KABANATA 11
Gusto ni Jehova na Magtamo ng Buhay ang mga Tao—Gusto Mo Rin Ba?
1, 2. (a) Ano ang matututuhan natin mula sa reaksiyon ni Jonas hinggil sa desisyon ni Jehova may kinalaman sa Nineve? (b) Bakit natin dapat suriin ang awa ng Diyos at ang kaniyang pangmalas sa buhay?
NATUWA si Jehova. Subalit mapanglaw ang propeta. Dahil sa awa, iniligtas ng Diyos ang buhay ng libu-libong tao. Hahayaan sana ni Jonas na malipol sila! Ipinasiya ni Jehova na patawarin at iligtas ang mga kaaway ng kaniyang bayan.
Kung minsan maaaring hindi maunawaan kahit ng mga lingkod ng Diyos ang antas ng kaniyang awa
2 Gaya ng makikita natin sa kaso ni Jonas, kung minsan mahirap para sa mga tao na maunawaan ang antas ng pagtitimpi ng Diyos at maipakita ang Kaniyang hangaring magtamo ng buhay ang mga tao. Ang desisyon ni Jehova na huwag puksain ang mga Ninevita ay “lubhang di-kalugud-lugod . . . kay Jonas, at siya ay nag-init sa galit.” Posible kayang mas iniisip ni Jonas ang kaniyang sariling damdamin kaysa sa maawa at magligtas ng buhay? Baka naisip niya na kung hindi pupuksain ang mga Ninevita, mapapahiya siya. (Jonas 4:1, 10, 11) Kumusta naman sa ating panahon, habang mabilis na dumarating ang araw ng paghatol ni Jehova? Baka maitanong mo: ‘Paano ko mapasisidhi ang aking pagpapahalaga sa kapatawaran ng Diyos, at paano ko matutulungan ang nagsisising mga nagkasala na lubusang makinabang sa kaniyang kabaitan? Oo, paano ko matutularan ang hangarin ng Diyos na magtamo ng buhay ang mga tao?’
KATARUNGAN AT AWA SA LAYUNING MAGLIGTAS NG BUHAY
3. Nagkakasalungatan ba ang katarungan at awa ng Diyos? Ipaliwanag.
3 Iniisip ng ilang tao na binabanggit sa mga pahina ng 12 makahulang aklat na ito ang tungkol sa poot ng Diyos at pagpaparusa niya sa mga tao, ang paglalapat niya ng katarungan. Maaaring itanong nila: ‘Nasaan ang awa ni Jehova? Interesado ba siya sa pagliligtas ng buhay?’ Ang totoo, sa halip na nagkakasalungatan, ang katarungan at awa ng Diyos ay kapuwa nasasangkot sa pagliligtas ng buhay. Ang katarungan at awa ay dalawang aspekto ng kaniyang personalidad na sakdal ang pagkakabalanse. (Awit 103:6; 112:4; 116:5) Sa pamamagitan ng pagpawi sa mga pinsalang dulot ng balakyot, ipinakikita ng Diyos ang awa sa mga wastong nakaayon. Katibayan iyan ng kaniyang sakdal na katarungan. Sa kabilang dako naman, palibhasa’y lubusang makatarungan, kinikilala ni Jehova dahil sa kaniyang awa ang mga limitasyon ng di-sakdal na mga tao. Maaari mo itong sabihin sa ganitong paraan: paglalapat ng kahatulan kung kinakailangan, pagpapakita ng awa hangga’t maaari. Sa mga mensahe ng mga propeta, masusumpungan mo ang maraming pananalita na nagpapatunay sa sakdal na pagkakabalanseng ito, anupat ipinakikita na gusto ng Diyos na magtamo ng buhay ang mga tao. Suriin natin ito at sa gayon ay makikita natin ang mga aral na maikakapit natin sa praktikal na mga paraan sa ngayon.
