JABOK, AGUSANG LIBIS NG
Isa sa mga pangunahing agusang libis, o wadi, sa S ng Jordan. Una itong binanggit sa Kasulatan may kaugnayan sa pagtawid ni Jacob sa “tawiran ng Jabok” kasama ang kaniyang sambahayan. Gayundin, malapit sa tawirang ito ay nakipagbuno si Jacob sa isang anghel.—Gen 32:22-30.
Bagaman ang pinagmumulan ng tubig ng Jabok ay matatagpuan malapit sa ʽAmman (na sinaunang Raba), maraming ilog at agusang-taglamig ang umaagos sa wadi na ito bago ito bumuhos sa Jordan 39 na km (24 na mi) sa H ng Dagat na Patay. Mga 40 km (25 mi) lamang ang distansiya ng pinagmumulan ng tubig ng agusang libis at ng dulo nito, ngunit ang hating-bilog na landas ng Jabok ay mga 100 km (62 mi). Ang makabagong Arabeng pangalan nito, na Wadi Zarqa, ay literal na nangangahulugang “Agusang Libis na Asul.” Marahil ang pangalang ito’y hinalaw sa abuhing-asul na kulay ng Jabok kapag tinatanaw mula sa malayo. Maraming maliliit na isda sa mababaw na katubigan nito.
Mga palumpong ng adelpa at maraming uri ng maliliit na punungkahoy ang nakahanay sa malalim at matabang libis kung saan umaagos ang Jabok. Ang libis na ito, na may matatarik na gilid, ay nagsilbing likas na hangganan. (Deu 3:16) Ang unang seksiyon ng agusang libis, na umaagos mula sa T patungong H, ay nagsilbing hanggahan ng mga Ammonita at mga Amorita. (Bil 21:24) Hinahati naman ng seksiyong bumabagtas mula sa K patungong S ang Gilead at nagsilbi itong hangganan ng mga kaharian ng mga haring Amorita na sina Sihon at Og. (Deu 2:37; Jos 12:2; Huk 11:13, 22) Sa ngayon, ang libis na ito’y isa sa pinakamaiinam na ruta sa pagtawid sa Jordan mula sa tinatawag na Gilead noong sinaunang panahon.