Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • bhs kab. 1 p. 8-18
  • Sino ang Diyos?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Sino ang Diyos?
  • Ano ang Itinuturo sa Atin ng Bibliya?
  • Basahin sa Itinuturo ng Bibliya
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • MAHAL BA TAYO NG DIYOS O MALUPIT SIYA?
  • ANO ANG NARARAMDAMAN NG DIYOS KAPAG NAGDURUSA ANG TAO?
  • GUSTO NG DIYOS NA MAKILALA MO SIYA
  • PUWEDE KA BANG MAGING KAIBIGAN NI JEHOVA?
  • Sino ang Diyos?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2011
  • Bakit Dapat Nating Gamitin ang Pangalan ng Diyos?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2012
  • Ang Katotohanan Tungkol sa Diyos at kay Kristo
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova (Pampubliko)—2020
  • Sino ang Diyos?
    Magandang Balita Mula sa Diyos!
Iba Pa
Ano ang Itinuturo sa Atin ng Bibliya?
bhs kab. 1 p. 8-18

KABANATA 1

Sino ang Diyos?

1, 2. Ano ang madalas itanong ng mga tao?

MARAMING tanong ang mga bata. Kapag may ipinaliwanag ka sa kanila, magtatanong sila, ‘Bakit po?’ At kapag sumagot ka sa kanila, baka magtanong pa rin sila, ‘Pero bakit po?’

2 Bata man tayo o matanda, may mga tanong tayo. Baka tungkol ito sa kung ano ang kakainin natin, isusuot, o bibilhin. O baka may mahahalagang tanong tayo tungkol sa buhay at sa kinabukasan. Kapag hindi tayo kontento sa sagot sa mga tanong natin, baka tumigil na tayo sa paghahanap ng sagot.

3. Bakit iniisip ng marami na mahirap makita ang sagot sa mahahalagang tanong nila?

3 May sagot ba ang Bibliya sa mahahalagang tanong natin? Baka ganiyan ang iniisip ng ilan, pero para sa kanila, napakahirap maintindihan ng Bibliya. Baka iniisip nilang mga guro o pari lang ang makakasagot sa mga tanong natin. Nahihiya naman ang iba na amining hindi nila alam ang sagot. Ikaw, ano sa palagay mo?

4, 5. Anong mga tanong ang naiisip mo? Bakit dapat kang patuloy na maghanap ng sagot?

4 Baka gusto mong malaman ang sagot sa mga tanong na gaya ng: Bakit ako nandito? Ano ang mangyayari sa akin kapag namatay ako? Ano ang mga katangian ng Diyos? Sinabi ng sikát na Guro na si Jesus: “Patuloy kayong humingi at bibigyan kayo, patuloy kayong maghanap at makakakita kayo, patuloy kayong kumatok at pagbubuksan kayo.” (Mateo 7:7) Huwag kang susuko hanggang sa makita mo ang maaasahang mga sagot.

5 Oo, kung ‘patuloy kang maghahanap,’ makikita mo ang sagot sa Bibliya. (Kawikaan 2:1-5) Hindi naman mahirap maintindihan ang mga sagot. Magbibigay ito sa iyo ng masayang buhay ngayon at magandang pag-asa sa hinaharap. Pag-usapan natin ang isang tanong na nakakalito sa marami.

MAHAL BA TAYO NG DIYOS O MALUPIT SIYA?

6. Bakit iniisip ng ilan na hindi sila mahal ng Diyos?

6 Iniisip ng marami na hindi tayo mahal ng Diyos. Para sa kanila, kung mahal tayo ng Diyos, hindi sana ganito ang mundo. Kahit saan, makakakita tayo ng digmaan, pag-aaway, at pagdurusa. Ang mga tao ay nagkakasakit, nahihirapan, at namamatay. Iniisip ng ilan, ‘Kung mahal tayo ng Diyos, bakit hinahayaan niya ang pagdurusa?’

7. (a) Paano itinuturo ng mga lider ng relihiyon na malupit ang Diyos? (b) Bakit tayo makakatiyak na hindi ang Diyos ang dapat sisihin sa masasamang bagay?

