JERICO
[posible, Lunsod ng Buwan].
Ang unang Canaanitang lunsod na nilupig ng mga Israelita sa K ng Jordan. (Bil 22:1; Jos 6:1, 24, 25) Ipinapalagay na ito ay ang Tell es-Sultan (Tel Yeriho) na mga 22 km (14 na mi) sa SHS ng Jerusalem. Ang kalapit nito na Tulul Abu el-ʽAlayiq ay itinuturing naman na lugar ng unang-siglong Jerico. Palibhasa’y mababa nang mga 250 m (820 piye) mula sa kapantayan ng dagat sa Libis ng Jordan, subtropikal ang klima ng Jerico. Sa ngayon, kahel, saging, at igos ang itinatanim sa lugar na ito at, gaya noong sinaunang panahon, marami pa ring palma rito.
Hinukay na mga pader ng sinaunang Jerico
Unang Bunga ng Pananakop ng Israel. Sa pagtatapos ng 40 taon ng pagpapagala-gala ng mga Israelita sa ilang, dumating sila sa Kapatagan ng Moab. Doon, sa tapat ng Jerico, si Moises ay umakyat sa Bundok Nebo at tinanaw niya ang Lupang Pangako, pati na ang Jerico, na “lunsod ng mga puno ng palma,” at ang kapatagan nito.—Bil 36:13; Deu 32:49; 34:1-3.
Pagkamatay ni Moises, nagsugo si Josue ng dalawang tiktik sa Jerico. Palibhasa’y ikinubli sila ni Rahab, sila’y hindi natagpuan. Pagkatapos ay tumakas sila mula sa lunsod sa pamamagitan ng isang lubid na inilawit sa bintana ng bahay ni Rahab na nasa ibabaw ng pader ng Jerico. Tatlong araw na nagtago ang dalawang lalaki sa kalapit na bulubunduking pook. Pagkatapos nito ay tumawid sila sa Jordan at bumalik sa kampo ng mga Israelita.—Jos 2:1-23.
Tiyak na lubhang natakot ang hari ng Jerico at ang mga naninirahan sa lunsod nang mabalitaan o masaksihan nila ang makahimalang pagtigil ng malaking agos ng Jordan, anupat nakatawid ang mga Israelita sa tuyong lupa. Pagkatapos, sa Gilgal, bagaman ang mga lalaking Israelita ay tinuli at kinailangang magpagaling bago nila maipagtanggol ang kanilang sarili, walang sinuman ang nangahas na sumalakay sa kanila. Palibhasa’y walang nanliligalig sa kanila, ipinagdiwang din ng mga Israelita ang Paskuwa sa disyertong kapatagan ng Jerico.—Jos 5:1-10.
Nang maglaon, malapit sa Jerico, isang anghelikong prinsipe ang nagpakita kay Josue. Binalangkas niya ang pamamaraang dapat gawin upang makuha ang lunsod, na noo’y mahigpit na nakasara dahil sa mga Israelita. Bilang pagsunod, ang hukbong militar ng Israel, kasunod ang pitong saserdote na patuluyang humihihip sa mga tambuli, pagkatapos ay ang mga saserdoteng bumubuhat sa Kaban, at ang bantay sa likuran ay humayo sa palibot ng Jerico, isang beses sa isang araw, sa loob ng anim na araw. Ngunit noong ikapitong araw ay pitong ulit silang humayo sa palibot ng lunsod. Nang hipan ang mga tambuli noong huling paghayo nila sa palibot ng Jerico, ang bayan ay sumigaw ng isang malakas na hiyaw ng digmaan, at ang mga pader ng lunsod ay nagsimulang bumagsak nang latág.—Jos 5:13–6:20.
