Mabuting Halimbawa—Hezekias
Napapaharap si Hezekias sa isang mabigat na pagpapasiya. Naging hari siya ng Juda sa edad lamang na 25. Magiging mabuting hari kaya siya? Hahayaan kaya niyang maimpluwensiyahan siya ng masamang halimbawa ng kaniyang amang si Haring Ahaz? Naging apostata si Ahaz at hindi siya nagsisi hanggang sa mamatay siya. Itinaguyod niya ang pagsamba sa mga diyus-diyosan at malamang na isa o higit pa sa mga kapatid ni Hezekias ang sinunog niya bilang handog sa altar ng mga idolo. (2 Cronica 28:1-4) Pero hindi hinayaan ni Hezekias na mawala ang sigasig niya sa paglilingkod kay Jehova dahil sa mapagpaimbabaw na paggawi ng kaniyang ama, ni inisip man niyang magiging katulad siya ng kaniyang ama. Sa halip, si Hezekias ay patuloy na “nanatili kay Jehova.”—2 Hari 18:6.
Salansang ba sa pagsamba kay Jehova ang isa sa mga magulang mo? Mapang-abuso ba siya o lulong sa masamang bisyo? Kung oo, hindi naman nangangahulugang magiging ganoon ka na rin! Hindi hinayaan ni Hezekias na masira ang kaniyang buhay dahil sa kinalakhan niyang pamilya. Sa katunayan, naging mabuti siyang hari, anupat binanggit na “pagkatapos niya ay walang sinumang naging tulad niya sa lahat ng hari ng Juda.” (2 Hari 18:5) Gaya ni Hezekias, maaari ka ring maging matagumpay sa kabila ng problema sa inyong pamilya. Paano? Patuloy kang ‘manatili kay Jehova.’