Kabanata 9
Judaismo—Paghahanap sa Diyos sa Tulong ng Kasulatan at Tradisyon
1, 2. (a) Sino ang ilang prominenteng Judio na nakaapekto sa kasaysayan at kultura? (b) Ano ang maaaring itanong ng ilan?
SINA Moises, Jesus, Mahler, Marx, Freud, at Einstein—sa ano sila nagkakatulad? Sila’y pawang Judio, at sa iba’t-ibang paraan, lahat sila’y nakaapekto sa kasaysayan at kultura ng tao. Talagang napabukod-tangi ang mga Judio sa loob ng libulibong taon. Bibliya mismo ang patotoo nito.
2 Di-gaya ng ibang sinaunang relihiyon at kultura, ang Judaismo ay nag-uugat sa kasaysayan, hindi sa mitolohiya. Subalit, maitatanong ng iba: Maliit na minoridad lamang ang mga Judio, mga 18 milyon sa daigdig na may mahigit na 5 bilyong tao, bakit tayo dapat maging interesado sa kanilang relihiyon, ang Judaismo?
Kung Bakit Tayo Dapat Maging Interesado sa Judaismo
3, 4. (a) Ano ang bumubuo sa mga Hebreong Kasulatan? (b) Bakit dapat isaalang-alang ang relihiyong Judio at ang ugat nito?
3 Ang isang dahilan ay sapagkat ang relihiyong Judio ay bumabalik nang mga 4,000 taon sa kasaysayan at kahit papaano ang ibang malalaking relihiyon ay may utang-na-loob sa mga Kasulatan nito. (Tingnan ang kahon, pahina 220.) Ang Kristiyanismo, itinatag ni Jesus (Hebreo, Ye·shuʹa‛), isang unang-siglong Judio, ay nag-uugat sa mga Hebreong Kasulatan. At gaya ng makikita sa pagbasa ng Qur’ān, malaki din ang utang ng Islām dito. (Qur’ān, surah 2:49-57; 32:23, 24) Kaya, kapag sinusuri ang Judaismo, sinusuri din natin ang mga ugat ng daandaang iba pang relihiyon at sekta.
4 Ang pangalawa at mahalagang dahilan ay sapagkat ang relihiyong Judio ay naglalaan ng kinakailangang kawing sa paghahanap ng tao sa tunay na Diyos. Ayon sa mga Hebreong Kasulatan, si Abram, ninuno ng mga Judio, ay sumamba sa tunay na Diyos halos 4,000 taon na ang nakalilipas.a Kaya, maitatanong natin, papaano lumitaw ang mga Judio at ang kanilang pananampalataya?—Genesis 17:18.
Papaano Lumitaw ang mga Judio?
5, 6. Ano, sa maikli, ang pinagmulan ng mga Judio at ng kanilang pangalan?
5 Sa tuwirang salita, ang mga Judio ay inapo ng isang sinaunang sangay ng lahing Semitiko na Hebreo ang wika. (Genesis 10:1, 21-32; 1 Cronica 1:17-28, 34; 2:1, 2) Halos 4,000 taon na ngayon, nilisan ng ninuno nilang si Abram ang maunlad na siyudad ng Ur ng mga Caldeo sa Sumer tungo sa lupain ng Canaan, na tinukoy ng Diyos nang ganito: “Ibibigay ko ang lupaing ito sa iyong lahi.”b (Genesis 11:31–12:7) Sa Genesis 14:13 tinutukoy siyang “Abram na Hebreo”, bagaman nang maglaon ang pangalan niya’y pinalitan ng Abraham. (Genesis 17:4-6) Mula sa kaniya ay tinatalunton ng mga Judio ang kanilang salinlahi na nagsisimula sa anak niyang si Isaac at sa apo niyang si Jacob, na ang pangala’y pinalitan ng Israel. (Genesis 32:27-29) Si Israel ay nagkaroon ng 12 anak na lalaki, na naging pundasyon ng 12 tribo. Isa sa kanila ay si Juda, na nang maglaon ay pinagkunan ng salitang “Judio.”—2 Hari 16:6, JP.
6 Nang maglaon ang katagang “Judio” ay ikinapit sa lahat ng Israelita, hindi lamang sa mga inapo ni Juda. (Esther 3:6; 9:20) Palibhasa nasira ang mga ulat ng talaangkanang Judio noong 70 C.E. nang wasakin ng mga Romano ang Jerusalem, walang Judio ngayon ang makatitiyak kung saang tribo siya nagmula. Gayunman, sa paglipas ng libulibong taon ay sumulong at nagbago ang relihiyong Judio. Ang Judaismo ngayon ay itinataguyod ng milyunmilyong Judio sa Republika ng Israel at sa Diaspora (pangangalat sa buong daigdig). Ano ang saligan ng relihiyong ito?
Si Moises, ang Batas, at Isang Bansa
7. Anong sumpa ang binitiwan ng Diyos kay Abraham, at bakit?
7 Noong 1943 B.C.E.,c pinili ng Diyos si Abram bilang pantanging lingkod niya at nang maglao’y nagbitiw dito ng banal na sumpa dahil sa katapatan nito sa paghahandog kay Isaac, bagaman yaon ay hindi natuloy. (Genesis 12:1-3; 22:1-14) Sinabi ng Diyos sa sumpa: “Sa Aking sarili ay sumusumpa ako, sabi ng PANGINOON [Hebreo: יהוה, YHWH]: Sapagkat ginawa mo ito at hindi ikinait sa akin ang iyong anak, na iyong pinakamamahal, pagpapalain kita at pararamihin Ko ang iyong lahi na gaya ng mga bituin sa langit . . . Sa iyong lahi [“binhi,” JP] ay pagpapalain ng lahat ng bansa sa lupa ang kanilang sarili, sapagkat sinunod mo ang Aking utos.” Ang sinumpaang pangakong ito ay inulit sa anak at apo ni Abraham, at ito ay nagpatuloy sa tribo ni Juda at sa hanay ni David. Sa sinaunang daigdig na yaon ay napatangi ang mahigpit na monoteyistikong paniwalang ito sa isang personal na Diyos na tuwirang nakitungo sa tao, at ito ang naging saligan ng relihiyong Judio.—Genesis 22:15-18; 26:3-5; 28:13-15; Awit 89:4, 5, 29, 30, 36, 37 (Awit 89:3, 4, 28, 29, 35, 36, NW).
8. Sino si Moises, at ano ang papel niya sa Israel?
8 Bilang pagtupad sa mga pangako Niya kay Abraham, itinatag ng Diyos ang saligan ng isang bansa nang gumawa Siya ng tanging pakikipagtipan sa mga inapo ni Abraham. Ang tipan ay itinatag sa pamamagitan ni Moises, dakilang pinunong Hebreo at tagapamagitan sa Diyos at sa Israel. Sino si Moises, at bakit napakahalaga niya sa mga Judio? Ang ulat ng Exodo sa Bibliya ay nagsasabi na siya’y isinilang sa Ehipto (1593 B.C.E.) ng mga magulang na Israelita na binihag kasama ng buong Israel bilang mga alipin. Siya ang “tanging pinili ng PANGINOON” upang palayain ang Kaniyang bayan tungo sa Canaan, ang Lupang Pangako. (Deuteronomio 6:23; 34:10) Ginampanan ni Moises ang mahalagang papel bilang tagapamagitan ng tipang Batas na ibinigay ng Diyos sa Israel, bukod pa sa pagiging kanilang propeta, hukom, pinuno, at mananalaysay.—Exodo 2:1–3:22.
9, 10. (a) Anong Batas ang ibinigay sa pamamagitan ni Moises? (b) Aling mga pitak ng buhay ang saklaw ng Sampung Utos? (c) Anong obligasyon ang iniatang ng tipang Batas sa Israel?
9 Ang Batas na tinanggap ng Israel ay binuo ng Sampung Salita, o Utos, at mahigit na 600 batas na naging detalyadong katalogo ng mga tagubilin at payo sa araw-araw na paggawi. (Tingnan ang kahon, pahina 211.) Nagsangkot ito ng mga bagay na makalupa at makalangit—mga kahilingan sa pisikal at moral at ng pagsamba sa Diyos.
10 Ang tipang Batas, o relihiyosong konstitusyon, ay nagbigay-anyo at kahulugan sa pananampalataya ng mga patriyarka. Bunga nito, ang mga inapo ni Abraham ay naging isang bansang nakatalaga sa Diyos. Kaya nagsimulang mahubog ang relihiyong Judio, at sila ay naging bansang organisado ukol sa pagsamba at paglilingkod sa kanilang Diyos. Sa Exodo 19:5, 6, ay nangako ang Diyos sa kanila: “Kung matapat ninyo Akong susundin at iingatan ang Aking tipan, . . . sa Aki’y magiging isang kaharian kayo ng mga saserdote at banal na bansa.” Kaya, ang mga Israelita ay magiging ‘piling bayan’ na maglilingkod sa mga layunin ng Diyos. Gayunman, ang katuparan ng mga pangako ng tipan ay nasasalig sa kondisyon na “Kung kayo ay susunod.” Ang inialay na bansang ito ay naging obligado sa kanilang Diyos. Nang maglaon (noong ikawalong siglo B.C.E.), nasabi ng Diyos sa mga Judio: “Kayo ang Aking mga saksi—sabi ng PANGINOON [Hebreo: יהוה, YHWH]—ang Aking lingkod, na Aking pinili.”—Isaias 43:10, 12.
