ARALING ARTIKULO 28
Namamahala Na ang Kaharian!
“Ang kaharian ng sanlibutan ay naging Kaharian ng ating Panginoon at ng kaniyang Kristo.”—APOC. 11:15.
AWIT 22 Dumating Nawa ang Kaharian!
NILALAMANa
1. Sa ano tayo makakatiyak, at bakit?
KAPAG tiningnan mo ang mga kalagayan sa mundo, nahihirapan ka bang maniwala na gaganda pa ito? Lumalamig ang pag-ibig ng magkakapamilya. Lalong nagiging marahas at makasarili ang mga tao. Marami ang nahihirapang magtiwala sa mga nasa awtoridad. Pero kahit ganito ang nangyayari, makakaasa ka na gaganda pa ang kalagayan. Bakit? Kasi ang ginagawa ng mga tao ngayon ay eksaktong-eksakto sa inihula ng Bibliya na mangyayari sa “mga huling araw.” (2 Tim. 3:1-5) Hindi maitatanggi ng sinumang taimtim na tao na natutupad na ang hulang ito. Patunay ito na namamahala na si Kristo Jesus bilang Hari ng Kaharian ng Diyos. Pero isa lang iyan sa maraming hula tungkol sa Kaharian. Mapapatibay ang pananampalataya natin kung rerepasuhin natin ang ibang mga hula na natutupad sa panahon natin.
Ang mga hula sa aklat ng Daniel at Apocalipsis ay parang mga piraso ng isang jigsaw puzzle na magkakatugma sa isa’t isa. Habang unti-unti itong natutupad o nabubuo, makikita natin kung nasaan na tayo sa talaorasan ni Jehova (Tingnan ang parapo 2)
2. Ano ang tatalakayin sa artikulong ito, at bakit? (Komentuhan ang larawan sa pabalat.)
2 Sa artikulong ito, tatalakayin natin ang (1) isang hula na tutulong sa atin na malaman kung kailan nagsimulang mamahala ang Kaharian, (2) mga hula na tutulong sa ating maunawaan na namamahala na si Jesus sa langit bilang Hari ng Kaharian ng Diyos, at (3) mga hula na nagpapakita kung paano pupuksain ng Kaharian ng Diyos ang mga kaaway nito. Ang mga hulang ito ay parang mga piraso ng isang jigsaw puzzle na magkakatugma sa isa’t isa. Habang unti-unti itong natutupad o nabubuo, makikita natin kung nasaan na tayo sa talaorasan ni Jehova.
PAANO MALALAMAN KUNG KAILAN NAMAHALA ANG KAHARIAN NG DIYOS?
3. Ano ang tinitiyak sa atin ng hula sa Daniel 7:13, 14 tungkol sa Hari ng Kaharian ng Diyos?
3 Tinitiyak sa atin ng hula sa Daniel 7:13, 14 na si Kristo Jesus ang pinakamahusay na Tagapamahala ng Kaharian ng Diyos. Buong-puso siyang ‘paglilingkuran’ ng mga tao ng lahat ng bansa, at hindi siya papalitan bilang Tagapamahala. Sa isa pang hula sa aklat ng Daniel, sinasabing si Jesus ay nagsimulang mamahala pagkatapos ng isang yugto ng panahon na tinatawag na pitong panahon. Posible bang malaman kung kailan naging Hari si Jesus?
4. Paano makakatulong ang Daniel 4:10-17 para malaman natin ang taon kung kailan naging Hari si Kristo? (Tingnan din ang talababa.)
4 Basahin ang Daniel 4:10-17. Ang “pitong panahon” ay katumbas ng 2,520 taon. Nagsimula ito noong 607 B.C.E. nang alisin ng Babilonya ang huling hari sa Jerusalem na nakaupo sa trono ni Jehova. Nagwakas ito noong 1914 C.E. nang iluklok ni Jehova si Jesus—“ang isa na may legal na karapatan”—bilang Hari ng Kaharian ng Diyos.b—Ezek. 21:25-27.
5. Paano makakatulong sa atin ang hula tungkol sa “pitong panahon”?
5 Paano makakatulong sa atin ang hulang ito? Kapag naintindihan natin ang hula tungkol sa “pitong panahon,” makakapagtiwala tayo na talagang tinutupad ni Jehova ang mga pangako niya sa tamang panahon. Itinakda ni Jehova kung kailan magiging Hari si Jesus, kaya titiyakin din niya na matutupad ang lahat ng iba pang hula ayon sa kaniyang itinakdang panahon. Siguradong “hindi . . . maaantala” ang araw ni Jehova!—Hab. 2:3.
