Watchtower ONLINE LIBRARY
Watchtower
ONLINE LIBRARY
Tagalog
  • BIBLIYA
  • PUBLIKASYON
  • PULONG
  • w89 2/15 p. 30-31
  • Madudulas na Salitang Nakapipinsala

Walang available na video.

Sorry, nagka-error sa paglo-load ng video.

  • Madudulas na Salitang Nakapipinsala
  • Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
  • Subtitulo
  • Kaparehong Materyal
  • WALANG KABULUHAN ANG LABIS NA PAPURI
  • KUNWANG PAGPURI UPANG MAKINABANG
  • SIKAPING MAGING TIMBANG
  • Iyon Ba’y Papuri o Pambobola?
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1998
  • Labis na Pagpuri
    Kaunawaan sa Kasulatan, Tomo 2
  • Laging Isaisip ang Kahalagahan ng Komendasyon
    Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—2007
  • Nakagiginhawa ang Komendasyon
    Ating Ministeryo sa Kaharian—2003
Iba Pa
Ang Bantayan Naghahayag ng Kaharian ni Jehova—1989
w89 2/15 p. 30-31

Madudulas na Salitang Nakapipinsala

ANG pagpuri sa isang tao sa isang trabahong nagawa niya nang buong husay ay nagpapagalak sa puso ng isang masipag na manggagawa. Subalit, may isang uri ng pangungusap na, bagaman nahahawig sa papuri kung pakikinggan at kadalasan pinagkakamalan na iyon nga, ay sa tuwina nakapipinsala.

Sa Kawikaan 28:23 ay mababasa natin: “Siyang sumasaway sa isang tao ay makasusumpong sa ibang araw ng higit na lingap kaysa roon sa kunwa’y pumupuri ng dila.” Ito ay babala, hindi laban sa pagpuri, kundi laban sa kunwa’y papuri.

Sang-ayon sa isang diksiyunaryo, ang mga salitang “kunwang papuri” ay nangangahulugang purihin nang labis, nang walang katotohanan o di-taimtim. Ang pananalitang iyan ay tumutukoy din sa pagsisikap na makamit ang lingap ng sinuman sa pamamagitan ng papuri at atensiyon. Naiiba sa papuri na nakasalig sa isang tamang pagkakilala sa puspusang pagtatrabaho, ang kunwang papuri ay hindi nakasalig sa katotohanan.

WALANG KABULUHAN ANG LABIS NA PAPURI

Ang kunwang pagpuri ay laging nagbubunga ng masama. Halimbawa, ito’y nagtutulak sa isa upang magmataas, na tinukoy ni Jesus na kabilang sa “mga nakapipinsalang pangangatuwiran” na nanggagaling sa puso. (Marcos 7:21, 22) Ang Bibliya ay nagpapayo sa mananamba sa Diyos na “huwag mag-isip nang higit kaysa kinakailangan tungkol sa kaniyang sarili; kundi mag-isip na makaaakay sa pagkakaroon ng isang matinong isip.” (Roma 12:3) Ang pinalabis na pagkakilala sa sarili na likha ng kunwang papuri ay gumagawa ng laban sa gayong katinuan ng isip ng Kristiyano.

Ang mga taong mahilig sa kunwang papuri ay kumikilos nang hindi mabuti pagka sila’y pinintasan. Ang gusto nilang marinig ay iyon lamang mga salitang pumupuri sa kanila. Kabilang sa ganiyang uri ang mga Israelita na nagreklamo sa mga propeta ng Diyos: “Huwag kayong manghula sa amin ng mga bagay na matuwid. Magsalita kayo sa amin ng mga bagay na malumanay [“kunwang mga papuri,” The Jerusalem Bible]; manghula kayo ng magdarayang mga bagay.” (Isaias 30:10) Datapuwat, ang paghahangad ng madudulas na salita ng kunwang papuri imbis na ng nagtutuwid na payo buhat sa Diyos ay umakay sa kapahamakan sa bansang Israel.