Bansang May mga Saserdote, Propeta, at Hari
11. Papaano naitatag ang pagkasaserdote at pagkahari?
11 Nang ang Israel ay nasa disyerto at patungo pa sa Lupang Pangako, ang pagkasaserdote ay itinatag sa hanay ng kapatid ni Moises, si Aaron. Isang malaking bitbiting tolda, o tabernakulo, ang naging sentro ng pagsamba at paghahain ng mga Israelita. (Exodo, kabanata 26-28) Nang maglaon ang Israel ay dumating sa Lupang Pangako, ang Canaan, at sinakop ito, gaya ng iniutos ng Diyos. (Josue 1:2-6) Nang dakong huli ay itinatag ang isang makalupang paghahari, at noong 1077 B.C.E., si David, mula sa tribo ng Juda, ay naging hari. Sa kaniyang pagpupuno, ang paghahari at pagkasaserdote ay kapuwa naitatag sa bagong pambansang kabisera, ang Jerusalem.—1 Samuel 8:7.
12. Ano ang ipinangako ng Diyos kay David?
12 Pagkamatay ni David, si Solomon na anak niya ay nagtayo ng isang maringal na templo sa Jerusalem, kapalit ng tabernakulo. Palibhasa nakipagtipan ang Diyos kay David na ang paghahari ay mananatili sa kaniyang hanay magpakailanman, ang pinahirang Hari, ang Mesiyas, ay inasahang lilitaw balang araw sa mga inapo ni David. Ayon sa hula ang Israel at ang lahat ng bansa ay magtatamasa ng sakdal na pagpupuno mula sa Mesiyanikong Haring ito, o “binhi.” (Genesis 22:18, JP) Naging matatag ang pag-asang ito, at ang Mesyanikong katangian ng relihiyong Judio ay naging lalong malinaw.—2 Samuel 7:8-16; Awit 72:1-20; Isaias 11:1-10; Zacarias 9:9, 10.
13. Sino ang ginamit ng Diyos upang ituwid ang muling pagkakasala ng Israel? Magbigay ng halimbawa.
13 Ngunit, pinabayaan ng mga Judio na maimpluwensiyahan sila ng huwad na relihiyon ng Canaan at karatig na mga bansa. Dahil dito, nilabag nila ang kanilang tipan sa Diyos. Bilang pagtutuwid at pagpapanumbalik sa kanila, si Jehova ay nagsugo ng sunudsunod na mga propeta na naghatid ng kaniyang mga mensahe sa bayan. Kaya, ang hula ay naging isa pang pantanging katangian ng relihiyon ng mga Judio at ito ay bumubuo sa kalakhang bahagi ng mga Hebreong Kasulatan. Sa katunayan, 18 aklat ng mga Hebreong Kasulatan ang ipinapangalan sa mga propeta.—Isaias 1:4-17.
14. Papaano naipagbangong-puri ang mga propeta sa Israel?
14 Namumukod-tangi rito sina Isaias, Jeremias, at Ezekiel, na pawang nagbabala sa napipintong pagpaparusa ni Jehova sa bansa dahil sa idolatrosong pagsamba. Dumating ang parusa noong 607 B.C.E nang, dahil sa apostasya ng Israel, pinayagan ng Diyos ang Babilonya, ang kapangyarihang pandaigdig noon, na ibagsak ang Jerusalem at ang templo at dalhing bihag ang bansa. Ang inihula ng mga propeta ay nagkatotoo, at ang 70-taóng pagkakatapon ng Israel noong ikaanim na siglo B.C.E. ay pinatutunayan ng kasaysayan—2 Cronica 36:20, 21; Jeremias 25:11, 12; Daniel 9:2.
15. (a) Papaano nag-ugat sa mga Judio ang isang bagong anyo ng pagsamba? (b) Ano ang naging epekto ng mga sinagoga sa pagsamba sa Jerusalem?
15 Noong 539 B.C.E., ang Babilonya ay tinalo ni Ciro na Persyano at pinayagan niya ang mga Judio na magbalik sa kanilang lupain at itayong-muli ang templo sa Jerusalem. Bagaman tumugon ang isang nalabi, karamihan ng Judio ay nanatili sa impluwensiya ng Babilonya. Nang maglaon ang mga Judio ay naapektuhan ng kulturang Persyano. Kaya, lumitaw ang mga pamayanang Judio sa Gitnang Silangan at sa palibot ng Mediteranyo. Sa bawat komunidad isang bagong anyo ng pagsamba ang itinatag sa palibot ng sinagoga, sentro ng pagsambang Judio sa bawat bayan. Nagpahina ito sa pagpapahalaga sa naitayong-muling templo sa Jerusalem. Ang kalat-kalat na mga Judio ay tunay ngang naging isang Diaspora.—Ezra 2:64, 65.
Ang Judaismo ay Nagbihis ng Kasuotang Griyego
16, 17. (a) Anong bagong impluwensiya ang lumaganap sa daigdig ng Mediteranyo noong ikaapat na siglo B.C.E.? (b) Sino ang nakatulong sa pagpapalaganap ng kulturang Griyego at papaano? (c) Papaano umahon ang Judaismo sa tanawin ng daigdig?
16 Pagsapit ng ikaapat na siglo B.C.E., ang pamayanang Judio ay naging pabagu-bago at napadaig sa mga daluyong ng mga kulturang Gentil na lumaganap sa daigdig ng Mediteranyo at lampas pa nito. Ang baha ay nagsimula sa Gresya, kaya nang umahon ang Judaismo ito’y nabibihisan na ng kasuotang Hellenistiko.
17 Noong 332 B.C.E. ang Gitnang Silangan ay simbilis-kidlat na sinakop ni Alehandrong Dakila at siya ay malugod na tinanggap ng mga Judio pagdating niya sa Jerusalem.d Ang kaniyang plano ng Hellenisasyon ay ipinagpatuloy ng kaniyang mga kahalili, kaya sa buong imperyo ay nanaig ang wika, kultura, at pilosopiyang Griyego. Dahil dito, ang paglalahok ng mga kulturang Griyego at Judio ay nagbangon ng nakagigitlang mga resulta.
18. (a) Bakit kinailangan ang Septuagint na saling Griyego ng mga Hebreong Kasulatan? (b) Anong katangian ng kulturang Griyego ang lubhang nakaapekto sa mga Judio?
18 Ang mga Judio ng Diaspora ay nagsimulang magsalita ng Griyego sa halip na Hebreo. Kaya sa pasimula ng ikatlong siglo B.C.E. ay sinimulan ang unang salin ng mga Hebreong Kasulatan sa Griyego na tinatawag na Septuagint, at sa tulong nito, maraming Gentil ang nagkaroon ng paggalang at pagkilala sa relihiyong Judio, at ang ilan ay nakumberte pa nga.e Sa kabilang dako, ang mga Judio ay nabihasa sa kaisipang Griyego at ang iba ay naging pilosopo, bagay na bago sa mga Judio. Ang isang halimbawa ay si Philo ng Aleksandriya noong unang siglo C.E., na nagsikap magpaliwanag ng Judaismo sa termino ng pilosopiyang Griyego, na waring ang dalawa ay naghaharap ng magkaparehong sukdulang katotohanan.
19. Papaano inilalarawan ng isang Judiong autor ang yugto ng paglalahok ng mga kulturang Griyego at Judio?
19 Bilang buod ng yugtong ito ng pagbibigayan ng kulturang Griyego at Judio, ang Judiong autor na si Max Dimont ay nagsabi: “Sa tulong ng kaisipan ni Plato, katuwiran ni Aristotel, at siyensiya ni Euclid, ang mga iskolar na Judio ay nagkaroon ng bagong mga kasangkapan sa pag-aaral ng Torah. . . . Sinimulan nilang idagdag ang katuwirang Griyego sa kapahayagang Judio.” Ang mga pangyayaring magaganap sa ilalim ng pamamahalang Romano, na sumakop sa Imperyong Griyego at saka sa Jerusalem noong 63 B.C.E., ay magbibigay-daan sa higit pang makahulugang mga pagbabago.