PAANO NATIN NALAMAN NA NAGHAHARI NA SI KRISTO SA KAHARIAN NG DIYOS?
6. (a) Anong mga pangyayari sa lupa ang nagpapatunay na namamahala na si Kristo sa langit? (b) Paano ito tiniyak ng hula sa Apocalipsis 6:2-8?
6 Noong malapit nang matapos ang ministeryo ni Jesus sa lupa, inihula ni Jesus ang ilang pangyayari para malaman ng mga tagasunod niya na nagsimula na siyang maghari sa langit. Kasama sa mga binanggit niya ang digmaan, taggutom, at lindol. Sinabi rin niyang magkakaroon ng mga epidemya, o mga sakit “sa iba’t ibang lugar.” At isa na rito ang nararanasan nating COVID-19 pandemic. Sa Bibliya, ang mga pangyayaring ito ay bahagi ng “tanda” ng presensiya ni Kristo. (Mat. 24:3, 7; Luc. 21:7, 10, 11) Mahigit 60 taon pagkamatay at pagbalik ni Jesus sa langit, tiniyak niya kay apostol Juan na talagang mangyayari ang mga bagay na ito. (Basahin ang Apocalipsis 6:2-8.) Nangyari ang lahat ng bagay na ito mula nang maging Hari si Jesus noong 1914.
7. Bakit maraming masasamang bagay na nangyari sa lupa mula nang maging Hari si Jesus?
7 Bakit lalong sumamâ ang mga kalagayan sa mundo nang maging Hari si Jesus? May mahalagang sinasabi ang Apocalipsis 6:2. Ang unang-unang ginawa ni Jesus nang maging Hari siya ay makipagdigma. Kanino? Sa Diyablo at sa kaniyang mga demonyo. Sinasabi sa Apocalipsis kabanata 12 na natalo si Satanas sa digmaan, kaya siya at ang mga demonyo ay inihagis dito sa lupa. Galit na galit si Satanas, kaya ibinuhos niya ito sa mga tao. Ang resulta? “Kaawa-awa ang lupa.”—Apoc. 12:7-12.
Nalulungkot tayo kapag nakakarinig tayo ng masamang balita. Pero kapag nakikita nating natutupad ngayon ang mga hula ng Bibliya, lalo tayong nakukumbinsi na namamahala na ang Kaharian ng Diyos (Tingnan ang parapo 8)
8. Kapag nakikita nating natutupad ang mga hula tungkol sa Kaharian, paano ito makakatulong sa atin?
8 Paano makakatulong sa atin ang hulang ito? Ang mga pangyayari sa mundo at ang kapansin-pansing pagbabago sa ugali ng mga tao ay tutulong sa atin na malaman na nagsimula nang maghari si Jesus. Kaya sa halip na madismaya kapag nakikita nating nagiging makasarili at malupit ang mga tao, tandaan natin na katuparan iyon ng hula sa Bibliya. Namamahala na ang Kaharian! (Awit 37:1) At asahan natin na lalo pang sasamâ ang kalagayan sa mundo habang papalapit ang Armagedon. (Mar. 13:8; 2 Tim. 3:13) Nagpapasalamat tayo sa ating mapagmahal na Ama sa langit dahil tinutulungan niya tayong maintindihan kung bakit napakaraming problema sa mundo.
PAANO PUPUKSAIN ANG MGA KAAWAY NG KAHARIAN NG DIYOS?
9. Paano inilarawan ng Daniel 2:28, 31-35 ang huling kapangyarihang pandaigdig, at kailan ito lumitaw?
9 Basahin ang Daniel 2:28, 31-35. Nakikita nating natutupad na ang hulang ito ngayon. Ipinapakita ng panaginip ni Nabucodonosor kung ano ang mangyayari “sa huling bahagi ng mga araw,” kapag nagsimula nang mamahala si Kristo. Kasama sa mga kaaway ni Jesus sa lupa ang huling kapangyarihang pandaigdig na inihula sa Bibliya. Inilarawan ito bilang “mga paa . . . na gawa sa bakal at putik.” Namamahala na ang kapangyarihang pandaigdig na ito mula pa noong Digmaang Pandaigdig I nang magsanib-puwersa ang Britain at United States, ang tambalang Anglo-Amerikano. Sa imaheng nakita ni Nabucodonosor sa panaginip niya, makikita rin ang dalawang bagay kung bakit naiiba ang kapangyarihang pandaigdig na ito sa naunang mga kapangyarihang pandaigdig.
10. (a) Gaya ng inihula ni Daniel, ano ang nakikita natin ngayon sa Kapangyarihang Pandaigdig na Anglo-Amerikano? (b) Anong panganib ang dapat nating iwasan? (Tingnan ang kahong “Nakikita Mo Ba ang Panganib?”)
