FILEMON, LIHAM KAY
Isang liham na isinulat ng apostol na si Pablo sa pamamagitan ng kaniyang sariling kamay at pangunahin nang patungkol kay Filemon. (Flm 1, 2, 19) Posibleng isinulat ito ilang panahon pagkaraang magsimula ang unang pagkakabilanggo ni Pablo sa Roma (malamang na mga 60-61 C.E.), sapagkat umaasa ang apostol na “mapalalaya” siya.—Tal 22; tingnan ang FILEMON; ONESIMO.
Ang layunin ng apostol sa pagsulat ng liham na ito ay upang himukin si Filemon na tanggapin nang may-kabaitan ang takas na alipin nito na si Onesimo. Sa halip na gamitin ang kaniyang apostolikong awtoridad upang utusan siyang gawin iyon, namanhik si Pablo salig sa pag-ibig at personal na pagkakaibigan. (Flm 8, 9, 17) Yamang kilala niya si Filemon bilang isang taong may pananampalataya at pag-ibig, nagtitiwala si Pablo na tatanggapin ni Filemon ang alipin nito na noong una ay walang silbi, ngunit ngayo’y isa nang Kristiyano, gaya ng gagawin nito sa apostol mismo. (Tal 10, 11, 21) Lalo na itong kapansin-pansin, yamang si Filemon ay may legal na karapatang patawan ng matinding kaparusahan si Onesimo.
Bukod sa paglalaan ng isang aktuwal na halimbawa na naglalarawan sa kagandahan ng Kristiyanong kabaitan, pagpapatawad, at awa, ang liham ay may sinasabi sa atin tungkol sa unang mga Kristiyano. Nagtitipon sila sa mga pribadong tahanan, tinatawag nilang “kapatid” ang isa’t isa (Flm 1, 2, 20), ipinananalangin nila ang isa’t isa (tal 4, 22), at napatitibay-loob sila ng pananampalataya at pag-ibig na ipinakikita ng mga kapananampalataya (tal 4-7).
[Kahon sa pahina 773]
MGA TAMPOK NA BAHAGI NG FILEMON
Isang liham na humihimok na pagpakitaan ng pag-ibig at awa ang isang takas na alipin na naging Kristiyano
Isinulat noong mga 60-61 C.E. samantalang si Pablo ay nakabilanggo sa Roma
Komendasyon kay Filemon dahil sa kaniyang pag-ibig at pananampalataya (tal 1-7)
Tinukoy ni Pablo si Filemon bilang isang minamahal at kamanggagawa
Ang mga ulat tungkol sa pag-ibig at pananampalataya ni Filemon ay nag-udyok kay Pablo na pasalamatan ang Diyos at nagdulot ng malaking kagalakan at kaaliwan sa apostol
Pinabalik ni Pablo si Onesimo bilang “higit pa sa isang alipin” (tal 8-25)
Ang nakabilanggong si Pablo ay namanhik salig sa pag-ibig alang-alang sa takas na aliping si Onesimo, na naging Kristiyano nang makasama nito si Pablo
Yamang kapaki-pakinabang si Onesimo sa paglilingkod sa kaniya, nais sana ni Pablo na pigilan ito; gayunma’y pinababalik ito ng apostol, sapagkat hindi niya ibig na gumawa ng anuman kung walang pagsang-ayon ni Filemon
Hinimok ni Pablo si Filemon na tanggapin si Onesimo bilang kapatid, na para bang si Onesimo mismo ang apostol, at ipinahayag ni Pablo ang kaniyang pagtitiwala na gagawin ni Filemon ang higit pa kaysa sa hinihiling sa kaniya