Ang Judaismo sa Ilalim ng Roma
20. Ano ang relihiyosong situwasyon ng mga Judio noong unang siglo C.E.?
20 Ang Judaismo noong unang siglo ng Kasalukuyang Panahon ay nasa isang natatanging yugto. Sinabi ni Max Dimont na ito ay naninimbang sa pagitan “ng kaisipan ng Gresya at ng tabak ng Roma.” Matatayog ang mga pag-asang Judio dahil sa pang-aapi ng pamahalaan at pagpapakahulugan sa mga Mesiyanikong hula, lalo na yaong kay Daniel. Nagkabahabahagi ang mga Judio. Ang mga Fariseo ay higit na nagpahalaga sa sali’t-saling sabi (tingnan ang pahina 221) sa halip na sa paghahain sa templo. Idiniin ng mga Saduceo ang halaga ng templo at ng pagkasaserdote. Pagkatapos ay naroon pa ang mga Essene, mga Zealot, at mga Herodiyano. Sila’y pawang magkasalungat sa relihiyon at pilosopiya. Ang mga pinunong Judio ay tinawag na rabbi (panginoon, guro) at dahil sa kaalaman sa Batas, sila ay napatanyag at naging isang bagong uri ng espirituwal na pinuno.
21. Anong mga pangyayari ang lubhang nakaapekto sa mga Judio noong unang dalawang siglo C.E.?
21 Gayunman, ang mga panloob at panlabas na hidwaan ay nagpatuloy sa Judaismo, lalo na sa lupain ng Israel. Sa wakas, sumiklab ang tuwirang paghihimagsik laban sa Roma, at noong 70 C.E., kinubkob ng mga hukbong Romano ang Jerusalem, winasak ang lungsod, sinunog ang templo, at pinangalat ang mga mamamayan. Sa wakas, ang lahat ng mga Judio ay pinalayas sa Jerusalem. Palibhasa walang templo, walang lupain, at ang mga mamamayan ay napangalat sa buong Imperyong Romano, ang Judaismo ay nangailangan ng isang bagong relihiyosong pagkakakilanlan upang ito ay manatiling buhay.
22. (a) Papaano nakaapekto sa Judaismo ang pagkawala ng templo sa Jerusalem? (b) Papaano hinahati ng mga Judio ang Bibliya? (c) Ano ang Talmud, at papaano ito nabuo?
22 Sa pagkawasak ng templo ay naglaho ang mga Saduceo, at ang sali’t-saling sabi ng mga Fariseo ay naging pangunahing palamuti ng isang bago at Rabbinikong Judaismo. Ang mga hain sa templo at paglalakbay-peregrino ay hinalinhan ng mas masusing pag-aaral, panalangin, at mga gawa ng kabanalan. Kaya, ang Judaismo ay naari nang isagawa saanmang dako, anomang panahon, at sa alinmang kultura. Isinulat ng mga rabbi ang mga sali’t-saling sabi, bukod pa sa pagkatha ng mga komentaryo hinggil dito, at pagkatapos ay mga komentaryo tungkol sa mga komentaryo, na kung pagsasamahin ay kilala ngayon bilang ang Talmud.—Tingnan ang kahon, pahina 220-1.
23. Anong bagong pagdidiin ang naganap dahil sa impluwensiya ng kaisipang Griyego?
23 Ano ang ibinunga ng sarisaring impluwensiyang ito? Sinasabi ni Max Dimont sa kaniyang aklat na Jews, God and History na bagaman itinaas ng mga Fariseo ang sulo ng ideolohiya at relihiyong Judio, “ang sulo mismo ay sinindihan ng mga pilosopong Griyego.” Bagaman ang kalakhang bahagi ng Talmud ay lubhang legalistiko, ang mga paglalarawan at paliwanag ay nagpakita ng malinaw na impluwensiya ng pilosopiyang Griyego. Halimbawa, ang mga relihiyosong paniwalang Griyego, gaya ng kaluluwang hindi namamatay, ay ipinahayag sa mga terminong Judio. Tunay na sa bagong Rabbinikong yugtong yaon, ang paggalang sa Talmud—na pinaghalong legalismo at pilosopiyang Griyego—ay lumaganap sa mga Judio hanggang sa, noong mga Edad Medya, ang Talmud ay higit nang iginagalang kaysa sa Bibliya mismo.
Ang Judaismo Noong mga Edad Medya
24. (a) Noong Edad Medya anong dalawang pangunahing komunidad ang lumitaw sa gitna ng mga Judio? (b) Papaano nila naimpluwensiyahan ang Judaismo?
24 Noong mga Edad Medya (humigit-kumulang mula 500 hanggang 1500 C.E.), lumitaw ang dalawang magkaibang pamayanang Judio—ang mga Sephardiko, na umunlad sa ilalim ng pamamahalang Muslim sa Espanya, at ang mga Ashkenazi sa Gitna at Silangang Europa. Ang dalawa ay kapuwa nagluwal ng mga Rabbinikong iskolar na ang katha’t paniwala ay naging saligan ng relihiyosong interpretasyon ng mga Judio hanggang sa ngayon. Kapansinpansin, marami sa mga kaugalian at relihiyosong gawi sa Judaismo ngayon ay talagang nagsimula noong mga Edad Medya.—Tingnan ang kahon, pahina 231.
25. Nang maglaon papaano pinakitunguhan ng Iglesiya Katolika ang mga Judio sa Europa?
25 Noong ika-12 siglo, nagsimula ang pagpapalayas ng mga Judio sa iba’t-ibang bansa. Gaya ng paliwanag ng Judiong manunulat na si Abba Eban sa kaniyang My People—The Story of the Jews: “Sa alinmang bansa . . . na napailalim sa di-mapagparayang impluwensiya ng Iglesiya Katolika, ay parepareho ang istorya: kakilakilabot na kaimbian, pagpapahirap, pagpaslang, at pagpapalayas.” Sa wakas, noong 1492, ang Espanya, na muling napailalim sa Katolisismo, ay gumaya na rin at iniutos ang pagpapalayas sa lahat ng Judiong nasa teritoryo nito. Kaya noong katapusan ng ika-15 siglo, halos sa buong Kanlurang Europa ay napalayas na ang mga Judio, na nagsilikas sa Silangang Europa at mga bansa sa paligid ng Mediteranyo.
26. (a) Ano ang umakay sa pagkasiphayo ng mga Judio? (b) Anong malalaking hidwaan ang lumitaw sa gitna ng mga Judio?
26 Sa daandaang taon ng pang-aapi at pag-uusig, ay lumitaw sa iba’t-ibang bahagi ng daigdig ang maraming nag-aangking Mesiyas, na kahit papaano ay tumanggap ng pagkilala ng mga Judio, subalit pawang naging kabiguan. Pagsapit ng ika-17 siglo, kinailangan ang bagong pagsisikap upang pasiglahing-muli ang mga Judio at iligtas sila sa madilim na yugtong ito. Noong kalagitnaan ng ika-18 siglo, lumitaw ang lunas sa pagkasiphayo ng mga Judio. Ito ay ang Hasidismo (tingnan ang kahon, pahina 226), pinaglahok na mistisismo at relihiyosong kagalakan na ipinapahayag sa araw-araw na debosyon at gawain. Kabaligtaran nito, nang panahon ding yaon, ang pilosopong si Moses Mendelssohn, isang Judiong Aleman, ay nag-alok ng ibang solusyon, ang daan ng Haskala, o pagiging-naliwanagan, na umakay sa itinuturing ngayon na “Modernong Judaismo.”
Mula sa “Pagiging-Naliwanagan” tungo sa Zionismo
27. (a) Papaano naimpluwensiyahan ni Moses Mendelssohn ang saloobing Judio? (b) Bakit tinanggihan ng maraming Judio ang pag-asa sa personal na Mesiyas?
27 Ayon kay Moses Mendelssohn (1729-86), ang mga Judio ay tatanggapin kung iiwan nila ang pagbabawal ng Talmud at aayon sila sa kultura ng Kanluran. Noong kaarawan niya, isa siya sa mga Judio na lubhang iginagalang ng mga Gentil. Subalit, dahil sa muling pagsiklab ng mararahas na anti-Semitismo noong ika-19 na siglo, lalo na sa “Kristiyanong” Rusya, ay naunsiyami ang pag-asa ng mga tagasunod, at marami ang naghanap ng makapolitikang kanlungan para sa mga Judio. Tinanggihan nila ang paniwala sa personal na Mesiyas na aakay sa mga Judio pabalik sa Israel at sa halip ay nagsikap sila na magtayo ng isang Estadong Judio sa ibang paraan. Ayon sa isang autoridad ang naging konsepto ng Zionismo ay: “gawing politikal . . . ang Judiong mesiyanismo.”
28. Anong mga pangyayari sa ika-20 siglo ang nakaapekto sa mga saloobing Judio?
28 Ang paglipol sa humigit-kumulang anim na milyong Judiong Europeano sa Holocaust na inilunsad ng mga Nazi (1935-45) ay nagbigay sa Zionismo ng puwersa at umani ng simpatiya ng buong daigdig. Natupad ang pangarap ng Zionismo noong 1948 nang maitatag ang Estado ng Israel, na naghatid sa atin sa makabagong Judaismo at sa tanong na, Ano ang pinaniniwalaan ng makabagong mga Judio?