7 Kung minsan, itinuturo ng mga lider ng relihiyon na malupit ang Diyos. Kapag may nangyaring masama, sinasabi nilang kalooban ito ng Diyos at gusto niyang mangyari ito. Kapag sinasabi nila iyan, ang totoo, sinisisi nila ang Diyos. Pero itinuturo ng Bibliya na ang Diyos ay hindi kailanman gagawa ng masama. Sinasabi ng Santiago 1:13 na hindi sinusubok ng Diyos ang sinuman sa pamamagitan ng masasamang bagay. Ganito ang mababasa natin: “Kapag dumaranas ng pagsubok, huwag sabihin ninuman: ‘Sinusubok ako ng Diyos.’ Dahil ang Diyos ay hindi masusubok na gumawa ng masama, at hindi rin niya sinusubok ang sinuman na gumawa ng masama.” Ibig sabihin, kahit hinahayaan ng Diyos na mangyari ang masasamang bagay, hindi siya ang gumagawa nito. (Basahin ang Job 34:10-12.) Tingnan ang isang halimbawa.

8, 9. Bakit hindi tamang sisihin ang Diyos sa mga problema natin? Magbigay ng halimbawa.

8 Halimbawa, isang kabataan ang nakatira kasama ng mga magulang niya. Mahal na mahal siya ng tatay niya at tinuruan siya nito na gumawa ng mabubuting desisyon. Pero nagrebelde siya sa tatay niya at naglayas. Gumawa siya ng masasamang bagay at nasangkot sa gulo. Sisisihin mo ba ang tatay sa nangyari dahil hindi niya pinigilan ang anak niya nang umalis ito ng bahay? Siyempre, hindi! (Lucas 15:11-13) Gaya ng tatay na iyon, hindi rin pinipigilan ng Diyos ang mga tao kapag pinipili nilang magrebelde at gumawa ng masama. Kaya kapag may nangyaring masama, dapat nating tandaan na hindi ang Diyos ang gumawa nito. Hindi tamang sisihin ang Diyos.

9 May mabuting dahilan ang Diyos kung bakit hinahayaan niyang mangyari ang masasamang bagay. Sa Kabanata 11, malalaman mo ang sinasabi ng Bibliya tungkol dito. Pero makakatiyak ka na mahal tayo ng Diyos at na hindi siya ang dapat sisihin sa mga problema natin. Ang totoo, siya lang ang makapagbibigay ng solusyon sa mga ito.—Isaias 33:2.

10. Bakit tayo makakatiyak na aayusin ng Diyos ang lahat ng pinsalang ginawa ng masasamang tao?

10 Ang Diyos ay banal. (Isaias 6:3) Lahat ng ginagawa niya ay malinis at mabuti. Kaya makapagtitiwala tayo sa kaniya. Pero hindi ganiyan ang mga tao, dahil kung minsan, gumagawa sila ng mali. At kahit ang pinakatapat na tagapamahala ay walang kakayahang ayusin ang lahat ng pinsalang ginagawa ng masasama. Walang makakapantay sa kapangyarihan ng Diyos. Kaya niyang ayusin ang lahat ng pinsalang ginawa ng masasamang tao at gagawin niya ito. Aalisin niya ang kasamaan magpakailanman.—Basahin ang Awit 37:9-11.

ANO ANG NARARAMDAMAN NG DIYOS KAPAG NAGDURUSA ANG TAO?

11. Ano ang nararamdaman ng Diyos sa pagdurusang nararanasan mo?

11 Ano ang nararamdaman ng Diyos kapag nakikita niya ang nangyayari sa mundo at ang pinagdaraanan mo? Itinuturo ng Bibliya na “iniibig [ng Diyos] ang katarungan.” (Awit 37:28) Kaya napakahalaga sa kaniya kung ano ang tama at mali. Ayaw niyang nagdurusa ang mga tao. Sinasabi ng Bibliya na “nasaktan ang puso niya” nang makita niyang punô ng kasamaan ang mundo noon. (Genesis 6:5, 6) Hindi nagbabago ang Diyos. (Malakias 3:6) Sinasabi ng Bibliya na talagang nagmamalasakit siya sa iyo.—Basahin ang 1 Pedro 5:7.

