LADANO
Isang malambot na sahing na maitim o matingkad na kayumanggi na lumalabas mula sa mga dahon at mga sanga ng ilang uri ng Cistus, o rockrose. Ang sahing ay mapait ngunit mabango. Ginagamit ito sa mga pabango at, noon ay ginamit din nang malawakan sa medisina. May kinalaman sa substansiyang ito, ang sinaunang Griegong istoryador na si Herodotus (III, 112) ay sumulat: “Tinitipon ito mula sa mga balbas ng mga kambing na lalaki, kung saan ito makikitang nakadikit na gaya ng sahing, pagkagaling ng mga iyon sa mga palumpong na kanilang pinanginginainan. Ginagamit ito sa maraming uri ng ungguento, at ito ang pangunahing sinusunog ng mga Arabe bilang insenso.”—Salin ni G. Rawlinson.
Ang salitang Hebreo na nekhoʼthʹ ay tumutukoy sa bagay na ito na dala ng isang pulutong ng mga Ismaelita na sa kanila ipinagbili si Jose at isa ito sa maiinam na produkto na ipinadala ni Jacob sa kaniyang mga anak bilang kaloob sa isa na namamahala sa Ehipto. (Gen 37:25; 43:11) Ang nekhoʼthʹ ay isinasalin sa iba’t ibang paraan bilang “mga espesya” (KJ), “sahing” (AT, RS), “tragacanth” (Da), “resina” (Mo), at, gaya ng katuturang ibinigay nina Koehler at Baumgartner, “ladano” (NW).—Lexicon in Veteris Testamenti Libros, Leiden, 1958, p. 615.