ang Bibliya—Aklat ng Mapananaligang mga Hula, Bahagi 7
  • Gumising!—2012
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • Ang Wakas ng Kasamaan
  • Mapagkakatiwalaan ang mga Hula ng Bibliya
  • Ano ang Babilonyang Dakila?
    Sagot sa mga Tanong sa Bibliya
  • Namamahala Na ang Kaharian!
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pag-aaral)—2022
  • Pagkilala sa “Babilonyang Dakila”
    Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?
  • Mga Hula na Nagkatotoo
    Ang Bibliya—Salita ng Diyos o ng Tao?
Iba Pa
Gumising!—2012
g 11/12 p. 12-15

Ang Bibliya—Aklat ng Mapananaligang mga Hula, Bahagi 7

“Darating ang Wakas”

Sa seryeng ito na may walong bahagi, tatalakayin ng “Gumising!” ang isang kahanga-hangang katangian ng Bibliya​—ang mga hula nito, o prediksiyon. Tutulungan ka ng mga artikulong ito na masagot ang sumusunod na mga tanong: Ang mga hula ba ng Bibliya ay inimbento lang ng matatalinong tao? O ang mga ito ay nagmula sa Diyos? Inaanyayahan ka naming suriin ang katibayan.

NAGNGINGITNGIT ka ba kapag inaapi at inaabuso ng tiwaling mga gobyerno ang kanilang mamamayan? O kapag lalo pang yumayaman ang mayayaman dahil sa malalaking negosyo samantalang patuloy na nagdurusa ang mahihirap? Nagagalit ka ba kapag ang mga lider ng relihiyon ay nanghuhuthot sa kanilang mga miyembro at nagtuturo ng mga kasinungalingan? Kung oo, matutuwa kang malaman na kinokondena rin ng Bibliya ang kasamaan. Ang artikulong ito ay tatalakay sa (1) mga hula ng Bibliya tungkol sa wakas ng lahat ng kasamaan at ng masasamang tao at (2) dahilan kung bakit lubos tayong makapagtitiwala sa mga hulang ito.

Ang Wakas ng Kasamaan

Tinalakay sa sinundang artikulo ng seryeng ito ang iba’t ibang bahagi ng tanda na ibinigay ni Jesus, na nagpapakitang malapit na ang wakas ng kasalukuyang sistema. Kasama sa tanda ang pambuong-daigdig na pangangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos​—ang gobyerno ng Diyos na malapit nang mamahala sa buong lupa. (Daniel 2:44; Mateo 24:3, 14) Kapag natapos na ang pangangaral na iyon, “darating ang wakas,” ang sabi ni Jesus. Baka magulat kang malaman na ang unang aalisin ng Diyos ay ang huwad na relihiyon, na hindi nagtuturo ng katotohanan tungkol sa kaniya. Sa Bibliya, ang huwad na relihiyon ay isinasagisag ng isang patutot na tinatawag na “Babilonyang Dakila.”​—Apocalipsis 17:1, 5; tingnan ang kahong “Ipinakikilala ang Babilonyang Dakila,” sa pahina 13.

Hula 1:

“Darating ang . . . mga salot [ng Babilonyang Dakila], kamatayan at pagdadalamhati at taggutom, at lubusan siyang susunugin sa apoy, sapagkat ang Diyos na Jehova, na humatol sa kaniya, ay malakas.”​—Apocalipsis 18:2, 8.

Katuparan: Ipinakikita ng Bibliya na sa takdang panahon ng Diyos, uudyukan niya ang pulitikal na mga kapangyarihan sa daigdig na balingan at wasakin ang Babilonyang Dakila. “Gagawin [nila] siyang wasak at hubad” at “uubusin ang kaniyang mga kalamnan.” (Apocalipsis 17:16) Ibig sabihin, ilalantad nila ang kaniyang kahiya-hiyang mga gawain at sasamsamin ang kaniyang pagkarami-raming kayamanan. Ang pagkawasak niya ay magiging mabilis at lubus-lubusan anupat walang matitira sa kaniya ni bakas man.​—Apocalipsis 18:21.

Maaaring akalain ng mga pulitikal na tagapamahala na sila ang nakaisip na gawin iyon. Pero ang katuparan ng kamangha-manghang hulang ito ang magpapatunay na ang pagkawasak ng Babilonyang Dakila ay gawa ng Diyos. ‘Ilalagay niya iyon sa kanilang mga puso upang isakatuparan ang kaniyang kaisipan.’​—Apocalipsis 17:17.

