BET-SITA
[Bahay ng [Punong] Akasya].
Isang bayan na dinaanan ng mga Midianita sa kanilang pagtakas matapos silang malupig ni Hukom Gideon sa Mababang Kapatagan ng Jezreel. (Huk 7:22) Yamang ang mga Midianita ay patungo noon sa rehiyon ng Jordan, malamang na ang Bet-sita ay nasa dakong S o TS ng burol ng More at ng balon ng Harod. Naganap ang pagbabaka malapit sa mga lugar na ito. (Huk 7:1) Sinasabi ng ilan na ang Bet-sita ay malamang na ang Shattah (Bet Ha-Shitta), mga 4.5 km (3 mi) sa STS ng makabagong ʽEn Harod, anupat mababanaag din dito ang orihinal na pangalan. Ayon naman sa iba, masyado itong malapit sa pinangyarihan ng pagbabaka, kaya iminumungkahi nila ang isang lokasyon na mas dako pang TS, bagaman wala silang partikular na lugar na tinutukoy.