HEN
[Lingap; Kagandahang-loob].
Anak ng isang Zefanias (hindi ang propeta); isa na bumalik mula sa pagkatapon sa Babilonya. Binanggit siya may kaugnayan sa maringal na korona na ilalagay sa ulo ni Josue na mataas na saserdote at na pagkatapos ay magiging kay Hen at sa tatlong iba pa bilang pinakaalaala sa templo ni Jehova.—Zac 6:11, 14.
Malamang na si Hen ang Josias na binanggit sa Zacarias 6:10. Iba-iba ang pagkaunawa sa pangalang Hen gaya ng (1) pangalang pantangi, (2) isang pagpapaikli o pagbabago sa pangalang Josias, at (3) isang pangngalang pambalana. Sa Syriac na Peshitta ay lumilitaw ang pangalang Josias kapuwa sa Zacarias 6:10 at 6:14, gaya ng paglitaw nito sa iba’t ibang makabagong salin. (Mo, La, AT) Samantalang ang “kay Hen na anak ni Zefanias” ang masusumpungan sa mismong teksto ng Zacarias 6:14 sa American Standard Version, isa pang salin ang ibinibigay sa isang talababa, na nagsasabi: “O, para sa kabutihang-loob ng anak [ni Zefanias].” Ang saling “Hen,” gaya ng masusumpungan sa Bagong Sanlibutang Salin at sa iba pa, ay batay sa tekstong Masoretiko.