4. Ano ang katibayan na gusto ng Diyos na magtamo ng buhay ang mga tao?
4 Ipinahayag ni propeta Joel ang mensahe ng pagtuligsa, gayunman pinatunayan din niya na ang Diyos “ay magandang-loob at maawain, mabagal sa pagkagalit at sagana sa maibiging-kabaitan.” (Joel 2:13) Pagkalipas ng mga sandaang taon, noong ikawalong siglo B.C.E., idiniin ni Mikas na lubhang kailangan natin ang kapatawaran ni Jehova. Pagkatapos magtanong na “Sino ang Diyos na tulad mo?,” ganito inilarawan ni Mikas si Jehova: “Hindi nga niya pananatilihin ang kaniyang galit magpakailanman, sapagkat nalulugod siya sa maibiging-kabaitan. Muli niya tayong pagpapakitaan ng awa.” (Mikas 7:18, 19) Gaya ng makikita natin sa ulat ni Jonas tungkol sa mga Ninevita, handa ang Diyos na baguhin ang kaniyang hatol sa sinumang karapat-dapat sa kaniyang poot kapag pinatunayan nila ang kanilang pagsisisi sa pamamagitan ng mga gawang angkop sa pagsisisi.
5. Anu-anong aspekto ng awa at interes ng Diyos na magligtas ng buhay ang nasusumpungan mong lubhang nakapagpapasigla? (Tingnan din ang “Handa Silang Maglingkod.”)
5 Hindi tayo nabubuhay sa panahon ng 12 propeta. Subalit hindi ba tayo nagpapasalamat sa mga katibayang iyon hinggil sa awa at interes ni Jehova na magligtas ng buhay? Mapatitibay ng pagpapahalaga mong iyan ang iyong pagmamahal sa Diyos at mapasisidhi nito ang interes mo sa pagtulong sa iba na magtamo ng buhay. Bagaman karamihan ng mga tao sa ngayon ay nagtataguyod ng masamang landasin, tinitiyak sa atin na “hindi . . . nais [ng Diyos] na ang sinuman ay mapuksa kundi nais niya na ang lahat ay makaabot sa pagsisisi.” (2 Pedro 3:9) Ang pagnanais na iyon ni Jehova ay inilalarawan sa mainit na pagtanggap na binigkas ni Oseas nang manumbalik ang kaniyang mapangalunyang asawa. Si Jehova ay ‘nagsalita sa puso’ ng kaniyang bayan. Hindi obligado ang Diyos na magpatawad, subalit handa niyang gawin iyon ‘nang bukal sa kaniyang kalooban.’ (Oseas 1:2; 2:13, 14; 3:1-5; 14:4) Alam mo ba kung bakit napakahalaga ng saloobin at pagkilos ng Diyos may kinalaman sa pagpapatawad? Sapagkat buhay ang nasasangkot. Ang katibayan ng awa ng Diyos at ng kaniyang pagnanais na magtamo ng buhay ang mga tao ay higit mo pang makikita sa Kristiyanong kongregasyon, kung saan nakikibahagi ka sa gawaing isinasagawa nito.