Nang magkagayon ay dumaluhong sa Jerico ang mga Israelita, at itinalaga nila sa pagkapuksa ang mga naninirahan doon at ang lahat ng mga alagang hayop. Ngunit dahil sa kabaitang ipinakita ni Rahab nang itago niya ang mga tiktik, siya at ang kaniyang mga kamag-anak, na di-napinsala sa loob ng kaniyang bahay sa ibabaw ng bahagi ng pader na hindi bumagsak, ay iningatang buháy. Sinunog ng mga Israelita ang buong lunsod, ngunit ang ginto at pilak ay ibinigay nila sa santuwaryo ni Jehova. (Jos 6:20-25) Gayunman, isang Israelita, si Acan, ang nagnakaw ng isang barang ginto, ilang pilak, at isang mainam na kasuutan at pagkatapos ay itinago niya ang mga iyon sa ilalim ng kaniyang tolda. Sa gayo’y nagpasapit siya ng kamatayan sa kaniyang sarili at sa kaniyang buong pamilya.—Jos 7:20-26.
Mga Pagtukoy sa Jerico Nang Dakong Huli. Nang maglaon, ang winasak na lunsod ng Jerico ay naging bahagi ng teritoryo ng mga Benjamita na kahangga ng Efraim at Manases. (Jos 16:1, 7; 18:12, 21) Di-nagtagal pagkatapos nito, lumilitaw na nagkaroon ng pamayanan sa lugar na ito. Binihag ito ni Haring Eglon ng Moab at nanatili ito sa ilalim ng kaniyang kontrol sa loob ng 18 taon. (Huk 3:12-30) Noong panahon ni Haring David, mayroon pa ring pamayanan sa Jerico. (2Sa 10:5; 1Cr 19:5) Ngunit noon lamang panahon ng paghahari ni Ahab aktuwal na itinayong muli ni Hiel na taga-Bethel ang Jerico. Noon natupad ang makahulang sumpa na binigkas ni Josue mahigit na 500 taon na ang nakararaan. Namatay ang panganay ni Hiel na si Abiram nang ilatag niya ang pundasyon ng Jerico at namatay ang kaniyang bunsong anak na si Segub nang ilagay niya ang mga pinto.—Jos 6:26; 1Ha 16:34.
Noong mga panahon ding iyon, ang ilan sa ‘mga anak ng mga propeta’ ay naninirahan sa Jerico. (2Ha 2:4, 5) Pagkatapos kunin ni Jehova ang propetang si Elias sa pamamagitan ng isang buhawi, nanatili si Eliseo nang ilang panahon sa Jerico at pinagaling niya ang suplay ng tubig ng lunsod. (2Ha 2:11-15, 19-22) Sinasabing ang tubig ng ʽAin es-Sultan (na ayon sa tradisyon, ang bukal na pinagaling ni Eliseo) ay matamis at masarap at tinutubigan nito ang mga hardin ng makabagong Jerico.
Noong panahon ng balakyot na si Haring Ahaz ng Juda, pinahintulutan ni Jehova ang mga hukbong Israelita, sa ilalim ng pamumuno ni Haring Peka, na magdulot ng kahiya-hiyang pagkatalo sa di-tapat na Juda. Pumatay sila ng 120,000 at kumuha ng 200,000 bihag. Ngunit sinalubong ng propeta ni Jehova na si Oded ang mga nagtagumpay noong papauwi na sila. Binabalaan niya sila na huwag nilang alipinin ang mga bihag. Sa gayon, pagkatapos na maramtan at mapakain, ang mga bihag ay dinala sa Jerico at pinalaya.—2Cr 28:6-15.
Nang bumagsak ang Jerusalem noong 607 B.C.E., si Haring Zedekias ay tumakas patungo sa Jerico. Ngunit naabutan at nabihag siya ng mga Babilonyo sa mga disyertong kapatagan ng Jerico. (2Ha 25:5; Jer 39:5; 52:8) Pagkatapos palayain ang Israel mula sa pagkatapon sa Babilonya, kabilang sa mga bumalik kasama ni Zerubabel noong 537 B.C.E ang 345 “mga anak ng Jerico.” Lumilitaw na nanirahan ang mga ito sa Jerico. (Ezr 2:1, 2, 34; Ne 7:36) Nang maglaon, ang ilan sa mga lalaki ng Jerico ay tumulong sa muling pagtatayo ng pader ng Jerusalem.—Ne 3:2.
