Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w11 2/1 p. 16-17
  • Sino ang Diyos?

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Sino ang Diyos?
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2011
  • Kaparehong Materyal
  • Sino ang Diyos?
    Magandang Balita Mula sa Diyos!
  • Sino ang Diyos?
    Ano ang Itinuturo sa Atin ng Bibliya?
  • Ano ba ang Katotohanan Tungkol sa Diyos?
    Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya?
  • Bakit Dapat Nating Gamitin ang Pangalan ng Diyos?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2012
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2011
w11 2/1 p. 16-17

Matuto Mula sa Salita ng Diyos

Sino ang Diyos?

Tinatalakay ng artikulong ito ang mga tanong na maaaring naiisip mo at ipinakikita kung saan sa iyong Bibliya matatagpuan ang sagot. Nais ng mga Saksi ni Jehova na ipakipag-usap sa iyo ang mga sagot na ito.

1. Sino ang Diyos?

Ang tunay na Diyos ang Maylalang ng lahat ng bagay. Tinatawag siya ng Bibliya bilang “Haring walang hanggan.” Ibig sabihin, wala siyang pasimula at wala ring katapusan. (Apocalipsis 15:3) Yamang siya ang Bukal ng buhay, siya lamang ang dapat nating sambahin.​—Basahin ang Apocalipsis 4:11.

2. Anong uri ng persona ang Diyos?

Wala pang sinumang nakakita sa Diyos dahil isa siyang Espiritu, isang anyo ng buhay na nakahihigit sa mga nilalang sa lupa. (Juan 1:18; 4:24) Makikita ang mga katangian ng Diyos sa mga ginawa niya. Halimbawa, kapag pinag-iisipan natin ang disenyo at pagkakasari-sari ng mga prutas at bulaklak, nakikita natin ang pag-ibig at karunungan ng Diyos. Kung titingnan naman natin ang lawak ng uniberso, masasabi nating makapangyarihan ang Diyos.​—Basahin ang Roma 1:20.

Sa Bibliya, marami pa tayong matututuhan tungkol sa personalidad ng Diyos. Halimbawa, sinasabi nito sa atin kung ano ang gusto at ayaw ng Diyos, at kung paano siya nakikitungo sa mga tao at tumutugon sa iba’t ibang sitwasyon.​—Basahin ang Awit 103:7-10.

3. May pangalan ba ang Diyos?

Sinabi ni Jesus: “Ama namin na nasa langit, pakabanalin nawa ang iyong pangalan.” (Mateo 6:9) Bagaman maraming titulo ang Diyos, iisa lang ang kaniyang pangalan. Sa bawat wika, iba-iba ang bigkas sa pangalang iyan. Sa Tagalog, ang karaniwang ginagamit ay “Jehova” o kung minsan ay “Yahweh.”​—Basahin ang Awit 83:18.

Ang pangalan ng Diyos ay inalis sa maraming Bibliya at pinalitan ng mga titulong Panginoon o Diyos. Pero nang isulat ang Bibliya, mga 7,000 ulit na lumitaw rito ang pangalan ng Diyos. Ipinakilala ni Jesus ang pangalan ng Diyos nang gamitin niya ito habang ipinaliliwanag ang Salita ng Diyos sa mga tao. Tinulungan niya ang mga tao na makilala ang Diyos.​—Basahin ang Juan 17:26.

4. Mahal ba tayo ni Jehova?

Ipinakikita ni Jehova na interesado siya sa atin sa pamamagitan ng pakikinig sa ating panalangin. (Awit 65:2) Ngunit marami ang nagdurusa ngayon. Ibig bang sabihin, hindi tayo mahal ng Diyos? Ayon sa iba, ang mga pagdurusa natin ay pagsubok mula sa Diyos, pero hindi iyan totoo. Sinasabi ng Bibliya: “Ang Diyos ay hindi gumagawi nang may kabalakyutan.”​—Job 34:12; basahin ang Santiago 1:13.

Binigyan tayo ng Diyos ng kalayaang magpasiya. Hindi ba natin ipinagpapasalamat ang kalayaang magpasiya na maglingkod sa Diyos? (Josue 24:15) Nakalulungkot, laganap ang pagdurusa dahil pinipili ng marami na gumawa ng masama sa kanilang kapuwa. Nasasaktan si Jehova kapag nakikita niya ang gayong kawalang-katarungan.​—Basahin ang Genesis 6:5, 6.

Di-magtatagal, gagamitin ni Jehova si Jesus para alisin ang pagdurusa at ang mga nagdudulot nito. Samantala, may mabuting dahilan si Jehova para pansamantalang pahintulutan ang pagdurusa. Ipaliliwanag ng ibang aralin sa seryeng ito kung bakit pinahihintulutan ng Diyos ang pagdurusa.​—Basahin ang Isaias 11:4.

5. Ano ang gusto ng Diyos na gawin natin?

Nilalang tayo ni Jehova na may kakayahang makilala at ibigin siya. Gusto niyang malaman natin ang katotohanan tungkol sa kaniya. (1 Timoteo 2:4) Kung pag-aaralan natin ang Bibliya, makikilala natin ang Diyos bilang isang Kaibigan.​—Basahin ang Kawikaan 2:4, 5; Santiago 2:23.

Yamang utang natin kay Jehova ang ating buhay, dapat natin siyang ibigin nang higit kaysa kaninuman. Maipakikita rin nating iniibig natin siya kung mananalangin tayo sa kaniya at gagawin ang mga hinihiling niya. (Kawikaan 15:8) Hinihiling ni Jehova na pakitunguhan natin nang may pag-ibig ang iba.​—Basahin ang Marcos 12:29-31; 1 Juan 5:3.

Para sa higit pang impormasyon, tingnan ang kabanata 1 ng aklat na Ano ba Talaga ang Itinuturo ng Bibliya? na inilathala ng mga Saksi ni Jehova.

[Larawan sa pahina 17]

May mabuting dahilan ba para pansamantalang pahintulutan ang pagdurusa?

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share