Ang Diyos ay Iisa
29. Sa payak na pananalita, ano ang makabagong Judaismo? (b) Papaano ipinapahayag ang pagkakakilanlang Judio? (c) Ano ang ilan sa mga kapistahan at kaugaliang Judio?
29 Sa payak na pananalita, ang Judaismo ay relihiyon ng isang bansa. Kaya, ang isang nakumberte ay nagiging bahagi ng bansang Judio at gayon din ng relihiyong Judio. Sa pinakamahigpit na kahulugan ito ay monoteyistiko at naniniwala sila na ang Diyos ay nakikialam sa kasaysayan ng tao, lalo na may kinalaman sa mga Judio. Sa pagsambang Judio ay kasangkot ang mga taunang kapistahan at sarisaring kaugalian. (Tingnan ang kahon, pahina 230-l.) Bagaman walang mga kredo o turo na tinatanggap ng lahat ng Judio, ang pagpapahayag sa pagiging-iisa ng Diyos na isinasaad sa Shema, panalangin na nasasalig sa Deuteronomio 6:4 (JP), ay bumubuo sa mahalagang bahagi ng pagsamba sa sinagoga: “DINGGIN, O ISRAEL: ANG PANGINOON NATING DIYOS, ANG PANGINOON AY IISA.”
30. (a) Ano ang unawa ng mga Judio hinggil sa Diyos? (b) Papaano salungat sa Sangkakristiyanuhan ang pangmalas ng Judio sa Diyos?
30 Ang paniwala sa iisang Diyos ay minana ng Kristiyanismo at Islām. Ayon sa rabbing si Dr. J. H. Hertz: “Ang sukdulang kapahayagang ito ng ganap na monoteyismo ay deklarasyon ng pakikidigma sa politeyismo . . . Sa paraan ding ito, itinatakwil ng Shema ang trinidad ng kredong Kristiyano bilang pagsalungat sa Pagiging-Isa ng Diyos.”f Subalit balikan natin ngayon ang paniwalang Judio tungkol sa kabilang-buhay.
Kamatayan, Kaluluwa, at Pagkabuhay-na-Muli
31. (a) Papaano napalakip sa turong Judio ang doktrina ng kaluluwang hindi namamatay? (b) Anong suliranin ang ibinangon ng turo ng kaluluwang hindi namamatay?
31 Isang saligang paniwala ng makabagong Judaismo ay na ang tao ay may kaluluwang hindi namamatay na nananatili pagkamatay ng katawan. Subalit nagmumula ba ito sa Bibliya? Tapatang inaangkin ng Encyclopaedia Judaica: “Ang doktrina ng kaluluwang hindi namamatay ay malamang na pumasok sa Judaismo sa ilalim ng impluwensiyang Griyego.” Gayunman, nagbangon ito ng suliranin sa doktrina, gaya ng binabanggit din ng reperensiyang ito: “Ang totoo’y magkasalungat ang paniwala sa pagkabuhay-na-muli at sa kaluluwang di namamatay. Ang isa ay tumutukoy sa sabay-sabay na pagkabuhay-na-muli sa katapusan ng panahon, a[lalaong]. b[aga]., na ang mga patay na natutulog sa lupa ay babangon sa libingan, samantalang ang isa ay tumutukoy sa kalagayan ng kaluluwa pagkamatay ng katawan.” Papaano nilutas ng teolohiyang Judio ang suliraning ito? “Di-umano kapag namatay ang indibiduwal ang kaluluwa nito ay nananatili pa ring buháy sa ibang dako (umakay ito sa iba’t-ibang paniwala hinggil sa langit at impiyerno) samantalang ang katawan ay nakahimlay sa libingan at naghihintay ng pisikal na pagkabuhay-na-muli ng lahat ng patay na nasa lupa.”
32. Ano ang sinasabi ng Bibliya hinggil sa mga patay?
32 Sumulat ang tagapagpahayag sa unibersidad na si Arthur Hertzberg: “Sa Bibliya[ng Hebreo] mismo ang dakong ginagalawan ng buhay ng tao ay ang daigdig na ito. Walang doktrina ng langit o impiyerno, kundi ang pasulong na paniwala sa sukdulang pagkabuhay-na-muli ng mga patay sa katapusan ng mga araw.” Ito ay isang payak at wastong paliwanag sa konsepto ng Bibliya, alalaong baga, na “ang patay ay walang nalalaman . . . Sapagkat walang gawa, ni katuwiran, ni kaalaman, ni karunungan man sa Sheol [karaniwang libingan ng tao], na iyong pinatutunguhan.”—Eclesiastes 9:5, 10; Daniel 12:1, 2; Isaias 26:19.
33. Papaano unang minalas ng mga Judio ang doktrina ng pagkabuhay-na-muli?
33 Ayon sa Encyclopaedia Judaica, “Noong panahong rabbiniko ang pagkabuhay-na-muli ng mga patay ay itinuturing na isa sa mga saligang doktrina ng Judaismo” at “dapat ibukod sa paniwala sa . . . kawalang-kamatayan ng kaluluwa.”g Subalit, sa ngayon, ang kawalang-kamatayan ng kaluluwa ay tinatanggap ng lahat ng sekta ng Judaismo, ngunit ang pagkabuhay-na-muli ng mga patay ay hindi.
34. Kabaligtaran ng sa Bibliya, papaano inilalarawan ng Talmud ang kaluluwa? Ano ang ikinomento ng mga sumunod na manunulat?
34 Kung ihahambing sa Bibliya, ang Talmud, na naimpluwensiyahan ng Hellenismo, ay lipos ng mga paliwanag at kuwento at pati ng mga paglalarawan sa kaluluwang hindi namamatay. Ang Kabbala, mahiwagang babasahing Judio, ay mas masahol pa dahil nagtuturo ito ng reinkarnasyon (pagpapalipatlipat ng mga kaluluwa), na ang totoo’y isang sinaunang turong Hindu. (Tingnan ang Kabanata 5.) Sa Israel ngayon, marami ang tumatanggap nito bilang turong Judio, at may mahalagang papel din ito sa mga paniwala at babasahing Hasidiko. Halimbawa, sa kaniyang aklat na Tales of the Hasidim—The Later Masters ay inilalakip ni Martin Buber ang isang kuwento mula kay Elimelekh, isang rabbi sa Lizhensk, tungkol sa kaluluwa: “Sa Araw ng Katubusan, kapag sinasambit ni Rabbi Abraham Yehoshua ang Avodah, panalangin na umuulit sa paglilingkod ng mataas na saserdote sa Templo sa Jerusalem, at dumating siya sa talatang: ‘Sa gayo’y nagsalita siya,’ hindi ito ang sasabihin niya, kundi: ‘Sa gayo’y nagsalita ako.’ Sapagkat hindi niya nakalimutan na noong una ang kaluluwa niya ay nasa katawan ng mataas na saserdote sa Jerusalem.”
35. (a) Ano ang naging katayuan ng Repormadong Judaismo sa turo ng kaluluwang hindi namamatay? (b) Ano ang malinaw na turo ng Bibliya hinggil sa kaluluwa?
35 Ang Repormadong Judaismo ay naging masahol pa dahil sa pagtanggi sa pagkabuhay-na-muli. Palibhasa’y inalis ang salitang ito sa mga aklat-dasalan ng Reporma, naniniwala lamang sila sa kaluluwang hindi namamatay. Subalit napakaliwanag ang turo ng Bibliya sa Genesis 2:7: “Nilalang ng PANGINOONG Diyos ang tao mula sa alabok ng lupa, at hiningahan ang kaniyang mga ilong ng hininga ng buhay; at ang tao ay naging isang kaluluwang buhay.” (JP) Ang pagsasama ng katawan at espiritu, o puwersa-ng-buhay, ay bumubuo ng “isang kaluluwang buhay.”h (Genesis 2:7; 7:22; Awit 146:4) Kabaligtaran, kapag namamatay ang isang makasalanan, namamatay ang kaluluwa. (Ezekiel 18:4, 20) Kaya, kapag namatay, ang tao ay humihinto sa may-malay na pag-iral. Ang kaniyang puwersa-ng-buhay ay bumabalik sa Diyos na nagkaloob nito. (Eclesiastes 3:19; 9:5, 10; 12:7) Ayon sa Bibliya ang tunay na pag-asa ng patay ay ang pagkabuhay-na-muli—Hebreo: techi·yathʹ ham·me·thimʹ, o “panunumbalik ng namatay.”
36, 37. Noong panahon ng Bibliya ano ang paniwala ng tapat na mga Hebreo hinggil sa hinaharap na buhay?