Noong kaarawan ni Jesus sa mga mahilig sa kunwang papuri ay kabilang lalo na ang mga eskriba at mga Fariseo. Tungkol sa kanila, sinabi ng Anak ng Diyos: “Ginagawa nila ang lahat ng kanilang gawa upang makita ng mga tao; sapagkat nagpapalapad sila ng mga pilakterya na kanilang isinusuot bilang pananggalang, at pinahahaba nila ang mga palawit sa laylayan ng kanilang mga damit. Ibig nila ang pinakatanyag na dako sa mga pigingan at ang mga unahang upuan sa mga sinagoga, at ang sila’y pagpugayan sa mga pamilihang dako at tawagin ng mga tao na Rabbi.” (Mateo 23:5-7) Subalit ito’y humantong sa kanilang kapahamakan. Dahilan sa “pagtanggap ng kaluwalhatian buhat sa isa’t isa” sila’y hindi sumampalataya sa ipinangakong Mesiyas at naiwala nila ang mga pagpapala na dulot ng pagiging bahagi ng Kaharian ng Diyos. (Juan 5:44; 12:43; Mateo 21:42, 43) Gayundin, ang kanilang pagtanggi kay Jesu-Kristo ay humantong sa pagpuksa sa bansang Judio ng mga Romano noong 70 C.E.

KUNWANG PAGPURI UPANG MAKINABANG

Ang pagmamataas at kahambugan ay bahagi lamang ng masamang bunga na likha ng kunwang papuri. Malimit na ang taong nagsasalita ng kunwang papuri ay gumagamit ng matatamis na pananalita bilang isang kasangkapan upang mapagsamantalahan ang iba. Sa Kasulatan ay binabanggit na mga taong pumapasok sa kongregasyong Kristiyano na mga “mapaglikha ng gulo, mga mareklamo tungkol sa kanilang kalagayan sa buhay, na nagsisilakad ayon sa kanilang masasamang pita, at ang kanilang bibig ay nagsasalita ng mga kapalaluan, handang magbigay ng kunwang papuri sa mga ibang tao kung nakikita nilang sila’y makikinabang doon.” (Judas 16, JB) Ang mga katulad nito ang sumasaisip ng salmista nang siya’y bumulalas: “Iligtas mo po ako, Oh Jehova, sapagkat ang banal na isa ay nalipol; sapagkat wala nang mga tapat na tao sa gitna ng mga anak ng mga tao. Sila’y nagsasalitaan bawat isa ng kabulaanan sa kani-kaniyang kapuwa; na may madulas na labi [“mapagpakunwaring mga labi,” JB] sila’y nangagsasalita nang may pusong magkabilan.”​—Awit 12:1, 2.

Ang taong may “pusong magkabilan” ay gumagamit ng matatamis na salitang pakunwari upang ikubli ang mapag-imbot na mga motibo. Sa pamamagitan ng gayong pananalita ay pinupukaw niya ang paghanga ng kaniyang mga tagapakinig at ‘siya’y kanilang hinahangaan.’ Pagkatapos ay gagamitin ng mapagkunwaring iyon ang kaniyang mga biktima upang maitaguyod niya ang kaniyang mapag-imbot na mga hangarin. Totoong-totoo ang sinasabi ng Kasulatan: “Ang malakas na tao na kunwang pumupuri sa kaniyang kapuwa ay naglalagay ng bitag sa kaniyang mga hakbang.”​—Kawikaan 29:5.

Pinayuhan ni Jesus ang kaniyang mga alagad: “Huwag kayong patawag na Rabbi, sapagkat isa ang inyong guro, at lahat kayo ay magkakapatid. At, huwag ninyong tatawaging inyong ama ang sinumang tao sa lupa, sapagkat iisa ang inyong Ama, ang Isang nasa langit. Ni huwag kayong patatawag na ‘mga lider,’ sapagkat iisa ang inyong Lider, ang Kristo. Datapuwat ang pinakadakila sa inyo ay magiging ministro sa inyo. Ang sinumang nagmamataas ay mabababa, at sinumang nagpapakababa ay matataas.” (Mateo 23:8-12) Ang mga taong ibig na tumulad kay Kristo ay hindi naghahangad na sila’y itaas ng mga tao sa pamamagitan ng pakunwaring papuri tulad baga ng paggamit ng matatayog-pakinggang mga titulong relihiyoso. Ang pagkataas na talagang mahalaga ay nanggagaling sa Diyos, at tanging para sa mga nagpapakababa. “Nauuna sa kapahamakan ang pusong matayog ng isang tao, at nauuna sa kaluwalhatian ang pagpapakumbaba.”​—Kawikaan 18:12.