Noong 33 C.E., naging bahagi ng ministeryo ni Jesus ang Jerico nang papunta siya sa Jerusalem para sa Paskuwa. Malapit sa lunsod na ito ay pinagaling ni Jesu-Kristo ang paningin ng bulag na si Bartimeo at ang kasama nito. (Mar 10:46; Mat 20:29; Luc 18:35; tingnan ang BARTIMEO.) Sa Jerico ay nakilala rin ni Jesus si Zaqueo. Nang maglaon, siya’y naging panauhin sa tahanan nito. (Luc 19:1-7) Mas maaga rito, sa Judea, nang inilalahad ni Jesus ang kaniyang ilustrasyon hinggil sa madamaying Samaritano, tinukoy niya ang daan mula sa Jerusalem patungong Jerico. (Luc 10:30) Ayon sa patotoo ng sinaunang kasaysayan, naglipana ang mga magnanakaw sa daang ito.
May natagpuan bang katibayan ang mga arkeologo hinggil sa pagkawasak ng Jerico noong mga araw ni Josue?
Natuklasan ni Propesor John Garstang, lider ng isang ekspedisyong Ingles sa Tell es-Sultan noong 1929 hanggang 1936, na ang itinuturing niyang isa sa mga lunsod na itinayo sa lugar na iyon ay natupok ng apoy at ang mga pader nito ay bumagsak. Ipinapalagay niyang ang lunsod na ito ang Jerico ng panahon ni Josue at sinasabi niyang nawasak ito noong mga 1400 B.C.E. Bagaman itinataguyod pa rin sa ngayon ng ibang iskolar ang mga konklusyon ni Garstang, may ilan naman na iba ang interpretasyon sa katibayang ito. Ganito ang isinulat ng arkeologong si G. Ernest Wright: “Ang dalawang pader na nakapalibot sa pinakataluktok ng matandang lunsod, na pinaniniwalaan ni Garstang . . . na winasak ng lindol at sunog noong panahon ni Josue, ay natuklasang mula lamang noong ikatlong milenyo at dalawa lamang ito sa labing-apat na iba’t ibang pader o mga bahagi ng pader na sunud-sunod na itinayo noong panahong iyon.” (Biblical Archaeology, 1962, p. 79, 80) Inaakala ng marami na kakaunti na lamang, kung mayroon man, ang nalalabi sa Jerico na umiral noong panahon ni Josue, anupat ang anumang maaaring natira mula noong mawasak ito ay inalis ng mas naunang mga paghuhukay sa lugar na ito. Gaya ng komento ni Propesor Jack Finegan: “Kaya naman, ngayon ay halos wala nang katibayan sa lugar na iyon na magagamit upang matiyak kung anong petsa maaaring kinuha ni Josue ang Jerico.”—Light From the Ancient Past, 1959, p. 159.
Dahil dito, pinepetsahan ng maraming iskolar ang pagbagsak ng Jerico batay sa sirkumstansiyal na katibayan, at ang mga petsang iminumungkahi nila ay sumasaklaw nang mga 200 taon. Dahil sa ganitong kawalang-katiyakan, angkop ang sinabi ni Propesor Merrill F. Unger: “Dapat ding magpakaingat ang mga iskolar sa sobrang pagtitiwala sa mga pagtaya ng mga arkeologo sa mga petsa at sa kanilang interpretasyon ng datos. Ang pagtatakda ng mga petsa at ang mga konklusyon batay sa mga tuklas ng arkeolohiya ay kalimitan nang nakasalig sa personal na damdamin o opinyon at pinatutunayan ito ng magkakaibang sinasabi ng mga eksperto may kaugnayan sa mga bagay na ito.”—Archaeology and the Old Testament, 1964, p. 164.
Samakatuwid, hindi tayo dapat mabahala kung hindi man magkatulad ang mga interpretasyon ng mga arkeologo at ang kronolohiya ng Bibliya sa pagsasabing 1473 B.C.E. nawasak ang Jerico. Ipinakikita ng magkaibang pananaw ni Garstang at ng ibang mga arkeologo tungkol sa Jerico na kailangan nating maging maingat sa pagtanggap sa arkeolohikal na patotoo kahit pa waring pinatutunayan o sinasalungat niyaon ang rekord ng Bibliya at ang kronolohiya nito.