PAGTULONG SA MGA TAO NA MAGTAMO NG BUHAY
6. Sa anong pangunahing paraan ipinakikita ng Diyos na nais niyang magtamo ng buhay ang mga tao?
6 Bakit ka nakikibahagi sa pangmadlang ministeryo? Ang isang pangunahing dahilan ay upang makatulong sa iba na makilala ang tunay na Diyos. Ito ang isang mahalagang bagay na dapat malaman tungkol kay Jehova: Siya ay nagbibigay ng maliwanag na mga babala bago maglapat ng kaparusahan. Ipinakikita nito ang kaniyang maawaing pagkabahala sa mga tao, pagkabahala na huwag silang mamatay kundi sa halip ay magtamo ng buhay. Ipinaalam ng 12 propeta sa mga nagkasala na ang Diyos ay nagbibigay sa kanila ng pagkakataon upang baguhin nila ang kanilang pamumuhay at sa gayo’y maiwasan ang kaniyang matuwid na galit. Gayundin ang gawain natin sa ngayon. Bilang Kristiyano, may pribilehiyo kang ipahayag ang babala ng dumarating na araw ng paghihiganti ng Diyos. Habang ginagawa mo iyan, iwasan ang anumang damdamin ng paghihiganti, anupat hinahangad na makita ang sasapitin ng mga taong hindi tumutugon. Paalalahanan ang iyong sarili na ikaw ay nangangaral pangunahin na upang ang ilan ay mapunta sa daan patungo sa buhay.—Joel 3:9-12; Zefanias 2:3; Mateo 7:13, 14.
7. (a) Bakit napakahalagang makibahagi sa gawaing pagpapatotoo? (b) Kung mapaharap tayo sa kawalang-interes ng mga tao, paano makatutulong sa atin ang pag-iisip tungkol sa saloobin ni Jehova?
7 Sa tuwing ibinabahagi mo ang mga katotohanan ng Bibliya sa bahay-bahay, sa paaralan, sa iyong pinagtatrabahuhan, o sa ibang dako, tinutulungan mo ang isang tao na apurahang nangangailangan ng awa at kapatawaran ng Diyos. (Oseas 11:3, 4) Totoo, maaaring makaharap mo ang kawalang-interes at pagwawalang-bahala. Gayunman, kapag nagmamatiyaga ka sa kabila niyan, tinutularan mo ang ating maawaing Diyos, na sa pamamagitan ni Zacarias ay nagsabi sa Kaniyang suwail na bayan: “Manumbalik kayo, pakisuyo, mula sa inyong masasamang lakad at mula sa inyong masasamang pakikitungo.” (Zacarias 1:4) Anong malay natin kung ilang tao pa ang maaaring tumugon habang sinasabi mo sa kanila ang tungkol sa awa ng Diyos at itinuturo ang daan tungo sa buhay? Minsan pa, sikaping isaisip na nangangaral ka dahil gusto ni Jehova na magtamo ng buhay ang mga tao, at gusto mo rin ito.
8. Bakit nakapagpapasiglang alalahanin kung paano tumugon ang ilan sa awa ng Diyos?
8 Maaaring masumpungan mong nakapagpapasiglang tandaan ang bagay na ito: Halos laging may mga taong tumutugon sa mga mensahe ng Diyos. Kaya nga nabanggit ni Oseas ang mga taong nakatanto na “ang mga daan ni Jehova ay matapat.” Sinabi pa ng propeta: “Ang mga matuwid ang siyang lalakad sa mga iyon.” (Oseas 14:9) Sa nakalipas na mga siglo, marami ang naudyukang tumugon nang positibo sa paanyaya ng Diyos: “Manumbalik kayo sa akin nang inyong buong puso.” (Joel 2:12) Sinabi iyan sa isang bayan na nakakakilala kay Jehova, subalit ipinakikita rin nito ang interes ng Diyos sa mga bago pa lamang natututo tungkol sa kaniya. Oo, hindi pa rin nawawalan ng tiwala ang Diyos sa kakayahan ng mga tao na malungkot sa kanilang nakaraang maling landasin, magsisi, at bumaling sa paggawa ng tama. Nagbibigay iyan sa kanila ng pag-asang makaligtas.—1 Timoteo 4:16.
