Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • g19 Blg. 1 p. 12-15
  • “Mamamayani ang Kapayapaan” sa Ilalim ng Kaharian ng Diyos

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • “Mamamayani ang Kapayapaan” sa Ilalim ng Kaharian ng Diyos
  • Gumising!—2019
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • KAILAN DARATING ANG KAHARIAN NG DIYOS?
  • PAANO MAMAMAHALA ANG KAHARIAN NG DIYOS SA LUPA?
  • PAANO KA MAKIKINABANG SA PAMAMAHALA NG KAHARIAN?
  • Ang Katotohanan Tungkol sa Kaharian ng Diyos
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pampubliko)—2020
  • Ano ba ang Kaharian ng Diyos?
    Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?
  • Kung Ano ang Itinuro ni Jesus Tungkol sa Kaharian ng Diyos
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2010
  • Isang Kaharian na “Hindi Magigiba Kailanman”
    Sambahin ang Tanging Tunay na Diyos
Iba Pa
Gumising!—2019
g19 Blg. 1 p. 12-15
Masasayang tao sa Paraiso

KUNG PAANO LUBUSANG MASASAGOT ANG HAMON

“Mamamayani ang Kapayapaan” sa Ilalim ng Kaharian ng Diyos

Dahil sa Kaharian ng Diyos—ang gobyernong itinatag ng Diyos—ang mga tao sa buong mundo ay malapit nang mamuhay nang payapa at nagkakaisa. “Mamamayani ang kapayapaan,” gaya ng ipinangako sa Awit 72:7. Pero kailan mamamahala sa lupa ang Kaharian ng Diyos? Paano ito mamamahala? At paano ka makikinabang sa pamamahala nito?

KAILAN DARATING ANG KAHARIAN NG DIYOS?

Inihula ng Bibliya ang ilang kapansin-pansing pangyayari na senyales na malapit nang dumating ang Kaharian ng Diyos. Ang mga pangyayaring iyon ay bahagi ng isang “tanda” na binubuo ng mga digmaan, taggutom, sakit, lindol, at paglaganap ng kasamaan.​—Mateo 24:3, 7, 12; Lucas 21:11; Apocalipsis 6:2-8.

Sinasabi pa ng isang hula: “Sa mga huling araw, magiging mapanganib at mahirap ang kalagayan. Dahil ang mga tao ay magiging makasarili, maibigin sa pera, . . . masuwayin sa magulang, walang utang na loob, di-tapat, walang likas na pagmamahal, ayaw makipagkasundo, maninirang-puri, walang pagpipigil sa sarili, mabangis, napopoot sa kabutihan, . . . mapagmalaki, maibigin sa kaluguran sa halip na maibigin sa Diyos.” (2 Timoteo 3:1-4) Dati nang ganito ang ugali ng ilan. Pero sa ngayon, ganito na ang ugali ng karamihan.

Nagsimulang magkatotoo ang mga hulang ito noong 1914. Sinasabi ng mga istoryador, politiko, at mga manunulat na talagang nagbago ang mundo mula noon. Halimbawa, ganito ang isinulat ni Peter Munch, isang Danish na istoryador: “Ang pagsiklab ng digmaan noong 1914 ay nagdulot ng napakalaking pagbabago sa kasaysayan ng sangkatauhan. Mula sa masayang panahon ng pagsulong, . . . pumasok tayo sa panahon ng kapahamakan, lagim, at pagkakapootan, at walang kapanatagan saanman.”

Pero di-magtatagal, ang lahat ng ito ay mapapalitan ng mapayapang kalagayan. Ipinapakita ng mga ito na malapit nang mamahala sa lupa ang Kaharian. Sa katunayan, bilang bahagi ng tanda ng kawakasan, sinabi rin ni Jesus: “Ang mabuting balitang ito tungkol sa Kaharian ay ipangangaral sa buong lupa para marinig ng lahat ng bansa, at pagkatapos ay darating ang wakas.”​—Mateo 24:14.

Ang mabuting balitang iyan ang pinakatema ng mensahe ng mga Saksi ni Jehova. Sa katunayan, ang kanilang pangunahing babasahin ay tinatawag na Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova. Tinatalakay nito ang magagandang bagay na gagawin ng Kaharian ng Diyos para sa mga tao at sa lupa.

PAANO MAMAMAHALA ANG KAHARIAN NG DIYOS SA LUPA?

Tingnan ang apat na puntong ito:

  1. Ang Kaharian ay hindi mamamahala sa pamamagitan ng mga politiko sa mundo.

  2. Sa kagustuhang manatili sa kapangyarihan, lalabanan ng mga politiko ang pamamahala ng Kaharian ng Diyos.​—Awit 2:2-9.

  3. Pupuksain ng Kaharian ng Diyos ang mga kahariang gusto pa ring mamahala sa mga tao. (Daniel 2:44; Apocalipsis 19:17-21) Ang digmaang ito ay tinatawag na Armagedon.​—Apocalipsis 16:14, 16.

  4. Lahat ng magpapasakop sa Kaharian ng Diyos ay makaliligtas sa Armagedon at mabubuhay sa mapayapang bagong mundo. Sila ang bubuo sa tinatawag ng Bibliya na “malaking pulutong” na malamang ay aabot nang ilang milyon.​—Apocalipsis 7:9, 10, 13, 14.

