May Pagkilos ang Pag-ibig Kapatid
Mga Tampok Mula sa Filemon
SA KANIYANG mga tagasunod ay ibinigay ni Jesu-Kristo na “bagong utos” ang sila’y mag-ibigan sa isa’t isa gaya ng pag-ibig niya sa kanila. (Juan 13:34, 35) Dahilan sa pag-ibig na iyan, sila’y kailangan pang mamatay alang-alang sa isa’t isa. Oo, ang pag-ibig kapatid ay ganiyang katindi at kasigla sa pagkilos.
Natiyak ni apostol Pablo na ang pag-ibig kapatid ang mag-uudyok kay Filemon, isang Kristiyanong kaugnay ng kongregasyon sa Colosas, isang siyudad sa Asia Minor. Ang pag-ibig ang nakapag-udyok na kay Filemon na buksan ang kaniyang bahay para gamitin bilang isang dakong pulungan ng mga Kristiyano. Ang alipin ni Filemon na si Onesimo ay lumayas, marahil ay nagnakaw pa ng salapi upang magasta sa isang biyahe sa Roma, na kung saan nang bandang huli ay nakilala niya si Pablo at siya’y naging Kristiyano.
Samantalang nakabilanggo sa Roma humigit-kumulang 60-61 C.E., si Pablo ay sumulat ng isang liham para kay Filemon. Ito’y nakikiusap kay Filemon na tanggapin ang bumabalik na si Onesimo sa espiritu ng pag-iibigang pangkapatiran. Basahin mo ang liham na ito, at makikita mo na ito ay isang mainam na halimbawa ng pagmamahal at taktika—na maaaring tularan ng mga lingkod ni Jehova.
Papuri sa Pag-ibig at Pananampalataya
Sa kaniyang pinahatdan ng liham na si Filemon at sa iba pa, si Pablo ay nagbigay muna ng mga papuri. (Talatang 1-7) Laging nababalitaan ng apostol ang tungkol sa pag-ibig ni Filemon kay Kristo at sa lahat ng mga banal at ang tungkol sa kaniyang pananampalataya. Ito ang nag-udyok kay Pablo na pasalamatan si Jehova at ito’y nagdala sa kaniya ng malaking kagalakan at kaaliwan. Atin bang personal na pinapupurihan ang mga kapananampalataya na uliran sa pag-ibig at pananampalataya? Dapat naman.
Ang pagpapayo salig sa pag-ibig ay sa tuwina kanais-nais sa pakikitungo sa mga kapuwa Kristiyano, gaya ng ipinakikita ng mga salita ni Pablo. (Talatang 8-14) Pagkatapos ng kaniyang mataktikang pamamaraan, sinabi ni Pablo na bagaman kaniyang mauutusan si Filemon na “gawin ang nararapat,” minagaling niya na sa halip ay payuhan siya. Na gawin ang ano? Aba, na tanggapin muli ang alipin na si Onesimo sa paraang may kabaitan! Nais sana ni Pablo na mapabalik si Onesimo sa kaniyang dating paglilingkod na kapaki-pakinabang ngunit hindi niya gagawin ito na hindi pumapayag si Filemon.
Waring di-kaaya-ayang mga pangyayari ang kalimitan nagiging kapaki-pakinabang naman, gaya ng sumunod na binanggit ni Pablo. (Talatang 15-21) Sa totoo, kabutihan ang ibinunga nang lumayas si Onesimo. Bakit? Sapagkat ngayon siya’y matatanggap na ni Filemon bilang isang nagkusa, tapat na kapatid na Kristiyano, hindi bilang isang di-nagkusa, marahil isang alipin na di-mapagtapat. Hiniling ni Pablo kay Filemon na tanggapin muli si Onesimo na katulad ng pagtanggap niya kay Pablo. Kung sakaling si Onesimo ay nakagawa ng mali kay Filemon, ang apostol na ang magbabayad niyaon. Upang si Filemon ay maging lalong handang sumunod, ipinaalaala ni Pablo sa kaniya na siya mismo ay may utang sa apostol sa pagiging isang Kristiyano. Samakatuwid, natitiyak ni Pablo na gagawin ni Filemon ang higit pa kaysa hinihiling sa kaniya. Isa ngang mataktika, mapagmahal na pakikiusap! Tunay, sa ganitong paraan dapat nating pakitunguhan ang ating mga kapuwa Kristiyano.
Tinapos ni Pablo ang kaniyang liham na taglay ang isang pag-asa, mga pagbati, at mabubuting hangarin. (Talatang 22-25) Kaniyang inaasahan na sa pamamagitan ng mga panalangin ng iba para sa kaniya, hindi na magtatagal at siya’y palalayain sa bilangguan. (Gaya ng ipinakikita ng ikalawang liham ni Pablo kay Timoteo, ang mga panalanging iyon ay sinagot.) Sa katapusan ng kaniyang liham, si Pablo ay nagpadala ng mga pagbati at ipinahayag niya ang kaniyang hangarin na ang di-sana nararapat na awa ni Jesu-Kristo ay suma-espiritu na ipinakita ni Filemon at ng kaniyang mga kapuwa mananamba kay Jehova.
[Kahon/Larawan sa pahina 23]
Higit Pa Kaysa Isang Alipin: Tungkol sa pagbabalik ng lumayas na alipin ni Filemon na si Onesimo, sinabi ni Pablo: “Marahil . . . siya’y napahiwalay sa iyo sa sandaling panahon, upang siya’y mapasaiyo magpakailanman, hindi na isang alipin kundi higit pa sa alipin, isang kapatid na minamahal, lalung-lalo na sa akin, ngunit gaano pa kaya sa iyo na siya’y minamahal mo maging sa laman at gayundin sa Panginoon.” (Filemon 15, 16) Sa Imperyo Romano, ang pang-aalipin ay sapilitang ipinatupad ng gobyerno ng imperyo, at kinilala ni Pablo ang gayong “nakatataas na mga autoridad.” (Roma 13:1-7) Siya’y hindi nagtaguyod ng isang paghihimagsik ng alipin kundi tinulungan niya ang gayong mga tao na magtamo ng espirituwal na kalayaan bilang mga Kristiyano. Kasuwato ng kaniyang sariling payo para sa mga alipin na pasakop sa kani-kanilang mga panginoon, si Onesimo ay pinabalik ni Pablo kay Filemon. (Colosas 3:22-24; Tito 2:9, 10) Ngayon si Onesimo ay higit pa kaysa sa isang makasanlibutang alipin. Siya ay isang minamahal na kapananampalataya na may pasubaling magpapasakop kay Filemon bilang isang lalong mabuting alipin na nasasaklaw ng mga simulaing maka-Diyos at nagpapakita ng pag-ibig kapatid.