9. Ano ang kailangang gawin upang matamo ang awa ng Diyos gaya ng ipinakikita ng pagtugon ng mga Ninevita?
9 May isa pang salik sa pagpapatawad ni Jehova sa mga Ninevita. Nabasa natin na dinibdib ng bayan ang mensahe hinggil sa napipintong paghatol ng Diyos, at sila ay “nagsimulang manampalataya sa Diyos.” (Jonas 3:5) Ang pananampalataya, hindi lamang ang takot sa kahatulan, ang mahalaga upang patuloy na mabuhay. Dahil sa masidhing pagnanais ni Jehova na makitang nagsisisi ang mga tao at kumikilos ayon sa pananampalataya, pinahintulutan niya tayong maging mga mangangaral, na tinutulungan ang mga tao na pumili. Ano ang resulta? Ganito ang mababasa natin may kaugnayan sa mga Ninevita: “Nakita ng tunay na Diyos ang kanilang mga gawa, na tinalikuran nila ang kanilang masamang lakad; sa gayon ay ikinalungkot ng tunay na Diyos ang kapahamakan na sinalita niyang pangyayarihin sa kanila; at hindi niya iyon pinangyari.” (Jonas 3:10) Hindi malilinlang si Jehova ng mga pananalita lamang o di-taimtim na mga gawa. Malamang na tunay ang ipinakitang pagsisisi ng mga Ninevita na pinatunayan ng kanilang mga gawa. Nakita ng Diyos na gumawa sila ng tunay na pagbabago; nagpakita sila ng tunay na pagsisisi na may kalakip na pananampalataya.
10. Ano ang ilang kalagayan kung saan si Jehova ay nag-aalok ng kaligtasan?
10 Hindi tayo dapat maghinuha na mga Ninevita lamang ang nakinabang sa pagnanais ni Jehova na magligtas ng buhay. Nang wasakin ang Jerusalem noong 607 B.C.E.—pagkatapos ng ministeryo nina Obadias, Nahum, at Habakuk—naglaan si Jehova ng kaligtasan para sa masunuring si Jeremias at sa isang grupo ng kaniyang tapat na mga kasama. (Jeremias 39:16-18) At inihula ng mga propeta ng Diyos na isang nagsisising nalabi ang babalik mula sa Babilonya at isasauli ang dalisay na pagsamba. (Mikas 7:8-10; Zefanias 3:10-20) Ang mga hulang ito ay nagkaroon ng malaking katuparan sa makabagong panahon. Pagkatapos ng Digmaang Pandaigdig I, ang pinahirang mga Kristiyano, na ang karamihan ay naging pabaya kung tungkol sa tunay na pagsamba, ay isinauli sa masigasig na gawain at sa pagsang-ayon ni Jehova, sa layuning magligtas ng buhay. Gayundin sa ngayon, ang mga tao mula sa “maraming bansa” ay ‘nalalakip kay Jehova.’ (Zacarias 2:11) May pag-asa silang makaligtas sa dumarating na wakas ng sistemang ito ng mga bagay. Kaya ang iyong pangmadlang ministeryo ay ginagawa mo hindi lamang bilang pagsunod sa utos sa mga Kristiyano. Hindi rin ito ginagawa upang matupad lamang ang hula. (Mateo 24:14; 28:19, 20) Ang pokus ng iyong pangmadlang ministeryo ay tulungan ang mga tao na matuto tungkol kay Jehova, manampalataya, at magtamo ng buhay.
BUHAY PARA SA MGA NANUNUMBALIK KAY JEHOVA
11, 12. Paano makikinabang sa awa ng Diyos ang mga dati niyang mananamba?
11 Interesado si Jehova sa mga baguhan at nais niyang magtamo sila ng buhay, subalit hindi niya kinalilimutan ang mga naglilingkod na sa kaniya. Dapat din tayong maging interesado sa kanila at gusto nating magpatuloy sila sa daan ng buhay. Sa praktikal na mga paraan, paano natin maipakikita ang ating interes?
