ENELDO
[sa Gr., aʹne·thon; sa Ingles, dill].
Sumasang-ayon ang makabagong mga leksikograpo na ang halamang tinutukoy ng terminong Griego na aʹne·thon ay ang eneldo (Anethum graveolens) sa halip na ang anis (sa Gr., anʹne·son), na mababasa sa mas matatandang salin (AS-Tg, Dy). Sa ngayon ay mas karaniwang itinatanim sa rehiyon ng Palestina ang eneldo kaysa sa anis, at ipinakikita ng katibayan na mula pa noong sinaunang panahon ay itinatanim na ito ng mga taga-Gitnang Silangan, at pati ng mga Griego at mga Romano. Kabilang ang eneldo sa mga halaman na ubod-ingat na ipinagbayad ng ikapu ng mapagpaimbabaw na mga Pariseo, samantalang hindi naman nila tinutupad ang mas mabibigat na bagay ng Kautusan. (Mat 23:23) Itinakda ng Judiong Mishnah (Maʽaserot 4:5) na hindi lamang ang mga buto kundi pati ang halaman at mga bunga nito ang dapat ipagbayad ng ikapu.
Ang halamang ito ay tumutubo na parang damo, kahawig ng anis, at tumataas nang mga 0.5 m (2 piye) anupat may mga dahong pinung-pino na matingkad na kulay berde at mga kumpol ng maliliit na bulaklak na kulay dilaw. Itinatanim ito dahil sa aromatikong mga buto nito, na ginagamit na pampalasa sa pagkain at gamot sa mga sakit sa tiyan.