Mga likha ng Diyos: bundok, lawa, isda, ibon, at puno

Itinuturo ng Bibliya na si Jehova ang mapagmahal na Maylalang ng uniberso

12, 13. (a) Bakit tayo umiibig at nagmamalasakit sa iba? Ano ang nararamdaman natin tungkol sa mga pagdurusa sa mundo? (b) Bakit tayo makakatiyak na aalisin ng Diyos ang lahat ng pagdurusa at kawalang-katarungan?

12 Sinasabi rin ng Bibliya na nilalang tayo ng Diyos ayon sa larawan niya. (Genesis 1:26) Ibig sabihin, binigyan niya tayo ng magagandang katangiang gaya ng sa kaniya. Kaya kapag naaawa ka sa mga inosenteng tao na nagdurusa, mas matindi pa diyan ang nararamdaman ng Diyos! Paano natin nalaman?

13 Itinuturo ng Bibliya na “ang Diyos ay pag-ibig.” (1 Juan 4:8) Lahat ng ginagawa ng Diyos ay dahil sa pag-ibig. Kaya naman may kakayahan din tayong umibig. Pag-isipan ito: Kung kaya mong alisin ang pagdurusa at kawalang-katarungan sa mundo, gagawin mo ba? Oo naman, kasi mahal mo ang mga tao. Paano naman ang Diyos? Makapangyarihan siya, at dahil mahal niya tayo, aalisin niya ang lahat ng pagdurusa at kawalang-katarungan. Makakatiyak ka na mangyayari ang lahat ng pangako ng Diyos na binanggit sa simula ng aklat na ito! Pero para makapagtiwala ka sa mga pangakong iyon, kailangan mong mas makilala pa ang Diyos.

GUSTO NG DIYOS NA MAKILALA MO SIYA

Dalawang babaeng nagpapakilala sa isa’t isa

Kung gusto mong maging kaibigan ang isang tao, sinasabi mo ang pangalan mo. Sa Bibliya, sinasabi sa atin ng Diyos ang pangalan niya

14. Ano ang pangalan ng Diyos, at bakit dapat natin itong gamitin?

14 Kung gusto mong maging kaibigan ang isang tao, ano ang una mong sinasabi sa kaniya? Ang pangalan mo. May pangalan ba ang Diyos? Sinasabi ng maraming relihiyon na ang pangalan niya ay Diyos o Panginoon, pero hindi pangalan ang mga ito. Titulo lang ang mga ito, gaya ng “hari” o “presidente.” Sinabi sa atin ng Diyos na ang pangalan niya ay Jehova. Sinasabi ng Awit 83:18: “Malaman nawa ng mga tao na ikaw, na ang pangalan ay Jehova, ikaw lang ang Kataas-taasan sa buong lupa.” Libo-libong ulit na ginamit ng mga sumulat ng Bibliya ang pangalan ng Diyos. Gusto ni Jehova na malaman mo ang pangalan niya at gamitin ito. Sinasabi niya ito sa iyo dahil gusto ka niyang maging kaibigan.

15. Ano ang kahulugan ng pangalang Jehova?

15 Ang pangalan ng Diyos, Jehova, ay may malalim na kahulugan. Nangangahulugan ito na kaya niyang tuparin ang anumang ipangako niya at gawin ang layunin niya. Walang makakapigil sa kaniya. Si Jehova lang ang puwedeng magmay-ari ng pangalang ito.a

16, 17. Ano ang ibig sabihin ng (a) “Makapangyarihan-sa-Lahat”? (b) “Haring walang hanggan”? (c) “Maylalang”?

16 Gaya ng nabasa natin, sinasabi sa Awit 83:18 tungkol kay Jehova: “Ikaw lang ang Kataas-taasan.” Sinasabi naman sa Apocalipsis 15:3: “Dakila at kamangha-mangha ang iyong mga gawa, Diyos na Jehova, ang Makapangyarihan-sa-Lahat. Matuwid at totoo ang iyong mga daan, Haring walang hanggan.” Ano ang ibig sabihin ng titulong “Makapangyarihan-sa-Lahat”? Ibig sabihin, si Jehova ang pinakamakapangyarihan sa buong uniberso. At ang titulong “Haring walang hanggan” ay nangangahulugang wala siyang pasimula. Ayon sa Awit 90:2, siya ay mula sa panahong walang pasimula hanggang sa panahong walang wakas. Hindi ba’t kamangha-mangha iyan?