Hula 2:

“Sa mga araw ng mga haring iyon ay magtatatag ang Diyos ng langit ng isang kaharian. . . . Dudurugin nito at wawakasan ang lahat ng mga kahariang ito [na itinatag ng tao], at iyon ay mananatili hanggang sa mga panahong walang takda.”​—Daniel 2:44.

Katuparan: Matapos alisin ang huwad na relihiyon, babalingan naman ng Diyos ang ibang mga organisasyon​—ang pulitika at ang komersiyo​—pati na ang masasamang tao. (Kawikaan 2:22; Apocalipsis 19:17, 18) Gaya ng may-ari ng bahay na nagpapalayas sa perhuwisyong mga nakikitira dito, ‘ipapahamak ng Diyos yaong mga nagpapahamak sa lupa.’ Lilipulin niya ang lahat ng nagsasagawa ng karahasan at seksuwal na imoralidad.​—Apocalipsis 11:18; Roma 1:18, 26-29.

Sino ang maliligtas? Ang sagot ng Bibliya: “Ang maaamo ang magmamay-ari ng lupa, at makasusumpong nga sila ng masidhing kaluguran sa kasaganaan ng kapayapaan.”​—Awit 37:11; 72:7.

Makapagtitiwala ba tayo sa mga hula ng Bibliya? Talaga bang wawakasan ng Diyos ang kasamaan at pagdurusa at ililigtas ang mga matuwid? Oo!

Mapagkakatiwalaan ang mga Hula ng Bibliya

Naniniwala ang mga Saksi ni Jehova na ang Diyos na Jehova ang Awtor ng Bibliya at na gagawin niya ang lahat ng ipinangako niya. (2 Timoteo 3:16) Makatuwiran bang paniwalaan ito?

Kung mayroon kang matagal nang kaibigan na talagang nagmamahal sa iyo at hindi kailanman nagsinungaling sa iyo, paniniwalaan mo ba siya kung mangako siya sa iyo ng isang mabuting bagay na kaya naman niyang gawin? Tiyak na oo. Ang Diyos ay mas maibigin kaysa sa sinumang taong kaibigan natin. Ang Diyos ay “hindi marunong magsinungaling.”​—Tito 1:2, Magandang Balita Biblia.

Oo, wawakasan ng Maylalang ang huwad na relihiyon, ang mapang-aping mga tagapamahala, at ang sakim na komersiyo. Gusto mo bang malaman kung ano pa ang magaganap pagkatapos ng mga pangyayaring ito? Tatalakayin iyan sa susunod na isyu ng Gumising! sa huling artikulo ng seryeng ito.

IPINAKIKILALA ANG BABILONYANG DAKILA

Paano natin nalaman na ang makasagisag na babae na tinatawag na Babilonyang Dakila sa aklat ng Apocalipsis ay tumutukoy sa lahat ng huwad na relihiyon? Pag-isipan ang mga ebidensiya:

  • Hindi siya isang literal na babae dahil ang paglalarawan sa Apocalipsis ay “mga tanda,” o mga sagisag.​—Apocalipsis 1:1.

  • Ang Babilonyang Dakila ay nakaupo sa maraming tubig, na lumalarawan sa “mga bayan at mga pulutong at mga bansa.” (Apocalipsis 17:1, 5, 15) Hindi iyan magagawa ng isang literal na babae. Samantala, ang huwad na relihiyon ay sinusuportahan ng napakaraming miyembro nito.

  • Ang makasagisag na babaing ito ay isang “dakilang lunsod na may kaharian sa mga hari sa lupa.” Ibig sabihin, siya’y organisado at may impluwensiya sa buong daigdig.​—Apocalipsis 17:18.

  • Bilang espirituwal na patutot, ang Babilonyang Dakila ay nakikipag-alyansa sa “mga hari sa lupa.” Bukod diyan, magdadalamhati ang mga ito kapag nawasak siya. (Apocalipsis 17:1, 2; 18:9) Kaya naman hindi siya isang pulitikal na elemento.

  • Ang mga lider sa komersiyo ay magdadalamhati rin kapag nawasak siya. (Apocalipsis 18:15) Kaya naman hindi siya isang komersiyal na elemento.