12 Baka may kakilala ka na natuto tungkol kay Jehova, nanampalataya sa kaniya, at naging aktibo sa tunay na pagsamba subalit hindi na ngayon naglilingkod sa kaniya. Ipinakikita ng mga mensaheng ipinadala ni Jehova sa pamamagitan ng 12 propeta na handa siyang magpakita ng awa sa kanila na dating kabilang sa kaniyang bayan subalit hindi nagpatuloy sa tunay na pagsamba. Totoo rin ito sa ngayon, sila man ay naanod papalayo, lumayo, o nakagawa ng pagkakamali at kailangang magsisi. (Hebreo 2:1; 3:12) Bagaman maaaring hindi sila maligaya habang malayo sila kay Jehova, baka nahihirapan silang bumalik. Ang Diyos ay nagsusumamo sa kanila, gaya ng makikita sa mga pananalita ng kaniyang propeta: “Ito ang sinabi ni Jehova ng mga hukbo: ‘Manumbalik kayo sa akin,’ ang sabi ni Jehova ng mga hukbo, ‘at manunumbalik ako sa inyo.’” (Zacarias 1:3) Tunay na nakaaaliw ang mga pananalita ni Oseas! Sinabi niya: “Manumbalik ka kay Jehova na iyong Diyos, O Israel, sapagkat nabuwal ka sa iyong kamalian. Magdala kayo ng mga salita at manumbalik kay Jehova. Sabihin ninyong lahat sa kaniya, ‘Pagpaumanhinan mo nawa ang kamalian; at tanggapin mo ang mabuti.’” Oo, maging ang mga nakagawa ng malulubhang kasalanan subalit nanumbalik sa Diyos taglay ang tunay na pagsisisi ay makatatanggap ng kapatawaran na humahantong sa lubusang paggaling. (Oseas 6:1; 14:1, 2; Awit 103:8-10) Totoo iyan noong panahon ng mga propeta, at totoo rin ito sa ating panahon.
Paano mo matutulungang manumbalik kay Jehova ang dating masisigasig na Kristiyano?
13. Anu-anong dahilan mayroon tayo upang magpakita ng awa sa mga pinatawad ng Diyos?
13 Ano naman ang kahulugan niyan para sa mga Kristiyano na nananatili sa daan ng buhay? Paano natin maipakikita na taglay natin ang pangmalas ni Jehova sa iba? Inaasahan ni Jehova na magpapakita tayo ng awa, kapuwa sa mga baguhan at doon sa mga maaaring huminto na sa kanilang paglilingkod sa kaniya. Sinabi ng Diyos sa pamamagitan ni Oseas ang hinihiling Niya sa atin: “Sa maibiging-kabaitan ako nalulugod, at hindi sa hain.” Kasuwato ng pananalitang ito, ganito ang sinabi ni Jesu-Kristo: “Humayo kayo, kung gayon, at alamin kung ano ang kahulugan nito, ‘Ang ibig ko ay awa, at hindi hain.’” (Oseas 6:6; Mateo 9:13) Ang pagpapakita natin ng gayong awa ay napakahalaga upang mapanatili ang atin mismong kaugnayan sa Diyos. Pansinin kung paano iniugnay ni apostol Pablo ang pagiging mapagpatawad sa pagtulad sa Diyos: “Maging mabait kayo sa isa’t isa, mahabagin na may paggiliw, lubusang nagpapatawaran sa isa’t isa kung paanong ang Diyos sa pamamagitan ni Kristo ay lubusang nagpatawad din sa inyo. Kaya nga, maging mga tagatulad kayo sa Diyos, bilang mga anak na minamahal, at patuloy kayong lumakad sa pag-ibig.” (Efeso 4:32–5:2) Natutularan mo ba ang Diyos sa bagay na ito?
14, 15. Sa ilalim ng anu-anong kalagayan maaaring masubok ang ating saloobin tungkol sa pagpapatawad ni Jehova?
