GERAR
Isang lugar malapit sa Gaza na binanggit sa pinakamaagang rekord ng mga hangganan ng teritoryong Canaanita. (Gen 10:19) Noon, ang Gerar ay karaniwang iniuugnay sa Tell Jemmeh (Tel Gamma), na mga 12 km (7.5 mi) sa T ng makabagong Gaza. Ngunit sa kasalukuyan ay iniuugnay ito ng maraming heograpo sa Tell Abu Hureirah (Tel Haror), na nasa maburol na paanan ng kabundukan ng Judea, mga 19 na km (12 mi) sa TS ng makabagong Gaza. Maraming bibingang luwad na pinaniniwalaang mula pa noong panahon ng mga patriyarka ang natagpuan sa lugar na ito. Sa loob ng ilang panahon, si Abraham at nang maglaon, si Isaac, ay nanirahan bilang mga dayuhan sa Gerar at pareho silang nagkaroon ng pakikipag-ugnayan sa hari nito na si Abimelec (posibleng dalawang magkaibang tagapamahala na ganito ang pangalan o opisyal na titulo).—Gen 20:1-18; 21:22-34; 26:1-31; tingnan ang ABIMELEC Blg. 1 at 2.
Pagkatapos pangyarihin ni Jehova na matalo ang kahanga-hangang hukbo ni Zera na Etiope, tinugis ng mga hukbo ni Haring Asa ang tumatakas na mga kaaway hanggang sa Gerar. Pagkatapos nito, sinaktan at dinambungan ng mga Judeano ang “lahat ng lunsod sa palibot ng Gerar” (malamang ay dahil kaalyado ng mga Etiope ang mga ito); “maging ang mga toldang may mga alagang hayop ay kanilang sinaktan anupat bumihag sila ng napakaraming kawan at mga kamelyo.”—2Cr 14:8-15.
Iminumungkahi ng ilang iskolar na baguhin ang 1 Cronica 4:39, 40 upang kabasahan ng “Gerar” (gaya ng ginawa ng LXX) sa halip na “Gedor.” Iniuugnay ng talatang ito ang Gedor sa isang rehiyon na noong una’y tinirahan ng mga Hamita at may mainam na pastulan. Ang deskripsiyong ito’y tutugma sa mga pagtukoy ng Bibliya sa lugar na nasa palibot ng Gerar.