  • Ayon sa Bibliya, ang pagsamba sa Diyos kasabay ng pag-ibig sa sanlibutan ay espirituwal na pangangalunya. (Santiago 4:4) Ganiyang-ganiyan ang ginagawa ng Babilonyang Dakila. Itinataguyod din nito ang espiritismo, na isang relihiyosong gawain.​—Apocalipsis 18:23.

  • Ang sinaunang lunsod ng Babilonya, na pinagkunan ng pangalang Babilonyang Dakila, ay isang napakarelihiyosong lunsod.​—Isaias 47:1, 12, 13; Jeremias 50:1, 2, 38.

Kung gayon, masasabi natin nang walang alinlangan na ang Babilonyang Dakila ay lumalarawan sa lahat ng huwad na relihiyon sa daigdig.

NATUPAD NA MGA HULA NG BIBLIYA

Nasa ibaba ang isang listahan ng maraming kahanga-hangang hula ng Bibliya na tinalakay sa unang anim na bahagi ng seryeng ito. Gaya ng ipinakita sa mga artikulong iyon, ang mga hulang ito ay napatunayang totoo!

MGA HULA TUNGKOL KAY ABRAHAM AT SA KANIYANG MGA INAPO

  • Ang mga inapo ng tapat na si Abraham ay magiging dakilang bansa, na nang maglaon ay tinawag na bansang Israel.​—Genesis 12:1, 2.

  • Ang mga inapo ni Abraham ay babalik sa lupain ng Canaan pagkatapos manirahan sa isang banyagang lupain sa loob ng apat na henerasyon.​—Genesis 15:13, 16.

  • Magiging pag-aari ng mga inapo ni Abraham ang ‘buong lupain ng Canaan.’​—Genesis 17:8.

  • Dahil nagrebelde ang mga Israelita laban sa Diyos, hahayaan niyang sila’y malupig at mabihag ng Babilonya.​—Jeremias 25:8-11.

  • Pababalikin ng Diyos ang mga Judio sa kanilang sariling lupain pagkatapos ng 70-taóng pagkabihag.​—Jeremias 25:12; 29:10.

  • Ibabagsak ang kapangyarihang pandaigdig ng Babilonya, at sa kalaunan, ito ay magiging mga guho na lamang.​—Isaias 13:19, 20.

MGA HULA TUNGKOL SA MESIYAS AT SA KANIYANG MGA TAGASUNOD

  • Ang Mesiyas, o Kristo, ay magmumula sa angkan ni Haring David.​—Isaias 9:7.

  • Ang magiging Mesiyas ay isisilang sa Betlehem.​—Mikas 5:2.

  • Darating ang Mesiyas pagkaraan ng 483 taon matapos ‘ilabas ang salita na isauli at muling itayo ang Jerusalem.’ Inilabas ang utos na iyon noong 455 B.C.E.​—Daniel 9:25.

  • Bago patayin ang Mesiyas, siya’y hahagupitin.​—Isaias 50:6.

  • Papatayin ang Mesiyas bilang isang kinasusuklamang kriminal, pero ililibing siya kasama ng “mga uring mayaman.”​—Isaias 53:9.

  • Ipalalaganap ng mga tagasunod ni Kristo ang kaniyang mensahe sa buong Judea, Samaria, at lahat ng mga bansang kilalá noon.​—Gawa 1:8.

  • Pag-uusigin ang mga Kristiyano.​—Marcos 13:9.

  • Ang mapanlinlang at mapaniil na mga tao, na magiging dahilan para mag-apostata ang marami, ay lilitaw sa loob mismo ng kongregasyong Kristiyano.​—Gawa 20:29, 30; 2 Pedro 2:1, 2.

MGA HULA TUNGKOL SA MGA HULING ARAW

Ang mga palatandaan ng panahon ng kawakasan ay

  • Pangangaral ng ‘mabuting balita ng kaharian ng Diyos’ sa buong mundo.​—Mateo 24:14.

  • Mga digmaan, na ang ilan ay pambuong daigdig.​—Mateo 24:7; Apocalipsis 6:4.

  • Kakapusan sa pagkain.​—Mateo 24:7.

  • Malalakas na lindol.​—Lucas 21:11.

  • Malulubhang sakit.​—Lucas 21:11.

  • Poot at karahasan.​—Mateo 24:10, 12.

  • Mga taong sakim, makasarili, at maibigin sa salapi.​—2 Timoteo 3:1-5.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share