36 Bagaman ang konklusyong ito ay maaaring makagitla maging sa mga Judio, ang pagkabuhay-na-muli ang tiyak na pag-asa ng mga mananamba ng tunay na Diyos sa nakalipas na libulibong taon. Mga 3,500 taon na ngayon, umasa ang tapat, naghihirap na si Job na siya ay ibabangon ng Diyos mula sa Sheol, o libingan. (Job 14:14, 15) Tiniyak din kay propeta Daniel na siya ay ibabangon “sa katapusan ng mga araw.”—Daniel 12:2, 12 (13, JP; NW).
37 Walang saligan sa Kasulatan sa pagsasabi na ang tapat na mga Hebreo ay naniwala na sila’y may kaluluwang hindi namamatay na sumasa kabilang-buhay. Maliwanag na sila ay may sapat na dahilan upang maniwala na ang Soberanong Panginoon, na bumibilang at sumusupil sa mga bituin sa langit, ay makakaalaala rin sa kanila sa pagkabuhay-na-muli. Naging tapat sila sa kaniya at sa kaniyang pangalan. Magiging tapat din siya sa kanila.—Awit 18:26 (Aw 18:25, NW); Aw 147:4; Isaias 25:7, 8; 40:25, 26.
Judaismo at ang Pangalan ng Diyos
38. (a) Sa paglipas ng mga dantaon ano ang nangyari sa paggamit ng pangalan ng Diyos? (b) Saan nasasalig ang pangalan ng Diyos?
38 Itinuturo ng Judaismo na bagaman ang pangalan ng Diyos ay umiiral sa nasusulat na anyo, napakabanal nito upang sambitin.i Kaya, sa nakalipas na 2,000 taon, ay nakalimutan ang wastong bigkas nito. Ngunit hindi laging ganito ang paninindigang Judio. Mga 3,500 taon na ngayon, ang Diyos ay nakipag-usap kay Moises, at nagsabi: “Ganito ang sasabihin mo sa mga Israelita: Ang PANGINOON [Hebreo: יהוה, YHWH], Diyos ng iyong mga magulang, Diyos ni Abraham, Diyos ni Isaac, at Diyos ni Jacob, ang nagsugo sa akin: Ito ang Aking pangalan magpakailanman, ito ang Aking katawagan sa panahong walang-hanggan.” (Exodo 3:15; Awit 135:13) Ano ang pangalan at katawagang yaon? Sinasabi ng talababa sa Tanakh: “Ang pangalang YHWH (na ayon sa tradisyon ay binabasa na Adonai “ang PANGINOON”) ay iniuugnay sa ugat na hayah ‘maging.’” Kaya, narito ang banal na pangalan ng Diyos, ang Tetragramaton, ang apat na katinig Hebreo na YHWH (Yahweh) na sa anyong Latin ay nakilala sa loob ng maraming dantaon bilang JEHOVAH sa Ingles.
39. (a) Bakit mahalaga ang banal na pangalan? (b) Bakit huminto ang mga Judio sa pagbigkas ng banal na pangalan?
39 Mula’t sapol, ang mga Judio ay nag-ukol ng dakilang pagpapahalaga sa personal na pangalan ng Diyos, bagaman ang pagdiriin sa paggamit nito ay lubhang nabago mula noong sinauna. Sinasabi nga ni Dr. A. Cohen sa Everyman’s Talmud: “Iniukol ang pantanging pagpipitagan sa ‘namumukod-tanging Pangalan’ (Shem Hamephorash) ng Diyos na ipinahayag Niya sa bansang Israel, a.b. ang tetragramaton, JHVH.” Ang banal na pangalan ay sinamba sapagkat ito ay kumatawan at naglarawan sa mismong persona ng Diyos. Isa pa, Diyos mismo ang nagpahayag ng kaniyang pangalan at sinabi sa kaniyang mga mananamba na gamitin ito. Idiniriin ito ng paglitaw ng pangalan sa Bibliyang Hebreo nang 6,828 beses. Gayunman, nadarama ng tapat na mga Judio na kawalang-galang ang bumigkas sa personal na pangalan ng Diyos.j
40. Ano ang sinabi ng ilang Judiong autoridad hinggil sa paggamit ng banal na pangalan?
40 Hinggil sa sinaunang rabbinikong (hindi maka-Biblikong) pagbabawal sa pagbigkas ng pangalan, si A. Marmorstein, isang rabbi, ay sumulat sa kaniyang aklat na The Old Rabbinic Doctrine of God: “May panahon na ang ganitong pagbabawal [sa paggamit ng banal na pangalan] ay talagang wala sa mga Judio . . . Maging sa Ehipto, o sa Babilonya, ay hindi nakilala o iningatan ng mga Judio ang isang batas na nagbabawal sa paggamit ng pangalan ng Diyos, ang Tetragramaton, sa karaniwang pag-uusap o pagbati. Ngunit, mula noong ikatlong siglo B.C.E. hanggang ikatlong siglo A.C.E. ay umiral at manakanakang sinunod ang ganitong pagbabawal.” Hindi lamang ipinahintulot ang paggamit ng pangalan noong unang panahon kundi, ayon kay Dr. Cohen: “May panahon pa nga na pinasigla ang malaya at hayagang paggamit ng Pangalan maging sa gitna ng karaniwang mga tao . . . Naimungkahi na ito ay dahil sa hangarin na maitangi ang isang Israelita mula sa isang [hindi Judio].”
41. Ayon sa isang rabbi, anong mga impluwensiya ang umakay sa pagbabawal sa pangalan ng Diyos?
41 Ano, kung gayon, ang sanhi ng pagbabawal sa banal na pangalan? Sumasagot si Dr. Marmorstein: “Ang alituntunin ng hindi pagbigkas sa Tetragramaton sa Santuwaryo [templo sa Jerusalem] ay sinimulan at itinatag ng Hellenistikong [impluwensiyang-Griyegong] pagsalansang sa relihiyon ng mga Judio, at ng apostasya ng mga saserdote at mahal na tao.” Sa labis na sigasig na iwasan ang walang-kabuluhang pagbigkas sa pangalan, lubusan nilang sinugpo ang paggamit nito at pinahina at pinalabo ang pagkakakilanlan ng tunay na Diyos. Dahil sa panggigipit ng relihiyosong pagsalansang at ng apostasya, ang banal na pangalan ay napabayaan na ng mga Judio.
42. Ano ang ipinakikita ng ulat ng Bibliya hinggil sa paggamit ng banal na pangalan?
42 Gayunman, ayon sa sinasabi ni Dr. Cohen: “Noong panahon ng Bibliya tila man din hindi ipinagbawal ang paggamit [ng banal na pangalan] sa araw-araw na usapan.” Ang patriarkang si Abraham ay “nanawagan sa pangalan ng PANGINOON.” (Genesis 12:8) Karamihan ng manunulat ng Bibliyang Hebreo ay may kalayaan subalit may pagpipitagang gumamit ng pangalan hanggang sa panahong isulat ang Malakias noong ikalimang siglo B.C.E.—Ruth 1:8, 9, 17.
43. (a) Ano ang maliwanag na ipinakikita ng paggamit ng mga Judio sa banal na pangalan? (b) Ano ang isang di-tuwirang epekto ng pag-iwas ng mga Judio sa banal na pangalan?
43 Sagana ang patotoo na ang sinaunang mga Hebreo ay gumamit at bumigkas sa banal na pangalan. Inaamin ni Marmorstein ang pagbabagong naganap nang dakong huli: “Noong unang kalahatian ng ikatlong siglo [B.C.E.], isang malaking pagbabago ang mapapansin sa paggamit ng pangalan ng Diyos, na nagbunga ng malalaking pagbabago sa teolohiya at pilosopiyang Judio, anupat ang mga impluwensiya nito ay nadarama pa rin hanggang sa ngayon.” Isa sa mga epekto ng paglimot sa pangalan ay na lalong napadali ng Sangkakristiyanuhan ang pagbuo sa doktrina ng Trinidad dahil sa teolohikal na guwang na likha ng ideya ng isang Diyos na di-kilala.k—Exodo 15:1-3.
44. Ano pa ang ilang epekto ng pagsugpo sa pangalan ng Diyos?
44 Ang pagtanggi sa banal na pangalan ay nagpapahina sa pagsamba sa tunay na Diyos. Sinabi ng isang komentarista: “Sayang, ngunit sa pagtukoy sa Diyos bilang ‘ang Panginoon,’ ang parirala, bagaman wasto, ay nagiging malamig at walang sigla . . . Dapat tandaan na sa pagsasalin ng YHWH o Adonay bilang ‘ang Panginoon’ maraming talata sa Matandang Tipan ang nabibigyan ng malabo, pormal at malayong kahulugan na ibang-iba sa orihinal na teksto.” (The Knowledge of God in Ancient Israel) Nakalulungkot matuklasan na ang dakila at makahulugang pangalan na Yahweh, o Jehova ay wala sa maraming salin ng Bibliya gayong maliwanag na libulibong beses itong lumilitaw sa orihinal na tekstong Hebreo!—Isaias 43:10-12.