17 Si Jehova lang ang Maylalang, o Maylikha. Sinasabi sa Apocalipsis 4:11: “O Jehova na Diyos namin, ikaw ang karapat-dapat sa kaluwalhatian at karangalan at kapangyarihan, dahil nilalang mo ang lahat ng bagay, at dahil sa kalooban mo ay umiral sila at nalalang.” Oo, mula sa mga anghel hanggang sa mga bituin sa langit, sa mga prutas sa puno, at sa mga isda sa dagat—si Jehova ang gumawa sa lahat ng maiisip mo!

PUWEDE KA BANG MAGING KAIBIGAN NI JEHOVA?

18. Bakit iniisip ng ilan na hindi sila puwedeng maging kaibigan ng Diyos? Pero ano ang sinasabi ng Bibliya?

18 Kapag nababasa ng ilan ang kamangha-manghang mga katangian ni Jehova, natatakot sila at iniisip, ‘Ang Diyos ay makapangyarihan at napakalayo, kaya bakit siya magmamalasakit sa akin?’ Pero iyan ba ang gusto ng Diyos na maramdaman natin? Hindi. Gusto ni Jehova na maging malapít sa atin. Sinasabi ng Bibliya na “hindi siya malayo sa bawat isa sa atin.” (Gawa 17:27) Gusto ng Diyos na lumapit ka sa kaniya, at nangangako siyang ‘lalapit siya sa iyo.’—Santiago 4:8.

19. (a) Paano ka magiging kaibigan ng Diyos? (b) Anong katangian ni Jehova ang pinakagusto mo?

19 Paano ka magiging kaibigan ng Diyos? Sinabi ni Jesus: “Para magkaroon sila ng buhay na walang hanggan, kailangan nilang makilala ka, ang tanging tunay na Diyos, at ang isinugo mo, si Jesu-Kristo.” (Juan 17:3) Patuloy na mag-aral, at makikilala mo si Jehova at si Jesus. Dahil diyan, puwede kang magkaroon ng buhay na walang hanggan. Halimbawa, natutuhan natin na “ang Diyos ay pag-ibig.” (1 Juan 4:16) Pero marami pa siyang magagandang katangian. Sinasabi ng Bibliya na si Jehova ay “maawain at mapagmalasakit, hindi madaling magalit at sagana sa tapat na pag-ibig at katotohanan.” (Exodo 34:6) Si Jehova ay “mabuti at handang magpatawad.” (Awit 86:5) Ang Diyos ay matiisin at tapat. (2 Pedro 3:9; Apocalipsis 15:4) Marami ka pang matututuhan tungkol sa magagandang katangian niya habang binabasa mo ang Bibliya.

20-22. (a) Paano tayo mapapalapít sa Diyos kung hindi natin siya nakikita? (b) Ano ang gagawin mo kung gusto kang pahintuin ng iba sa pag-aaral ng Bibliya?

20 Paano ka mapapalapít sa Diyos kung hindi mo siya nakikita? (Juan 1:18; 4:24; 1 Timoteo 1:17) Kapag nababasa mo sa Bibliya ang tungkol kay Jehova, makikilala mo siya bilang isang tunay na Persona. (Awit 27:4; Roma 1:20) Habang natututo ka tungkol kay Jehova, lalo mo siyang mamahalin at mas mapapalapít ka sa kaniya.

Pasan ng tatay ang anak niya habang tinitingnan ang mga likha ng Diyos

Mahal ng isang ama ang mga anak niya, pero mas mahal tayo ng ating Ama sa langit

21 Maiintindihan mo na si Jehova ay ating Ama. (Mateo 6:9) Binigyan niya tayo ng buhay, at gusto niya ang pinakamagandang buhay para sa atin. Ganiyan ang gusto ng isang mapagmahal na ama para sa mga anak niya. (Awit 36:9) Oo, itinuturo ng Bibliya na puwede kang maging kaibigan ni Jehova. (Santiago 2:23) Isipin iyan! Gusto kang maging kaibigan ni Jehova, ang Maylalang ng uniberso!