    ANO ANG GAGAWIN NG KAHARIAN?

    Noong nasa lupa si Jesus, ipinakita niya ang ilang gagawin niya bilang Hari ng Kaharian ng Diyos. Nagpagaling siya ng mga maysakit at may kapansanan. (Mateo 4:23) Nagpakain siya ng libo-libo. (Marcos 6:35-44) Ipinakita pa nga niya na kaya niyang kontrolin ang kalikasan at ang lagay ng panahon.​—Marcos 4:37-41.

    Tinuturuan ni Jesus ang mga tao

    Higit sa lahat, tinuruan ni Jesus ang mga tao na mamuhay nang payapa at nagkakaisa. Ang lahat ng mapagpakumbabang susunod sa kaniyang mga turo ay magkakaroon ng mga katangiang tutulong sa kanila na mabuhay nang maligaya magpakailanman sa ilalim ng kaniyang Kaharian. Hindi iyan kayang gawin ng kahit sinong guro. Makikita ang ilang turo ni Jesus sa tinatawag na Sermon sa Bundok, na mababasa sa Mateo kabanata 5-7. Subukan mong basahin iyon. Simple lang ang mga pananalita doon pero punong-puno ng karunungan. Talagang tatagos ang mga ito sa puso mo.

PAANO KA MAKIKINABANG SA PAMAMAHALA NG KAHARIAN?

Para maging sakop ng Kaharian ng Diyos, kailangan muna tayong maturuan. Sa panalangin, sinabi ni Jesus sa Diyos: “Para magkaroon sila ng buhay na walang hanggan, kailangan nilang makilala ka, ang tanging tunay na Diyos, at ang isinugo mo, si Jesu-Kristo.”​—Juan 17:3.

Nakikinabang ang mga tao habang nakikilala nila ang Diyos na Jehova. Pansinin ang dalawang paraan: Una, nagkakaroon sila ng matibay na pananampalataya sa kaniya. Dahil sa pananampalatayang iyon, na may matibay na saligan, kumbinsido sila na totoo ang Kaharian ng Diyos at na malapit na itong mamahala. (Hebreo 11:1) Ikalawa, lumalalim ang pag-ibig nila para sa Diyos at sa kapuwa. Dahil mahal nila ang Diyos, kusang-loob silang sumusunod sa kaniya. At dahil mahal nila ang kanilang kapuwa, sinusunod nila ang sinabi ni Jesus, na madalas tawaging Gintong Aral. Sinasabi nito: “Kung ano ang gusto ninyong gawin ng mga tao sa inyo, iyon din ang gawin ninyo sa kanila.”​—Lucas 6:31.

Ang ating Maylikha ay gaya ng isang maibiging ama, at gusto niya ang pinakamabuti para sa atin. Gusto niyang maranasan natin ang tinatawag ng Bibliya na “tunay na buhay.” (1 Timoteo 6:19) Hindi “tunay na buhay” ang buhay natin ngayon. Milyon-milyon ang naghihirap at nagsisikap lang na makaraos. Bilang sulyap sa ipinangakong “tunay na buhay,” tingnan ang ilang magagandang bagay na gagawin ng Kaharian ng Diyos para sa mga sakop nito.

ISANG SULYAP SA TUNAY NA BUHAY

  • “Sa panahon [ng pamamahala ni Kristo bilang Hari], mamumukadkad ang matuwid, at mamamayani ang kapayapaan . . . Magkakaroon siya ng mga sakop . . . hanggang sa mga dulo ng lupa.”​—Awit 72:7, 8, 13, 14.

  • “Pinatitigil [ng Diyos] ang mga digmaan sa buong lupa. Binabali niya ang pana at dinudurog ang sibat.”​—Awit 46:9.

  • “Magkakaroon ng saganang butil sa lupa; mag-uumapaw ito sa tuktok ng mga bundok.”​—Awit 72:16.

  • “Magtatayo sila ng mga bahay at titira sa mga iyon, at magtatanim sila ng ubas at kakainin ang bunga nito. Hindi sila magtatayo pero iba ang titira, at hindi sila magtatanim pero iba ang kakain. . . . Lubusan silang masisiyahan sa mga gawa ng kanilang mga kamay.”​—Isaias 65:21, 22.

  • “Ang tolda ng Diyos ay nasa sangkatauhan . . . Papahirin niya ang bawat luha sa mga mata nila, at mawawala na ang kamatayan, pati ang pagdadalamhati at ang pag-iyak at ang kirot.”​—Apocalipsis 21:3, 4.

Masasayang tao sa Paraiso

Sa ilalim ng pamamahala ng Kaharian, ang mga tao ay magiging ligtas at panatag at magkakaroon ng saganang pagkain

TANDAAN

DAHIL SA MGA TURO NI JESUS, NATUTULUNGAN ANG MGA TAO NA GAWIN ANG TAMA. LAHAT NG SUMUSUNOD DITO AY MAGKAKAISA AT MAGIGING MAPAYAPANG MGA SAKOP NG KANIYANG GOBYERNO

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share