HIERAPOLIS
[Banal na Lunsod].
Isang lunsod sa probinsiya ng Asia. Ito ay nasa hilagaang gilid ng Libis ng Lycus ng Asia Minor, mga 10 km (6 na mi) sa H ng Laodicea sa makabagong Pamukkale, Turkey.
Bagaman lumilitaw na hindi kailanman dumalaw ang apostol na si Pablo sa Hierapolis, ang mga epekto ng kaniyang matagal na gawain sa Efeso (mula taglamig ng 52/53 C.E. hanggang pagkatapos ng Pentecostes noong 55 C.E. [1Co 16:8]) ay umabot sa ‘lahat ng distrito ng Asia.’ (Gaw 19:1, 10) Waring aktuwal na nakarating sa Hierapolis ang Kristiyanismo sa pamamagitan ng ‘mga pagsisikap’ ni Epafras.—Col 4:12, 13.
Bagaman walang pulitikal na kahalagahan ang lunsod, noong mapayapang yugtong Romano ay naging maunlad ito bilang isang sentro ng debosyon kay Cybele. Ang pagsamba sa kaniya roon ay pinasidhi ng dalawang likas na kababalaghan, ang mga bukal ng mineral at ang Plutonium, o Charonion, isang malalim at makitid na guwang na naglalabas ng nakamamatay na usok.