22 Baka gusto kang pahintuin ng iba sa pag-aaral mo ng Bibliya. Baka nag-aalala sila na lilipat ka ng relihiyon. Pero huwag mong hayaang pigilan ka ng sinuman na maging kaibigan ni Jehova. Siya ang pinakamabuting Kaibigan sa lahat.

23, 24. (a) Bakit dapat kang patuloy na magtanong? (b) Ano ang pag-uusapan natin sa susunod na kabanata?

23 Habang pinag-aaralan mo ang Bibliya, may mga bagay kang hindi maiintindihan. Huwag mahiyang magtanong o humingi ng tulong. Sinabi ni Jesus na dapat tayong magpakumbaba, gaya ng bata. (Mateo 18:2-4) Marami ring tanong ang mga bata. Gusto ng Diyos na makita mo ang sagot sa mga tanong mo. Kaya pag-aralang mabuti ang Bibliya para matiyak mong totoo ang natututuhan mo.—Basahin ang Gawa 17:11.

24 Ang pinakamagandang paraan para matuto tungkol kay Jehova ay ang pag-aaral ng Bibliya. Sa susunod na kabanata, aalamin natin kung bakit naiiba ang Bibliya sa lahat ng aklat.

a Kung walang pangalang Jehova sa Bibliya mo o kung gusto mo pang malaman ang tungkol sa kahulugan at bigkas ng pangalan ng Diyos, tingnan ang Karagdagang Impormasyon 1.

SUMARYO

KATOTOHANAN 1: SINO ANG DIYOS?

“Nilalang mo ang lahat ng bagay.”—Apocalipsis 4:11

Ano ang itinuturo sa atin ng Bibliya tungkol sa Diyos?

  • Apocalipsis 15:3

    Siya ang Makapangyarihan-sa-Lahat, ang pinakamakapangyarihan sa uniberso.

  • Awit 90:2

    Wala siyang pasimula.

  • Mateo 6:9

    Ang Diyos ay Ama natin.

    Gusto niya ang pinakamagandang buhay para sa atin.

  • Gawa 17:27

    Gusto ng Diyos na maging malapít sa atin.

KATOTOHANAN 2: MAY PANGALAN ANG DIYOS

“Jehova . . . ang pangalan ko magpakailanman.”—Exodo 3:15

Bakit mahalaga ang pangalan ng Diyos?

  • Awit 83:18

    Sinasabi sa atin ng Diyos na ang pangalan niya ay Jehova. Ang “Diyos” at “Panginoon” ay hindi pangalan. Titulo ang mga ito, gaya ng “hari” at “presidente.” Gusto ni Jehova na gamitin mo ang pangalan niya.

  • Exodo 3:14

    Ang pangalan niya ay nangangahulugang “Pinangyayari Niyang Maging Gayon.” Dahil nilalang ni Jehova ang lahat ng bagay, kaya niyang tuparin ang anumang ipangako niya at gawin ang layunin niya.

KATOTOHANAN 3: MAHAL TAYO NI JEHOVA

“Ang Diyos ay pag-ibig.”—1 Juan 4:8

Ano ang kahulugan para sa atin ng pag-ibig ng Diyos?

  • Exodo 34:6; Awit 37:28

    Maawain siya at mapagmalasakit. Iniibig niya ang katotohanan at katarungan.

  • Awit 86:5

    Mapagpatawad siya.

  • 2 Pedro 3:9

    Matiisin siya sa atin.

  • Apocalipsis 15:4

    Tapat siya sa atin.

KATOTOHANAN 4: NAGMAMALASAKIT ANG DIYOS SA IYO

‘Ihagis mo sa kaniya ang lahat ng iyong álalahanín, dahil nagmamalasakit siya sa iyo.’—1 Pedro 5:7

Paano mo nalaman na talagang nagmamalasakit sa iyo ang Diyos?

  • Awit 37:9-11

    Nangangako siyang aalisin ang pagdurusa at aayusin ang lahat ng pinsalang ginawa ng masasama.

  • Santiago 4:8

    Gusto ni Jehova na mapalapít ka sa kaniya.

  • Juan 17:3

    Habang natututo ka tungkol sa Diyos, mas mamahalin mo siya.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share