Hinihintay Pa Ba ng mga Judio ang Mesiyas?
45. Ano ang saligan sa Bibliya ng paniniwala sa Mesiyas?
45 Sa nakalipas na 2,000 taon maraming hula sa mga Hebreong Kasulatan ang pinaglagakan ng mga Judio ng kanilang pag-asang Mesiyaniko. Ipinahiwatig ng Ikalawang Samuel 7:11-16 na ang Mesiyas ay manggagaling sa hanay ni David. Inihula ng Isaias 11:1-10 na magdudulot siya ng katuwiran at kapayapaan sa buong sangkatauhan. Ibinigay ng Daniel 9:24-27 ang kronolohiya ukol sa paglitaw at pagkamatay ng Mesiyas.
46, 47. (a) Anong uri ng Mesiyas ang inasahan ng mga Judio na sakop ng Roma? (b) Anong pagbabago ang naganap sa pag-asang Judio hinggil sa Mesiyas?
46 Gaya ng paliwanag ng Encyclopaedia Judaica, noong unang siglo ay napakatayog ang mga pag-asang Mesiyaniko. Inasahan na ang Mesiyas ay magiging “isang nakabibighaning inapo ni David na ayon sa paniwala ng mga Judio noong panahong Romano ay ibabangon ng Diyos upang baliin ang pamatok ng mga pagano at upang mamahala sa isinauling kaharian ng Israel.” Gayunman, hindi dumating ang militanteng Mesiyas na inaasahan ng mga Judio.
47 Subalit, gaya ng sinasabi ng The New Encyclopædia Britannica, ang Mesiyanikong pag-asa ay naging mahalaga sa pagbubuklod sa mga Judio sa panahon ng kanilang mga pagsubok: “Sa malawak na antas, tiyak na ang pananatili ng Judaismo ay utang nito sa matatag na pag-asa sa mesiyanikong pangako at kinabukasan.” Ngunit sa paglitaw ng makabagong Judaismo sa pagitan ng ika-18 at ika-19 na siglo, maraming Judio ang huminto sa kanilang tahimik na paghihintay sa Mesiyas. Sa wakas, dahil sa Holocaust ng mga Nazi, marami ang nawalan ng pasensiya at pag-asa. Nadama nila na ang Mesiyanikong mensahe ay isang sagabal kaya itinuring na lamang nila ito na isang bagong panahon ng kasaganaan at kapayapaan. Mula noon, bukod sa iilan, karamihan ng Judio ay hindi na masasabing naghihintay ng isang personal na Mesiyas.
48. Anong mga tanong ang makatuwirang maibabangon hinggil sa Judaismo?
48 Nagbabangon ng malulubhang suliranin ang pagbabagong ito tungo sa isang relihiyong di-Mesiyaniko. Nagkamali ba ang Judaismo dahil sa libulibong taon silang umasa na ang Mesiyas ay isang indibiduwal? Aling anyo ng Judaismo ang tutulong sa paghahanap sa Diyos? Yaon ba’y ang sinaunang Judaismo na napapalamutian ng mga pilosopiyang Griyego? O ito ba’y isa sa walang-Mesiyas na Judaismo na bumangon sa nakalipas na 200 taon? O may iba pa bang landas na matapat at wastong nag-iingat ng Mesiyanikong pag-asa?
49. Anong paanyaya ang ipinaaabot sa taimtim na mga Judio?
49 Sa pagsasa-isip ng mga tanong na ito, iminumungkahi namin sa tapat-pusong mga Judio na suriing-muli ang paksa hinggil sa Mesiyas at imbestigahin ang mga pag-aangkin hinggil kay Jesus ng Nazaret, hindi ayon sa paglalarawan ng Sangkakristiyanuhan, kundi ayon sa paghaharap ng mga Judiong manunulat ng mga Griyegong Kasulatan. Malaki ang pagkakaiba ng dalawang ito. Ang mga relihiyon ng Sangkakristiyanuhan ay tumulong sa pagtanggi ng mga Judio kay Jesus dahil sa kanilang di-maka-Biblikong doktrina ng Trinidad, na talagang hindi matatanggap ng sinomang Judio na nagpapahalaga sa dalisay na turo na “ANG PANGINOON NA ATING DIYOS, ANG PANGINOON AY IISA.” (Deuteronomio 6:4, JP) Kaya, inaanyayahan namin kayo na basahin ang susunod na kabanata nang may bukas na isipan upang makilala ang Jesus ng mga Griyegong Kasulatan.
[Mga talababa]
a Ihambing ang Genesis 5:22-24, New World Translation of the Holy Scriptures—With References, pangalawang talababa sa talata Gen 5:22.
b Malibang tukuyin, ang lahat ng pagsipi sa kabanatang ito ay mula sa makabagong (1985) Tanakh, A New Translation of the Holy Scriptures, salin ng mga iskolar ng The Jewish Publication Society.
c Ang kronolohiyang ito ay salig sa autoridad ng teksto ng Bibliya. (Tingnan ang aklat na “All Scripture Is Inspired of God and Beneficial,” lathala ng Watchtower Bible and Tract Society of N.Y., Inc., Study 3, “Measuring Events in the Stream of Time.”)
d Ayon kay Yoseph ben Mattityahu (Flavius Josephus), unang-siglong mananalaysay-Judio, pagdating ni Alehandro sa Jerusalem, binuksan ng mga Judio ang mga pintuang-bayan at ipinakita sa kaniya ang hula sa aklat ni Daniel na nasulat 200 taon patiuna at buong-linaw na naglalarawan sa mga pananakop ni Alehandro bilang ‘Hari ng Gresya.’—Jewish Antiquities, Aklat XI, Kabanata VIII 5; Daniel 8:5-8, 21.
e Noong panahon ng mga Macabeo (mga Hasmoneano, mula 165 hanggang 63 B.C.E.), pinilit ng mga pinunong Judio na gaya ni John Hyrcanus na gumawa ng lansakang pagkumberte sa Judaismo sa pamamagitan ng panlulupig. Kapansinpansin na sa pasimula ng Kasalukuyang Panahon (Common Era), ay naging Judio ang 10 porsiyento ng daigdig-Mediteranyo. Ito ay maliwanag na nagpapakita sa bisa ng pangungumberteng Judio.
f Ayon sa The New Encyclopædia Britannica: “Ang kredo ng trinidad . . . ay nagtatangi sa Kristiyanismo mula sa dalawa pang klasikal na monoteyistikong relihiyon [Judaismo at Islām].” Ang Trinidad ay binuo ng simbahan bagaman “ang Bibliya ng mga Kristiyano ay walang tuwirang trinitaryanong mga pag-aangkin hinggil sa Diyos.”
g Bukod sa autoridad ng Bibliya, itinuro ito sa Mishnah (Sanhedrin 10:1) bilang artikulo ng pananampalataya at naging kahulihulihan sa 13 prinsipyo ng pananampalataya ni Maimonides. Hanggang sa ika-20 siglo, ang pagtanggi sa pagkabuhay-na-muli ay itinuring na erehiya.
h “Hindi sinasabi ng Bibliya na tayo ay may kaluluwa. Ang ‘nefesh’ ay ang tao mismo, ang pangangailangan niya ng pagkain, ang mismong dugo na nasa kaniyang ugat, ang kaniyang pag-iral.”—Dr. H. M. Orlinsky ng Hebrew Union College.
i Tingnan ang Exodo 6:3, na doon ang Hebreong Tetragramaton ay lumilitaw sa tekstong Ingles sa saling Tanakh ng Bibliya.
j Sinasabi ng Encyclopaedia Judaica: “Ang pag-iwas sa pagbigkas ng pangalang YHWH . . . ay udyok ng maling unawa sa Ikatlong Utos (Exo. 20:7; Deut. 5:11) upang mangahulugan ng ‘Huwag mong gagamitin ang pangalan ni YHWH na iyong Diyos sa walang kabuluhan,’ samantalang ang talagang kahulugan ay ‘Huwag kang susumpa nang may kabulaanan sa pangalan ni YHWH na iyong Diyos.’ ”
k Sinasabi ni George Howard, katulong na propesor ng relihiyon at Hebreo sa Pamantasan ng Georgia: “Sa paglipas ng panahon, ang dalawang persona [ang Diyos at si Kristo] ay lalong pinag-isa hanggang sa halos ay hindi na makilala ang kaibahan ng dalawa. Kaya marahil ang pag-aalis ng Tetragramaton ay nakatulong nang malaki sa Kristolohikal at Trinitaryanong mga debate na sumalot sa simbahan noong unang mga dantaon. Anoman ang dahilan, ang pag-alis ng Tetragramaton ay malamang na nakalikha ng isang teolohiya na naiiba sa umiiral noong panahon ng Bagong Tipan ng unang siglo.”—Biblical Archaeology Review, Marso 1978.