10 Una, di-gaya ng naunang mga kapangyarihang pandaigdig na binanggit sa pangitain, ang tambalang Anglo-Amerikano ay inilalarawan, hindi bilang purong ginto o pilak, kundi bilang pinaghalong bakal at putik. Ang putik ay lumalarawan sa “supling ng sangkatauhan,” o karaniwang mga tao. (Dan. 2:43, tlb.) Kitang-kita sa ngayon ang impluwensiya ng mga tao sa mga eleksiyon, kampanya para sa karapatang sibil, malakihang protesta, at mga unyon. Dahil dito, nahihirapan ang kapangyarihang pandaigdig na ito na ipatupad ang mga patakaran nito.
11. Bakit ang pamamahala ng Kapangyarihang Pandaigdig na Anglo-Amerikano ay nagpapatibay ng pagtitiwala natin na nabubuhay na tayo sa panahon ng wakas?
11 Ikalawa, gaya ng inilalarawan ng mga paa ng pagkalaki-laking imahen, ang Anglo-Amerika ang huling kapangyarihang pandaigdig na inihula sa Bibliya. Pupuksain ito ng Kaharian ng Diyos sa Armagedon, pati na ang lahat ng iba pang gobyerno ng tao, kaya wala nang susunod na mamamahalang gobyerno ng tao.c—Apoc. 16:13, 14, 16; 19:19, 20.
12. Ano pang karagdagang ebidensiya sa hula ni Daniel ang nagpapatibay at nagbibigay sa atin ng pag-asa?
12 Paano makakatulong sa atin ang hulang ito? Nagbibigay pa ang hula ni Daniel ng karagdagang ebidensiya na nabubuhay na tayo sa panahon ng wakas. Mahigit 2,500 taon na ang nakakaraan, inihula ni Daniel na pagkatapos mamahala ng Babilonya, apat pang kapangyarihang pandaigdig ang magkakaroon ng malaking epekto sa bayan ng Diyos. Sinabi rin niya na ang huli sa mga ito ay ang Kapangyarihang Pandaigdig na Anglo-Amerikano. Nagpapatibay ito sa atin at nagbibigay ng pag-asa na malapit nang alisin ng Kaharian ng Diyos ang lahat ng gobyerno ng tao at ito na ang mamamahala sa buong lupa.—Dan. 2:44.
13. Ano ang inilalarawan ng “ikawalong hari” at ng “10 hari” na binabanggit sa Apocalipsis 17:9-12, at paano natupad ang hulang ito?
13 Basahin ang Apocalipsis 17:9-12. Dahil napakaraming sinira ng Digmaang Pandaigdig I, may isa pang bagay na nangyari at tinupad nito ang isa pang hula ng Bibliya tungkol sa mga huling araw. Gusto ng mga tagapamahala ng mga bansa na magkaroon ng kapayapaan sa buong mundo. Kaya noong Enero 1920, itinatag nila ang Liga ng mga Bansa, na naging United Nations noong Oktubre 1945. Tinawag ang organisasyong ito na “ikawalong hari.” Pero hindi ito isang kapangyarihang pandaigdig. Ang kapangyarihan at impluwensiya nito ay galing lang sa mga gobyerno ng tao, na inilarawan ng Bibliya bilang “10 hari.”
14-15. (a) Ano ang sinasabi ng Apocalipsis 17:3-5 tungkol sa “Babilonyang Dakila”? (b) Ano ang mangyayari sa mga tagasuporta ng huwad na relihiyon?
14 Basahin ang Apocalipsis 17:3-5. Sa isang pangitain, nakakita si apostol Juan ng isang babaeng bayaran, ang “Babilonyang Dakila,” na lumalarawan sa pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. Ano ang ipinapakita ng pangitaing ito? Matagal nang nakikipagtulungan ang huwad na mga relihiyosong organisasyon sa politikal na mga kapangyarihan sa mundo at sinusuportahan nila ang mga ito. Pero malapit nang ilagay ni Jehova sa puso ng politikal na mga kapangyarihan na “gawin ang nasa isip niya.” Ano ang resulta? Babaling ang politikal na mga kapangyarihang iyon, o ang “10 hari,” sa huwad na mga relihiyosong organisasyon at pupuksain sila.—Apoc. 17:1, 2, 16, 17.