14 Kumusta naman kung ang isang kapatid na nagkasala nang malubha ay hindi nagsisisi at kailangang itiwalag sa kongregasyon? Nangyari ang gayong bagay noong unang siglo; kinailangang itiwalag ang mga Kristiyanong nagkasala na hindi nagsisisi. Kung nangyari iyon samantalang buháy pa ang mga apostol ni Jesus, hindi nakapagtataka na nangyayari ito paminsan-minsan sa ngayon. Sa gayong mga kalagayan, tinatanggap ng mga matapat sa kongregasyon ang tagubilin ng Bibliya na huwag makisama sa isa na tiwalag. Ang pagkamatapat nila kay Jehova ay maaaring tumulong sa nagkasala na makita ang pagkaseryoso ng kaniyang maling landasin, at maaari siyang maudyukang magsisi. Nabasa natin sa Bibliya na isang lalaki sa Corinto ang natiwalag ngunit nang maglaon ay nagsisi at nagbago ng kaniyang pamumuhay, at siya ay ibinalik sa kongregasyon. (1 Corinto 5:11-13; 2 Corinto 2:5-8) Kapag nangyari iyan sa ngayon, ano ang madarama mo, at paano mo maipakikita ang iyong interes na magtamo ng buhay ang iba?
15 Maaaring nahihiya at nasisiraan ng loob ang isang nagsisising nagkasala, anupat nangangailangan ng kaaliwan na siya ay iniibig kapuwa ng Diyos at ng kaniyang mga kapatid, at na nais nilang magtamo siya ng buhay. Tingnan kung paano magiliw na inaliw ng Diyos ang kaniyang sinaunang bayan na handang magsisi: “Ipakikipagtipan kita sa akin sa katapatan; at tiyak na makikilala mo si Jehova.” (Oseas 2:20) Yamang ganiyan ang nadarama ng Diyos, dapat nating ipakita sa pamamagitan ng ating mga pagkilos na gayundin ang nadarama natin kung paanong inilarawan ni Zacarias ang Diyos bilang isa na ‘nagpapakita ng awa.’—Zacarias 10:6.
16. Ano ang dapat na maging reaksiyon natin kapag may ibinalik sa kongregasyon?
16 Gusto ng Diyos na magtamo ng buhay ang mga tao, kaya natutuwa siya kapag nagsisi ang isang makasalanan o muling naging masigasig ang isang dating di-aktibong lingkod.a (Lucas 5:32) May kaugnayan sa lalaking taga-Corinto na naibalik sa kongregasyon na binanggit kanina, pinayuhan ni Pablo ang kongregasyon na siya ay patawarin at patibaying-loob, anupat ipinaaalam sa kaniya na talagang minamahal nila siya: “Ang saway na ito na ibinigay ng karamihan ay sapat na para sa gayong tao, upang . . . may-kabaitan ninyo siyang patawarin at aliwin, upang sa paanuman ang gayong tao ay huwag madaig ng kaniyang labis-labis na kalungkutan. Kaya nga pinapayuhan ko kayo na pagtibayin ang inyong pag-ibig sa kaniya.” (2 Corinto 2:6-8) Alalahanin na sinipi ni Oseas si Jehova na nagsasabi may kinalaman sa dating mga makasalanan: “Pagagalingin ko ang kanilang kawalang-katapatan. Iibigin ko sila nang bukal sa aking kalooban.” (Oseas 14:4) Tutularan ba natin si Jehova, maligaya sa pagkakaroon ng bahagi sa gayong pagpapagaling na umaakay sa buhay na walang hanggan?
17, 18. Paano natin maibiging matutulungan ang mga nanumbalik kay Jehova o ang mga miyembro ng pamilya ng isa na tiwalag?