[Blurb sa pahina 217]
Ang mga Judiong Sephardiko at Ashkenazi ay bumuo ng dalawang komunidad
[Kahon/Larawan sa pahina 211]
Sampung Utos sa Pagsamba at Paggawi
Milyunmilyon ang nakarinig ng Sampung Utos, ngunit kakaunti ang nakabasa nito. Kaya, inilalathala namin ang kalakhang bahagi ng teksto nito.
▪ “Huwag kang magkakaroon ng ibang diyos liban sa Akin.
▪ “Huwag kang gagawa sa ganang iyo ng larawang inukit, o alinmang wangis ng bagay na nasa langit sa itaas, o sa lupa sa ibaba, o sa tubig na nasa ilalim ng lupa. Huwag mong yuyukuran ni pagliligkuran ang mga ito. . . . [Sa maagang petsang ito, 1513 B.C.E., natatangi ang utos na ito dahil sa pagtanggi sa idolatriya.]
▪ “Huwag kang susumpa nang may kabulaanan sa pangalan ng PANGINOON [Hebreo: יהוה] mong Diyos . . .
▪ “Alalahanin ang araw ng sabbath at pakabanalin ito. . . . Binasbasan at pinaging-banal ng PANGINOON ang araw ng sabbath.
▪ “Igalang mo ang iyong ama at ina . . .
▪ “Huwag kang papatay.
▪ “Huwag kang mangangalunya.
▪ “Huwag kang magnanakaw.
▪ “Huwag kang sasaksi nang hindi totoo laban sa iyong kapuwa.
▪ “Huwag mong iimbutin ang bahay . . . asawa . . . aliping lalaki o babae ng iyong kapuwa . . . ni ang kaniyang asno, o alinmang kaniya.”—Exodo 20:3-14.
Bagaman ang unang apat na utos lamang ang tuwirang kaugnay ng relihiyosong paniwala at pagsamba, ipinakita ng iba pang utos ang kaugnayan ng wastong paggawi sa wastong pakikipag-ugnayan sa Maylikha.
[Larawan]
Sa kabila ng natatanging batas mula sa Diyos, ginaya ng Israel ang mga paganong sumasamba sa baka (Gintong guya, Byblos)
[Kahon/Mga larawan sa pahina 220, 221]
Mga Banal na Kasulatang Hebreo
Ang mga banal na kasulatang Hebreo ay nagsimula sa “Tanakh.” Ang pangalang “Tanakh” ay mula sa tatlong bahagi ng Bibliyang Judio sa Hebreo : Torah (Batas), Nevi’im (Mga Propeta), at Kethuvim (Mga Kasulatan), na gumagamit ng unang titik ng bawat seksiyon upang bumuo ng salitang TaNaKh. Ang mga aklat na ito ay isinulat sa Hebreo at Aramaiko mula noong ika-16 na siglo hanggang ika-5 siglo B.C.E.
Naniwala ang mga Judio na ang mga ito ay isinulat sa iba’t-iba at pababang antas ng pagkasi. Kaya pinagsunudsunod nila ito ayon sa halaga:
Torah—ang limang aklat ni Moises, o Pentateuko (Griyego para sa “limang balumbon”), ang Batas, na binubuo ng Genesis, Exodo, Levitico, Bilang, at Deuteronomio. Gayunman, ang katagang “Torah” ay tumutukoy din sa Bibliyang Judio sa kabuoan at pati na sa sali’t-saling sabi at sa Talmud (tingnan ang susunod na pahina).
Nevi’im—ang Mga Propeta, mula Josue hanggang sa pangunahing mga propeta, ang Isaias, Jeremias, at Ezekiel, at saka sa 12 “maliliit” na propeta mula Oseas hanggang Malakias.
Kethuvim—ang Mga Kasulatan, binubuo ng mga tula, Mga Awit, Kawikaan, Job, Awit ng mga Awit, at Panaghoy. Sumasaklaw din ito sa Ruth, Eclesiastes, Ester, Daniel, Ezra, Nehemias, at Una at Ikalawang Cronica.
Ang Talmud
Sa pangmalas ng mga Gentil, ang “Tanakh,” o Bibliyang Judio, ang pinakamahalagang kasulatang Judio. Gayunman, naiiba ang pangmalas ng mga Judio. Maraming Judio ang sasang-ayon sa komento ni Adin Steinsaltz, isang rabbi: “Kung Bibliya ang batong panulok ng Judaismo, ang Talmud ang siyang panggitnang haligi, na pumapaitaas mula sa mga pundasyon at umaalalay sa buong espirituwal at intelektuwal na gusali . . . Walang ibang katha ang nagkaroon ng gayon kalaking impluwensiya sa teoriya at pagsasakatuparan ng buhay-Judio.” (The Essential Talmud) Ano, kung gayon, ang Talmud?
Sa paniwala ng mga ortodoksong Judio hindi lamang ibinigay ng Diyos kay Moises sa Bundok Sinai ang nasusulat na batas, o Torah, kundi inihayag din sa kaniya ng Diyos ang tiyak na paliwanag sa pagtupad ng Batas na yaon, at ang mga ito ay dapat isalin nang bibigan. Tinawag ito na sali’t-saling sabi. Kaya, ang Talmud ay ang nasusulat na kabuoan, na dinagdagan ng mga komentaryo at paliwanag, sa sali’t-saling sabing yaon, na tinipon ng mga rabbi mula noong ikalawang siglo C.E. hanggang sa mga Edad Medya.
Ang Talmud ay nahahati sa dalawang pangunahing seksiyon:
Ang Mishnah: Isang koleksiyon ng mga komentaryo na idinagdag sa Makakasulatang Batas, salig sa mga paliwanag ng mga rabbi na kung tawagi’y Tannaim (mga guro). Ito ay napasulat noong katapusan ng ikalawa at pasimula ng ikatlong siglo C.E.
Ang Gemara (sa simula’y tinawag na Talmud): Isang koleksiyon ng mga komentaryo tungkol sa Mishnah mula sa mga rabbi ng huling yugto (ikatlo hanggang ikaanim na siglo C.E.).
Bukod sa dalawang pangunahing bahagi, ang Talmud ay maaari ding maglaman ng mga komentaryo sa Gemara na ginawa ng mga rabbi noong mga Edad Medya. Tanyag rito sina rabbi Rashi (Solomon ben Isaac, 1040-1105), na gumawang mas malinaw sa masalimuot ng wika ng Talmud, at si Rambam (Moses ben Maimon, higit na kilala bilang si Maimonides, 1135-1204), na nagsaayos-muli sa Talmud upang maging isang salin na maikli ngunit malaman (“Misneh Torah”), sa gayo’y mauunawaan ng lahat ng Judio.
[Mga larawan]
Ibaba, sinaunang Torah mula sa Puntod ni Ester, Iran; kanan, Hebreo at Yiddish na aklat-awitan ng papuri salig sa maka-Kasulatang mga talata
[Kahon/Mga larawan sa pahina 226, 227]
Judaismo—Relihiyon na Maraming Tinig
Malaki ang pinagkaiba ng sarisaring sekta ng Judaismo. Ayon sa kaugalian, ang Judaismo ay nagdiriin ng relihiyosong paggawa. Ang pagtatalo sa mga bagay na ito, sa halip na sa mga paniwala, ay lumikha ng malubhang igtingan sa gitna ng mga Judio at umakay sa pagkabuo ng tatlong pangunahing dibisyon sa Judaismo.
ORTODOKSONG JUDAISMO—Ang sangay na ito ay hindi lamang tumatanggap sa Hebreong “Tanakh” bilang kinasihang Kasulatan kundi naniniwala rin na ang sali’t-saling sabi at ang nasusulat na Batas ay sabay na tinanggap ni Moises mula sa Diyos sa Bundok Sinai. Mahigpit na iniingatan ng mga Ortodoksong Judio ang dalawang batas na ito. Naniniwala sila na darating ang Mesiyas at ihahatid ang Israel sa isang ginintuang panahon. Dahil sa pagkakaiba ng opinyon sa loob ng grupong Ortodokso, sarisaring sekta ang bumangon. Ang isa ay ang Hasidismo.
Hasidim (Chasidim, nangangahulugang “ang maka-diyos”)—Kilala sa labis-labis na pagka-ortodokso. Itinatag ni Israel ben Eliezer, kilala bilang Ba‛al Shem Tov (“Panginoon ng Mabuting Pangalan”), noong kalagitnaang ng ika-18 siglo sa Silangang Europa, sumusunod sila sa turo na nagtatampok sa tugtugin at sayaw na pumupukaw ng mahiwagang kagalakan. Marami sa paniwala nila, gaya ng reinkarnasyon, ay salig sa mga mahiwagang aklat-Judio na kilala bilang Kabbala (Cabala). Sa ngayon sila ay pinangungunahan ng mga rebbe (salitang Yiddish para sa “rabbi”), o zaddikim, na sa tingin ng kanilang mga tagasunod ay mga taong labis-labis ang pagiging-matuwid o santo.