15 Paano natin nalaman na malapit nang mapuksa ang Babilonyang Dakila? Para masagot ang tanong na iyan, tandaan natin na ang ilang bahagi ng sinaunang lunsod ng Babilonya ay napoprotektahan ng tubig ng malaking Ilog Eufrates. Sa aklat ng Apocalipsis, ang milyon-milyong tagasuporta ng Babilonyang Dakila ay ikinumpara sa “mga tubig” na pandepensa. (Apoc. 17:15) Sinasabi rin nito na ang mga tubig ay ‘matutuyo.’ Ibig sabihin, mawawalan ng maraming tagasuporta ang pandaigdig na imperyo ng huwad na relihiyon. (Apoc. 16:12) Sa ngayon, natutupad na ang hulang ito. Iniiwan ng maraming tao ang huwad na relihiyon at humahanap ng ibang makakapagbigay ng solusyon sa mga problema nila.
16. Dahil naiintindihan natin ang mga hula tungkol sa paglitaw ng United Nations at pagkapuksa ng Babilonyang Dakila, ano ang maitutulong nito sa atin?
16 Paano makakatulong sa atin ang hulang ito? Ang paglitaw ng United Nations at ang paghina ng suporta sa huwad na relihiyon ay patunay na nabubuhay na tayo sa mga huling araw. Hindi na sinusuportahan ng maraming tao ang Babilonyang Dakila, pero hindi iyan ang magiging dahilan ng pagkapuksa ng huwad na mga relihiyosong organisasyon. Gaya ng binanggit kanina, ilalagay ni Jehova sa puso ng “10 hari”—ang politikal na mga kapangyarihan na sumusuporta sa United Nations—na “gawin ang nasa isip niya.” Biglang pupuksain ng mga bansang iyon ang huwad na relihiyon, na ikagugulat ng buong mundo.d (Apoc. 18:8-10) Malaki ang magiging epekto sa buong mundo ng pagkawasak ng Babilonyang Dakila. Magdudulot din ito ng maraming problema, pero may dalawang dahilan para maging masaya pa rin ang bayan ng Diyos. Ang matagal nang kaaway ng Diyos na Jehova ay mawawala na, at malapit na ang kaligtasan natin mula sa masamang sistemang ito!—Luc. 21:28.
MAGTIWALANG POPROTEKTAHAN TAYO NI JEHOVA SA HINAHARAP
17-18. (a) Paano natin patuloy na mapapatibay ang ating pananampalataya? (b) Ano ang tatalakayin sa susunod na artikulo?
17 Inihula ni Daniel na “sasagana ang tunay na kaalaman.” At ganiyan nga ang nangyayari! Nauunawaan na natin ngayon ang mga hula tungkol sa ating panahon. (Dan. 12:4, 9, 10) Dahil natutupad nang eksaktong-eksakto ang mga hulang ito, lalong lumalalim ang pagtitiwala natin kay Jehova at sa kaniyang Salita. (Isa. 46:10; 55:11) Kaya patuloy na patibayin ang pananampalataya mo. Masikap na pag-aralan ang Bibliya at tulungan ang iba na magkaroon ng malapít na kaugnayan kay Jehova. Iingatan niya ang mga lubos na umaasa sa kaniya, at “patuloy [niya] silang bibigyan ng kapayapaan.”—Isa. 26:3.
18 Sa susunod na artikulo, tatalakayin naman natin ang mga hula tungkol sa kongregasyong Kristiyano sa panahon ng wakas. Gaya ng matututuhan natin, papatunayan din ng mga hulang ito na nabubuhay na tayo sa mga huling araw. Malalaman din natin ang iba pang ebidensiya na pinangangasiwaan ni Jesus, na ating Hari, ang kaniyang tapat na mga tagasunod.
AWIT 61 Sulong, mga Saksi!
a Kapana-panabik ang panahong kinabubuhayan natin! Itinatag na ang Kaharian ng Diyos, gaya ng sinasabi ng maraming hula sa Bibliya. Sa artikulong ito, aalamin natin ang ilan sa mga hulang iyon para lalong tumibay ang pananampalataya natin kay Jehova. Tutulungan din tayo ng mga hulang iyon na manatiling kalmado at magtiwala kay Jehova ngayon at sa hinaharap.
b Tingnan ang aralin 32 number 4 sa aklat na Masayang Buhay Magpakailanman, at panoorin sa jw.org ang video na Namamahala Na ang Kaharian ng Diyos Mula Noong 1914.
c Para sa higit pang impormasyon tungkol sa hula ni Daniel, tingnan ang Bantayan, isyu ng Hunyo 15, 2012, p. 14-19.
d Para sa higit pang impormasyon tungkol sa mangyayari sa hinaharap, tingnan ang kabanata 21 ng aklat na Namamahala Na ang Kaharian ng Diyos!