17 Nilinaw ni Jehova na pinakikitunguhan niya nang may dignidad ang mga nanunumbalik, at tinatanggap sila upang lubusan silang ibigin, kung paanong lubusang tinanggap ni Oseas ang kaniyang dating taksil na asawa. Ganito ang sinabi ni Jehova hinggil sa pakikitungo niya sa kaniyang mga lingkod: “Sa kanila ay naging gaya ako niyaong mga nag-aalis ng pamatok sa kanilang mga panga, at banayad akong nagdala ng pagkain sa bawat isa.” (Oseas 11:4) Tunay ngang nakapagpapasigla ang pagmamahal na ipinakita ni Jehova upang magiliw na maakit ang mga nanunumbalik! Matutularan natin siya kung hindi tayo magiging mahigpit o malamig sa pakikitungo natin sa isa na nagpapakita ng makadiyos na kalungkutan at tunay na pagsisisi. Kapag tinanggap na siyang muli sa kongregasyon, sa halip na maghinanakit o magkimkim ng sama ng loob laban sa kaniya dahil sa kaniyang mga pagkakamali noon, dapat tayong magsalita nang may pang-aliw sa kaniya kung kinakailangan.—1 Tesalonica 5:14.
18 May naiisip ka bang iba pang paraan upang tularan si Jehova kapag may natiwalag sa kongregasyon? Kung kailangang itiwalag ang isa, matutulungan ba natin ang mga matapat sa kaniyang pamilya, marahil ang tapat na asawa at ang mga anak? Maaaring nakikipagpunyagi sila upang patuloy silang makadalo sa mga pagpupulong at makapaglingkod sa ministeryo. Bibigyan ba natin sila ng pantanging suporta na maaaring kailangan nila? Ang isa pang paraan upang magpakita ng magiliw na awa ay ang paggamit ng “mabubuting salita, nakaaaliw na mga salita,” anupat pinasisimulan ang nakapagpapatibay na usapan sa matapat na mga kapatid. (Zacarias 1:13) Maraming pagkakataon para sa gayong pag-uusap bago at pagkatapos ng mga pagpupulong, samantalang magkasama sa ministeryo, o sa iba pang panahon. Sila ay mga kamanggagawa, mahal na mga miyembro ng ating kongregasyon na hindi dapat makadama na sila ay iniiwasan o ibinubukod. Sa ilang kalagayan, ang mga anak ng isang magulang na tiwalag ay nagsisikap na maglingkod kay Jehova. Tunay na gusto nating magtamo sila ng buhay. Paano natin maipakikita iyan?
“ANG BATANG LALAKING WALANG AMA AY PINAGPAPAKITAAN NG AWA”
19. Anong espirituwal na tulong ang inilaan ni Zefanias sa isa na maihahalintulad sa “batang lalaking walang ama”?
19 Makasusumpong ka ng huwaran sa pagbibigay ng tulong mula sa ministeryo ni Zefanias, na naglingkod noong kalagitnaan ng ikapitong siglo B.C.E. Maaaring mula siya sa maharlikang pamilya ng Juda, posibleng isang malayong pinsan ni Haring Josias. Pataksil na pinatay ang ama ng hari, anupat kailangang maluklok sa trono ang walong-taóng-gulang na si Josias. Napaharap siya sa isang napakahirap na atas: Ang bansa ay nalugmok sa idolatriya at karima-rimarim na mga gawain. (Zefanias 3:1-7) Kailangan ng bata at ulila-sa-amang si Josias ang mahusay na patnubay at maaasahang payo upang pamahalaan ang suwail na bansa. Inilaan ni Jehova ang matalinong patnubay sa pamamagitan ni Zefanias at ng iba pang mga propeta, gaya ng nabanggit sa naunang mga kabanata ng aklat na ito. Kapansin-pansin, samantalang nagsasalita si Jehova sa pamamagitan ng kaniyang propeta laban sa “mga prinsipe” ng Juda, hindi Niya pinintasan ang hari mismo. (Zefanias 1:8; 3:3) Maaaring ipinahihiwatig nito na ang batang hari na si Josias ay nakahilig na sa dalisay na pagsamba. Walang-alinlangang nakatulong ang payo ng propeta kay Josias upang patibayin ang kaniyang kapasiyahang linisin ang Juda mula sa maruming pagsamba.