Iiwasan ng mga Kristiyano ang kunwang pagpuri upang maging daan na mapataas ang kanilang sarili o ang iba. Kanila ring iiwasan ito bilang isang paraan ng pagsasamantala sa kanilang kapuwa tao. Ang halimbawa ni apostol Pablo ay napakainam: “Hindi kami nasumpungang nagsisigamit kailanman ng mga salitang paimbabaw, (gaya ng nalalaman ninyo) o ng balatkayo man ng kasakiman, saksi ang Diyos!”​—1 Tesalonica 2:5.

SIKAPING MAGING TIMBANG

Hindi naman ibig sabihin na lahat ng kunwang pagpuri ay may maling motibo. Likas sa mga iba na dagling humanga sa mga abilidad na kanilang nakikita sa kanilang mga kaibigan o mga kakilala. May mga taong mahilig na sabihin sa iba na sila’y “napakagaling” o kaya’y pakapurihin ang iba. Karaniwan nang ang gayung pangungusap ay lumalabis at kung tutuusin ay wala kundi pakunwaring papuri. Yamang lahat ng tao ay makasalanan, wala namang sinuman na totoong pinagpala sa mga katangian na anupa’t kailangan pang palaging sabihin iyon sa kaniya.​—Roma 3:23.

Sa kabilang dako naman, mahalaga na iwasan ang kabilang sukdulan ng hindi kailanman pagbibigay ng papuri sa iba. Sa halip dapat isaisip na si Jesus ay handang magbigay ng papuri kahit na sa mga sandaling siya’y nagsasagawa ng pagsaway. Halimbawa, ang Anak ng Diyos ay nagsabi sa kongregasyong Kristiyano sa Efeso: “Nalalaman ko ang iyong mga gawa, at ang iyong pagpapagal at ang iyong pagtitiis, at hindi mo matitiis ang masasamang tao, at sinubok mo ang mga nagpapanggap na mga apostol, ngunit sila’y hindi gayon, at sila’y nasumpungan mo na pawang bulaan. At may pagtitiis ka at nagbabata ka dahil sa aking pangalan, at hindi ka nanghimagod. Ngunit, mayroon akong laban sa iyo, na iyong iniwan ang pag-ibig na taglay mo noong una.” (Apocalipsis 2:1-4) Malamang na ang pagkapuring iyan sa mga Kristiyano sa Efeso ay nagpalakas-loob sa kanila at nag-udyok sa kanilang lahat na lalo pang ituwid ang kamalian na napansin ni Jesus “laban sa” kanila.

Samantalang ang pagpuri ay napakikinabangan, nililinaw ng Salita ng Diyos na ang madudulas na pananalita ng isang kunwang pumupuri ay nagdadala ng pinsala. Kapuwa ang taong kunwang pumupuri at yaong taong ‘napadadala’ sa kunwang papuri ay hindi makatututol sa kinasihang pangungusap: “Ang bibig ng kunwang mapagpuri ay umaakay sa kapahamakan.” (Kawikaan 26:28) Tinanggihan ni Jesu-Kristo ang kunwang papuri. (Marcos 10:17, 18) Siya’y isang halimbawa para sa kaniyang mga tagasunod.

    Mga Publikasyon sa Tagalog (1982-2025)
    Mag-Log Out
    Mag-Log In
    • Tagalog
    • I-share
    • Gusto Mong Setting
    • Copyright © 2025 Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania
    • Kasunduan sa Paggamit
    • Patakaran sa Privacy
    • Privacy Settings
    • JW.ORG
    • Mag-Log In
    I-share