LABIS NA PAGPURI
[sa Ingles, flattery].
Pagbibigay-lugod sa iba sa pamamagitan ng tusong komendasyon; pambobola; di-totoo, di-taimtim, o sobrang pagpuri. Kadalasan, ginagawa ito upang bigyang-kasiyahan ang pag-ibig sa sarili o ang kapalaluan ng taong labis na pinupuri at sa gayon ay nakapipinsala ito sa kaniya. Ang motibo nito ay upang magtamo ang isa ng pabor o materyal na mga pakinabang mula sa ibang tao, upang makadama ng obligasyon ang taong iyon sa isa na labis na pumupuri sa kaniya, o upang parangalan siya. Kadalasan na, ginagamit ito upang siluin ang taong iyon. (Kaw 29:5) Ang paggamit ng labis na papuri ay hindi nagpapamalas ng karunungan mula sa itaas, kundi nagmumula sa sanlibutang ito, anupat kakikitaan ng pagkamakasarili, pagtatangi, at pagpapaimbabaw. (San 3:17) Ang pagiging di-taimtim, pagsisinungaling, pambobola o pagluwalhati sa mga tao, at pagsasamantala sa kapalaluan ng iba ay pawang di-kalugud-lugod sa Diyos.—2Co 1:12; Gal 1:10; Efe 4:25; Col 3:9; Apo 21:8.
Ang kaibahan ng landasing Kristiyano sa labis na pagpuri ay masusumpungan sa mga salita ng apostol sa 1 Tesalonica 2:3-6: “Sapagkat ang payo na ibinibigay namin ay hindi nagmumula sa kamalian o sa karumihan o sa panlilinlang, kundi, kung paanong kami ay napatunayan na ng Diyos bilang karapat-dapat na pagkatiwalaan ng mabuting balita, gayon kami nagsasalita, na pinalulugdan, hindi ang mga tao, kundi ang Diyos, na siyang sumusubok sa aming mga puso. Sa katunayan, kailanman ay hindi kami dumating na may pananalitang labis na mapamuri, (gaya ng alam ninyo) ni may balatkayo man para sa kaimbutan, saksi ang Diyos! Ni naghahanap man kami ng kaluwalhatian mula sa mga tao, hindi, mula sa inyo man o mula sa iba, bagaman maaari sana kaming maging magastos na pasanin bilang mga apostol ni Kristo.”
Bagaman sa wari’y nagdudulot ng maraming pakinabang ang paggamit ng labis na papuri, itinatawag-pansin ng Bibliya na “siyang sumasaway sa isang tao ay makasusumpong sa dakong huli ng higit na lingap kaysa sa kaniya na labis na mapamuri sa pamamagitan ng kaniyang dila.” (Kaw 28:23) Kapag gumagamit ang isang tao ng labis na papuri upang malamangan niya ang ibang tao, kabaligtaran ito ng pag-ibig. Ang isang napopoot ay maaaring gumamit ng labis na papuri ngunit, sa bandang huli, ang panlilinlang niya ay gugulong pabalik sa kaniya gaya ng isang bato.—Kaw 26:24-28.
Ang isa na labis na pumupuri ay gumagamit ng madulas na pangungusap upang madaya ang kaniyang biktima. Ang mga pananalitang “labis na pagpuri,” “madulas na dila (o labi),” “madudulas na salita” (Aw 5:9; 12:2, 3; Dan 11:32), “dulas,” “kadulasan” (Kaw 7:21; Dan 11:34, tlb sa Rbi8), at ‘doble-kara’ (Eze 12:24, tlb sa Rbi8) ay mga salin ng salitang-ugat na Hebreo na cha·laqʹ o ng kaugnay nitong mga salita. Sa bawat nabanggit na halimbawa sa Bibliya, ang motibo ng isa na madulas magsalita ay masama.
Ang isang halimbawa ng kapaha-pahamak na resulta ng pagtanggap ng labis na papuri at ng paghanga ng mga tao ay si Herodes Agripa I, na labis na pinuri ng pulutong bilang diumano’y nagsasalita sa “tinig ng isang diyos.” Dahil tinanggap niya ang labis na papuri at hindi niya ibinigay sa Diyos ang kaluwalhatian, siya ay sinaktan ng anghel ng Diyos at namatay. (Gaw 12:21-23) Sa kabilang dako naman, kaagad na pinigilan nina Bernabe at Pablo ang isang pulutong na nagnanais sumamba sa kanila. (Gaw 14:11-15) Gayundin, nang tangkain ng isang tagapamahalang Judio na ikapit kay Jesu-Kristo ang labis na mapamuring titulo na “Mabuting Guro,” agad siyang itinuwid ni Jesus, na sinasabi: “Bakit mo ako tinatawag na mabuti? Walang sinumang mabuti, maliban sa isa, ang Diyos.”—Luc 18:18, 19; ihambing ang Job 32:21, 22.