20. Paano makatutulong sa mga “walang ama” sa kongregasyon ang espirituwal na patnubay?
20 Inilalarawan sa atin ng interes ni Zefanias kay Josias ang interes ni Jehova sa mga nangangailangan, mahihinang kabataan, gaya ng mga anak na ang magulang ay tiwalag. Sinabi ni Oseas: ‘Sa Diyos, ang batang lalaking walang ama ay pinagpapakitaan ng awa.’ (Oseas 14:3) May kilala ka bang mga batang lalaki at babae na “walang ama” at nangangailangan ng espirituwal at praktikal na patnubay? Maaaring mga ulila sila sa espirituwal, mga anak ng mga pamilyang may nagsosolong magulang, o mga kabataang naglilingkod kay Jehova nang walang suporta ng kanilang pamilya. Kadalasan, ang pananatiling malapít sa kongregasyon at pagiging may-gulang sa espirituwal ng mga kabataang iyon ay nakadepende sa kung may umaalalay sa kanila sa espirituwal o wala. Maraming “batang lalaking walang ama” ang sumulong tungo sa isang timbang at palaisip-sa-espirituwal na adulto pagkatapos pagpakitaan ng maibiging interes ng maygulang na mga Kristiyano sa loob ng kongregasyon.—Awit 82:3.
Maaari mo bang maibiging alalayan sa espirituwal ang mga kabataang “walang ama”?
21. Anong tulong ang maibibigay ng maygulang na mga Kristiyano sa mga kabataan?
21 Halimbawa, matutulungan ang isang nagsosolong ina kung magpapakita ng interes ang maygulang na mga Kristiyano sa kaniyang mga anak. (Santiago 1:27) Samantalang nagpapakita ng paggalang sa kaniyang pagkaulo at isinasaisip ang pangangailangang gumawi sa magalang at angkop na paraan, ang mga tagapangasiwa at iba pa ay maaaring magbigay ng espirituwal na tulong sa mga miyembro ng mga pamilyang nangangailangan nito. Marahil kayong mag-asawa o ang inyong pamilya ay maaaring gumugol ng panahon na kasama ng isang batang lalaki o babae na walang ama. Maaari ka bang kumilos sa makonsiderasyong paraan sa mga kabataang maaaring nangungulila? Baka kailangan nila ng empatiya at kompidensiyal na usapan, na maaari mong pakinggan samantalang gumagawang kasama nila sa pangmadlang ministeryo. Walang-alinlangang abala ka, kaya ang regular na pagbibigay mo ng gayong tulong sa isang kabataan sa loob ng ilang panahon ay maaaring maging isang ‘pagsubok sa pagiging tunay ng inyong pag-ibig.’ (2 Corinto 8:8) Makikita sa iyong mga pagsisikap ang interes mo sa iba na magtamo ng buhay.
22. Ano ang nadarama mo tungkol sa interes na ipinakikita ni Jehova sa iba upang magtamo ng buhay?
22 Tunay na nakaaaliw na bulay-bulayin ang interes ng Diyos sa mga tao, ang kagustuhan niyang magtamo sila ng buhay na walang hanggan! Mas gugustuhin pa niyang ipakita ang kaniyang pagmamahal sa matuwid na mga taong umiibig sa kaniya at pagkalooban sila ng buhay kaysa ipahayag ang kaniyang pagkayamot sa mga ayaw magbago at hindi karapat-dapat sa buhay na walang hanggan. Habang buong-pananabik nating hinihintay ang araw ni Jehova, tularan natin siya sa pagtulong sa iba na mapunta sa daan ng buhay.
a Ipinakikita ng tatlong nakaaantig-pusong ilustrasyon ang matinding pagkabahala ng Diyos sa mga taong lumihis ng landas—ang ilustrasyon ng nawawalang tupa, ng nawawalang barya, at ng alibughang anak.—Lucas 15:2-32.