Ang mga Hasidim ngayon ay masusumpungan pangunahin na sa Estados Unidos at Israel. Nagsusuot sila ng isang partikular na estilo ng kasuotan mula sa ika-18 at -19 na siglo sa Silangang Europa, karaniwan na’y itim, kaya madali silang makilala, lalo na sa isang makabagong lungsod. Nababahagi sila ngayon sa mga sekta na sumusunod sa iba’t-ibang prominenteng rebbe. Isang grupo na napaka-aktibo ay ang Lubavitchers, na masugid na nangungumberte sa mga Judio. Naniniwala ang ilang grupo na ang Mesiyas lamang ang may karapatan na magsauli sa Israel bilang bansa ng mga Judio kaya salungat sila sa sekular na Estado ng Israel.
REPORMADONG JUDAISMO (kilala rin bilang “Liberal” at “Progresibo”)—Ang kilusan ay nagsimula sa Kanlurang Europa sa pasimula ng ika-19 na siglo. Salig ito sa mga ideya ni Moses Mendelssohn, Judiong intelektuwal noong ika-18 siglo na naniwalang ang mga Judio ay dapat gumaya sa kultura ng Kanluran sa halip na humiwalay sa mga Gentil. Tinatanggihan nila ang Torah bilang katotohanan na kinasihan ng Diyos. Para sa kanila ang mga batas-Judio sa pagkain, kalinisan, at kasuotan ay lipas na. Naniniwala sila sa tinatawag nilang “Mesiyanikong panahon ng Pansansinukob na pagkakapatiran.” Nitong nakaraang mga taon bumalik sila sa higit na tradisyonal na Judaismo.
KONSERBATIBONG JUDAISMO—Nagsimula sa Alemanya noong 1845 bilang supling ng Repormadong Judaismo, na, sa palagay nito, ay tumanggi sa napakaraming tradisyonal na kaugalian. Ang Konserbatibong Judaismo ay hindi naniniwala na ang sali’t-saling sabi ay tinanggap ni Moises sa Diyos kundi ang mga rabbi, na nagsikap na ibagay ang Judaismo sa makabagong panahon, ang siyang tumuklas ng bibigang Torah. Tinatanggap ng mga Konserbatibong Judio ang mga tuntunin ng Bibliya at Rabbinikong batas kung ang mga ito ay “tumutugon sa makabagong mga kahilingan ng buhay-Judio.” (The Book of Jewish Knowledge) Ginagamit nila ang Hebreo at Ingles sa liturhiya at iniingatan nila ang mahihigpit na batas sa pagkain (kashruth). Ang mga lalaki at babae ay pinauupong magkatabi sa pagsamba, bagay na hindi pinapayagan ng mga Ortodokso.
[Mga larawan]
Kaliwa, mga Judio sa Pader na Tangisan sa Jerusalem at, itaas, isang Judio na nagdarasal, at ang Jerusalem ay nasa likuran
[Kahon/Mga larawan sa pahina 230, 231]
Ilang Mahalagang Kapistahan at Kaugalian
Karamihan ng mga kapistahang Judio ay salig sa Bibliya at, karaniwan na, ay iniaalinsunod sa iba’t-ibang pag-aani o kaugnay ng makasaysayang mga pangyayari.
▪ Shabbat (Sabbath)—Ang ikapitong araw ng Judiong sanlinggo (mula sa paglubog ng araw ng Biyernes hanggang paglubog ng araw ng Sabado) ay itinuturing na nagpapabanal sa buong sanlinggo, at ang pantanging pangingilin nito ay mahalagang bahagi ng pagsamba. Ang mga Judio ay dumadalo sa sinagoga ukol sa pagbasa ng Torah at mga panalangin.—Exodo 20:8-11.
▪ Yom Kippur—Araw ng Katubusan, isang sagradong kapistahan na tinatampukan ng pag-aayuno at pagsusuri-sa-sarili. Winawakasan nito ang Sampung Araw ng Pagsisisi na nagpapasimula sa Rosh Hashanah, ang Judiong Bagong Taon, na pumapatak sa Setyembre ayon sa sekular na kalendaryong Judio.—Levitico 16:29-31; 23:26-32.
▪ Sukkot—Kapistahan ng mga Tolda, o Tabernakulo, o Pag-aani. Ipinagdiriwang ang ani sa katapusan ng taon ng agrikultura. Idinaraos kapag Oktubre. (Nasa itaas ang larawan)—Levitico 23:34-43; Bilang 29:12-38; Deuteronomio 16:13-15.
▪ Hanukkah—Kapistahan ng Pag-aalay. Isang tanyag na kapistahan na idinaraos kapag Disyembre bilang paggunita sa pagsasauli ng mga Macabeo sa Judiong kasarinlan mula sa Siro-Grekong dominasyon at sa muling pag-aalay ng kanilang templo sa Jerusalem noong Disyembre 165 B.C.E. Karaniwang ipinakikilala ng pagsisindi ng mga kandila sa loob ng walong araw.
▪ Purim—Kapistahan ng Pagsasapalaran. Idinaraos sa pagtatapos ng Pebrero o pasimula ng Marso, bilang paggunita sa pagkaligtas ng mga Judio sa Persya noong ikalimang siglo B.C.E. mula kay Haman at sa kaniyang pakana ng lansakang pagpatay.—Ester 9:20-28.
▪ Pesach—Kapistahan ng Paskuwa. Itinatag upang gunitain ang paglaya ng Israel mula sa pagkaalipin sa Ehipto (1513 B.C.E.). Ito ang pinakadakila at pinakamatanda sa mga kapistahang Judio. Idinaraos kung Nisan 14 (kalendaryong Judio), karaniwan nang pumapatak sa pagtatapos ng Marso o pasimula ng Abril. Bawat sambahayang Judio ay nagsasalo sa hapunan ng Paskuwa, o Seder. Sa susunod na pitong araw, walang kakaining lebadura. Ang yugtong ito ay tinatawag na Kapistahan ng mga Tinapay na Walang Lebadura (Matzot).—Exodo 12:14-20, 24-27.
Ilang Kaugaliang Judio
▪ Pagtutuli—Para sa mga batang lalaki, ito’y mahalagang seremonya kapag ang sanggol ay walong araw pa lamang ang edad. Malimit itong tawagin na Tipan ni Abraham, yamang ang pagtutuli ay naging tanda ng pakikipagtipan ng Diyos sa kaniya. Ang mga nakukumberte sa Judaismo ay dapat ding tuliin.—Genesis 17:9-14.
▪ Bar Mitzvah (sa ibaba)—Isa pang mahalagang rituwal Judio, literal na nangangahulugang “anak ng kautusan,” isang “terminong nagpapahiwatig kapuwa sa pagsapit sa relihiyoso at legal na pagkamaygulang at sa okasyon na kung saan pormal na sumasapit ang mga batang lalaki sa edad na 13 at isang araw.” Naging kaugaliang Judio ito noon lamang ika-15 siglo C.E.—Encyclopaedia Judaica.
▪ Mezuzah (sa itaas)—Madaling makilala ang isang tahanang Judio dahil sa mezuzah, o sisidlan ng balumbon, sa kanang bahagi ng pintuan kapag pumapasok. Ayon sa kaugalian ang mezuzah ay kapirasong balat ng tupa na kinasusulatan ng mga salitang sinipi sa Deuteronomio 6:4-9 at Deu 11:13-21. Ito ay nilululon sa loob ng isang maliit na sisidlan. Ang sisidlan ay ikinakabit sa bawat pintuan ng bawat silid na ginagamit sa bahay.
▪ Yarmulke (bireta para sa mga lalaki)—Sabi ng Encyclopaedia Judaica: “Ayon sa Ortodoksong Judaismo . . . ang pagtatakip ng ulo, kapuwa sa loob at labas ng sinagoga, ay tanda ng katapatan sa tradisyong Judio.” Saanma’y hindi binabanggit sa Tanakh ang pagtatakip ng ulo sa pagsamba, kaya binabanggit ito ng Talmud na isang kaugaliang maaaring sundin o hindi. Ang mga babaeng Hasidikong Judio ay laging nakasuot na lambong o nag-aahit ng ulo at nagsusuot ng peluka.
[Larawan sa pahina 206]
Si Abram (Abraham), ninuno ng mga Judio, ay sumamba sa Diyos na Jehova halos 4,000 taon na ngayon
[Larawan sa pahina 208]
Talà ni David—hindi maka-Biblikong sagisag ng Israel at ng Judaismo
[Larawan sa pahina 215]
Judiong eskriba na kumokopya ng tekstong Hebreo
[Larawan sa pahina 222]
Hasidikong pamilya na nangingilin ng Sabbath
[Larawan sa pahina 233]
Taimtim na mga Judio na nakasuot ng mga pilakterya, o sisidlan ng mga balumbon ng panalangin, sa braso at noo